If Time Stops/C2 Kabanata 2
+ Add to Library
If Time Stops/C2 Kabanata 2
+ Add to Library

C2 Kabanata 2

Dalawampu't Isang Taon Ang Nakalipas (8 CE)

"MGA anak, nakikita ba ninyo ang maraming bituin sa kalangitan?" tanong ni Ama sa amin. Nakaupo siya sa isang malaking bato hawak ang isang mahabang kahoy ng olibo (olive). Nakatingala kaming lahat sa kalangitan habang pinapanood ang mga nagkikislapang bituin sa kalangitan at ang maliwanag na buwan.

"Opo, Ama," magiliw na sagot ni Kuya Jabar habang hinihimas nang marahan ang balahibo ng tupa na nasa kanyang tabi. Nasa tabi ko naman si Ate Saira na may malaking ngiti sa labi habang hinihintay ang mga susunod na sasabihin ni Ama.

"Kaya niyo bang bilangin ang mga bituin?" tanong ni Ama sabay itinuro ang mga bituin gamit ang kahoy na kanyang hawak kasabay ang malamig na simoy ng hangin na nagpagalaw sa mga damo sa aming paligid.

"Imposible naman pong magawa namin iyon, Ama," sagot ko sabay tawa. Napailing-iling naman nang mabagal si Ama na ipinagtaka naming magkakapatid.

"Naikwento sa akin ng inyong Lolo na may nakabilang daw ng lahat ng bituin sa kalangitan. At sa paglipas daw ng panahon ay magiging kasing dami ng bituin sa kalangitan ang maninirahan dito sa lupa," wika ni Ama at kita sa kanyang mukha ang lungkot dahil sa pagkamatay ni Lolo matagal na panahon na ang lumipas.

"Ang galing naman po niya, sana mabilang ko rin ang mga bituin at tingnan ang mga nakaligtaan niyang bilangin," pagbibiro ni Kuya Jabar, isa siyang masiyahing tao at marami siyang kaibigan dahil dito. Sabay-sabay naman kaming nagtawanan at huminto nang magsalita ulit si Ama.

"Batid niyo rin ba na may napakagandang bituin sa kalangitan noong isilang ng inyong Ina ang kapatid niyong si Elersa?" tanong nito sa amin sabay tingin sa akin nang nakangiti. Nagulat naman si Kuya Jabar at Ate Saira sa kanilang mga narinig, maging ako ay namangha rin.

"Oo totoo iyon, sa tingin namin ng inyong Ina ay roon niya nakuha ang kanyang kagandahan," dagdag ni Ama. Napangiti naman ako hindi dahil sa tinatanggap ko ito, ngunit dahil magawa pang maalala ni Ama ang mga bagay na matagal-tagal na ang nakalipas.

"Pagdaan ng mga taon noong isilang si Elersa ay naging matunog ang pangalang 'HESUS' sa kalapit na Judea. Sa pagkakaalam namin ng inyong Ina ay iisang araw naisilang ang batang ito at si Elersa," patuloy ni Ama. Napatango tango naman sina Kuya Jabar at Ate Saira na mukha na namang namangha sa sinabi ni Itay.

Napatingin na lang kaming lahat nang dumating si Taniel na halatang pagod at tila naliligo sa kanyang sariling pawis.

"Oh, Taniel! Gabi na, saan ka nanggaling?" tanong ni Ama kay Taniel na dumating hawak ang lubid na nakatali sa isang puting tupa. Si Taniel ay ka-edad ko lamang at siya ang palagi kong kalaro tuwing umaga, ngunit nalulungkot ako sa tuwing tumutungo siya kinahapunan sa kaniyang mga tupa.

"Hinanap ko lang po ang isang nawawalang tupa. Limampu't-anim po sila ngunit nang bilangin ko ay limampu't=lima na lamang, kaya't hinanap ko po ito," sagot ni Taniel sabay marahang hinimas ang ulo ng tupa habang ngumingiti na nagpapalalim sa kanyang mga biloy sa pisngi.

"Saan mo ito nahanap? Pagod ka yata, halika't saluhan mo kami sa panghapunan," singit ni Ina na hindi inaasahang lumitaw sa gilig. Napatingin si Taniel sa akin at tumingin ulit kay Ina na para bang nagdadalawang-isip na makisalo.

"Nahanap ko po siya sa tabi ng Ilog Paglas. Sige po, gutom na rin po ako," magiliw na sagot ni Taniel kay Ina. Agad namang nagsitawanan ang lahat.

***

Kaharian ng Pinileo (29 CE)

Nakangiti ako habang pinapanood ang mga kumikinang na bituin sa kalangitan at ang pagbalik ng mga masayang ala-ala namin matagal na panahon na ang nakalilipas. Napahinga ako nang malalim at napatingin sa lamparang nasa aking harapan na nagbibigay liwanag sa aming tahanan, kasabay ang pag-ihip ng napakalamig na simoy ng hangin na nagpanginig sa aking katawan.

"Isara mo ang bintana, Anak. Maaaring pumasok ang mga insekto," paalala ni Ina na kadarating lamang mula sa Kastilyo. "Hindi pa ba umuwi ang iyong Ama?" dagdag niya habang sinusuri ang mga silid. May tatlong silid ang aming munting bahay na gawa sa bato, una ay kung saan kami nagluluto at kumakain, pangalawa ay kung saan kami natutulog, at panghuli ay ang silid kung saan namin hinaharap ang mga panauhin. Payak lamang ang aming pamumuhay at masaya kami sa mayroon kami.

Naglilingkod si Ina sa Kastilyo araw-araw upang maglingkod sa Hari kapalit ang tatlong pilak na salapi.

"Wala pa po, Ina. Tiyak na gagabihin si Ama ngayon," sagot ko at inisara na ang bintana. Tumango na lamang si Ina kasabay ang paglabas ni Ate Saira mula sa silid-lutuan.

"Nagluto po ako ng karne ng usa na inuwi ni Kuya Jabar mula sa pangangaso sa gubat," singit ni Ate Saira sa usapan namin ni Ina at ipinakita sa amin ang umuusok pang karne sa isang plato. Tumango-tango naman si Ina kasabay ang paglabas ni Nilo sa silid at akmang yayakapin si Ina nang iwasan siya nito.

"Madungis pa ang iyong Nanay Bersa. Tiyak na madudungisan ka rin kung yayakapin mo ako," tawa ni Ina at napakamot pa sa ulo.

"Pinakuluan ko na rin po ang ibang tirang karne ng usa, plano kong ibilad ito sa init para makain natin sa mga susunod na araw," dagdag ni Ate Saira na siyang tumatayo naming ina sa tuwing wala si ina.

"Maganda ang iyong naisip, handa ka nang magkaroon ng nobyo," sagot naman ni Inay sabay ngisi na para bang tinutukso si Saira na maghanap na ng papakasalan. "Siya nga pala, narinig ko ang usap-usapan kanina sa Kastilyo na darating daw ang dalawang anak ni Haring Valenzo mula sa Hirsea, kaya't kailangang naroon ako," dagdag ni Ina sabay tingin sa akin na para bang may ipinapahiwatig.

