If Time Stops/C4 Kabanata 4
+ Add to Library
If Time Stops/C4 Kabanata 4
+ Add to Library

C4 Kabanata 4

MAAGA akong nagising dahil sa sunod-sunod na tilaok ng mga tandang sa paligid, hindi pa umuusbong ang araw at ang mga bituin ay tila nagkukompitensya pa rin sa pagniningning. Ang nag-iisang lampara sa loob ng silid ay tumigil na sa pagliyab at ang mga kasamahan ko sa loob ay tila isang langis na hindi na magigising.

Dahan-dahan kong ibinaba ang hinabing kumot mula sa aking katawan at dahan-dahan rin akong tumayo upang hindi makagawa ng anumang ingay. Ramdam ko ang lamig ng sahig na mas lalong nagpaginaw sa aking katawan dahilan upang yakapin ko ang aking sarili. Lakad-susò akong tumungo sa pintuan at dahan-dahan itong binuksan ngunit gumagawa pa rin ng masingkit na tunog na siyang umaalingaw-ngaw sa loob.

Pagkabukas ko ng pinto ay binitbit ko ang isang lamparang nakasabit sa labas ng silid at naglakad sa malamig na sahig upang hanapin ang palikuran habang namimilipit na sa sakit ang aking puson na anumang oras ay malalagay ako sa kahihiyan. Habang tumatagal ay bumibilis ang aking paglakad na tila ba hinahabol ako ng mamamatay-tao. Maraming pasiko-sikong daan ang aking tinahak at napabuntong-hininga ako nang makita sa aking harapan ang palikuran ng Kastilyo na may pilak na bukasan. Agad ko itong binuksan at ginamit.

Paglabas ko ng palikuran ay laking gulat ko nang bumungad agad sa aking harapan ang nag-aalburotong ilong at nanlilisik na mata ng isang lalaki, iniharap ko ang hawak kong lampara sa pagitan ng aming mga mukha, laking gulat ko nang makilala ko siya.

Si Prinsipe Jobel!

Hindi ko alam ngunit agad na nagbago ang kanyang mukha, mula sa mukhang mala-demonyo ay nagbago ito sa isang maamong tupa nang ako ay makita.

Pumagilid ako sa pinto at dahan-dahang naman siyang pumasok habang tila ba pinipilit ang kanyang ngiti sa akin. Padabog niyang isinara ang pinto ng palikuran dahilan upang gumawa ito ng malakas na ingay sa tahimik na paligid. Aalis na sana ako nang magsalita siya mula sa loob.

"K-kay rami-rami ng palikuran sa Kastilyo, dito ka pa t-tlaga sa palikuran ng aming pamilya, hindi ba't may palikuran kayo sa inyong silid?" saad ni Prinsipe Jobel na paputol putol. Tila naestatwa ako sa aking kinatatayuan nang malaman kong palikuran lamang ito para sa mag-aama na pinakamatataas na tao sa Kaharian, at hindi ko rin naman batid na mayroong palikuran ang aming silid!

Kahihiyan na ito!

Wala nang maibugang mga salita ang aking bibig kaya't napag-isipan kong umalis na papalayo. Nakakailang hakbang pa lamang ako nang bumukas ang palikuran at iniluwal ang Prinsipe.

"S-sandali," wika ni Prinsipe Jobel habang ako'y nakatalikod pa rin sa kanya.

"P-patawad po, Prinsipe Jobel, maiiwan na po kita," mahina kong tugon at akmang lalakad na ako papalayo ngunit laking gulat ko nang hawakan niya ang aking balikat dahilan upang manlamig ang aking katawan.

Agad kong inilayo ang aking sarili at hindi ko akalaing masasampal ko siya dahil sa kanyang mapangahas na ginawa. Kahit madilim ang paligid ay nasilayan ko ang pamumula ng kanyang pisngi at ang mukha niyang tulala habang nakatingin pa rin sa akin. Hindi ko alam ang aking gagawin kaya't nagbigay-galang na ako at siya'y tinalikuran.

