Love After Death/C1 Chapter 0
+ Add to Library
Love After Death/C1 Chapter 0
+ Add to Library

C1 Chapter 0

Urong-sulong akong naglalakad sa malawak at malawig na hallway. Tila may gyera sa utak ko. Kanina pa ako nandito pero walang kumakausap sa akin. Ilang beses ko nang nakakagat ang aking mga daliri habang ang aking dibdib ay nagtataas-baba. Ramdam ko rin ang panghihina ng aking mga tuhod habang naririnig ang mahihinang paghikbi mula sa mga taong hindi ko inaasahan.

Bakit ba ako nandito?

“Ma, p-please stop crying. B-Bakit po ba talaga tayo nandito?” This is the first time that I see my mother cry so hard. Ni minsan ay hindi ko siya nakitang umiyak nang ganito. She’s always been strong and tough.

Kung hindi ako nagkakamali ay halos isang oras na akong nandito. Pabalik-balik at hindi alam ang gagawin dahil kanina ko pa pinapatahan ang ina ngunit parang hindi niya man lang ako naririnig at nakikita.

Papa is also here kaya sobrang nagtataka ako kung sino ang nandito. Kung sino ang iniiyakan nila.

“Ma, tahan na po. E-Everything will be surely fine.” Pag-alo ko pang muli sa ina at hinalikan ang kanyang noo. Sa pagkakaalala ko, ito ang unang beses na nakalapit ako kay mama nang ganito kalapit. Ito ang unang beses na naging ganito ako ka-concern sa kanya. Higit sa lahat, ito rin ang unang beses na nakita ko siyang mahina.

Si papa naman ay nakaalalay lang kay mama pero ramdam ko rin ang pinipigilang emosyon niya. Malakas man si papa ay alam kong may kahinaan din ito. Hindi niya man ipakita madalas sa amin ay alam kong umiiyak din siya. Kagaya ngayon, palihim siyang nagpupunas ng mga luha habang inaakay ang aking ina.

Habang nakatingin sa aking mga magulang ay kaagad akong napatanong sa aking sarili. Hindi ko alam ngunit kaagad kong naisip ang mga kapatid ko. Si ate Trinia, nasaan na siya? Dapat ay kanina pa ito dito. Hapon na kanina noong sumilip ako sa labas kaya nakasisiguro akong tapos na ang trabaho niya. Hanggang alas singko lang naman siya sa may paaralan. At si kuya Joaquin! Wala rin dito. Nandito sina mama sa hospital pero bakit wala ang mga nakakatandang kapatid ko? Nasaan na sila?

Biglang naramdaman ko ang pagbara sa aking lalamunan. Ang kaninang tumatahip na dibdib ay biglaang dumagundong dahil sa aking mga iniisip.

Hindi. Hindi pwedeng sila ang nandito. Wala naman kaming nabalitaan na naaksidente sila. Basta alam ko ay kanina pa kami nandito nina mama at papa. Kanina pa kami nandito sa ospital at wala pa rin akong kaalam-alam kung bakit.

Paano kung isa nga sa mga kapatid ko ang nasa hospital na ito? Paano kung may nangyaring masama sa kanila? O baka naman pareho silang napahamak?

Dahil sa mga naiisip ay mabilis akong napailing.

Kalma lang, Trisi. Hindi ang mga kapatid mo ang nandito. Huwag kang mag-isip ng masama.

Nilapitan kong muli ang aking ina at marahang hinimas ang kanyang likuran. I’ve known mama as a strong woman. She never cry easily. Kahit nga noong libing ng aking lola ay hindi siya umiyak ng ganito. Kaya hindi ko lubos maintindihan kung bakit ganito na lamang ang kaniyang paghihinagpis.

Kaagad naman akong napaayos ng upo nang maramdamang pansamantalang natigil si mama sa pag-iyak. Suminghot ito at tila may dinamdam na kung ano.

“Jonathan, h-hindi ko kakayanin kapag may nangyaring m-masama sa kanya,” nauutal na sabi ni mama habang patuloy pa rin nag pag-agos ng kanyang mga luha.