Sabay namang dumating si Tatay Lerid at Kuya Jabar na may ngiti sa labi hawak ang mga sanga ng ubas. Sabay-sabay kaming kumain at pinagsaluhan ang karne ng usa na pinakuluan nang matagal at tinimplahan ng asin at ibang mga pampalasa kaharap ang isang lampara na nagbibigay liwanag sa aming tahanan.

***

Kinaumagahan, nagising ako sa pagyugyog sa akin ni Nilo kasabay ang mga trumpeta na wala sa tono na sa tingin ko ay nag-eensayo para sa pagdating ng dalawang prinsipe mula sa Hirsea. Napahawak ako sa aking ulo nang maalala ko ang boses na palaging sumasagi sa aking mga panaginip mula noong mga nakaraang araw. Hindi ko naman alam ang kahulugan ng mga ito.

'Mula pagkasilang hanggang pagkamatay'

Napakamot ako sa aking ulo at ginulo ang buhok ni Nilo. Tumayo na ako at agad na inayos ang aking buhok, maging ang aking pananamit na nagutay-gutay sa aking pagtulog.

"Tila maganda ang iyong gising, Anak, kasing-ganda ng bituin sa kalangitan tuwing gabi," wika ni Ina na lumabas mula sa silid-lutuan. Umagang-umaga ay mayroong nagbibiro.

"Ayos na po ba ako? Ano sa tingin mo, Ina?" tanong ko kay Ina at umikot-ikot kasabay ang pag-ikot din ng puti kong palda sa hangin. Napangiti naman si Ina sa akin.

"Napakaganda mo, anak. Kahit walang palamuting mga ginto sa iyong katawan ay tila mas makinang ka pa kaysa sa esmeralda," sagot naman ni Ina na nakangiti pa rin. Hindi ko talaga batid kung siya’y nagbibiro lamang.

"Halika na mga anak ko, mag-umagahan na kayo," magiliw na dagdag ni Ina. Pinagsaluhan namin ang mga tinapay na gawa ni Ina at ang gatas ng kambing na alaga ni Taniel. Nang kami'y matapos ay agad na nagtungo sa Kastilyo si Ina upang mapaghandaan ang isang mahalagang okasyon. Sa kanyang pag-alis ay ang pagdating naman ni Taniel na simple rin ang kasuotan.

"Lumabas na kayo, malapit na ang pagdating ng dalawang prinsipe!" bungad ni Taniel. Lumapit ako sa kanya na nasa pinto at tinitigan siya nang matagal. Mas matangkad siya sa akin, makapal na kilay, mahahabang pilik mata, manipis at mapulang mga labi, at 'di mapapantayan ang kanyang makinis na kutis kahit bilad palagi sa matirik na araw, kung iisipin mo'y kabilang siya sa mga may dugong-bughaw.

"Halika na," seryoso kong sagot sabay ngiti at isinuot ang talakbong ko sa ulo. Agad kong hinila ang kanyang kaliwang kamay at tumakbo sa gilid ng lansangan. Paglabas namin ay agad na bumungad sa amin ang magagarbong palamuti, tunog ng iba't-ibang instrumento, at ang maraming taong abala sa kani-kanilang mga ginagawa.

Nakakamangha.

Napatitig kami sa ganda ng mga ito. Marahang tumingin sa akin si Taniel at para bang tumigil ang mga tao sa paglalakad, humina rin ang musika, at maging ang mga kalapati ay tumigil din sa paglipad. Para bang nagising ako sa malalim na pagkakatulog nang tumingin si Taniel sa aming mga kamay. Napagtanto ko na hawak ko pa rin ang kanyang kaliwang kamay kaya agad ko itong binitawan, baka makita ng iba at pagkamalan kaming magkasintahan.

Napatingala ako sa bughaw na kalangitan na tila ba ito'y nakikisabay sa saya ng mga tao. Maganda ang panahon at walang anumang badya ng pag-ulan.

Agad na may lumapit na dalawang bata kay Taniel, marahan naman niyang ginulo ang buhok ng mga ito at dumukot ng apat na pili sa kanyang bulsa pagkatapos ay binigay ito sa kanila.

“Salamat, Kuya Taniel,” pasasalamat ng dalawang bata at tumakbo na papaalis nang nakangiti.

Hinawakang muli ni Taniel ang aking pulsuhan at hinila sa isang kalapit na paniderya. Marami nang tao sa loob, ang lahat ay naiibigan ang mga tindang tinapay ng paniderya. Maraming empleyado ang naghahain ng mga tinapay sa mga mamimili, mapabata man o matanda.

Hinila ako ni Taniel papasok sa loob ng paniderya at dali-daling umupo sa harapan ng isang hapag. "Dalawa pong Eranza!" sigaw ni Taniel sabay taas ng kanyang kamay upang makuha ang atensyon ng mga empleyado. Dali-dali namang nagsigalawan ang mga empleyado at kumuha ng isang telang supot at doon isinilid ang dalawang tinapay na Eranza.

Sikat na sikat ang tinapay na 'Eranza' sa Kaharian, ito'y kulay pula at kinagigiliwan ng maraming mamamayan.

"Ito po. Salamat po!" Inabot ng isang empleyado ang tinapay na agad ring binayaran ni Taniel. Ibinigay sa akin ni Taniel ang isa na agad ko ring kinagatan. Masaya naming kinakain ang tinapay nang may malakas na sigaw ang narinig namin mula sa labas.

"l'fanot makom lan'siykhiym! (Make way for the princes!) " Napatigil at tumahimik ang lahat dahil sa malakas na sigaw ng isang guwardiya-sibil-sibil na nakasakay sa isang mabalahibong kabayo na nababalot ng mga nagkikislapang mga metal. Hinila ako ni Taniel palabas ng paniderya at nakipagsiksikan sa napakaraming tao.

Agad namang luminis ang lansangan at nagsimula na ang nakakaindak na musika gawa ng mga trumpeta, tambol, at tamburin. Sa unang pagkakataon ay lumapit na ang sampung magkakatabing mga guwardiya-sibil-sibil na nababalot ng mga metal at nakahawak ng mga matatalim na espada.

Sumunod naman ang mga kababaihang nagsasayawan suot ang mga nagkikislapang mga damit at gintong payneta sa kanilang buhok, kasabay ang mga musikero na nasa kanilang likuran. Iba ang kanilang mga suot 'di tulad sa aming Kaharian dahil nagmula sila sa Kaharian ng Hirsea kung saan iba ang kultura at tradisyon.

Habang tumatagal ay dumarami rin ang mga nanonood, karamihan ay mga kababaihan na tila pinaghandaan nang isang buwan ang kanilang suot at mga naghahabaang purselas at kwentas na para bang masasakal na sila sa leeg para lamang mapansin ng dalawang prinsipe.

"Padaan," mataray na wika ng apat na babae habang pinipilit ang kanilang mga sarili na isiksik sa rami ng tao para lang makapunta sa harapan. Hindi ko na lang sila inimik, hinarangan ko ang isang espasyo upang hindi sila makadaan. Ngunit nakahanap sila ng ibang espasyo upang doon manood.

Nakakainis.

