If Time Stops/C3 Kabanata 3
+ Add to Library
If Time Stops/C3 Kabanata 3
+ Add to Library

C3 Kabanata 3

"PUMASOK na kayo," wika sa amin ng guwardiya-sibil na nagbabantay sa lagusan ng Kastilyo habang dahan-dahang tumaas ang malalaki at mahahabang bakal na nagsisilbing proteksyon sa mga tulisang papasok sa Kastilyo. Nang makahakbang kami ni Inay papasok ng Kastilyo ay agad ring bumaba ito na kontrolado ng isang matikas na guwardiya-sibil na pinapaikot ang bilog na kahoy na nagpapataas-baba sa mga bakal.

Pagpasok pa lang namin ni Ina sa Kastilyo ay agaw-pansin na ang iba't ibang klase ng mga bulaklak at halaman na nakapalibot sa malawak at makinis na daan mula sa lagusan hanggang sa ginintuang pinto ng Kastilyo. Masaya ring nagtatrabaho ang mga hardinero at ‘di alintana ang matirik na araw. Sa matataas na pader naman na nakapalibot sa buong karangyaan ng Kastilyo ay may ilang mga guwardiya-sibil na bihasa sa paggamit ng pana ang nagbabantay rito. Sa ikalawang palapag ng Kastilyo ay kita sa bintana ang ilang mga tagapaglingkod na abala sa pagtatrabaho.

"Maligayang umaga sa lahat!" Napatingin ang lahat sa lalaking sumigaw mula sa balkonahe na siyang kinatatayuan rin ng dalawang malaking rebulto ng kalahating anyo ng ahas at tao.

"Magandang umaga rin, Prinsipe Jobel!" sigaw ng isang hardinero sabay wasiwas sa hangin ng kanyang palad. Tumango naman si Prinsipe Jobel at nginitian ang hardinero. Sunod-sunod naman ang bating natanggap ng prinsipe. Tumingin ito sa aking mata nang matagal habang natatamaan ng liwanag ng sinag ng araw ang kanyak maputing mukha bago ito tumalikod at bumalik sa loob ng ikalawang palapag. Lumapit naman si Ina sa akin.

"Siya ang isa sa mga paglilingkuran mo, Anak," bulong ni Ina sa akin at tila ba magkakapalitan na kami ng mukha dahil sa dikit ni Ina sa aking tainga. Napatango na lang ako at nagulat nang may isang lalaking lumundag mula sa mataas na pader at agad na nagtago sa mga halamanan, tila hindi nasumpungan ng mga guwardiya-sibi na nagbabantay rito. Mula sa tangkad nito, sa kulay ng balat, sa buhok nitong kasing-kulay ng mga kahoy sa kagubatan, hindi ako nagkakamali, si Taniel iyon.

"At iyon! Iyon pa ang iyong pagsisilbihang prinsipe," tila pabulong na saad ni Ina. Napatingin naman ako kay Ina ngayon na nakatingala sa ikatlong palapag ng Kastilyo.

"Si Prinsipe Aelino," sagot ko habang tinitingnan ang maamong mukha ng binata habang nagbabasa ng isang mahabang papel na pinagdurugtong ng dalawang kahoy (scroll) sa tapat ng bintana habang nakaupo. Mayroong baso sa tabi nito at taimtim na binabasa ang isang kasulatan.

Agad naman niyang pinaikot nang mabilis ang dalawang pabilog na kahoy dahilan upang magtabi ang mga ito. Tumayo si Prinsipe Aelino mula sa pagkakaupo at nanlaki ang aking mga mata nang may bumagsak na isang kumikinang na gintong singsing sa lupa. Napapalamutian ito ng isang kulay pulang bato na rubi na nagpapadagdag sa kagandahan nito. Kahit sinuman ay maaakit dito.

Napatingin ako kay Ina na kanina pa pala nakikipag-usap sa isang hardinera. Napatingin akong muli sa singsing at napapaisip kung kukunin ko ba iyon o hindi. Nakarinig ako ng yapak mula sa loob ng Kastilyo na papalapit na sa nakasarang pinto nito. Hindi ako mapakali at hindi ko inaasahang dinakma ko agad-agad ang singsing na iyon at isinilid sa aking bulsa. Bumukas rin ang lagusan ng Kastilyo at iniluwal ang ilang kababaihan na sa aking pagkakaalam ay nais ring maging tagapagsilbi ng mga prinsipe.

Nakayuko pa rin ako nang bumukas ang pinto sa aking harapan at lumabas ang isang lalaki. Napahinto ito sa paglalakad at kitang-kita ko ang kumukinang nitong sandalyas na gawa sa kahoy ng 'almug' na mula pa sa malayong lugar, napapalamutian rin ng ilang pilak at ng balat ng asno na nagsisilbing malambot na tapakan nito. Mula pa lamang sa kanyang sandalyas ay hindi maitatanggi na mayroon siyang mataas na kapangyarihan sa Kaharian.

"Tularan niyo ang dalagang ito, siya'y napakagalang," seryosong saad ng lalaki at tila pamilyar ang boses nito sa akin. Hindi ko naman talaga sinasadyang yukuran ang lalaking nasa harapan ko, nagkataon lamang. Agad akong tumayo nang tuwid at nagbigay galang naman ang lahat sa kaniya.