"A-aalis na po ako. Patawad po Kamahalan," saad ko at sinimulan ko nang maglakad papalayo habang ramdam ko ang pagbigat ng aking puso. Nakayuko si Prinsipe Jobel habang tinitingnan ang bawat paghakbang ko papalayo sa kanya. Sa aking paglalakad ay ang siyang paghakbang niya rin papalayo sa aming unang pagtatagpo.

Napahinga ako nang malalim at pinagpatuloy ang aking paglalakad kasabay ang pagbuhos muli ng ulan dahilan upang mas manlamig ang aking katawan. Napalingon ako sa aking likuran ngunit wala na ang Prinsipe kaya't agad na akong bumalik sa aming silid.

***

“Ayusin mo rin ang iyong sarili, kanina ka pa tulala sa kawalan," wika ni Jaime sabay buntong-hininga habang nakaharap sa malaking salamin sa aming silid. Kanina pa ako tulala sa bintana habang pinagmamasdan ang papataas na araw sa kalangitan, umaga na. Nagsimula na ring tumubo ang mga berdeng damo at ang mga halaman ay nabuhay nang muli pagkatapos ng matagal na pagkauhaw noong taglagas. Tumayo na ako at hinarap si Jaime.

"Anong mangyayari sa oras na sinampal mo ang isang prinsipe?" tanong ko na ipinagtaka naman ni Jaime, kanina pa siya paikot-ikot sa salamin ngunit hindi naman nagbabago ang kanyang kasuotan. Inilagay niya sa kanyang harap ang kanyang buhok at ako naman ang kanyang hinarap.

"Una, sa oras na masampal mo ang isang prinsipe, magagalit siya," seryosong sagot ni Jaime habang nakapatong ang kanyang mga braso sa isa't isa. "Pangalawa, maaari ka niyang parusahan. . . o matanggal sa tungkulin," dagdag ni Jaime at tila mas diniinan at binigyan niya ng linaw ang mga salitang huli niyang binanggit. Parang naiintindihan niya na ang kalagayan ko. Napalunok naman ako dahil sa aking narinig na kanya namang ikinatawa.

"O sya, magsisimula na kaming magtrabaho," wika ni Jaime sabay ngiti at tapik sa aking balikat. Napahawak naman ako sa aking balikat kung saan din hinawakan ni Prinsipe Jobel. Nagpaalam na si Jaime at lumabas na ng silid dahilan upang na lamang ang matira. Nataranta ako nang maalala kong may sarili rin pala akong tungkulin sa Kastilyo kaya't lumabas na rin ako ng silid at naabutan ko naman si Jaime na naglalakad.

Naiwan siya sa kusina ng Kastilyo at ako ay nagpatuloy pa rin sa paglalakad upang tumungo sa ikatlong palapag kung saan naroroon ang silid ni Prinsipe Aelino. Nasa ikalawang palapag na ako at napahinto ako nang bumukas ang isang silid sa aking likuran. Iniluwal nito si Prinsipe Jobel na nag-uunat ng kanyang mga buto habang humihikab.

Nataranta ako kaya't agad akong nagtago sa mga kumpol-kumpol na halaman sa gilid.

"Kay gandang umaga!" humihikab na ani niya at pinakapaikot pa ang kanyang ulo. Nakasuot pangtulog siya at magulo-gulo pa ang buhok. Laking gulat ko nang may huminto sa aking harapan na hindi ko matukoy, ngunit wala sa ideya nito na ako'y nagtatago. Napag-alaman kong isa itong pusa dahil sa patuloy na paghuni nito na tila ba may nakitang isang makakain na daga sa isang sulok.

Mas lalong kumabog ang aking puso nang lumapit si Prinsipe Jobel rito at nagtatakang tiningnan ang pusa. Napatingin siya sa aking kinaroroonan ngunit dahil sa kapal ng mga halaman ay hindi niya ako nakita. Binuhat na niya ang pusa at napag-alaman kong iyon ang pagmamay-ari ni Prinsipe Aelino. Tumalikod siya at nagpatuloy sa paglalakad habang nasa kanyang bisig ang puting pusa.

