C4 3

TARA NA?” Tanong sa kanya ni Rubick.

It was Lahynna’s first day at work, being one of the Laboratory Analyst ng De Juego Pharma-Bohol. Doon siya nag-apply dahil akala niya, makikita niya palagi doon si Rubick dahil sa pagkakaalala niya ay nabanggit ng kapatid na iniaalok sa binata ang management ng DJP-Bohol.

Family owned ang De Juego Pharma Corporation pero ang ama ni Rubick ang major stockholder, President at CEO ng kompanya. At kanina lang niya nalaman na mali pala ang inaasahan niya. Wala sa DJP si Rubick. May gap ang binata sa ama na ngayon ay sa Cebu nakatira. Yes, hiwalay ang parents nito at si Rubick ay sa ina tumitira.

Ang totoo, wala siyang masyadong alam sa pribadong buhay ni Rubick. Hindi naman kasi ito nagkukwento kapag magkasama sila. Siya ang madalas na magkwento at taga pakinig naman ang binata. Hindi din siya nag-i-stay sa kanila dahil sa Leyte siya nag-aaral. Siguro ay ngayon palang dahil doon na siya magtatrabaho sa bayan nila.

Pero kaninang nabanggit ng ina na isang malaking hamon kay Rubick ang pagtuntong sa DJP, noon niya nalaman ang lahat. May malaking sama ng loob si Rubick sa ama. O baka nga nauwi na iyon sa galit. Kaya ipinagtataka niyang naroroon na naman ang binata at hinihintay siya.

“Your first day. Baka ma-late ka.” Nakangiting sabi ni Rubick na ipinagbukas siya ng passenger door ng Audi nito.

Lihim na napasinghap si Lahynna habang naglalakad palapit sa sasakyan. Pasimple niya ring sinaway ang pusong kumakabog ng malakas na palagay niya ay epekto ng gwapong ngiti nito. At nitong nakaraan ay tila nagiging normal na pakiramdam nalang iyon. Kailan ba siya unang naapektuhan ng ngiti ni Rubick?

Hindi niya alam. Matagal na naman nitong possess ang heart-stealing smile na iyon.The guy was a looker, really. He was six feet tall her height might reach just his broad shoulders. He had that wide chest she wanted to feel with her hands, strong long arms. Tall, lean… and…

Oh! Hindi pa din nagbabago ang assessment niya sa lalaki. Kasing gwapo pa din ito ng mga Koreanong napapanood niya sa mga paborito niyang Korenovela. Ganoon nalang ang pagpipigil niya sa sariling mahaplos ang gwapo nitong mukha. Dinaig pa nito ang kutis niya.

Hindi tuloy alam ni Lahynna kung maiinggit rito o hahangaan ito. Pinili niya ang huli. Kahanga-hanga naman talaga sa isang lalaki na magkaroon ng ganoon kakinis na kutis.

“May gusto akong itanong, Rubick.” Aniya habang binabaybay na nila ang kalsada.

His masculine scent was so disturbing. Kaya yata ni minsan ay hindi niya naisip magbuklat ng patungkol sa pribado nitong buhay. Hindi lang dahil sa respeto kundi dahil sapat na ang maramdaman niya si Rubick sa tabi niya para mawala siya sa huwisyo at makalimutan ang lahat.

“Ano ‘yon?” Sandali itong bumaling sa kanya at matipid na ngumiti.

Pero kabaligtaran ng katipidan ng ngiti ang epekto noon sa kanya. Parang inapawan nito ang puso niya just by throwing her a handsome smile. Why, he really had that effect on her. Mabuti nalang at nakakaya iyong i-handle ng may diperensiya niyang puso.

“Totoo ba na tinanggihan mo ang pagma-manage sa DJP-Bohol?”

Nagtiim-bagang si Rubick. Napansin rin niya ang paghigpit ng hawak nito sa manibela. Pero matapos ang ilang sandali ay lumuwag rin iyon. She was puzzled.

“I’m managing my mother’s food business, remember? Palaging wala si Mommy.” Mapait ang tinig ni Rubick at nararamdaman niyang may itinatago itong sama ng loob. “Alam mo namang kahit noong nag-aaral palang ako, inaasikaso ko iyon para hindi tuluyang mawala sa amin.”

Ang bigat sa pakiramdam habang naririnig niyang sinasabi iyon ni Rubick. Kamuntik mawala sa mga ito ang negosyo dahil napabayaan ng ina. Bente-sinko lang ito nang pakialaman ang pagma-manage. Sa mga panahong iyon ay nakilala na ito nina Lanryd at nakasama na sa grupo. Noon din ito bumalik sa pag-aaral, na isang semester nalang pala at ga-graduate na pero basta nalang nito iniwan. Hindi niya alam kung paano nitong na-manage ang oras sa paghawak sa negosyo, pag-aaral at pagsali sa DOTA tournament. Pero bilib siya sa naging time management nito. Idagdag pang nang maging malapit sila ay hindi ito nawawalan ng oras sa kanya. And now, he was solely managing the business for more than two years.

“Pero hindi ka naman na hands-on doon, hindi ba? Ginagawa mo na nga lang tambayan ang restaurant.”

“Dahil stable na ngayon ang takbo ng restaurant.” Walang emosyong bumaling sa kanya si Rubick. For the first time, after almost three years ay ngayon lang ulit siya nito tinapunan ng ganoon kalamig na tingin. The first time was when she was in college. Their first meeting, sa bukid.“Why are we having this conversation, Lahynna Belle?”