"Magandang umaga po, Heneral Adjiel," sabay-sabay na bati ng mga hardinero at ibang manggagawa sa labas ng Kastilyo. Tumango-tango na lamang ang lalaking nangangalang Adjiel na nakatalaga sa isa sa mga matataas na opisyal sa Kaharian, siya ang komandante ng militar. Matipunong katawan, bilugang mata, mahaba habang balbas, matangkad, at hindi maitatanggi ang seryoso nitong mukha bagama't may katandaan na ito na nasa apat na apu't tatlong taon na ang edad.

"Hindi ko na kailangang pumili pa ng magiging tagapaglingkod ng mga prinsipe, siya'y nasa aking harapan na," seryosong wika ni Heneral Adjiel sa lahat. Nanlaki rin ang aking mga mata dahil sa gulat. Gulat namang napatingin ang ilang mga kababaihan na nasa aking likuran na tila dismayado sa pangyayari habang nanlilisik ang kanilang mga mata na tila isang leon sa akin. Nagbigay galang sila sa komandante at pumadya-padyak sa lupa habang naglakad palabas ng Kastilyo kasabay ang pagtaas ng portkulis.

"Sumunod ka sa akin," wika ng komandante at napatango na lang ako.

Tumalikod siya at humarap sa malaking pintuan na ngayo'y nakabukas pa rin. Sumunod ako sa kanyang paglalakad at sa bawat paghakbang ko papasok ng Kastilyo ay tila nagpapabigat sa aking mga paa.

Agad na sumalubong ang ilang mga kababaihang tagapaglingkod na nasa sampu ang bilang at yumukod sa komandante habang nasa likod naman niya ako. Sumenyas ang komandante sa isang babaeng may katandaan na kabilang sa mga tagapaglingkod sa Kastilyo, napatango naman ang matandang babae at lumapit sa akin.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang apa at tumatango tango. "Sundan mo ako," saad ng matandang babae at agad siyang tumalikod, wala na akong nagawa kaya sumunod na lang ako.

Nagpatuloy kami sa paglalakad habang nadaraanan namin ang ilang kasambahay na abala sa kanilang ginagawa at pare-pareho ang kanilang mga kasuotan. Makinis ang sahig na tila isang salamin na aking nakikita ang sarili kong repleksyon. Nagkalat rin ang iba't ibang halaman sa loob na tila palaging may okasyon sa loob. Naalala ko ang okasyong naganap bilang mainit na pagsalubong sa dalawang prinsipe, ibang-iba ang gandang taglay ng Kastilyo kumpara sa anyo nito nang huling makatapak ako sa loob. Samu't saring silid rin ang aming nadadaanan na tila ba wala nang katapusan.

Lumiko kami sa kanan at kaliwa na para bang nahihilo na ako sa napakadaming pasiko-sikong daan sa Kastilyo. Magagawa ko kayang kabisaduhin ang lahat? Natauhan na lang ako nang magsalita ang matandang babae na aking sinusundan.

"Una, wala kang ibang gagawin dito kundi ang paglingkuran ang dalawang prinsipe," panimula ng babae. Tumango na lang ako at nahagilap ng aking mata si Prinsipe Aelino sa isang silid habang tumutugtog ng plawta (flute) ngunit nagpatuloy lang kami sa paglalakad dahilan upang mawala siya sa aking presensya.

"Pangalawa, susundin mo ang bawat utos ng mga prinsipe, pagiging magalang at masunurin ang dapat mong taglayin," patuloy ng babae. Tumango akong muli at napatigil na lang ako sa paglalakad nang tumigil rin siya sa paglalakad. Humarap siya sa akin at naging seryoso ang kanyang mukha.

"Panghuli, huwag mo nang naising umibig sa kanila." Nagulat ako sa kanyang sinabi. Nagkatinginan kami nang matagal at tila may nais siyang ipahiwatig sa akin.

"O-opo," utal na sagot ko sa babae, tumalikod siyang muli at binuksan ang isang silid sa aming harapan. Nauna siyang pumasok at sumunod ako. Sa loob ng silid ay may maraming magkakatabing maliit na higaan, isang lampara sa tabi ng pinto, at isang bintana na nagbibigay ng kaunting liwanag sa loob ng silid.

"Ito ang ating kasuotan, palagi mo itong isuot," saad ng matanda at inilapag sa maliit na mesa ang dalawang damit pambabae na kulay pula. Nagpasalamat ako at lumabas na siya sa silid. Agad ko itong isinuot at napaikot-ikot pa sa ganda nang pagsabay ng palda sa hangin.

Lumapit ako sa malaking bintana na hanggang baywang ko at napatingin sa labas. Mga patay na halaman,mga tuyong dahon,at isang bangko (bench) sa ilalim ng patay at walang kabuhay-buhay na puno ng Oak kasabay ang paglipad ng kwago papalayo mula sa sanga nito. Napagtanto ko na lamang na posibleng nasa likuran ng Kastilyo ako mamamalagi dahil tila hindi nabibigyan ng pansin ang pagpapaganda rito.