“Walang mangyayaring masama sa kanya, Trinidad. Matapang siya. Hindi niya pa tayo iiwan.” Pag-alo naman ng aking papa habang yakap-yakap pa rin nito ang aking ina sa kanyang bisig. Fear covered his eyes, too.

Something is really wrong. Hindi ko lang alam kung ano. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang narinig at nakita na maging ganito ang mga magulang ko lalong-lalo na si mama. Madalas kasi wala itong binibigay na reaksyon sa kahit anong bagay.

Para mapigilan ang sarili na mag-isip pa ng kung ano ay napatayo na lamang ako. Kanina ko pa sila kinakausap ngunit ayaw naman nilang makinig sa akin. May kung anong pumasok sa utak ko at nahanap ko na lamang ang sarili sa tapat ng pintuan ng Emergency Room. Sino ba kasi ang pinuntahan namin dito? Mukhang importante talagang tao siya o sila kaya ganito na lamang ang pag-iyak ni mama.

Akmang dudungaw pa sana ako mula sa maliit na kristal na bintana ng pintuan nang marinig ko ang mga pamilyar na boses na kagaad na nagpalingon sa akin.

“Mama!”

“Papa!”

“Ma, ayos lang ba kayo? Sorry po at ngayon lang kami ni Ate. Naipit po kasi kami sa traffic at nasiraan pa ako ng kotse,” pagpapaliwanag ni kuya Joaquin. Nakita ko naman ang pag-angat ng tingin sa kanila ni Mama ngunit muli lang itong umiyak at yumakap sa mga kapatid ko.

Pati sila ay hindi ko rin maintindihan kung bakit biglang nagsiiyakan. Sino ba kasi ang nandito?

Nilapitan ko na ang aking pamilya at kahit marami man akong tanong sa kanila ay kaagad ko na lang silang niyakap para iparamdam na mahal na mahal ko sila at magiging maayos din ang lahat.

“Are you the patient’s family?” Kaagad kaming napakalas sa pagyayakapan at napaayos sa aming pagkaka-upo. Tumayo naman sina Mama at Papa para kausapin ang Doctor na nanggaling sa ER.

Tanging tango lamang ang naisagot ni Mama sa kanila at kaagad na umalalay doon si Papa. Kaagad namang tumayo ang dalawa kong kapatid at tumungo sa likuran nina Mama para makinig sa doktor kaya wala akong ibang nagawa kung hindi ay sumunod sa kanila.

“It took us almost an hour to treat the patient. Maraming galos at sugat ang pasyente. At marami din ang nawalang dugo sa kanya. Ilang beses din siyang nag-seizure due to her head damage. And-”

“A-ayos lang po ba ang anak ko? Nailigtas niyo naman po siya, hindi ba?” nanginginig na tanong ni Mama.

Anak? Sinong anak? Nandito kaming lahat, Mama! Sinong anak?

Kagaad kong nakita ang lungkot sa mga mata ng doktor. Mahina itong umiling sa aking ina na nagpahagulhol sa kanya lalo. Si papa at ang mga kapatid ko naman ay hindi na rin napigilan ang kanilang mga luha.

Hinawakan ko ang aking dibdib. Sinong anak? Nandito kaming lahat, kaya sinong anak?!

“I am very sorry Ma'am and Sir. We did our best, but the patient didn’t survive. Excuse me.” Matamlay na tumalikod nag doktor sa amin at pumasok muli sa loob ng ER.

“Jonathan, hindi! Hindi pa patay ang anak natin. Hindi!” Sinakop ng boses ni mama ang buong corridor kung nasaan kami. Ang mga nurse at iilang pasyente na nandoon na dumadaan ay napapatingin na sa aming direksyon.

Ang kaninang magulong pag-iisip ay mas lalo pang nagulo. Sinong patay? Kumpleto kami rito!