Nang mawala ang kanyang presensya ay lumabas na ako sa aking pinagtataguan at pinagpagan ang aking kasuotan upang matanggal ang mga sumabit na dahon dahilan upang malaglag ito sa sahig. Napatingin naman ako sa isang babaing nakangisi na may hawak na walis habang nakatingin sa akin na tila ba isang batang nagkakalat sa bahay.

Ngumiti na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad na tila walang nangyari habang sinusundan niya ako ng tingin. Narating ko na ang silid ni Prinsipe Aelino at akmang kakatok na ako nang agad itong bumukas at bumungad sa akin si Haring Valenzo kaya't agad akong nagbigay daan at galang sa kanya. Bakas sa kanyang mukha ang galit, nagpatuloy ito sa paglalakad at padabog nitong isinara ang pinto dahilan upang gumawa ng malakas na ingay. Sinundan ko naman siya ng tingin papalayo habang siya'y napapailing-iling at napapakamot sa ulo.

Kumatok ako sa pinto nang tatlong beses na magkakasunod ngunit walang sumasagot. Muli akong kumatok ngunit wala pa rin kaya't ako na lang ang mismong nagpapasok sa aking sarili. Naabutan kong tulala si Prinsipe Aelino sa kawalan habang pinagmamasdan ang maaliwalas na kalangitan sa bintana.

Paborito niya ang bintana.

Ilang sandali lamang ay natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa kanyang tabi habang ninamnam ang sinag ng araw. Kulay asul na ang kalangitan at bumalik na rin ang sigla ng bawat tao habang ang ilang bata'y naririnig nang nagsisigawan habang naghahabulan mula sa malayo. Ang dagat ay masigla nang umaagos habang ang mga mangigisda ay pabalik-balik sa pampang upang iahon ang kanilang nakukuhang isda Makikita pa rin ang mga ito kahit ilang kilometro ang layo nito sa aking kinatatayuan.

Ang pamilihan ay dinaragsa na ng mga hindi mabilang na mamimili at ang mga karwaheng lulan ang mga iba't ibang produkto gaya ng tela, prutas, gulay ,mga hayop, at iba't ibang mga kagamitan sa tahanan na mula pa sa ibang bansa. Ang mga sakahan ay mainam nang naararo pagkatapos ng malakas na ulan na tila isang biyaya sa mga magsasaka. Mula sa aking kinatatayuan ay makikita ang taglay na sigla ng Kaharian dahilan upang maraming kalapit-bansa ang yumuyukod rito at rumerespeto.

Napahinga ako nang malalim kasabay ang malamig na simoy na hangin dahilan upang lumipad ang balabal mula sa aking pagkakasuot. Akmang pupulutin ko na ito ngunit mabilis na tumayo si Prinsipe Aelino at tumungo sa tapat ng pintuan pagkatapos ay pinulot ang aking pulang balabal.

Lumapit siya sa akin at iniabot ang aking balabal dahilan upang kumalabog ang aking puso, manghina ang aking mga tuhod, at manginig ang aking mga kamay nang tanggapin ko ito. Nagdikit ang aming mga daliri dahilan upang mas lalong manlamig ang aking katawan lalo na nang magkatinginan kami ng matagal kasabay ang pag-ihip muli ng hangin.

Agad siyang bumalik sa pagkakatayo sa tapat ng bintana at napahinga nang malalim.

"May isang kasabihan na sa tuwing makakatagpo ka ng isang tao at ang iyong puso ay kumalabog, ang iyong tuhod ay manghina, at ang iyong mga kamay ay manginig, ay hindi sila ang nakatadhana sa iyo. Sa oras na mahanap mo ang naitadhana sa iyo, lahat ay tahimik," wika ni Prinsipe Aelino habang tulalang nakatingin sa kalangitan.