Minsan lang din siya nito tawagin sa buo niyang pangalan. Kapag seryoso ito sa pakikipag-usap sa kanya. At hindi niya maintindihan kung bakit parang kinukurot siya dahil sa kalamigan nito.

“Because I am curious, Rubick.” Deretsa ko nang sabi.“Close ka sa pamilya ko. Para ka na ngang anak ng parents ko kung ituring nila, at kapatid kay Lanryd. Marami silang alam patungkol sayo, bakit ako ay wala? Maliban sa naging affair mo sa pinsan kong si Eina, wala na akong alam sa ‘yo.”

“Hindi kami nagkaroon ng affair ni Eina. It was just a one night stand!” Gigil na singhal nito sa kanya.

Two years ago nang pumutok ang balita na buntis ang pinsan niya at si Rubick ang itinuturong ama. Ilang buwan palang ang nakakaraan nang makapasok ito sa barkada at may ganoon na agad na kaganapan sa pagitan nito at ni Eina. Tigas sa pagtanggi ang lalaki at hindi niya alam ang mararamdaman. Nadismaya siya sa binata pero hindi nasira ang pakikipagkaibigan niya rito. Naiintindihan niyang magduda si Rubick dahil hindi lang naman ito ang naging lalaki sa buhay ng pinsan niya. At hindi rin niya binigyang pansin ang issue dahil abala siya noon sa boyfriend na si Szade. Na ex-boyfriend na niya ngayon.

Yes, nag-boyfriend siya dati, for the sake na gusto niyang magkaroon ng boyfriend. Patapos na ang school year during her third-year in college, nang maging official sila ni Szade. May dalawa siyang set of friends. Ang una ay ang grupo ng mga DOTA players sa lugar nila sa Bohol at ang pangalawa ay ang barkada niya sa University, kung saan kabilang si Szade. Dala ng pagma-match make ng mga kaibigan niya sa university, pinatulan nila ni Szade ang isa’t-isa. Sa simula, parang wala lang naman sa kanya ang relasyon nila. Para pa rin silang magka-tropa lang. But then, hindi niya namalayan na lumalim na ang damdamin niya para sa lalaki. Hindi niya kasi inakala na ang relasyong nagsimula lang sa trial, mag-go-grow ng sobra. Madaling mahalin si Szade, mabait ito at thoughtful. Sweet din. Isa pa nga ay nagsimula sila sa pagkakaibigan, hindi na mahirap mag-evolve ang mga damdamin nila. She had fallen deeply inlove with Szade na halos dito na niya ibinigay ang lahat ng atensyon. Halos ayaw na niyang umuwi ng Bohol noon kasi alam niyang mami-miss niya si Szade.

At pag-uwi naman nga niya, kaguluhan patungkol sa kaibigang si Rubick at pinsang si Eina ang palagi niyang naririnig. Nalaman pa niyang nagpilit si Rubick na ipa-DNA test ang ipinagbubuntis ni Eina at tigas sa pagtanggi ang babae. Ayon dito, gusto nitong kung tatanggapin ni Rubick ang anak nito, iyong hindi lumalabas na para bang ipinagsisiksikan nitong ipaako. Kung ayaw daw maniwala ni Rubick na ito ang ama at kailangan pang ipa-DNA, maigi pang huwag nalang nitong pangatawanan.

Pride.

Iyon ang pinanindigan ni Eina. At dahil doon ay nahati ang paniniwala ni Lahynna. Pero naisip niyang paano kung reverse psychology pala ang ginagawa ni Eina? Kilala niya ang pinsan na gagawin ang lahat para makuha ang gusto. Namatay ang issue nang makapanganak si Eina. She was in her fourth year in college that time. Hanggang limang taon ang course niya at ang fourth year ang busy year niya. Four months after makapanganak ni Eina at muling bumalik sa dati ang relasyon nito sa grupo. Things flow naturally na parang walang naging issue sina Eina at Rubick. Siya naman ang nagkaroon ng issue sa buhay, sa love life. That time na kasi nagsimulang maging magulo ang relasyon nila ni Szade kaya nawalan na din siya ng pakialam sa mga ito. And months before her graduation ay nagkaroon siya ng malalang atake ng sakit.

Bumuntong-hininga si Rubick. “Believe me, hindi mo magugustuhan kapag nakilala mo ang dating ako, Belle.” May lungkot at pait ang boses ni Rubick at sa isang sandali, gusto niya itong yakapin at i-pursue na ipakita kung sino ang totoong ito. Dahil sa totoo lang, wala naman siyang nakitang masama sa pagkatao nito sa mahabang panahon na nagkakasama sila.

“Tinanggap at minahal ka ng pamilya ko, bakit sa akin, nagdududa ka? Judgemental ba ang tingin mo sa akin? At ito…” Masama ang loob na sumbat niya. “Sumasama ako sa ‘yo. Hatid-sundo mo ako kahit noong huling taon ko sa college. At kahit hanggang ngayon. Pinagkakatiwala ko sayo ang sarili ko, bakit ako, hindi mo mapagkatiwalaan?”

Marahas na bumaling ito sa kanya pero muling ibinalik ang mga mata sa daan. “Hindi ganoon, Belle.” Huminga ito ng malalim habang nagda-drive.

“E, ano pala?” Nahihirapan si Lahynna na intindihin ang sitwasyon. Pakiramdam din niya ay sobrang sikip sa loob ng Audi at nabibingi siya sa sobrang katahimikan biglang pumagitna sa kanila.

“Gusto mo ba talagang makilala ang dating ako?” Paghahamon nito.

“Oo.” Determinadong hamon niya rin.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height