"Ano pa ang iyong ginagawa dito?Tumungo ka na sa silid ng dalawang prinsipe!” Napatalon pa ako sa gulat dahil sa kanyang sigaw. ”Nasa ikatlong palapag ang silid ni Prinsipe Aelino at nasa ikalawang palapag naman ang silid ni Prinsipe Jobel. Huwag kang mawawala sa kanilang paningin, sundin mo ang lahat ng kanilang utos," wika ng matandang babae na kanina pa pala naghihintay sa labas para makapanamit ako.

"O-opo," nauutal kong sagot at napalunok ako sa huling niyang sinabi na tila paulit ulit kong naririnig sa aking utak. Yumukod ako at lumabas na ng silid at agad na naglakad papalayo, napahinto ako nang magsalita ang matandang babae, "Batid mo ba ang iyong pupuntahan?" tanong ng babae at tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan.

"O-opo," sagot ko habang nakatalikod. Mula noong una ko siyang makausap ay puro 'Opo' lang aking nababanggit na salita at nauutal pa. Nagpatuloy ako sa paglalakad at hinihintay ko kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Batid kong nasa unang palapag ako at hinahanap ko ang hagdan pataas. Marami akong nasasalubong na hindi ko kilala kaya't nagbibigay galang ako agad.

Ayoko namang magmukhang mayabang!

Napahinto ako nang marinig ko ang tunog ng isang plawta na may napakagandang himig. Napapikit ako at pinakiramdaman ang aking paligid. Minulat ko ang aking mga mata at agad na naglakad habang sinusundan ang himig ng isang plawta. Napatigil ako nang makita ang hagdan papunta sa ikalawang palapag. Maingat akong naglakad sa hagdan bagama't baka magasgasan ang sahig ng hagdan.

Tatlong palapag lamang ang Kastilyo ngunit ang isang palapag ay napakataas kaya't napakalaki talaga ng Kastilyo kahit tatlong palapag lamang ito. Nang marating ko na ang ikatlong palapag ay patuloy akong naglakad habang pinakapakiramdaman ang paligid. Napatigil na lang ako sa isang silid na nakabukas dahilan upang malayang makalabas ang tunog sa loob.

Sa gilid ng bintana ng silid ay naroroon si Prinsipe Aelino na ramdam na ramdam ang bawat nota ng plawta na pinapakawalan nito habang nakapikit dahilan upang masilayan ko ang mahaba nitong pilik mata.

Napatigil siya sa pag-ihip ng plawta nang maramdaman ang aking presensya. Agad akong nagbigay galang at tumabi sa tabi ng pinto at tumayo roon na tila isang estatwa na hinihintay ang kanyang mga iuutos. Tumayo siya nang tuwid at isinilid sa kanyang damit ang plawta. Humarap siya sa bintana kasabay ang malamig na pag-ihip ng hangin at ang pagdilim ng paligid na nagbabadyang umulan.

Buwan na ng 'Tisri' (September) at katatapos lang ng Buwan ng 'Elul' (August). Nagsisimula nang umulan at katatapos lang mag-ani ng mga magsasaka ng tanim nilang mga datiles (dates) ,ubas,at igos (fig). Nagsisimula na rin silang mag-araro ng lupa upang makapagtanim muli ng mga bagong tanim sa susunod na buwan.

"Elersa. . ." Natulala na lang ako kay Prinsipe Aelino na ngayo'y nakaharap pa rin sa bintanang nakabukas kasabay ang malamig na simoy ng hangin at pagbuhos ng malakas na ulan, dahilan upang magtakbuhan ang ilang mga tao sa kani-kanilang mga tahanan at may ilan ding mga bata ang masasayang naliligo sa unang patak ng ulan. Hindi ko maintindihan kung bakit batid niya ang aking pangalan.

"A-ano pong maipaglilingkod ko, Kamahalan? "tanong ko sabay hawak sa aking palda dahil sa matinding kaba.

"Maaari mo ba akong samahang panoorin ang bawat pagbagsak ng ulan?" pabalik niyang tanong sa akin gamit ang nakakamatay na boses. Hindi ako makasagot habang nakatingin pa rin siya sa labas ng durungawan.

"M-masusunod po, Kamahalan," sagot ko at dahan-dahang naglakad sa harap ng bintana. Isang metro ang pagitan namin sa isa't isa habang pinapanood ang malakas na ulan sa labas. Tila nagsisiyahan ang ilang mirasol at iba't ibang mga halaman sa harap ng Kastilyo.

"Elersa, maaari ka bang tumabi sa akin?" tanong ni Prinsipe Aelino.

"Ngunit Kamahal---" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil naaalala ko ang mga sinabi ng matandang babae na tila bumulong sa aking isipan.

'Pangalawa, susundin mo ang bawat utos ng Prinsipe, pagiging magalang at masunurin ang dapat mong taglayin'

Napahinga ako nang malalim at akmang tatabi na sana ako sa kanya nang mabilis niya akong sinunggaban ng halik habang itinutulak niya ako sa sulok ng silid upang walang makakita sa amin sa harap ng bintana. Patuloy ang palitan namin ng mga labi at tila hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari. Ang tahimik at tila mala-anghel na mukha ng Prinsipe ay may itinatago itong kapusukan. Ang kanyang hininga na aking naaamoy ay tila kasing bango ng mga bulaklak at ang kanyang mga labi ay kasing lambot ng bulak.

