+ Add to Library
+ Add to Library

C2 Chapter 2

5 years later,

Maaga palang ay nagkukumahog na si Anastasia upang maaga siyang makarating sa bagsakan. Ganito ang buhay niya tuwing Martes at Biyernes. Para siyang trompo na umiikot, laging nagmamadali para makauna sa magagandang klase ng gulay at prutas na bibilhin. Sa araw nagtatrabaho siya sa talipapa ng kanyang kaibigan. Nangungupahan siya sa bahay nito. Ang bukod tanging tao na nag-alok nang tulong sa kanya noong siya ay nasa lansangan.

Nasa harapan lamang ito ng kanilang bahay, na siya ring inuupahan ni Anastasia. Sa gabi naman ay waiter siya sa isang sikat na club sa Manila, ang Infinite Club. Hindi na niya nagawang iwanan ang trabaho sa club dahil nakasanayan na niya ito, sayang din ang kita. Nais niyang mag-ipon para makapundar nang sariling bahay.

Malaki ang naitulong sa kaniya ni Joyce ang kanyang kaibigan. Dati pinipilit siya nitong huwag nang upahan ang kwartong tinitirhan niya. Ngunit dahil sa pride ni Anastasia, nagpupumilit siyang mag-abot kahit konti. Kahit man lang makabawas-bawas sa pambayad nito ng kuryente.

Habang abala siya sa pag-aayos ng paninda, may biglang dumating sa kanyang likuran.

" Woops, teka teka matutumba ako. Anak naman ehh nakakagulat ka!" napangiti siya ng makita ang gwapong mukha ng kanyang anak. Nagulat siya dahil bigla itong yumakap sa binti niya.

" Mama, I'm hungry!" paglalambing nito sa kanya habang hinahaplos ang maliit na tiyan.

" Wehhh, paano ka naman magugutom gayong marami ang nilagay ko na snacks mo." sagot niya rito. Nag-aaral ito sa kindergarten na malapit sa kanila. Alam niya ang ibig nitong sabihin. Nais lang nito na lutuan niya nang paborito nitong chicken nuggets.

" Okay po mamaya nalang ako kakain. Tutulungan ko nalang po kayo d'yan sa ginagawa n'yo mama." saad nito. Natawa na lamang siya sa anak, saka umupo at niyakap ito ng mahigpit.

" I love you son!"

Nagbunga ang isang gabi na tinuring niyang malagim na trahedya sa buhay niya. Ngunit nang masilayan ang inosenteng mukha ng kanyang anak, ay parang isang bula na biglang naglaho ang sakit na pilit niyang kalimutan.

Marami ang nagsasabing hindi sa kanya nagmana ang kanyang anak. Kaya minsan naiisip niya gano'n ba ka gwapo ang lalaking iyon? Ilang taon na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa kanyang isipan ang nangyari nang gabing iyon.

Wala sa sarili na lumabas si Anastasia sa VIP room. Tumutulo ang kanyang mga luha habang binabagtas niya ang mahabang pasilyo ng hotel. Nangangatog ang kanyang mga tuhod habang pumapara ng taxi. Habang nasa daan walang tigil ang pagdaloy nang kanyang mga luha. Nag-alala siya baka malaman ito nang kanyang inaakalang mga magulang. Pagbaba niya ng taxi, minabuti niya munang ayusin ang kanyang sarili saka naglakas nang loob na pumasok sa bahay. Hindi gaanong kalakihan ang bahay ng mga Sevilla. Bungalow style ito, salamin ang mga bintana. May puwesto sa palengke ang kanilang ina na si Meredith Sevilla, at guro naman ang kanilang ama na si Carlos.

Dahan-dahan siyang humakbang papasok ng kusina. Pinili niyang doon dumaan dahil diretso na ito sa kwarto niya.

" Saan ka nanggaling Anastasia? Bakit ka inumaga nang uwi?" nagulat siya sa biglang pagsulpot ng kanyang ina sa likuran.

" Magandang umaga po 'Ma!" bati niya rito.

" Saan ka nanggaling kagabi?" tanong nito sa kanya.

" Sa-sa bahay po ng kaibigan ko, ma-may party po kasi sa kanila!" kinakabahan niyang sagot.

" Sinungaling!" sabay sampal sa kanya nang malakas. Napahawak siya sa kanyang pisngi dahil sa sakit.

" Nagawa mo pang magsinungaling kay Mama, Anastasia? Wala kang utang na loob sa kanila! " biglang dumating si Marga. Napatingin siya rito habang nagpupuyos sa galit ang kanyang kalooban.

" Ikaw ang may kasalanan Marga!" sigaw niya rito.

" Ohh bakit ako? Ikaw 'tong hindi umuwi kagabi, tapos ngayon ibaling mo sa akin ang kasalanan mo?" nakataas ang isang kilay nito at sarkastikong ngumiti.