Hindi ko batid ang mga nais niyang ipahiwatig ngunit nakikita ko sa kanyang tahimik at maaaliwalas na mukha ang masakit na nakaraan. Wala akong maisagot, kahit pagtango man lang ay hindi ko magawa, ang kanyang mga sinabi ay parang isang espadang nagpadurugo sa aking puso.

"Anong pangalan mo, Binibini?" tanong ni Prinsipe Aelino habang nakatingin na sa mga namumukadkad na bulaklak sa ibaba. Hindi ako umimik dahilan upang mapatingin siya sa akin.

"E-elersa po, Kamahalan," nauutal kong sagot. Napahinga siya nang malalim at tumingala sa kalangitan kung saan nagtatago ang araw sa mga ulap.

"Elena. . . Elersa..." wika ni Prinsipe Aelino habang nakatitig sa kalangitan. Inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang kanyang plawta at nagsimula nang tumugtog ng isang napakalungkot na musika na minsan ko na ring narinig kahapon.

Napakaganda.

Ramdam na ramdam niya ang bawat nota na kanyang ipinapakawala sa hangin kasabay ang pagpikit ng kanyang mga mata. Hindi ko mapagilang mapatitig sa kanya dahil sa angkin niyang talento at ‘di maitatanggi ang kanyang taglay na kagwapuhan. Natauhan na lang ako nang mapahinto siya sa pagtugtog at magsalitang muli.

"Hindi ba't hindi lamang ako ang iyong paglilingkuran?" tanong ni Prinsipe Aelino sa akin. Tila nabuhusan ako ng isang timbang nyebe dahil sa kanyang sinabi, may punto naman siya dahil kailangan ko ring paglingkuran ang kanyang kapatid na si Prinsipe Jobel. Dali dali akong nagbigay galang sa kanya.

"O-opo, Kamahal---" hindi ko na naipagpatuloy ang aking mga sasambitin. Agad na naman siyang tumugtog at kumawala sa hangin ang mga magagandang huni ng ibon na nagmumula sa plawta na mukhang makatotohanan ang mga ito.

Ramdam na ramdam niyang muli ang pag-ihip mula sa kanyang mga mapupulang labi, pagkapikit ng kanyang mga mata, at minsa'y napapangiti. Sa bawat notang nagpapakalma sa paligid ay ang paglabas ng ilang ibon sa kanilang mga tahanan. Tila naestatwa na naman ako sa pagtitig sa kanya at nabasag itong muli nang huminto siya.

"Makaririnig ka ng mga huni ng ibon sa oras na kinakailangan ko ang iyong tulong," saad ni Prinsipe Aelino. Napatango-tango na lang ako sa kanya at mukha na akong batang masunurin."Maaari mo na akong iwan," dagdag nito, agad naman akong napatango at nagbigay galang sa kanya. Daha- dahan akong naglakad palabas ng silid at marahang isinara ang pinto kahit pa man gumagawa pa rin ito ng masingkit na ingay.

"Oo nga pala, tunay na masarap ang tinapay." dagdag pa niya na nagpangiti sa akin.

Napatigil ako sa labas ng silid at kinapa ang aking bulsa.Tila gumuho ang aking mundo nang,

Nawawala ko ang singsing!

Tila naging estatwa ako sa harap ng pintuan na hindi makagalaw. Pinagtitinginan na rin ako ng ilang kababaihan na napadaan pansamantala, mukhang iniiisip nilang nawala ako sa matinong pag-iisip. Tila naglakbay ang aking isipan sa nakaraan, mula nang mapulot ko ang singsing hanggang ngayon. Pilit kong inaalala ang mga pangyayari sa loob lamang ng isang araw.

"Papasukin mo na siya." Rinig na rinig ko ang boses ni Prinsipe Jobel mula sa loob ng isang silid maging ang mga huni ng mga espada na akin ring naririnig. Bumukas ang pinto at nakayuko akong pumasok. Napatigil ako nang nasa tapat ko na ang isang lalaki. Dahan-dahan ko siyang tiningnan papataas at sabay kaming nagulat sa hindi alam na dahilan.