Hinaplos niya ang aking pisngi at maging ang aking buhok. Ramdam ko ang init ng kanyang hininga na akin ring nalalanghap. Sinubukan kong imulat ang aking mga mata ngunit pinigilan niya ako, taimtim din siyang nakapikit. Tumatama ang matangos niyang ilong sa akin, ang aming katawan ay napapalapit na sa isa’t-isa.

"Binibini. . ." wika ni Prinsipe Aelino ngunit hindi ko siya pinansin. Itinulak niya ako sa isang lamesa dahilan upang mahulog ang ilang kagamitan doon. Malakas pa rin ang bugso ng ulan at ang malamig na hangin na tila ba nakikibaka sa init ng aming mga katawan.

"Binibini. . . Maaari mo ba akong dalhan ng iinuming tubig?" ulit na tugon ni Prinsipe Aelino na kanina pa pala ako tinatawag at ako ngayo'y nag-iilusyon ng isang mapahangas na pangyayari. Tila nagising ako sa malalim na pagkatulog at agad na yumukod. “Binibini?”

"M-masusunod po, Kamahalan," nauutal kong tugon. Nanginginig na ang aking mga binti, rinig na rinig ko ang pintig ng aking diddib. Dali-dali akong yumukod at akmang lalabas na nang siya'y magsalita.

"May alam ka bang masarap na pagkain?" Tumingin ako sa kanya at para bang may nakabara sa aking lalamunan upang hindi makapagsalita. Nakahawak siya sa kanyang baba habang hinihintay ang aking kasagutan. "Maaari mo ba akong ipagluto?"

"M-masusunod po, K-kamahalan." Agad akong tumalikod at palihim na huminga nang malalim kasabay ang malakas na pintig ng aking puso. Nakita ko pa siyang ngumiti at ngumisi. Akmang lalabas na ako ng silid nang siya'y magsalita muli.

"Nakakasawa na ang ilang pagkain, nais ko ng kakaiba."

"Opo." Humarap ako sa kanya at yumukod. Dali-dali akong lumabas ng silid at tila napakabigat ng aking mga paa habang naglalakad. Wala pa akong alam na anumang luto, tanging ang kumain lamang ang aking ginagawa sa bahay. Kung si Ate Saira lamang ang nasa aking posisyon ay tiyak na maiibigan ng prinsipe ang kanyang maihahain.

Napahinto ako sa paglalakad dahil wala pala akong ideya kung nasaan ang kusina. Napagdesisyonan kong pumunta sa unang palapag ng Kastilyo, sigurado akong naroroon ang silid-lutuan. Maraming silid ang aking nadaraanan at ang ilang lampara sa kaliwa't kanan. Natanaw ko sa malayo ang malaking hagdan pababa na napalilibutan ng napakaraming bulaklak at ang napakaraming lamparang nagbibigay ng liwanag.

Naririnig ko ang masiglang tawa ni Haring Valenzo mula sa baba at ang huni ng mga baso. Napatingin ako sa kaniya mula sa itaas at kasama niya ang Heneral na tindig na tindig sa kanyang kasuotan. May bote ng alak sa kanilang harapan at ilang berdeng ubas. Nakita kong may ibinigay na supot ang Hari sa Heneral na ikinangiti naman nito.

"Kamahalan naman, sobrang sobra na ito." Rinig na rinig ko na ang kanilang pinag-uusapan.

"Pagbutihin mo pa ang iyong tungkulin." Ngumiti ang Hari at kinuha naman ng Heneral ang supot mula sa kamay ng Hari. Binuksan niya ito at laking gulat ko nang makita ko ang napakaraming ginto. Agad niyang itong isinuksok sa kanyang bulsa na animo'y takot na mayroong makakita nito.

Nagsimula na akong maglakad pababa ng hagdan, nalalanghap ko rin ang halimuyak ng nga bulaklak na dumadampi sa aking kamay. Hindi ko maiwasang mapangiti na animo'y nasa isa akong lihim na hardin. Nagulat ako nang mapatingin ang Heneral sa akin dahil sa rinig na rinig na aking mga yapak. Maging ang Hari ay gulat na gulat rin nang ako'y makitang bumababa ng hagdan.

Tila nanlilisik ang kanyang mga matang ako'y tinitingnan, tumaas pa ang kaliwa nitong kilay na aking ipinagtaka. Nagulat ako nang may magsalita sa hindi ko malamang lugar.

"Kamahalan." Gulat akong napatingin sa babaeng nagpupunas ng hagdan sa aking harapan. Mas lalo akong nagulat sa kanyang sinabing 'kamahalan'. Hindi ko alam ang kabang nararamdaman ko ngayon. Napatingin ako sa sulok kung saan bumababa ang ilang kasambahay mula sa ikalawang palapag, napagtanto kong hindi nila ginagamit ang hagdan. Tila ba nagmistula akong isang mataas na persona sa Kaharian upang maglakad dito.

Parang nais kong lamunin na ako ng lupa sa kahihiyan.

"Magpapaalam na ako, Haring Valenzo." Tumayo ang Heneral at lumuhod sa harapan ng Hari. Nanlaki ang aking mga mata nang may humila sa akin, si Ina.

