I Love You, Bitch/C9 HELPING HAND
+ Add to Library
I Love You, Bitch/C9 HELPING HAND
+ Add to Library

C9 HELPING HAND

Nagngangalit ang panahon ng mga oras na iyon. Malakas ang kulog at matalim ang kidlat. Malakas rin ang buhos ng ulan. Madilim ang buong paligid dahil hating gabi na. Wala ng mga tao sa kalye kung saan siya tumatakbo at basang-basa ng ulan. Nanlalabo na ang kanyang paningin sa pinaghalong luha at tubig-ulan.

Bakas ang kanyang dibdib at katawan sa manipis na sedang kanyang suot. Nanginginig na ang buo niyang katawan dahil sa pinaghalong lamig at matinding kaba ngunit hindi siya puwedeng tumigil upang sumilong man lang. Kahit hindi alam ng mga paa niya kung saang direksiyon pupunta ay patuloy lang siya sa pagtakbo. Kailangan niyang tumakbo nang tumakbo upang makalayo sa mga taong humahabol sa kanya.

Panay ang lingon niya sa likuran. Umaasa siyang nakalayo na siya sa mga ito. Napapitlag siya sa gulat nang biglang tumama ang kidlat at malakas na kulog. Nagtakip siya ng tenga habang nakayukong tumatakbo. Ang akala kasi niya ay putok iyon ng baril.

Tumakbo siya sa loob ng palengke at doon naghanap ng masisilungan. Nagsumiksik siya sa ilalim ng sementadong lamesa. Pinagtitindahan iyon ng isda o dili kaya ay baboy dahil amoy pa niya ang lansa niyon. Tiniis niya ang mabahong amoy at doon nahiga at niyakap ang sarili.

Kahit nanginginig sa lamig ay takot ay ipinikit niya ang kanyang mga mata at pilit kinalma ang kanyang kalooban. Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog siyang may luha sa mga mata.

“Bili na kayo ng isda! Mga suki! Bili na kayo!” malakas na sigaw at matinding ingay sa paligid ang gumising sa kanya.

Idinilat niya ang kanyang mga mata pero hindi niya magawang makabangon. Nasapo niya ang kanyang ulo at bandang likuran dahil sa sobrang sakit niyon. Nakakaramdam din siya nang matinding pagkahilo. Umiikot ang kanyang paningin.

Sinubukan pa rin niyang bumangon upang makalabas sa pinagtataguang lamesa kahit masama ang pakiramdam niya.

“Ay susmaryosep!” Nagulat pa ang tindera nang bigla siyang lumabas sa ilalim ng lamesa.

“Sino ka? Bakit nariyan ka?” mataray na sabi ng babae. Nakapamewang at nakataas ang kilay nito habang nakatingin sa kanya.

Hindi siya nakasagot sapagkat bigla na lamang siyang nawalan ng malay. Nagising siya na nakahiga sa isang mahabang upuan. Nasa loob pa rin siya ng palengke at mukha ng isang nakangiting lalaki ang bumungad sa kanya.

“Mabuti at gising ka na. Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong nito sa kanya.

Sinapo niya ang kanyang ulo. Sobrang sakit pa rin niyon. Hinawakan rin niya ang kanyang tiyan dahil nakaramdam siya ng matinding sakit niyon.

“Siguro ay gutom ka na. Kumain ka muna para makainom ka ng gamot,” sabi pa ng lalaki saka inabot sa kanya ang baunan ng pagkain na may lamang kanin at pritong isda. Tiningnan niya iyon bago tinanggap. “Sige, kainin mo na. Baon ko iyan pero ikaw na lang ang kumain. Mas kailangan mo iyan kaysa sa akin.”

“S-salamat,” aniya saka sinunggaban na ang pagkain. Wala siyang pakialam kahit nagmukha siyang patay-gutom. Gutom na gutom talaga siya dahil hindi na niya nagawa pang kumain man lang matapos masaksihan ang nangyari kagabi sa mansiyon na kanyang pinanggalingan. Mas nanaig ang takot sa kanya kaysa sa gutom at ang tanging nasa isip niya nang mga oras na iyon ay ang tumakbo palayo.

“Taga-saan ka ba?” tanong ng lalaki sa kanya. Hindi naman siya sumagot sa halip ay nagpatuloy lang sa pagkain. “Sige, kung ayaw mong sabihin kung saan ka nakatira baka puwede mong sabihin sa akin kahit ang pangalan mo?”

“Zoey,” tipid na tugon niya.

“Ako si Nathaneil, Neil for short.” Nag-abot pa ito ng kamay sa kanya. Alanganin naman niya itong tinanggap.

“Oh, mabuti at gising na iyan. Natanong mo na ba kung bakit siya naligaw sa puwesto natin?” sabi ng ginang na nasa singkuwenta na ang edad. May katabaan ito ng kaunti. Tipikal na tindera sa palengke ang ayos nito. Naka-duster at may suot na apron. May talsik ng dugo ng isda sa apron nito at malansa ang amoy nito. Mukha itong masungit dahil nakasimangot ito sa kanya na para bang gustong-gusto na siyang paalisin.