"Halika, Elersa. May naisip akong paraan," bulong ni Taniel sa akin. Agad niyang hinila ang aking pulsuhan at pilit kaming umalis sa rami ng mga tao. Tila nakaahon kami sa pagkakalunod nang makaalis kami sa rami ng tao. Binitawan niya ang aking pulsuhan at sinenyasan ako na sumunod sa kaniya. Hindi ko batid kung saan ako idadala ni Taniel, tila nakaparaming pasiko-sikong daan ang aming pinasok. Ngunit napalitan din ito ng maluwag na paghinga nang makarating kami sa mataas na lugar.

Inilahad ko ang aking mga kamay sa hangin at ito'y dinama. Napangiti naman si Taniel at napalingon sa akin. Umupo kami nang may distansya habang pinapanood sa ibaba ang nagsisiksikang mga tao. Lalong umingay ang paligid nang dumating na ang isang malaking karwahe lulan ang unang prinsipe.

"Prinsipe Jobel, anak nina Haring Valenzo at Reyna Emilya!" malakas na boses ng isang matikas na lalaki. Napatingin ako sa unang prinsipe na Jobel daw ang pangalan. Maputing kutis, matangkad at matangos na ilong, 'di mapagkakaila na kawangis niya ang kanyang ama. Dumadagdag sa kanyang magandang mukha ang kanyang matingkad na kasuotan at ang pilak na korona sa ibabaw ng kanyang ulo.

Ngumingiti ito at kumakaway pabalik sa mga tao habang linilibot ang kanyang paningin. Nagtama ang aming mga mata kahit pa ako’y nasa itaas. Para bang bumagal ang oras nang ngumiti ito sa akin, hindi ko maintindihan ngunit hindi ako makangiti pabalik sa kanya kasabay ang malakas na ihip ng hangin resulta upang lumipad ang aking balabal sa ulo. Ngunit bumalik din agad sa normal ang takbo ng oras nang alisin nito ang kanyang paningin sa akin at ibinaling sa ibang tao.

Napansin ko naman si Taniel na nakatingin sa akin at tumingin ulit sa prinsipe na para bang nagtataka ang kanyang mukha. Iniabot niya sa akin ang aking balabal na akala ko'y tinangay na ng malakas na hangin. Nang makalagpas ang unang prinsipe ay sumunod naman ang kanyang kapatid na lulan ng isang mabalahibong kabayo kasabay ang mga mananayaw sa palibot nito. Patuloy pa rin ang nakakaindak na musika sa buong paligid.

"Prinsipe Aelino, kapatid ni Prinsipe Jobel na anak nina Haring Valenzo at Reyna Emilya!" sigaw muli ng matikas na lalaki na kabilang sa hukbo ng militar. Nagulat ako nang agad na lumabas ang isang babae mula sa paniderya at tinitigan nang mabuti ang prinsipe. May katandaan na rin ang babae at kita sa kanyang madungis na kasuotan ang kanyang kasipagan sa paggawa ng tinapay. Maluha-luha pa siyang nakatingin kay Prinsipe Aelino sa hindi malamang dahilan.

Tila magkawangis sila nang husto ng kanyang kapatid ngunit mas nangingibabaw ang kagandahan ng mukha nito. Maraming tao lalo na ang mga kababaihan ang kumakaway sa kanya ngunit nananatili pa rin siyang seryoso at 'di tumitingin sa mga ito. Magkaiba sila ng kanyang kapatid.

Agad na bumukas pataas ang malalaking bakal ng lagusan ng Kastilyo at pumasok dito ang mga guwardiya-sibil-sibil, mga mananaya, at ang dalawang prinsipe. Kalaunan ay bumaba rin sila at sinalubong ng mga matataas na persona sa Kaharian. Nakatayo naman ang Hari sa mataas na balkonahe sa harap ng Kastilyo. Hindi makapaniwala ang mga tao sa katangian ng dalawang prinsipe na tila hindi nila maalis sa kanilang isipan.

***

“Kumusta ang inyong panonood?" tanong ni Ate Saira habang inililigpit ang mga karne ng ugsa na kaniyang ibinilad kanina. Hindi siya nanood at nanatili lamang siya sa loob ng bahay kasama si Nilo.

"Maganda naman, Ate," sagot ko habang nakapatong ang aking ulo sa dalawa kong palad at tinitingnan ang Kastilyo mula sa aming durungawan. Tanghaling tapat na.

"Napusuan mo ba sila?" tanong ni Ate na aking ikinabigla.

"H-hindi ko alam, Ate Saira," nauutal kong sagot. Napatingin naman ako sa kanya na dumeretso na sa kusina. Naguguluhan ako dahil hindi pa siya naghahanap ng kanyang mapapangasawa ‘gayong tumatanda na siya at matagal nang habilin ni Ina na ang mga nakakatanda naming kapatid ang unang mag-aasawa bago ang mga mas bata. Ito na ang nakabihasnan ng lahat, sa madaling salita ay tradisyon.

Hindi ko alam kung may balak si Ate Saira na mag-asawa at hinihintay lang namin ni Ina ang kanyang sagot nang ako na ang mauunang magpapakasal sa isang lalaking aking maiibigan. Nagulat naman ako nang pumasok si Ina na may ngiti sa labi.

"Anak! Naghahanap sila ng mga mananayaw sa pagsasalo mamayang gabi. Nais kong sumali ka, Anak!" bungad sa akin ni Ina na aking ikinabigla.

"A-ano po? H-hindi ko po alam sumayaw," nauutal kong sagot at bakas sa aking pagsasalita ang kaba at pagkabigla. Hinawakan naman ni Ina ang aking balikat.

"Halika, may oras pa. Tuturuan kita," nabigla ako sa sagot ni Ina. Ni isang sayaw ay wala akong kaalam-alam.

***

Narito ako ngayon sa hardin ng Kastilyo mag-isa habang pinipitas isa-isa ang talutot ng mirasol habang nakaupo sa damuhan. Hindi ako makapasok loob ng Kastilyo, nauunahan ako ng kaba at ng hindi ko maintindihang pakiramdam. Maging ang aking puso ay kumakalabog nang napakalas at tila may lumilipad na mga paro-paro sa aking tiyan.

Katatapos lamang ng paglubog ng araw ngunit tanaw na sa kalangitan ang hindi pa nabubuong buwan maging ang mga umuusbong na mga bituin. Maraming sulo ng apoy ang nakapalibot sa hardin na nagbibigay liwanag sa paligid at ang halimuyak ng mga bulaklak na may iba't ibang hugis, kulay, at laki.

Nataranta ako nang mabilis na nagsigalawan ang mga matataas na bulaklak na para bang may gumagapang na isang bagay o hayop sa ikailaliman ng mga ito. Napatayo ako sa takot nang papalapit na ito nang papalapit sa aking kinaroroonan, maging ang aking puso ay tila gusto nang lumabas sa aking katawan.

Diyos ko, ano iyon?!

Hindi ko namalayan na tumatakbo na nang kusa ang aking mga paa sa damuhan. Napatigil na lang ako nang wala na akong mahanap na daan at nasa aking harapan na ang mataas na pader ng Kastilyo. Napasandal ako sa pader sa takot at lumitaw sa kadiliman ang pulang mga mata ng hindi ko matukoy na nilalang na tila gustong agawin ang aking buhay. Sa ilalim naman ng puno ng hardin ay may isang taong lumitaw na hindi ko matukoy ang pagkakakilanlan na para bang nagsasanib-pwersa sila upang ako'y ipahamak.