"A-anong ginagawa mo rito, Elersa?" Para bang nababahala rin siya sa aking ginawang kahihiyan, umiiling pa siya habang nakahawak sa noo.

Nakakahiya naman talaga kasi iyon.

"Nasaan po ang kusina, Ina?" pagbabago ko ng usapan. Hindi naman sa binabago ko dahil ito naman ang tunay kong balak na gawin. Tiningnan niya ako at napakunot ang noo. "Inutusan po ako ni Prinsipe Aelino na magluto."

Nanlaki ang kanyang mata at halatang nagulat sa aking sinabi. "Anak! Halika, ako'y sundan mo. Ipagluluto natin siya ng masarap na pagkain, sisiguraduhin kong maiibigan niya ito." Para siyang isang kabataan na kinikilig.

Maraming kasambahay ang kasama ni Ina sa malawak na kusina, maraming kubyertos ang hindi pamilyar sa akin, at hindi mabilang ang mga makikitang mga sangkap kung saan-saan. Taliwas sa kusinang aking kinagisnan, tunay ngang kakaiba ang Kastilyo. Mula sa maliliit na kutsara ay lahat ay mukhang pangmayaman.

"Ang ganda ng iyong anak, Bersa!" ani ng isang babae na may katandaan na. Kulot ang itim nitong buhok at kutis, palatandaan na isa rin siyang dayuhan.

"Ano ang inyong pinakanaiibigang pagkain?" tanong ni Ina sa lahat ng kasambahay. Napatingin silang lahat kay Ina at napaisip-isip.

"Manokeso?" rekomenda ng isang babae.

"Pritong itlog?" Binatukan ng isang babae ang nagrekomenda nito.

"Iyan na ba ang pinakamasarap mong natikman sa buong buhay mo?" tawa pa nang tawa ang babae. Para namang napahiya ang babae at itinatago pa ang kanyang mukha. "Mas naiibigan ko ang mga pagkaing matatamis."

"Ibinalad na baboy?" rekomenda naman ng matabang babae. Napatingin ang lahat sa kanya sabay tawa, nagtaka ako sa kanilang inasta.

"Ipagluluto natin siya ng tinapay!" ani ni Ina at itinaas pa ang kaliwang kamay.

"Sinong siya?" nagtatakang tanong ng isang babae. “At bakit mo pa kami pinahirapang mag-isip kung may alam ka naman na pala?!” Nagtaka rin ang ang ilang kasambahay at masamang tiningnan si Ina.

"Si Prinsipe Aelino." Gulat na gulat ang lahat, ang iba rin ay pinipigilan ang kanilang mga sigaw dahil sa kilig. Tila ba naging isa silang mga batang nabigyan ng minatamis na ubas. Ganito na lang ba nila pagkahumalingan si Prinsipe Aelino?!

Mahiya ka, Elersa. Ano ulit ang pinag-ilusyonan mo kanina?

"Tumabi na kayo, ako na!" kinikilig na ani ng isang kasambahay sabay tayo upang maghanap ng mga sangkap. Ngunit napatigil siya ng hilain ng isang babae ang kanyang buhok. "Ano ka ba!"

"Hindi ikaw ang inutusan. Sino nga ba ang tagapalingkod ng mga prinsipe?" tanong ng isang babae sabay tingin sa akin. Umikot ang mata nito sa akin na para bang naiinggit sa aking posisyon.

Sa iyo na po. Sayong-sayo.

Naghugas ng kamay si Ina na akin ding ginawa. Nagsimula nang maghanap ng sangkap si Ina para sa gagawing tinapay at inilapag sa makinis na batong lamesa. Napatingin ako sa mesa, may mga iba't ibang kulay ng pulbos, harina, itlog, mga ubas, asukal, at mga hindi ko matukoy na sangkap. Tunay ngang kakaiba ang Kastilyo.

"Anak, haluin mo ang isang mangkok ng harina at pulbos ng tsokolate." Abala siya sa paghahanda ng mga kahoy sa kalan na gagamitin maya-maya sa pagluluto. Tila nanginginig pa akong pinaghalo ang tsokolate at harina na nakakamanghang panoorin. Nanonood lang ang ilang kasambahay sa amin.

"Tapos na, anak? Paghaluin mo ang dalawang itlog, keso, asukal, mantikilya, at kaunting suka sa hiwalay na lalagyan." Para akong naestatwa sa harap ng lamesa, hindi ko naisaulo ang mga sangkap na kanyang nabanggit. Sa tingin ko ay binanggit niya ang mga likidong sangkap na naiwan sa lamesa. Dapat na mahiwalay ang mga sangkap na likido at hindi.

Sa wakas! May natututunan na rin ako!

Biniyak ko ang itlog na nagpalagkit sa aking kamay dahil sa naiwan nitong likido. Sinunod ko ang keso, mantikilya, suka, at asin na nasa piling sukat na. Kinuha ko ang asukal na nasa isang lalagyan at ibinuhos ito sa mangkok. Napadaan si Prinsipe Jobel sa kusina na aking ikinagulat, maging ang mga kasambahay ay nagulat din. Nginitian niya ako na ikinakunot ng aking noo.