"I-Ikaw?!" gulat na sigaw ni Prinsipe Jobel na ikina-alerto ng mga guwardiya-sibil na mabilis na tumabi sa kanya. Maging ang ilang kalalakihan na nag-eensayo sa loob ng silid ay napatingin din. Agad na sinenyasan ni Prinsipe Jobel ang mga guwardiya-sibil na palabasin muna ang lahat ng tao sa loob maging ang mga guwardiya-sibil. Agad namang nagbigay galang ang mga ito at inutusan ang mga kalalakihan na lumabas ng silid na mabilis naman nilang sinunod.

Makapangyarihan nga talaga.

"A-anong ginagawa mo rito?" nauutal na tanong ni Prinsipe Jobel habang pinapasayaw sa ere ang isang espada. Hindi ko naman maiwasang mapaatras dahil sa kapahamakan na maaari nitong magawa.

Ayaw ko pang mamatay!

Napaiwas ako ng tingin dahil ngayon ko lamang napagtanto na wala siyang damit pantaas dahilan upang makita ko ang namamawis niyang katawan.

"Bakit ayaw mong sumagot? Wala ka bang dila?" Natauhan ako nang magsalita siyang muli. Inihinto na rin niya ang pagpapasayaw ng espada sa ere at agad akong linapitan. Laking gulat ko nang dahan-dahang siyang lumapit sa akin at ako nama'y napapaatras sa kanyang ginagawa. Ramdam ko ang mabilis na pagkabog ng aking dibdib sa hindi ko malamang dahilan. Napahinto na lang ako nang wala na akong maatrasan pa. Huminto siya sa aking harapan habang suot ang matatalim niyang tingin at pagkagat ng kanyang labi.

"Maari ba?" nagulat ako sa kanyang tanong dahilan upang takpan ko ang aking labi na kanyang ikinatawa. Patuloy pa rin ang pagkalabog ng aking dibdib.

Hindi kaya ako'y nag-iilusyong muli?

"Sabi ko, maaari ka bang pumagilid bagama't kukunin ko ang tuwalya sa iyong likuran?" dagdag nito na tila ikahulog ng aking panga sa sahig dahil sa malaking kahihiyan.

Pumagilid ako agad-agad habang nakayuko at agad niyang hinila ang tuwalya mula sa pagkakasampay nito. Lumayo na si Prinsipe Jobel at humarap sa isang malaking salamin sa loob ng silid.

Hindi iko maiwasang mapatingin sa kanya habang pinupunasan ang maraming pawis na tumatagaktak sa kanyang katawan. Maganda ang kanyang pangangatawan at halatang may kutis ng isang maharlika. Kitang-kita ko siya mula sa salamin habang pinupunasan ang kanyang dibdib at tiyan. Nagulat ako nang tumingin siya sa akin mula sa salamin. Agad akong umiwas ng tingin na kanyang ikina-iling iling at ikinangisi Agad siyang nagsuot ng pantaas na damit at dinumog akong muli ng sunod sunod na tanong habang lumalapit sa akin.

"Uulitin ko. Anong pakay mo dito? A-at ano ang iyong ngalan?" tanong ni Prinsipe Jobel habang seryoso ang kanyang mukha na nakatingin sa akin. Hindi ko magawang salita, tila may pwersang pumipilit sa aking dila. Hindi rin ako makagalaw habang nakatitig sa kanyang mga mata.

"Isa ka ba sa mga espiya ng kabilang nasyon? Bakit ka nagpapalakad-lakad sa kalagitnaan ng gabi sa loob ng Kaharian?!" malakas na sigaw ni Prinsipe Jobel sa akin at nanlilisik na ang kanyang mga mata. Napaatras ako at mapasandal ang aking mga siko sa lamesa.

Hindi niya kaya batid na ako'y nagtungo lamang sa palikuran?!