Lalong bumilis ang tibok ng aking puso nang humakbang nang tatlong beses ang lalaki at nang matamaan ng liwanag ng buwan ang kanyang mukha ay siyang aking pagkatulala.

"Narito ka lang pala sa hardin, aking kaibigan," bulong ni Prinsipe Aelino at dahan-dahang humakbang sa tinatawag niyang kaibigan. Agad niyang dinakma ang pusa?! Napahinga ako nang malalim at napatawa nang makita kong isa lang pa lang maliit at kagiliw-giliw na pusa ang humabol sa akin.

"Sino ka?! May tao ba riyan?" Hindi ko akalaing maririnig niya ang aking malakas na pagtawa. Hindi niya yata alam kung nasaan ako nagtatago. Kung tutuusin ay tinakot nila ako, sa tingin ko ay ako naman dapat ang magbigay takot sa kanila.

Kailangan kong bumawi!

Inilagay ko sa aking harapan ang ilang hibla ng aking buhok at isinuot ang aking balabal na umabot sa aking mga mata. Humakbang ako nang apat na beses at tumapat sa akin ang liwanag ng buwan at mga sulo ng apoy sa paligid.

Natatawa ako sa mukha ng prinsipe, maging ang kanyang pusa ay bakas rin ang takot. Nang makita nila ako ay napahinga nang malalim ang prinsipe at ako nama'y inayos ang aking buhok at balabal habang patuloy pa ring naglalakad sa hardin na tila ba walang nangyari. Napatigil ako nang magsalita ang prinsipe.

"S-sino ka?" nauutal na tanong ng prinsipe. Humarap naman ako sa kanya at diretso siyang sinagot.

"Patawad po Prinsipeng Aelino ngunit ang iyong halimaw na---" Napatigil ako sa aking sinasabi at napatingin sa hawak nitong pusa. Napakunot naman ang kanyang noo na tila ba nagtataka sa aking kinikilos. Pumagilid rin ang ulo ng pusa na nagmistulang mayroong sariling isip. Iniisip ba nila na isa akong magnanakaw?

"H-hinabol po ako ng kaibigan niyong pusa," pagpapatuloy ko. Agad akong yumuko at nagbigay galang upang umalis. Tumalikod ako at naglakad papasok sa loob ng Kastilyo kung saan gaganapin ang malakihang pagsasalo ng mga kilalang persona mula sa tagasingil ng buwis hanggang sa kapita-pitagang Haring si Valenzo. Papasok pa lang ako sa Kastilyo ay dumarami na ang mga tao, maging ang musika ay lumalakas din mula sa loob.

Tinanggal ko ang aking sandalyas at naghugas ng paa bago pumasok. Sa kalapit ng pinto ay may mga malilinis na sandalyas na maaring gamitin ng sinuman. Agad akong kumuha ng pares na aking kasukat at isinuot ito. Mula pa lamang sa malayo ay nakikita ko na ang mga kababaihang makakasama ko sa pagsayaw. Agad ko namang nakilala ang isa.

"Abela!" sigaw ko na ikinalingon niya. Agad namang nabuo ang ngiti nito at tumatakbong lumapit sa akin. Agad niya akong hinagkan.

"Kumusta ka, Elersa? Anong ginagawa mo dito sa Kastilyo?" tanong ni Abela sa akin. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at tila ba naintindihan niya ang aking balak na gawin dito. "Narito ka ba upang maglinis?" Nagtawanan ang kanyang mga kasamahan.

Tila ba bumaba ang tingin ko sa aking sarili, napatingin ako sa kanyang kasuotan na kulay puti na napapalibutan ng mga makikislap na bato, ang kanyang leeg ay may gintong kwentas, at ang kanyang magkabilang tainga ay may mahabang hikaw na tila ba nahahawakan na nito ang kanyang balikat. Agad namang lumapit ang iba pang kasamahan namin na tila ba pare-pareho ang kanilang mga kasuotan. Mistulang nasasakal na sila sa napakaraming palamuti sa kanilang katawan.

"Narito ako upang sumayaw sa harap ng mga tao," deretso kong tugon sa kanya. Ngumiti siya at hinawakan ang aking mga kamay.

"Papahiramin kita ng aking kasuotan at mga alahas," wika niya na ikakunot ng aking noo.

Hindi ako sanay na magsuot ng mga palamuti sa aking katawan, hindi ko magagawang butasan ang aking tainga, at hindi marangya ang aming buhay upang makabili ng mga ito. Ang isang salaping ginto ay sapat na upang mabusog kaming pamilya sa tatlong araw.

"Huwag na," deretso kong tugon. Agad naman siyang napatingin sa akin.

"Sige, kung iyan ang iyong nais," sagot ni Abela. Halos isang oras ang naging paghihintay namin sa iba pang mga kilalang tao sa Kaharian at sa mabuting palad ay kumpleto na ang lahat. Minsan ay nahahagilap ng aking mata si Ina na abala sa kanilang ginagawa ngunit kahit anong tawag ko sa kanya ay hindi niya ako naririnig dahil sa musika na rinig na rinig sa loob at maging sa labas ng Kastilyo.

"Simulan natin ang ating hapunan sa pamamagitan ng isang sayaw!" sigaw ng kanang-kamay ng Hari. Nasa gitna si Haring Valenzo, nasa tabi niya ang kanyang dalawang anak, at ang ibang matataas na tao ay nakapalibot sa kanilang tatlo kaharap ang maraming masasarap na pagkain sa hapag. Ngunit ang bukod-tanging nangingibabaw ay ang mga pulang tinapay na tanyag sa Kaharian, ang Eranza.

Nagsitayuan si Abela at ang iba naming kasamahan kaya't tumayo na rin ako at pumagitna sa entablado. Nagsimula na ang mga musikerong tumugtog at sabay-sabay naming inalis ang aming mga balabal. Nasa harapan si Abela at ako nama'y nasa pinakahuli't likuran. Agad namang nagsigawan ang mga kalalakihan sa loob ng Kastilyo at sa unang pagkakataon ay may naghagis ng salapi sa aming harapan.

Nagsimula na ang aming pagsasayaw at agaw pansin ang mga nagkikislapang mga kasuotan nina Abela. Wala namang imik ang tatlong mag-ama na para bang wala silang kaligayahan sa kabila ng maiingay na sigawan ng mga tao. Ang sayaw naming ito ay mga simpleng wasiwas ng mga kamay sa hangin, pagsayaw sa aming palda, at paikot-ikot kung saan nagpapalitan kami ng posisyon kaya't may pagkakataon rin na ako ang papagitna.

May mga pagkakataon ding nagkakamali ako na ikinakatingin nina Abela, at minsa'y tumatama ang paningin ng dalawang prinsipe sa akin kasabay ng mga manonood na nagbibigay ng salapi sa aming harapan. Umikot-ikot ako at hindi ko akalaing nasa harapan na ako ng entablado. Agad tumahimik ang lahat ng mga sigawan na ikinatingin rin ni Prinsipe Aelino at Prinsipe Jobel na akmang tatayo't aalis na sa pagkakaupo.