Para lumabas ang kaluluwa ko sa aking katawan nang mapagtanto kong nailagay ko na ang napakaraming asukal! Mabuti na't walang nakapansin sa akin, lalo akong kinabahan. Lahat ay nakatuon ang tingin kay Prinsipe Jobel. Dumadagundong ang tibok ng aking dibdib.

"Paghaluin mo na ang lahat," utos ni Ina sabay ngiti, pilit akong ngumiti pabalik. "Ang daan sa puso ng lalaki ay mula sa kanyang tiyan."

Nanginginig kong pinaghalo ang dalawang mangkok sa mas malaking lalagyan, nangangamba ako sa magiging resulta nito. Habang hinahalo ko ito ay lumalapot rin ito, mas lalo akong nahihirapan. Lumapit si Ina sa akin at sinuri ang aking ginagawa. Tila napansin niya ang napakaraming asukal na kumikinang-kinang pa sa dami nito. Laking gulat ko nang kunin niya sa akin ang aking ginagawa.

Ako'y tunay na nangangamba!

Hinalo-halo at tila minamasahe niya ang pinaghalong mga sangkap sa lamesa gamit ang kanyang mga kamay hanggang sa ito’y mas matuyo. Nang napansin niyang naging mainam na ito ay hinulma niya ito pabilog. Sa tingin ko'y nakagawa siya ng dalawam pu't lima. Pinatungan niya ng ubas ang mga ito na mas nagpasarap sa mga mata. Pagkatapos ay inilagay sa isang mahabang metal na lalagyan at inilagay sa loob ng mainit at umaapoy na butas. At sa huli, tinakpan niya ito at napahawak pa sa noo dahil sa pagod.

Halos kalahating-oras namin itong hinintay na maluto. Nakita naming papalapit si Prinsipe Aelino sa kusina kaya't naalarma ang lahat, ang lahat ay kinikilig. Ang lahat ay kinikilig, samantalang ako ay mamamatay na sa kaba.

"Matagal pa ba, Binibini?" tanong ni Prinsipe Aelino pagkapasok pa lamang niya ng kusina. Tiningnan ko si Ina na napatingin rin sa akin.

"Malapit na raw maluto," ani ko sabay ngiti kay Prinsipe Aelino. Sinamaan ako ng tingin ni Ina pati na rin ng ilang kasambahay sa hindi ko malamang kadahilanan.

"M-malapit na raw pong maluto, K-kamahalan," ulit ko. Inilabas na ni Ina ang umuusok pang mga tinapay, agaran niya itong inilipat sa isang malinis plato at mabilis na inihain sa tapat ni Prinsipe Aelino. Nagtaka naman si Prinsipe Aelino na animo'y nanghihinala, sinusuri pa niya ang tinapay.

"Ikaw ba ang nagluto nito, Binibini?" Naestatwa ako sa tanong niya, hindi ko alam ang isasagot. Ako lang naman ang naghalo ng mga sangkap, matatawag na kayang ako ang nagluto nito?

Maaari naman.

"Opo, Prinsipe Aelino. Ang anak ko nga ang nagluto nito," singit ni Ina. Laking gulat namin nang agad siyang nagbigay galang kay Ina, ang lahat ay nagtaka sa kanyang ginawa.

"S-Sige. Tikman mo na ang luto ng ating Binibining Elersa." Ngiti nang ngiti si Ina na animo'y wala siyang ideya sa magiging lasa nito. Kumuha ng isang tinapay si Prinsipe Aelino kasabay ang pagtulo ng aking pawis. Ramdam ko rin ang mabilis na pagtibok ng puso ko at ang tila pagbilis ng aking paghinga. Dumaragdag pa ang mga kulog at kidlat sa paligid na mas lalong nagpapalala sa aking kaba. Patuloy pa rin ang ulan sa labas.

Paano na?!

"Teka!" Napatigil siya sa pagkagat dahil sa pagpigil ko at napatingin siya sa akin nang may pagtataka. "I-ikukuha lamang kita ng inumin."

Napangiti siya sa akin na mas lalong ikagulo ng nararamdaman ko. Hindi ko malaman kung kakabahan ba ako, hindi ko maintindihan. Agad akong naghanap ng mga maiinom sa paligid kahit wala akong ideya kung nasaan ang mga ito. May nakita akong pulang inumin na nasa isang bote kaya kinuha ko ito. Inilapag ko ito sa kanyang harapan.

"Balak mo bang lasingin ang Prinsipe, anak?" Nagulat ako sa winika ni Ina, kinuha niya ang bote ng alak sa harapan ni Prinsipe Aelino at akmang ilalayo niya ito nang pigilan siya ng prinsipe.

"Ito na lang po," saad niya sabay tingin sa akin. “Masarap ang tinapay ngayong tag-ulan, hindi po ba?” Mabilis at walang tigil na tumatango ang lahat na para bang nawala na sa sariling pag-iisip.

Napapikit na lang ako nang agad-agad niyang kinagat ang tinapay. Napahinto siya sa pagnguya at tila ba nawala sa ularin. Dinig ko ang malakas na pintig ng aking puso habang hinihintay ang kanyang magiging reaksyon. Maging ang mga kasambahay ay mainam ring naghihintay.

"M-masarap." Nakahinga ako ng malalim sa kanyang komento. Maging ang mga kasambahay rin na nakapaligid sa kanya ay napahawak pa sa kanilang dibdib at sabay-sabay na napahinga. Ang ilan ay napahawak pa sa kanilang mga noo dahil sa kaba.