Hindi bat nakita niya naman ako? Hindi niya ba batid na ako ang kaniyang tagapaglingkod? Tila naging isang bato ako habang nasa ganoon kaming posisisyon. Ramdam na ramdam ko ang init ng kanyang hininga at ang init ng kanyang katawan na kakatapos lamang pagpawisan.

Agad akong tumayo at inayos nang marahan ang aking palda at balabal, tiningnan ko siya ng malalim sa kanyang mga mata.

"Ako si Elersa, ang iyong tagapaglingkod," deretso kong tugon sa kanya na ikinangisi niya. Agad siyang naglakad papalayo sa akin at napataw- tawa. Hindi ko alam ngunit tila iba ang dating ng prinsipeng ito sa akin, hindi tulad ng kanyang kapatid na ako'y nauutal pa sa pagsasalita sa tuwing siya'y aking kausap. Ngunit sa lalaking ito ay mukhang hindi kami magkakaintindihan, tila may sakit siya sa utak bagama't palagi siyang ngisi nang ngisi.

Ano bang problema nito?

Agad siyang napahinga ng malalim at napatahimik habang hinahawakan ang ilang armas pandigma sa loob ng silid.

"Elersa. . . Elena," halos pabulong na saad ni Prinsipe Jobel at hinugot ang isang palaso (arrow) mula sa kinatatayuan ng ilang pana at pinagmasdan iyon nang mabuti. Hinawakan niya ang ulo ng palaso na matalim-talim kung titingnan dahil sa liwanag na binibigay nito sa tuwing natatamaan ng liwanag. Nagulat ako nang seryoso siyang napatingin sa akin habang hawak ang palaso.

"Nagwakas ang kanyang huling hininga sa bagay na ito," seryoso niyang tugon sa akin habang nakatingin sa aking mga mata, hawak niya ang palaso sa kanyang kanang kamay na tila ba may ipinapahiwatig. Agad niyang ibinalik ang palaso sa kinatatayuan nito at tila bumalik sa normal amg hangin.

"Kung tutuusin ay hindi mo siya kilala, kalimutan na natin iyon," dagdag ni Prinsipe Jobel. Napatango naman ako at inayos ang aking balabal. Agad naman siyang lumapit sa helera ng mga matatalim na kampilan (uri ng espada) at humugot ng dalawa.

"Nais mo bang matuto?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin sabay abot ng isang kampilan. Hindi ako makasagot na para bang may pumipigil sa akin kasabay ang tila pagbulong ng tinig ni Itay sa akin.

'Ang hahawak ng kampilan, ay mamamatay sa kampilan'

Napatingin ako kay Prinsipe Jobel na ngayo'y nakatingin rin nang deretso sa akin at mukhang hinihintay niyang kunin ko ang kampilan. Mas lalo ko siyang tiningnan sa kanyang mga mata upang ipahiwatig ang aking sagot.

“Haysst. . . Oo nga pala," sagot ni Prinsipe Jobel at napasapo-sapo pa sa kanyang noo at umiling-iling. Agad naman niyang binawi ang kampilan at ibinalik ito sa helera ng mga kauri nito. Agad siyang tumungo sa helera ng mga pana at palaso, at kumuha ng dalawang pares. Ipinakita niya ito sa akin at ngumiti.

"Oh ito?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin at kinabitan niya ng palaso ang pana. Inayos niya ang kanyang tindig at ipinikit ang kanyang kaliwang mata. Inilibot niya ito sa loob ng silid at pinakawalan ito sa hangin. Mabilis itong tumama sa isang berdeng mansanas dahilan upang mawasak ito at kumalat sa sahig ang mga pira-piraso nito. Akmang pupulutin ko na sana ang mga nagkalat na mansanas sa sahig nang magsalita siya, "Pabayaan mo na.” Napatango-tango naman ako at agad na bumalik sa aking kinatatayuan. Tiningnan ko si Prinsipe jobel at umiling upang sabihin na hindi ko susubukan ang pana.

Agad naman siyang napahinga nang malalim at naglibot-libot sa loob ng silid. Nagulat na lang ako nang may isang malalakas na kalabog ng tambol ang sunod-sunod na kumawala sa loob ng silid.