“Pangalan pa lang po ang nasasabi niya, Inay. Siya po si Zoey.”

“Wala akong pakialam sa pangalan niya! Ang mabuti pa, ihatid mo na siya sa kanila,” anito saka sila tinalikuran. Bigla naman siyang nahintakutan pagkasabi nito na ihahatid siya pabalik sa lugar na kinatatakutan niya. Hinabol niya ito at hinawakan sa laylayan ng damit nito. Nagulat naman ito sa ginawa niya.

“Parang awa ninyo na po, huwag ninyo po akong ibabalik sa lugar na iyon,” pagmamakaawa niya sa ginang.

“Naglayas ka ba sa inyo? Aba! Ineng, hindi ko kukunsintihin iyang paglalayas mo na iyan. Kailangan kang umuwi sa inyo.”

Sunod-sunod siyang umiling kasabay ang pag-iyak. “Ayoko po. Please! Hindi po ako puwedeng bumalik doon. Papatayin niya ako.”

“Ha? Anong papatayin? Sinong papatay sa’yo?” Nasindak ang babae sa kanyang sinabi.

“Basta po. Maniwala po kayo sa akin at tulungan ninyo po akong magtago sa kanya,” pagpupumilit niya. Desperada na siya na makalayo at hindi na bumalik sa impyernong kanyang pinanggalingan.

“Naku hija, ayokong madamay sa kung anong problema mayroon ka. Ang mabuti pa, umalis ka na lang,” sabi pa nito saka pilit inalis ang pagkakahawak niya sa laylayan ng damit nito.

“Pero inay, kawawa naman po siya,” sabi naman ni Nathaneil.

“Hindi mo ba narinig ang sinabi niya? May gustong pumatay sa babaeng iyan! Ayokong madamay,” sabi pa nito sa anak sabay baling sa kanya. “Umalis ka na lang! Alis na!”

Itinulak pa siya nito. Sumubsob siya sa malansa at maduming sahig. Nakatingin lang sa kanila ang mga tao. Nakaramdam siya ng awa sa sarili. Pinahid niya ang kanyang mga luha at aktong tatayo na nang may kamay na umalalay sa kanya. Nang tumunghay siya ay nakita niya ang isang babaeng naka-make up. Malaki ang hikaw na pabilog at nakasuot ng maiksing short at naka-tube lang na kulay red. Nakangiti ito sa kanya habang inaalalayan siyang makatayo.

“Ang harsh ninyo naman sa kanya, Manang Erlinda,” sita ng babae sa matandang tumulak sa kanya.

“Wala akong pakialam basta ang gusto ko lang, umalis na iyan dito at baka malasin ang paninda ko.” Binalik nito ang atensiyon sa pagbubugay ng langaw sa isdang paninda.

“Dati pa namang nalulugi ang malansang paninda ninyo dahil mukhang hindi na sariwa,” pang-aasar pa ng babae sa ginang na lalong ikinagalaiti nito.

“Aba’t!” Bago pa man ito nakasugod sa kanila ay napigilan na ito ni Nathaneil. Yapos-yapos nito ang inang nagwawala sa galit.

“Huwag na po ninyong patulan, Nay,” awat nito sa ina saka sila binalingan. “Sige na umalis na kayo.”

Inalalayan naman siya ng babaeng kasama niya na makalayo at makalabas ng palengke na iyon.

“Nakakaloka! War freak talaga ang matandang iyon,” maarteng saad nito sabay hawi sa buhok na bahagyang nagulo dahil sa mabilis nilang pagtakbo. Kahit siya kinabahan sa balak gawin sa kanila ng matanda kanina.

“Ako nga pala si Chelsea,” pagpapakilala nito sa kanya. Nag-abot pa ito ng kamay na atubili din bago niya tanggapin.

“Zoey,” tipid na pakilala niya. Nakipagkamay siya rito.

“Magandang pangalan. Saan ka nakatira?” tanong pa nito sa kanya.

Umiling siya bilang tugon. Hindi niya alam kung saang lugar na siya napadpad at kahit alam niya, wala rin naman siyang tirahan na sasabihin dito maliban sa bahay ng kanyang tiyahin na nagbenta sa kanya kay Cordelia. Hindi na siyang puwedeng bumalik at magpakita pa roon dahil tiyak na doon siya unang hahanapin ni Don Guillermo.

Sumimangot naman ang babae. “Anong klaseng tao ka? Wala kang tirahan?”

“Meron kaya lang hindi na ako puwedeng umuwi roon,” nakayukong tugon niya.

“Kung ganoon, saan kita ihahatid?”

Hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakayuko. Bumuntong hininga naman ang babae.

“Halika! Sumama ka na lang sa akin.” Hinila nito ang kanyang kamay at naglakad.

“Saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong niya pero sumunod na rin siya sa paglalakad.

“Isasama muna kita sa bahay ko. Mukhang kailangan mo pa ng pahinga e.”

“Salamat po,” aniya.

“Naku, huwag mo na akong po-poin. Magkaedad lang yata tayo.”