"T-totoo po ba, Kamahalan?" tanong ko, nagbabasakaling nagsisinungaling lamang siya.

Siya'y nagsisinungaling lamang!

"Tunay na masarap," ani ni Prinsipe Aelino at napatingin sa akin. "Tunay na kaibig-ibig."

***

Hating gabi na ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng tulog. Tumigil na kanina ang malakas na bugso ng ulan upang muling masilayan ang buwan at ilang mga bituin sa kalangitan, basa pa rin ang lupa sa labas at kinakailangan ng maghapong init bukas upang tuluyan itong matuyo. Nakahiga ako ngayon sa isang kama, hindi maliit at hindi malaki, sakto lamang ito sa aking laki.

Nasa tabi ko ang ibang kababaihan na mahimbing nang natutulog at tila dinalaw na rin ng malalim na panaginip dahil ang iba'y gumagawa na ng ingay sa kanilang mga ilong. Kung tutuusin ay mas mahirap nga ang kanilang gawain sa Kastilyo, bagama't ako nama'y sinusunod lamang ang bawat utos ng dalawang Prinsipe na hindi naman ganoon kahirap.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga at naglakad papalapit sa bintana nang walang pangyapak. Inilapit ko ang isang silya sa tabi ng bintana at umupo ako roon at tumingala sa kalangitan. Mga nagkikislapang bituin na iba't iba ang kulay na binibigay nito, ngunit iilan na lamang bagama't natatakpan na ng makakapal na ulap. Nakasilip rin sa ulap ang hindi pa nabubuong buwan sa kalangitan kasabay ang ilang ibon na nagliliparan. Napatigil ako sa pagtingala nang humuni ang isang kuwago sa isang sanga ng puno ng Oak. Tumingin pa ito sa akin kahit nakaharap ang kanyang katawan sa ibang direksyon, nakakatakot rin ang kanyang malaking mata.

Elersa, ibon lamang iyan.

Akmang isasara ko na ang bintana ngunit laking gulat ko nang may humawak sa aking kamay. Ramdam na ramdam ko ang kumakalabog kong dibdib dahil sa takot, namamawis na rin ang aking noo kahit pa man malamig ang paligid. Halos mapatalon ako sa gulat nang mayroong magsalita, ni hindi ako makagalaw.

"Hindi ka pa ba matutulog?" wika ni Jaime na isa sa mga lingkod ng Kastilyo. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa kanya. Bumitaw siya sa aking kamay at napakusot-kusot sa kanyang dalawang mata kasabay ang malakas nitong paghikab. Halos kasing-edad niya lamang si Kuya Jabar ngunit mas matangkad ako ng kaunti. Mahaba ang kanyang buhok at mapupungay na mga mata. Sa madaling salita, siya'y may taglay ring kagandahan.

"Hindi pa," sagot ko kay Jaime at napatango tango ulit siya kasabay ang mas malakas na naman nitong paghikab dahilan upang mapagalaw ang ilan naming kasama sa kanilang higaan.

"Napakaswerte mo Elersa dahil pinagsisilbihan mo ang dalawang Prinsipe, magagaan lamang ang iyong tungkulin," saad ni Jaime at tumabi siya sa akin upang panoorin ang kalangitan kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin.

"Bakit hindi ka umuwi sa inyo gaya ng iyong Ina?" dagdag nito habang nakatingala rin sa taas.

"Hindi ko naabutan si Ina ,at. . ." napatigil ako dahil tila nakakahiya kung sasabihin ko ang dahilan sa kanya. Napakunot naman siya ng noo habang hinihintay ang aking sunod na sasabihin, kita ko pa rin ang kanyang mukha kahit nakatingala pa rin sa kalangitan.

"At..?" tanong muli ni Jaime.

"At...T-takot ako sa ulan?" wika ko. Napatingin naman siya sa akin sabay halakhak nang tahimik na tila ba pinipigilan niya ang kanyang tawa upang di marinig ng iba kasabay ang pagtapik tapik niya sa braso ko.

"T;takot ka sa ulan?! Ikaw pa lamang ang nakilala kong takot na mabasa ng ulan!" malakas na halaklak ni Jaime na ikagalaw ng ilang natutulog dahil sa ingay nito. Napahinga siya nang malalim at pilit na pinapakalma ang sarili kasabay ang pagpaypay niya gamit ang kanyang kamay sa kanyang mukha kahit malakas naman ang hangin na binibigay ng ulan sa labas. Napansin niya akong di umiimik kaya napatigil siya sa pagtawa at tumingala ulit sa mga bituin

"B-bakit ka naman natatakot sa ulan?" tanong niyang muli sa akin kahit nauutal siya dahil sa pagpigil niya ng kanyang pagtawa.

"Ikaw pa lang ang nakilala kong napakababaw ng kaligayahan," kontra ko kay Jaime habang pinapanood naming dalawa ang kalangitan. Napailing iling naman siya dahil sa aking sinabi. Napatitig ako sa kalangitan nang makakita ako ng isang bulalakaw na mabilis na dumaan malapit sa buwan. “Jaime. . . Hindi ba’t panlalaki ang iyong pangalan?”