" Walang hiya ka, sabihin mo kay Mama ang lahat ng ginawa mo sa akin! " umiiyak na bulyaw ni Anastasia.

Hindi niya napansin ang kanyang leeg na may mga markang pula. Napatingin doon ang kanyang ina.

" Ito ba ang sinasabi mong natulog sa bahay ng kaibigan mo Anastasia? Hindi ka na nahiya! Pinangangalandakan mo pa yang mga marka nang kalandian mo? Manang-mana ka talaga sa ina mo!" pinaghahablot nang kanyang ina ang mga damit niyang suot. Nagulat siya sa sinabi nito tungkol sa tunay niyang ina. Sa edad niyang biente uno, kamakailan niya lang nalaman ang tungkol sa pagiging ampon niya.

" Tama na po Mama maawa ka, sorry po wala po akong kasalanan." umiiyak na nagmakaawa siya sa ina. Hinawakan nito ang kanyang buhok at hinila papasok sa kanyang kwarto.

" Wala kang kasalanan? Magmalinis ka pa, kitang-kita na sa katawan mo ang kalandian mo Anastasia, katulad ka rin ng ina mo!" tinulak siya nito kaya napasubsob siya sa gilid ng kama.

" I'm sorry po! Hindi ko na po uulitin Mama please!" nagsusumamong saad niya. Kahit iba ang trato ng mga ito sa kanya ngunit minahal niya ang mga ito.

" Hindi na talaga mauulit Anastasia dahil palalayasin na kita rito. Sapat na ang dalawang dekada na pag-aaruga ko sayo. Tutal ilang taon na ring wala silang binigay na bayad sa pag-aalaga ko sayo." pahayag nito na ikinabigla niya.

Kahit anong pagmamakaawa niya sa kinagisnang ina, ay tuluyan na talaga siyang pinalayas nito. Wala siyang magawa dahil hindi naman niya ka ano-anu ang mga ito. Bitbit ang kanyang bag na naglalaman ng kaunting damit, naglalakad siya sa kalsada na nakalutang ang isipan.

Saan siya pupunta? Wala siyang alam na mapupuntahang kamag-anak. Ang kanyang mga kaibigan ay malalayo rin ang tirahan. Napaupo siya sa malaking kahon ng bulaklak sa tabi ng kalsada. Napalingon siya sa paligid, nasa harap pala siya nang napakagarang building. Halos salamin ang pader nito mula sa taas hanggang baba. Lumaki ang kanyang mga mata nang mabasa ang VM Corp. Ito ang may-ari nang pinakasikat na Entertainment Company sa buong Pilipinas. Saglit niyang nakalimutan ang kalagayan niya, dahil sa excitement na nadama. Marami kasi siyang paboritong artista na nagtatrabaho rito.

Nagugutom na siya ng mga oras na yun dahil lampas alas diyes na nang umaga. Napatingin siya sa kanyang cellphone, five percent nalang ma lowbat na rin ito.

" Lord, ano ba ang nagawa ko bakit nangyari sa akin 'to!" umiiyak na bulong niya. Nagulat siya nang may nag-abot sa kanya ng panyo. Napatingala siya, isang magandang babae na nakasuot nang formal na damit, sa palagay niya galing ito sa opisina.

" Salamat po ma'am! " aniya sa babae.

" Walang anuman. Ano ba ang nangyari sayo Miss, bakit ka umiiyak?" tanong nito at napasulyap sa bag na nasa kanyang harapan.

" Pinalayas kasi ako nang aking mga magulang ma'am. Hindi ko po alam kung saan ako pupunta. " napaiyak siya habang nagsusumbong sa hindi niya kilalang babae.

" Sshh, huwag ka nang umiyak. Gusto mo bang sa bahay ka muna pansamantala? Kami lang naman doon ng anak ko." Nakangiting alok nito sa kanya.

" Po? " nabigla siya sa sinabi nito.

" Let's go!" hinawakan nito ang kamay niya saka hinila siya papunta sa sakayan ng jeep.

" Mama..! "

" Haaah... " napakurap si Anastasia dahil sa paghila ni Ashton sa kamay niya. Bumalik siya sa katinuan mula sa pagbabalik tanaw sa kanyang nakaraan. Nakalimutan niya pala ang anak. " I'm sorry baby, nawala sa isip ni Mama na magluto. Ay teka anong oras na ba! " napatingin siya sa relo. " Ohh my god, mag-ala una na!" dali-dali siyang nagtungo sa kusina upang magluto.

" Mama, ano ba kasi ang iniisip mo? Kanina ka pa lutang. Nagtatanong ang costumer kanina hindi mo pinapansin, kaya ako nalang ang nag-asikaso sa kanya." Naka-ekis ang braso nito sa dibdib habang nagsesermon sa kanya.

" Wala 'nak may naalala lang si Mama. " maikling sagot niya. Hindi siya nagpahalatang malungkot siya, dahil alam niya kung gaano ka sensitibo ang kanyang anak.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height