Nakatingin sa akin ang lahat ng tao maging ang tatlong mag-ama na hindi nakikipagusap sa ibang panauhin. Nakatingin sila sa akin na nakasuot lamang ng pulang palda at walang anumang palamuti at alahas sa aking katawan. Ngunit patuloy pa rin ang aking pagsayaw sa harap ng nakakailang na titig ng maraming tao.

Umikot-ikot kaming muli at napatigil sa pagsayaw nang tumigil na ang musika. Natapos kami nang di inaasahang ako ang nasa gitna. Tila nanlisik ang mga mata ng aking mga kasama kasabay ang napakalakas na palakpak at sigawan ng mga tao.

Nakita ko rin si Ina na nakangiti sa tabi habang nakatingin sa akin.

Agad kaming yumuko at nagbigay galang nang natapos na ang aming sayaw.

***

Pagkalipas ng ilang oras ay nagsiuwian na ang mga panauhin. Hinihintay ko si Ina sa labas ng Kastilyo habang nakatulala sa kalangitan. May ilan pang mga bisita sa loob ngunit iilan na lamang. Habang ako'y naghihintay sa labas ay lumabas ang isang babaing tagapagsilbi at pinalitan ang tubig sa pintuan. Napatingin ako sa kanya, kailan din kaya ako titira sa Kastilyo? Agad rin siyang bumalik sa loob nang mayroong sumigaw, “Jaime!”

Ilang saglit lang ang lumipas ay lumabas na rin si Ina sa Kastilyo habang bitbit ang ilang mga pagkain bilang gantimpala nila sa kanilang kasipagan. Agad naman akong linapitan ni Ina nang nakangiti.

"Ang galing mo, anak ko!" panimula ni Ina na siyang bumabasag ng katahimikan sa labas ng Kastilyo. Nagtatatalon pa siya na animo'y isang bata na kinikilig pagkatapos ay ako'y yinakap. Hindi ko alam kung totoo bang maganda ang naging kinalabasan ng aking sayaw, pakiramdam ko kanina ay isa akong bata na nagmamanman ng kanilang mga galaw upang ito'y aking tularan. Sa tingin ko nga ay isang buwan na nag-ensayo ang aking mga kasamahan para lang makuha ang atensyon ng mga tao.

Sino ba naman kasing maisasaulo ang napakatagal na sayaw sa loob ng isang oras lamang?!

Humahakbang na kami palayo ni Ina nang mapansin ko ang isang lalaking nakatayo sa balkonahe ng Kastilyo na nasa aming likuran. Napatigil ako sa paglalakad at tumalikod upang tingnan kung sino ang naroroon ngunit wala na akong nakita. Paglabas namin ng lagusan ay ang pagbaba rin ng mga matitibay na bakal nito. Sinalubong kami ni Taniel nang makalabas kami at isang karwahe ang tumigil sa aming harapan. Marami pa ring mga karwahe ang hindi umaalis at nananatali sa loob at labas ng Kastilyo, marami pa ring mga tao ang hindi umuuwi.

Muli akong napatingin sa Kastilyo at nakita ko ang lalaking nakatayo sa balkonahe habang nakatingin sa akin mula sa malayo suot ang magarbo nitong kasuotan, napatitig ako sa kanya nang makilala ko ito.

"Prinsipe Jobel," bulong ko sa aking sarili.

***

Kinabukasa, abala ang lahat ng tao sa isang nakapakahalagang araw sa Kaharian. Maagang umalis sina Ina't Ama at napag-usapan namin kagabi na magtungo sa tabi ng batis sa kalapit na gubat. Pagkagising ko pa lamang ay naalala kong muli ang sumagi sa aking panaginip.

'Mula pagkasilang hanggang pagkamatay'"

Muli akong napakamot sa aking ulo at agad na bumangon. Binuksan ko ang bintana dahilan upang pumasok sa loob ang liwanag ng araw. Wala na rin sina Nilo at ang aking mga kapatid, sa tingin ko'y nauna na silang nagtungo roon. Nagbanat ako ng katawan at muling napahikab, agad kong inayos ang aking sarili at nagsuot ng balabal sa ulo. Linagay ko na rin sa basket ang mga bunga ng ubas, mansanas, at iba pang samut-saring mga prutas.

Binuksan ko ang pintuan at wala na ang dating sigla ng lansangan, ngunit ang ilang mga dekorasyon ay nananatili pa ring nagsasayawan sa hangin. Bilang na rin ang mga makikitang tao sa labas. Agad ko namang nakita si Taniel hawak ang lubid na nakatali sa leeg ng puting tupa kasama si Ate Saira na bitbit ang mga balahibo ng tupa sa isang basket habang naglalakad. Pumasok si Ate Saira sa loob ng aming bahay at tiyak ako na hindi siya sasama sa amin.

Nagkatinginan naman kami ni Taniel at sinenyasan ko siya na parang sinasabing 'hindi pupunta si Ate, tara na’, tumango naman si Taniel. Nagpalit kami ni Taniel ng bubuhatin, binigay niya sa akin ang tupa at binigay ko naman sa kanya ang mabigat na basket ng mga prutas.

Binuhat niya ang basket mula sa lupa at napatingin ako sa kanyang mga braso na mas humubog dahil sa bigat nito. Inilagay niya ito sa kanyang balikat at napatingin sa akin sabay ngiti.

"Tara na, Elersa?" tanong niya na ikagising ng aking kaluluwa kakatitig sa kanya. "Elersa?"

"S-sige! Tara na!" Naglakad kami sa matirik na araw, ang mga bato na aming dinaraanan ay mainit-init pa, at ang mga karwaheng lulan ang ilang mga pananim ay dumaragsa papunta sa Kastilyo.

"Ang galing mo kagabi, napanood kita," panimula ni Taniel. Hindi ko alam ngunit tila uminit ang aking pisngi sa kanyang mga sinabi.

"N-napanood mo ako? Pa'no ka nakapasok sa Kastilyo?" nagtataka kong tanong at napakunot ang aking noo. Agad ko namang hinila ang tupa dahil humihinto ito sa paglakad sa tuwing may nadaraanang mga damo. Pakiramdam ko ay mas mahihirapan ako sa tupa.

Nautakan ba ako ni Taniel?!

"Kung gusto mo ang isang bagay, magagawan mo ito ng paraan," sagot ni Taniel at mabilis siyang tumingin sa akin ngunit binawi rin niya ito. Binaba niya ang basket at inilagay ulit niya ito sa kanyang kabilang balikat. Ang kanyang sinabi ay tila may kahulugan sa akin.

Tumango naman ako bilang sagot.

"Ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng sumayaw, mas makinang ka pa sa ginto," dagdag niya. Napangiti naman siya na pilit niyang tinatago sa akin. Baka hindi niya alam ay maaari nang pag-ihawan ng isda ang nakakapaso kong mga pisngi.

Bakit ba kay hilig ng mga taong ihambing ako sa mga mamahaling bato?!

"Siya nga pala, may gusto ka ba kay Ate Jaime?" pag-iiba ko ng usapan. Natitiyak ako na mas magugustuhan niya ang babaeng tunay na mayroong mga ginto kaysa sa babaeng mukhang ginto lamang. Napahinto siya sa paglalakad dahilan upang maiwan siya sa aking likuran. Mula sa aking likuran ay nagsalita siya.