Sa sobrang kagustuhan na malaman ang kung sino ang namatay ay kaagad kong tinakbo ang distansya papuntang Emergency Room. Hinawakan ko ang handle ng pintuan ngunit laking gulat ko na lamang ng hindi ko iyon magawa.

Bakit?

Kaagad akong napaatras nang bahagya nang may biglang pumihit nito at lumabas ang doktor kanina na kumausap sa amin. Ninakaw ko ang opurtunidad na iyon para makapasok.

Abot langit ang tahip ng aking puso nang makita ang isang bangkay mula sa kinatatayuan ko. Nakabalot ito ng puting tela. Kaya naman napahawak ulit ako sa aking dibdib. Hindi ko alam ang susunod na gagawin. Pakiramdam ko ay may kung anong pumipigil sa akin na lumapit.

I bit my lower lip as I forced myself to take a step towards the cold body in front of me. My breathing became uneven that I suddenly want to go out and grasp some air. Ngunit hindi pa man nakakalapit ay napaatras ako nang makitang nagsilapitan ang pamilya ko sa bangkay. May dalawang lalaking nakakulay berdeng uniporme naman ang nakasunod sa kanila.

Muling sinakop ng iyak ng aking Mama at Ate ang buong kwarto. Ang aking kuya at papa naman ay tahimik na umiiyak. Ilang segundo pa ang lumipas bago yakapin ni mama ang bangkay sa aking harapan.

Napasinghap ako at kaagad na humugot ng malalim na hininga. Nanginginig ang aking mga kamay at paa dahil sa iyak ng aking pamilya.

Sinugod ng kaba ang aking buong sistema na siyang dahilan kung bakit sa bawat hakbang papuntang pwesto nila ay tila isang malaking desisyon. Ramdam ko rin ang bigat ng hangin habang papunta sa kanila. Nang makarating ay napatigil ako sa tabi ng aking ama na nasa kabilang parte ng higaan ng bangkay.

Dahan-dahang kinuha ni Mama ang nakatakip na tela sa mukha ng bangkay.

Umawang ang aking labi. Hindi ko alam ang gagawin nang makita ang bangkay. May kung anong sumabog sa aking katawan na tila buong pagkatao ko ay nawawasak. Ang kaninang mga iyak at hikbi mula sa aking pamilya ay unti-unting nawala dahil tila ang mga tainga ko ay binubusalan. Napahawak ako sa aking dibdib at halos matigagal ako sa aking nakita. Hinawakan ko ang pisngi ng bangkay at pinagmasdang mabuti.

B-Bakit?

Paano?

“Trisi, anak!” pasigaw na hagulhol ni Mama.

Halos mabuwal ako mula sa aking kinatatayuan. Inakma kong hawakan si papa at abutin ang kamay ni mama ngunit hindi ko man lang ito magawa. Parang hangin na lamang sila.

Hindi… Hindi ‘to pwede! Nandito ako buong oras na umiiyak ang pamilya ko. Hindi pa ako patay!

This isn’t me! Hindi pa ako patay!

Please, hindi… hindi pa. Hindi ako patay!

“Mama, nandito ako! Pa, nandito ang anak niyo. Sige na naman, tingnan niyo ako. Hindi ako yan! Buhay pa ako!”

Ngunit kahit anong pagkumbinse ko sa aking sarili ay kaagad naman akong sinasampal ng katotohanan dahil sa mga iyak at sigaw ng aking pamilya ng aking pangalan. Sinubukan kong muling hawakan ang kamay ng aking mga magulang ngunit kagaya noong una ay hindi ko iyon magawa.

“M-Ma! H-Hindi ako ‘yan! Hindi pa ako patay!”

“Jonathan, bakit? Bakit ang anak natin?” muling hagulhol ni mama habang nakayakap na kay papa.

Unti-unti akong napaatras palayo sa aking pamilya. Nangangatal ma’t nanginginig ang mga tuhod at baba ay patuloy pa rin ako sa paglayo sa kanila. Hindi ko kayang tingnan ang katotohanan. Mawawasak ako kapag ipinagpatuloy ko. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang makita ang patay kong katawan.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height