Hindi na niya ako nasagot nang agad siyang napatayo sa gulat at itinuro ang bulalakaw na kanina pa nawala sa aming paningin.

"Nakita mo ba iyon?!" gulat na tanong ni Jaime na tila isang batang kauna-unahang nakakita ng isang bulalakaw sa kanyang buhay.

"Oo, nakita ko ang isang bulalakaw. Anong mayroon doon?" seryoso kong tanong. Napahinga siya nang malalim at pumikit kasabay ang pagbulong niya sa kanyang sarili. Ilang segundo ang lumipas ay iminulat niya ang kanyang mga mata at ngumiti. Napatingin na naman siyang muli sa akin.

"Hindi ka gagawa ng isang kahilingan?" tanong ni Jaime. Marami akong nakikitang bulalakaw sa kalangitan sa tuwing nanonood ako mula sa bintana ng aming tahanan ngunit hindi ako naniniwala sa kasabihang nakakatupad ng hiling ang isang bulalakaw. Napailing naman ako. Nakakagulat talaga si Jaime dahil kahit kagigising niya lang, ka'y gana-gana niyang tumawa. Ngayon ko lang siya nakilala at talagang malalapitin siya sa ibang tao.

"Ano ang hiniling mo?" pabalik kong tanong kay Jaime. Agad naman siyang bumalik sa pagkaka-upo at tumingala muli sa kalangitan.

"Hiniling ko nawa'y mabuhay muli ang aking buong pamilya," seryosong tugon ni Jaime. Ang masiyahin niyang mukha ay napalitan ng lungkot at pamumuo ng luha sa kanyang magkabilang mga mata. Ang pinakamasiyahing taong nakilala ko ay may tinatago rin pa lang napakalungkot na ala-ala.

"Napaka-swerte mo dahil may pamilya ka, mahalin mo ang iyong pamilya hanggang nabubuhay pa sila. Hindi natin batid kung kailan sila mawawala," malungkot na tugon ni Jaime at bumuhos nang tuluyan ang kanyang mga luha na tila matagal na niyang ikinukubli. Agad naman akong tumabi sa kanya at tinapik-tapik ang kanyang likod upang siya’y patahanin.

"M-maaari ko bang malaman ang nangyari sa iyong pamilya?" tanong ko kay Jaime. Agad naman niyang pinunasan ang kanyang luha gamit ang kanyang kamay at tumingala muli sa kalangitan na tila inaalala muli ang mga nakaraan. Hindi ko alam kung mayroon ba akong karapatang malaman ang kanyang nakaraan o kung nasa posisyon ba ako upang ito’y malaman. Nais ko lang na mas makilala ang babaing nasa tabi ko ngayon.

"Nagmula ako sa Kaharian ng Badoc, habang namumuhay nang payapa't masaya kasama ang aking pamilya. May dalawa akong nakababatang kapatid at ako ang panganay. Hindi ko lubos maalala ang mga pangyayari dahil isa pa akong musmos na bata noon ngunit sa mapayapa naming pamumuhay ay sumiklab ang malaking gulo sa Kaharian. Naaalala ko pa ang mga kabahayang linalamon ng apoy at ang ilang mga katawan ng tao na nakahandusay kung saan-saan habang ako'y nakasilip sa maliit na butas sa aming bahay,

"Nagulat na lang ako nang sumigaw si Ina mula sa kusina at nang lumabas ako ng silid ay laking gulat ko nang makita ko si Ina na nakahandusay sa sahig habang nakabaon sa kanyang likuran ang matulis at mahabang espada na hinuhugot ng isang sundalo. Kasabay ang pagluwa nito ng dugo sa kanyang bibig ay ang pagdaloy rin ng kanyang mga luha. Sa katabing silid naman ay nakita ko ang dalawa kong nakababatang kapatid na wala nang buhay at tila kinitil habang natutulog,

"Natulala na lang ako nang sumigaw si Ina na t-tumakbo na ako, ‘di ako makagalaw sa mga oras na iyon ngunit agad akong hinila ng aking ama papalayo sa aming tahanan. Bitbit niya ako sa kanyang bisig habang tumatakbo at iniiwan ang lahat sa aming likuran. Sa kanyang pagtakbo sa gitna ng nagkakaguluhang tao ay napatumba si Ama nang bumaon sa kanyang likuran ang isang espada na tumagos sa kanyang dibdib. Pilit na lumalaban si Ama sa lalaking iyon habang ako'y patuloy na tumatakbo papalayo,

"Nakarating ako sa isang tahimik na kagubatan at nakilala ko ang isang ‘di ko kilalang matandang babae at idinala ako rito sa Kaharian ng Pinileo. Mula pagkabata ay naglingkod na ako dito sa Kastilyo at pagkaraan ng ilang taon ay pumanaw na ang babaeng tumulong sa akin." Napatulala ako sa mahabang kwento ni Jaime habang nakatingala pa rin sa kalangitan kasabay ang pagbuhos muli ng malakas na ulan. Ngumiti siya sa akin at tumayo nang marahan.

"T-tulog na tayo?" tanong ni Jaime sa akin habang nakakubli sa kanyang mukha ang malaking ngiti. Ang ngiting may itinatagong nakalulungkot na nakaraan.

***

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height