"Wala," deretso niyang sagot sa akin. Nakakatawa dahil kaninang pangiti-ngiti siya ay tila nagbago agad ito sa isang seryosong mukha. "Ikaw? May gusto ka sa magkapatid na prinsipe?" tanong niya sa akin na aking ikinabigla, napabagal din ako sa paglakad tulad niya. Lumingon siya sa akin habang patuloy pa ring naglalakad paatras.

"Wala, " deretso ko ring sagot. Napangiti naman siya at lumitaw na naman ang nakakabighaning mga biloy sa kanyang magkabilang pisngi.

Tatalikod at aayos na sana siya sa paglalakad nang hindi niya nakitang may nakaharang na kahoy sa daan. Halos magpaikot-ikot pa siya habang hinahanap ang kanyang balanse. Mabuti ay agad na sumaklolo si Tatay Lerid at natigil niya ang pagkatumba ni Taniel.

Bakit hindi niya kasi tinitingnan ang kanyang dinaraanan?

Kakapasok pa lang namin ng kagubatan ay rinig na rinig na mula sa malayo ang mainam na pag-agos ng batis. Ang mga ibon ay nagsisimula nang magsi-awitan at ang simoy ng hangin ay nagiging maalumanay.

"Nandiyan na pala kayo, Anak. Iniisip namin na tanghali ka na gigising," pag-aalala ni Ina at napailing-iling naman si Ama. Iniabot ni Taniel ang mga prutas kay Ama at kinuha sa akin ni Taniel ang tupa na kanina pa nguya nang nguya sa tabi.

Sige kumain ka pa, bilang na lang ang oras mo.

Abala si Ina na inaayos ang mga piraso ng kahoy sa isang malaking bato, si Nilo at si Kuya Jabar naman ay naglalaro sa gilid ng batis gamit ang mga pinagtagpi-tagping dahon at kahoy.

"Ilapag mo ang tupa sa ibabaw ng mga kahoy nang masimulan na natin ang pag-aalay," utos ni Ama kay Taniel na agad naman nitong sinunod.

Hinugot ni Ama ang patalim sa kanyang sinturon habang pilit na pinipigilan ni Taniel ang paggalaw ng tupa. Napatingin sa akin si Taniel kaya't nginitian ko siya, sinuklian niya rin ako ng ngiti habang siya'y nakahawak sa dalawang paa ng tupa.

Nagulat kaming lahat nang makawala ang tupa sa pagkakahawak ni Taniel! Kasing bilis ng kidlat itong tumakbo sa kagubatan na animo'y tumatakas sa kamatayan.

"Hulihin niyo ang tupa!" Agad na naalerto si Taniel na tila ba nakagising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Dali-daling tumakbo si Kuya Jabar, Taniel, at Ama upang habulin ang tupa sa kaloob-looban ng kagubatan.

"Si Taniel naman kasi, tila malalim ang iniisip." Napailing-iling pa si Inay at napasapo-sapo sa kanyang noo. Ilang minuto lamang ay bumalik na sila na madungis at puno ng mga dahong nakasabit sa kanilang damit.

Tila hiyang-hiya naman si Taniel na animo'y nais na niyang bumiyak ang lupa at lamunin siya nito. Napakamot-kamot pa siya sa ulo habang nakayuko.

"Jabar, ikaw na ang magtali sa tupa," utos ni Itay na animo'y nawalan na ng tiwala kay Taniel. Tumango si Kuya Jabar at itinali ang tupa na parang walang kaalam-alam sa mga nangyayari.

Hiniwa ni Ama ang leeg ng tupa dahilan upang mangisay ito sa sakit kasabay ang paggalaw ng mga paa nito at ang malakas na sigaw nito na rinig sa buong kagubatan dahilan upang magsiliparan ang mga ibon sa paligid. Nakita ko pang maluha-luha ang kawawang tupa na parang nagpapasaklolo sa akin.

Anong gusto nitong ipahiwatig? Nais nitong magpasaklolo?

Tumalikod na lang ako upang hindi makita ang pagpatay sa tupa, para akong nasasaktan sa nangyayari. Mula pa noong bata pa lamang ako ay takot na ako sa mga ganito, lalo na noong inalay ang aking alagang tupa. Ako'y lubhang nagdalamhati noon, naalala ko tuloy iyon.

Nang tumagal ay tumigil na ito sa pagsigaw na nagpapahiwatig na wala na itong buhay, inilagay naman ni Ina ang mga prutas sa kabilang bato. Agad namang pinalapit ni Ina si Nilo mula sa batis upang masaksihan ang mga gagawin ni Ama.

Iniabot ni Ina ang gasera kay Ama at dahan-dahang sinunog ni Ama ang mga tuyong kahoy, naglagablab ito at mabilis na gumapang sa wala nang buhay na tupa dahil sa balahibo nito. Lumakas nang lumakas ang apoy na gumagawa ng makapal na usok. Nagsimula nang magdasal si Ama.

"Aming Diyos na nangangalang Yahweh, tanggapin po ninyo ang aming alay para sa inyo bilang pasasalamat sa mga gabay at mga biyayang ibinibigay niyo sa aming pamilya," panimula ni Ama sa isang panalangin. Napansin kong nakapikit silang lahat kaya pumikit din ako.

"Patawarin po ninyo kami sa aming nga sala at bigyan niyo po kami ng lakas upang mapagdaanan ang anumang unos sa buhay. Hangang dito na lang po, naway marinig niyo ang aming pana langin. Amen," pagtatapos ni Ama sa isang dalangin. Nagtaka ako kung bakit ang bilis ng panalangin, iminulat ko na lamang ang aking mga mata. Akala ko pa naman ay aabutin na naman ng isang oras.

"Amen," sabay-sabay naming bulong sa aming sarili habang nakapikit. Kahit hindi sumasagot sa amin ang Diyos ay panatag si Ama na napakikinggan niya ang aming mga panalangin. Natulala ako nang tila huminto ang kapaligiran kasabay ng simoy ng hangin lulan ng mga tuyong dahon, at nakarinig ako ng isang boses sa aking isipan.

'Ang makalilimot ay makalilimot, ang makatatanda ay makatatanda'

Isang boses ang aking narinig mula sa aking isipan ngunit hindi ko batid ang nais nitong ipahiwatig. Tumaas pa ang aking mga balahibo dahil sa takot, nanginginig ang aking mga paa. Sa tingin ko ay isang guni-guni lamang ang aking mga narinig kaya't pinag-walang bahala ko na lamang.

Ginusot ko ang aking mga mata at nang imulat ko ito ay siya ring pagbalik normal ng lahat. Tumakbo naman si Nilo sa mga prutas at kumuha ng isang mansanas na agad na sinuway ni Inay.

Talagang pilyong bata itong si Nilo.

Pagkatapos, ay umuwi na kami nang sabay-sabay sa aming tahanan. Napansin kong marami ang mga taong naglalakad patungo sa lungsod, may dala-dala silang mga bagay-bagay. Malapit-lapit na rin kami sa aming tahanan, at nakikita ko na ang bubungan nito mula sa malayo. Sa aming paglalakad ay huminto sa aming dinaraanan ang isang karwahe lulan ang isang guwardiya-sibil Tumaas pa ang harapang mga binti nito dahilan upang kami ay mapaatras sa takot.