"Ito na lang kaya?" tanong ni Prinsipe Jobel sa akin na tila ba nasasawa nang magtanong. Itinaas niya ang dalawang panambol at sabay ngiti na tila abot kalangitan ang saya nito. Agad siyang lumapit sa akin at iniabot ang isang panambol na tila ba isang bata na inaaya akong maglaro ng isang piraso ng kahoy.

Isip-bata.

"Mas ligtas ito. . . Elersa," malalim na wika ni Prinsipe Jobel at mas binigyang-linaw ang pagbigkas ng aking pangalan. Napatingin ako sa kanya at napakurap siya ng dalawang beses.

Isip-bata yata itong si Prinsipe jobel. Naku!

Mabilis pa sa kidlat kong kinuha sa kanyang kamay ang panambol at pinalo-palo ito sa aking kabilang palad upang suriin.

"Una, dapat alam mo ang tamang paghawak nito," pangaral ni Prinsipe Jobel sa akin. Itinaas niya sa ere ang kanyang panambol at ipinakita sa akin ang tamang paghawak nito. Agad ko naman itong sinunod ngunit nang lumingon ako kay Prinsipe Jobel ay napailing-iling at napahilamos na lamang siya sa kanyang mukha.

Lumapit siya sa akin at sa lapit niya ay nagkakadikit na ang aming mga braso. Mas matangkad siya sa kaysa sa akin at sa pagkakaalam ko ay magkasingtangkad lamang sila ng kanyang kapatid.

"Ganito ang wastong paghawak," pangaral nito at laking gulat ko nang dinakma niya ang aking kamay at inayos ito sa pagkakahawak. Hindi naman maiwasang manginig ng aking mga kamay dahil sa mapahangas niyang paghawak sa akin. Hindi naman ako makatatanggi dahil tila ako lamang ang gumagawa ng malisya. Tiningnan ko ang kanyang mukha na mukhang abala sa pag-aayos ng aking kamay.

Maputi at makinis ang kanyang kutis, matangos ang kanyang ilong, mapula at manipis ang kanyang mga labi, kulay bughaw na mga mata, at ang kanyang makapal na kilay na natatamaan ng ilang hibla ng kanyang buhok. Hindi maitatanggi na siya'y kinahuhumalingan ng napakaraming kababaihan. Nagtama ang aming mga mata at agad-agad siyang bumalik sa kanyang pwesto sa aking harapan.

Napatingin ako sa aking kamay na maayos nang nakahawak sa panambol.

"Gayahin mo ako," pangaral ni Prinsipe Jobel .Inihakbang niya ang kanyang kanang paa nang isang beses at hiniwa niya ang hangin gamit ang panambol na agad ko namang sinunod. Inihakbang niya ang kanyang kaliwang paa at hiniwa niyang muli ang hangin na mabilis ko ring ginaya. Paulit-ulit ang aming ginagawa na mukhang naisasaulo ko na.

"Kung ako'y lalapit sa iyo, humakbang ka naman patalikod. Depensahan mong mabuti ang aking mga atake," saad ni Prinsipe Jobel na mabilis na lumapit sa akin at pinakawalan ako nang sunod-sunod na hampas na agad ko namang nadepensahan. Napapangiti siya sa tuwing nagagawa ko siyang madepensahan.

Tila bumagal ang takbo ng oras nang matapakan ko ang mga piraso ng mansanas sa sahig dahilan upang madulas ang aking sandalyas na gumawa pa ng masingkit na huni sa loob ng silid.

Hindi ko na mabalanse ang aking katawan ngunit agad na naabot ni Prinsipe Jobel ang aking kaliwang kamay at hinila ako dahilan upang mapayakap ako sa kanya. Napabagsak kami nang sabay sa sahig na puno ng pira-piraso ng mansanas. Napadilat ako at laking gulat ko nang mapagtanto ko na nasa ibabaw ako ng katawan ni Prinsipe Jobel na nakapikit na ngayon.