“Sorry,” nakayukong tugon niya.

“Naku! Wala iyon basta huwag mo na uulitin. Ayoko nang pinopo, nagmumukha akong matanda kahit single pa ako.”

“Sige.”

Nagpara na ito ng taxi at inihatid sila sa isang gate ng medyo may kalaking apartment. Binuksan nito ang gate at dire-diretsong naglakad sa may second floor. Nakasunod lang siya sa babae habang palinga-linga sa paligid. Marami siyang nakitang mga babaeng nakatambay sa labas at iba’t iba ang pinagkakaabalahan. Ngunit isa lang ang napansin niyang pagkakatulad nilang lahat. Lahat sila ay naka-maiksing short, spaghetti at make-up. Gaya rin ng babaeng nagsama sa kanya doon. Parang bigla siyang kinabahan pero agad din niyang inignora ang nararamdaman.

“Feel at home,” sabi ng babae nang makapasok na sila sa loob ng bahay nito. Inilapag lang nito ang dalang plastic bag sa lababo at inilagay sa palanggana. Iyon ang pinamiling karne ng baboy nito sa palengke kanina.

“Zoey ang pangalan mo ‘di ba?”

Tumango naman siya.

“Narinig ko ang usapan ninyo ni Manang Erlinda. Sabi niya may gusto raw pumatay sa’yo? Totoo ba?”

Hindi siya umimik. Yumuko lamang siya. Nakaramdam na naman siya ng takot nang maalala ang nangyari kagabi. Nanginig ang kanyang buong katawan.

“Oh, huwag kang matakot. Nasa mabuti kang kamay. Kung sinoman ang gustong pumatay sa’yo, hindi ka niya matutunton dito.”

Sa tingin naman niya ay malayo na siya sa taong nagtatangka sa buhay niya kaya medyo napanatag na rin ang loob niya.

“Gusto mo ba ng trabaho?” tanong pa nito sa kanya.

Tumango naman siya. Sa tingin niya ay higit na kailangan niya ang tulong sa mga sandaling ito at kung trabaho ang inaalok nito sa kanya, sino ba siya para mag-inarte pa?

“Mabuti. May ire-refer akong trabaho sa’yo.”

“Salamat,” tugon pa niya.

“Siya nga pala, dahil mula ngayon dito ka na titira sa bahay ko, dapat tulungan mo ako sa gawaing bahay dahil sa totoo lang, hindi ko na naaasikaso itong bahay ko. Dugyot na dugyot o. Sarili ko na lang kasi ang kaya kong ayusan.” Luminga naman siya sa paligid at napansin nga niya ang napakaraming kalat sa paligid. Parang isang taong hindi nalinisan ang bahay nito.

“Iyon ba ang magiging trabaho ko sa’yo?”

“Naku hindi! Wala kasi akong ipapasahod sa’yo kaya ipapasok kita ng ibang trabaho. Para naman may susuwelduhin ka. Hindi libre ang pagtira mo at pagkain kaya kailangan mong maghanapbuhay,” sabi pa nito.

“Ano bang klaseng hanap buhay?”

Sandali itong nag-isip. “Kakayanin mo ba ang magtrabaho sa club?”

“Ha?” Agad dinagsa ng kaba ang dibdib niya. Parang alam na niya kung anong trabaho ang papasukin niya. Ayaw na niyang bumalik sa ganoong klaseng lugar. Sa lugar kung saan siya binili ng lalaking tinatakasan niya ngayon.

“Bakit? May problema ba? Bakit takot na takot ka na naman?”

“Puwede bang ibang trabaho na lang? Ayokong magbenta ng katawan.”

Humalakhak naman ito na ipinagtaka niya.

“Loka-loka! Sino bang may sabi sa’yo na magbebenta ka ng katawan?”

Kumunot ang kanyang noo. “Kung hindi ako magbebenta nang katawan, anong magiging trabaho ko doon?”

“Waitress.”

Para siyang nabunutan ng tinik nang marinig ang sinabi ni Chelsea. Sa wakas ay magkakaroon na siya ng matinong trabaho. Kahit paano ay hindi na siya nangangamba na may iba pang lalaki na aangkin sa katawan niya. Mabuti na ang isang beses lang na pambababoy sa kanyang katawan. Isang beses ngunit paulit-ulit sa kamay ng iisang taong sumira sa buhay niya. Ang taong nagtatangka rin sa buhay niya at tinatakasan niya.

“Salamat.”

“Nakakaraming salamat ka na, sa susunod may bayad na iyon,” biro naman nito sa kanya.

Napangiti siya. Kahit paano ay magaan ang loob niya sa taong nag-alok ng tulong sa kanya. Kahit hindi niya ito masyadong kilala ay nagtiwala na rin siya rito. Wala naman siyang ibang pagpipilian kundi ang sumama rito at sumang-ayon sa inaalok nito. Mabuting bagay na rin ang may tumulong sa kanya. Baka sakaling sa pagkakataong ito, mabago ang buhay niya at malayo siya sa kapahamakan at sa mga taong naghahanap sa kanya.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height