"Saan kayo nanggaling?! Bilisan niyo at mag-alay kayo ng inyong mga ani sa Templo!" sigaw ng guwardiya-sibil-sibil sa amin at agad ring umalis. Tumakbo si Taniel at pumasok sa aming bahay upang kumuha ng ilang mga prutas ngunit bumalik siya dala lamang ang isang mansanas at limang piraso ng isda.

"W-wala na pong natira," wika ni Taniel kay Tatay Lerid at ipinakita kay Ama ang basket, napailing-iling naman si Ama.

"Ibigay niyo kung ano ang mayroon tayo, 'wag nating sayangin ang ating mga pinagpaguran sa isang inukit lamang na ginto," seryosong tugon ni Ama, nagkatinginan naman kami ni Taniel na may pag-aalala sa mukha. "Sige, ibigay niyo sa templo kung ano man ang mga natira," utosniya.

Agad naman kaming tumungo nina Ina at ni Taniel sa Templo at naabutan namin ang mahabang linya ng mga tao bitbit ang kanilang mga alay na ani, mga alagang hayop, mga alahas, at ang ilan naman ay nagbibigay ng salapi bilang handog at nagsisilbi na rin itong buwis.Matirik ang araw ngunit hindi ito alintana ng mga tao, maalikabok rin ang paligid dahil sa mga karwaheng walang tigil sa pagtakbo.

Pumila kami sa linya at mabilis din naman pala ang pag-agos ng linya. Nagulat ang lahat nang sumigaw ang guwardiya-sibil-sibil sa harapan at itinuro ang batang nagnanakaw ng mga pagkain sa harap ng altar na may hugis ahas na ulo at may katawang tao. Agad namang kumaripas ng takbo ang gutom na bata at hinabol ng mga guwardiya-sibil Agad namang nagbulungan ang mga tao dahil sa kanilang nakita.

Ilang sandali lamang ang lumipas ay nasa harap na kami at agad namang inilapag ni Ina ang basket na naglalaman ng iisang prutas at limang isda sa harap ng tagasingil ng buwis. Ang mga salapi at mga mamahaling bagay na alay ay kinokolekta ng tagasingil at ang mga ani't mga alagang hayop ay inilalagay sa harap ng altar.

"Iyan lamang?!" seryosong tanong ng lalaki na may balbas at kita sa kanyang mga mata ang pagkagutom sa yaman at kapangyarihan. Abala niyang binibilang ang salapi na ibinayad ng nauna sa amin, pagkatapos ay isinulat sa isang papel katapat ang pangalan ng nagbayad.

"Oo, iyan lamang ang aming maibibigay na alay at buwis," sagot naman ni Ina na seryosong nakatingin sa lalaki. Para bang naiinis ang tingin nito sa amin, padabog pa nitong inilapag ang kanyang talaan at napabuntong-hininga.

"Ano ang iyong pangalan?" tanong ng lalaki. Walang tigil ang paggalaw ng mga binti nito na animo’y walang interes na makaharap kami. Lumingon pa siya sa aming likuran na tila ba minamanmanan ang ibang tao kung ano ang kanilang mga dala. “Ano?! Sumagot ka!”

“B-Bersa po, asawa ni Lerid,” sagot naman ni Ina. Kinuha ng tagasingil ang isang pluma at isinawsaw sa maliit na bote ng tinta, Isinulat ng lalaki ang pangalan ni Ina sa isang papel. Halatang naiinis at naging masama ang araw.

"Sa susunod ay taasan niyo ang inyong ibibigay, o kung hindi ay mapipilitan kaming ipadakip kayo sa militar at ipatapon sa labas ng Imperyo," deretsong tugon ng lalaki. Ang aming buwis ay nagsisilbing kaban ng Kaharian sa pagtatayo ng mga imprastraktura, paggawa ng mga armas, at maging ang kaligtasan ng lahat. Bumalik naman ang isang guwardiya-sibil-sibil hawak ang batang lalaki na nagnakaw kanina, hinihila niya ito kahit pa nagpupumilit ang batang hindi sumama.

“Bitawan niyo po ako!” pagmamakaawa ng bata na ngayo’y mangiyak-ngiyak na. Napapatingin din ang maraming tao sa kanya na animo’y diring-diri sa ginawa nito.

Nagulat na lang ako nang lumapit si Taniel sa bata na hawak ng guwardiya-sibil-sibil at binigyan ito ng berdeng mansanas. Kumalma ito at napatingala lang kay Taniel na naglalahad ng mansanas.

Marahang ngumiti ang bata at kinuha ang mansanas sa kamay ni Taniel. Napatingin ako sa basket at limang isda na lamang ang natira. Napailing-iling naman ang lalaking tagasingil ng buwis at inutusan ang kanyang kasama na ilagay na ang iilang isda sa harapan ng altar.

Bumalik si Taniel sa aming tabi at patuloy nang hinila ng guwardiya-sibil-sibil ang kawawang bata. Napahinto ang guwardiya-sibil-sibil nang mayroong humatak sa kanyang babai at agad na inagaw ang bata.

“Ibalik mo sa akin ang aking anak!” sigaw ng babai na sa tingin ko ay ang kanyang ina. Mabilis na nabitawan ng guwardiya-sibil-sibil ang bata dahil sa babae, ngunit hindi ito nagpatinag. Akmang aagawin na niya ang bata mula sa pagkakahawak ng ina nito nang dali-daling humarang ang babae at sinigawan ang mukha ng guwardiya-sibil-sibil, “Ako na lang ang iyong kunin!”

Mabilis na sinapak ng guwardiya-sibil-sibil ang babai dahilan upang magbulungan ang lahat ng tao. May tatlong guwardiya-sibil-sibil ang dumating at hinuli ang mag-ina na pareho na ring nagmamakaawa.

“Umuwi na tayo,” paalala ni Ina.

Pagkatapos, maraming nagsiluhuran sa altar ngunit kaming tatlo ay pinili na lamang na umuwi. Nasa kalagitnaan kami ng daan nang magsalita si Ina.

"Siya nga pala anak, naghahanap si Haring Valenzo ng maglilingkod sa dalawang prinsipe," saad ni Ina na ikinakunot ng aking noo. Maraming nagsisidaanang mga tao sa lansangan at masigla rin ang ingay sa paligid dahil malapit kami sa pamilihan. Napatingin ako kay Taniel na nakatingin sa ibang direksyon at tila hinihintay ang aking isasagot, hindi ako sumagot at nagpatuloy na kaming maglakad pauwi.

Matirik na ang araw ngunit hindi ito nakapapaso sa balat, sa gitna ng aming paglalakad ay nagsalita ako. “Ina, kung hinahangad niyo pong magsilbi ako sa Kastilyo, 'di po ako papayag," saad ko. Napatingin naman si Taniel sa akin na tila nagulat sa aking sinabi.

"Ngunit kailangan natin ng karagdagang salapi upang mabuhay," sagot naman ni Ina na tila dismayado sa aking sagot. Nagpahuli naman si Taniel sa paglalakad at nasa aming likuran na siya na tila nais niyang mabigyan kami ng pagkakataong mag-usap ni Ina.