Kung minamalas nga naman.

Dahan dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at nagtama ang aming paningin dahilan upang magkatinginan kami nang matagal.

Kahihiyan na naman ito!

Nabasag ang katahimikan nang marinig ko ang huni ng mga naggagandahang mga ibon na magandang ipinapakawala ng isang plawta. Agad kong naintindihan ang sitwasyon at agad akong tumayo mula sa pagkakahiga sa katawan ni Prinsipe Jobel. Inayos ko ang aking palda maging ang aking balabal. Mabilis akong kumaripas ng takbo papalabas ng silid dahil sa kahihiyan at sa hudyat ni Prinsipe Aelino na nangangailan ng tulong. Huminto na ang instrumento at nakarating na ako sa kanyang silid.

Naabutan ko siyang nagkakalkal sa kanyang mga aparador na tila may importanteng hinahanap. Magulo na sa kanyang silid at ang kanyang mukha ay namumula na sa paghahanap. Agad niyang naramdaman ang aking presensya.

"Binibining Elersa!" gulat na saad ni Prinsipe Aelino sa akin, ang kanyang mga mata ay puno ng pag-aalala.

"B-bakit po, Kamahalan?" nauutal kong sagot sa kanya. Abala pa rin siya sa paghahanap sa kanyang mga kagamitan.

"Pakiusap, tulungan mo akong mahanap ang aking singsing!" tila nagmamakaawang saad ni Prinsipe Aelino. Bakas sa kanyang mukha ang pagkatakot at pangamba na tila ba may mahalagang papel ang singsing na iyon sa kanyang buhay.

"S-sige po Kamahalan," sagot ko at nagsimula na rin akong maghanap sa silid kahit na may nalalaman naman ako tungkol rito.

Ilang minuto kaming naghahanap sa isang bagay na wala naman, at napatigil na lang ako nang mapahinga siya nang malalim.

"Ipapahanap ko na lamang kay Ama, ihinto na natin ito," walang ganang saad ng Prinsipe na tila nawalan na ng gana at pag-asa. Ako naman akong napatango-tango kahit may nalalaman naman na ako tungkol rito, nakokonsensya ako.

Nakokonsensya ako!

"Mawalang galang na po, Kamahalan. Ngunit maaari ba akong magtanong?" deretso kong tanong kay Prinsipe Aelino. Paikiramdam ko tuloy ay malapit na ako sa kanya.

"Sige," mabilis nitong sagot sa akin at tumango-tango.

"Ano po ba ang singsing na iyon para sa iyo?" Napalunok ako sa tanong ko dahil tila nanghihimasok na ako sa personal niyang buhay. Wala pa ako sa posisyon upang siya’y aking makilala. Akmang papalitan ko na ang topikong iyon ngunit agad rin siyang sumagot.

'Hindi sa akin ang singsing na iyon, ang singsing na iyon ay pagmamay-ari ng aking sinisinta," deretso nitong sagot at napatingala sa kalangitan na animo'y may inaalalang pangyayari na matagal na panahon na ang nakalilipas.

Napatango tango naman ako sa kanya kahit hindi ko pa lubos maintindihan ang mga nais niyang ipahiwatig. Ngunit batid ko na sa pagdaan ng mga araw na makakasama ko siya ay makikilala ko rin siya ng lubusan.

Agad siyang tumayo at may kinuhang lumang aklat sa isang sulok. Inilapag niya ito sa lamesa dahilan upang kumawala ang mga alikabok sa paligid na kanyang ikinabahing. Napakamot pa siya sa kanyang ilong dahil rito.

"A-ano po iyan Kamahalan?" nagtataka kong tanong sa kanya na ngayo'y namumula na ang ilong.

"Nais kong gumawa ng bagong kwento, " saad nito at napatingin sa akin. Napatitig kami sa isa't isa sa hindi malamang dahilan kasabay ang tila paghinto ng oras at dahan-dahang pagbugso muli ng ulan.

***

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height