"Mas pipiliin ko pa pong magtanim ng trigo, o mag-alaga ng mga tupa, o sumama kay Itay na mangisda sa dagat," sagot ko kay Ina, napatingin ako kay Taniel na tila ba nakikinig sa aming usapan habang naglalakad at nakatingin lamang sa lupa. Napahinga nang malalim si Ina at kita sa kanyang mga mata ang pagkadismaya.

"Nais ko lang naman sanang may makasama ako sa Kastilyo. Sa halip na magpalipas ako ng gabi sa Kastilto ay pinipili ko pa ring umuwi upang makapiling kayong muli, ngunit palagi ko kayong nadaratnang mahimbing nang natutulog,"—napahinto siya saglit— "kinaumagahan naman ay maaga akong gumigising upang tumungo sa Kastilyo nang hindi man lang kayo nakakausap. Minsa'y napag-iisipan kong bumitaw na sa tungkulin ngunit malaki ang utang natin sa Hari," malungkot ma saad ni Ina at tumingala sa kalangitan nang may napadaang kalapati.

“Haring Valenzo. . .” saad ni Ina habang nakatingala pa rin sa kalangitan na animo’y mayroong isang ala-alang inaalala matagal na panahon na ang lumipas.

Lupain ng Dero (8 BCE)

"Huwag kang mag-alala, Mahal! Malapit na tayo!" sigaw ni Lerid sa kanyang asawa na nakasakay sa isang asno habang yakap-yakap ang kanilang panganay na anak na si Jabar na limang taong gulang pa lamang. Malalim na ang gabi at patuloy ang pagbuhos ng ulan na nagpapaginaw sa tatlong manlalakbay.

Nagbibigay liwanag sa madilim at maulang gabi sa kanilang dinaraanan ang iilang bituin na malapit nang matakpan ng mga makakapal na ulap at ang iisang gasera. Napaubo ang kanilang anak at agad namang yinakap ni Bersa si Jabar nang mas mahigpit. Nagmula sila sa Kaharian ng Badoc kung saan may nagaganap na digmaan, kung kaya't pinili nilang lumisan upang hindi sila mapahamak. Dala rin nila ang iba pa nilang mga ari-arian buhat ng isang kamelyo.

Napatigil sila nang makita nila ang isang liwanag mula sa malayong lugar kaya't pinabilis na nila ang kanilang paglalakbay upang makasilong. Tumigil sila sa isang kubong gawa sa pinagtagpi-tagping mga dahon, ngunit sapat na ito upang sila’y makapagpahinga. Mahigit isang oras ang lumipas ay pinagpatuloy na nilang muli ang paglalakbay, napatigil sila nang may mga lumitaw na mga hindi nila kilalang mga kalalakihan sa kanilang dinaraanan na may hawak na mga lampara..

Aatras na sana sila at magbabago ng direksyon ngunit agad na tumakbo ang mga guwardiya-sibil-sibil at sila'y hinabol. Napadapa si Lerid sa lupa dahil sa mabilis na pagtakbo ng asno, agad na nakahabol ang mga guwardiya-sibil-sibil at agad nilang binalutan ng isang makapal na tela ang ulo ng bawat pamilya habang patuloy pa rin ang malakas na pagbuhos ng ulan at ilang kidlat na nagpapaingay sa paligid.

Kinaumagahan, nagising si Lerid na kadiliman lamang ang nakikita habang nasa kanyang tabi ang kanyang mag-ina. Nasa isang kulob na silid sila at ang kaunting liwanag lamang na nagmumula sa maliit na butas ang nagbibigay sa kanila ng liwanag. Mayroong sunod-sunod na yabag ng paa ang pumasok sa silid na ikaalerto ni Lerid.

"S-sino kayo?! Palayain niyo kami!" sigaw ni Lerid at akmang tatayo siya ngunit napagtanto niyang nakagapos ang kanilang mga paa at kamay.

"Kamahalan, nakita po namin sila na nagtatangkang pumasok sa ating Kaharian," saad ng isang guwardiya-sibil-sibil, napatango-tango naman si Haring Esmael. Dahil sa pagsigaw ni Lerid ay nagising din ang mag-ina na ngayo'y nagtataka na rin kung anong nangyayari.

"Nasaan kami?! Palayain niyo kami!" ulit ni Lerid. Sinenyasan naman ng Hari ang guwardiya-sibil-sibil na tanggalin ang mga telang nakataklob sa kanilang mga ulo at agaran naman nitong sinunod. Tila nakahinga nang maluwag ang mag-aama nang matanggal ang mga taklob nila sa ulo.

"Narito kayo sa Kaharian ng Pinileo, at sino kayo upang manghimasok dito?! Isa ba kayong mga espiya?!" sigaw ng Hari at umalingawngaw ang boses nito sa kulob na silid. Nasa tabi niya ang kanyang anak na si Prinsipe Valenzo na nakatitig kay Bersa na tila nahuhumaling sa kagandahan nito.

"May nagaganap na digmaan sa Badoc, baka isa sila sa mga lumisan at naghahanap ng matutuluyan upang makalayo sa panganib, Ama," sagot ng prinsipe. Nakasuot ito ng mamahaling kasuotan na tinahi pa sa kabilang bayan at maayos ang tindig nito na sumusunod sa alituntunin ng mga mayayaman. Nakatitig pa rin siya kay Bersa dahil sa hindi maitatangging kagandahan nito.

Napatingin naman si Lerid sa prinsipe kung paano ito tumingin sa kanyang kasintahan, at pagkatapos ay tumingin rin siya kay Bersa na nakatingin sa prinsipe. Hindi na umimik ang Hari at agad na lumisan sa silid, sumunod din ang kanyang mga kawal ngunit si Prinsipe Valenzo ay nananatili pa rin sa loob. Agad siyang lumapit sa pamilya.

"Pagpaumanhin niyo ang aking Ama, talagang mainit ang kanyang ulo sa mga tulad niyong mga dayo mula sa ibang Kaharian," wika ng prinsipe habang tinatanggal ang pagkagapos sa kanilang mga kamay at paa gamit ang patalim na kinuha niya sa kanyang sinturon. Nang matanggal niya ang lubid ay tumikhim ang isang babae sa pinto, hinihintay niyang lumabas ang prinsipe. “Emilya, sandali lamang.”

Tumayo na ang prinsipe at nang lalabas ito ay muli itong lumingon kay Bersa.

Dahil sa angking kabaitan ng prinsipe ay binigyan niya ng tahanan, lupa, at mga tupa ang pamilya upang makapagsimula muli ng bagong buhay. Ngunit hindi maitatanggi na may lihim na pagtingin ang prinsipe kay Bersa na may asawa at anak na.

Namuhay naman nang payapa ang pamilya at nakakilala ng mga ibang mamamayan sa Kaharian na tumagal ay naging kaibigan na rin nila. Nagtanim sila ng iba't ibang pananim, naparami nila ang kanilang mga alagang hayop, at minsan sila'y sumasama sa pangingisda. Kalaunan ay naipanganak ni Bersa ang pangalawang anak nila na pinangalanang Saira.

***

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height