+ Add to Library
+ Add to Library
The following content is only suitable for user over 18 years old. Please make sure your age meets the requirement.

C1 SIMULA

“Anong sabi ninyo?” sigaw ko nang matapos nilang sabihin na kailangan kong sumama sa kanila.

“H'wag ka ng magreklamo, hija. May kasalanan ang ama mo kaya kailangan pagbayaran ang utang niya.”

Humalakhak ako at nakapamewang habang tinitingnan sila. Nanatili silang seryoso at walang kaemo-emosyon na tumingin sa akin pabalik. Kinuha ko pa ang plastic kong pom pom na panabig ng mga langaw.

Nasa harap ko pa rin ang limang lalaki na naka-coat and tie. Nakasuot pa sila ng itim na shades kahit nasa loob naman sila ng palengke. Natawa tuloy sa suot nilang sosyalin na napaka-out of place.

“Excuse me po mga Sir, huh? Mawalang-galang na po. Wala na ang mama ko ilang taon na ang nakalipas. At kahit kailan, hindi ko nahawakan o nakilala man lang sa personal ang tatay ko kaya paano ko malalaman na may utang siya sa inyo—”

Natigilan ako sa pagsasalita nang may inilahad siyang litrato. Sa ibaba noʼn ay ang pangalan ni ama ko.

May iilang papeles din akong nakita at sa pinakadulo no'n ay pangalan pa rin ng tatay ko. May pirma rin doon sa dulo na tingin ko ay sa kaniya rin.

“Limang bilyon ang inutang ng ama mo sampung taon na ang nakaraan.”

Halos malaglag ang panga ko sa narinig. Parang nabibingi yata ako! Ano ang sabi nila? Kaya ba nila ako pinapapasama sa kanila? Ako ang pambayad?

“Eh, bakit ako ang sinisingil ninyo, aber? Kung 'yong irresponsable kong tatay ang may utang sa inyo, bakit ako ang kinakausap ninyo?” inis na may halong takot kong litanya.

Nakita kong nagkatinginan silang lima. Napakurap ako at sinubukang kumalma. Wala sa tabi ko ang mga kaibigan kong tindera rin at medyo nasa kalayuang pwesto pa ang sumunod na puwesto ng isang tindera rin dito kaya mahihirapan ako kung magtawag man ako ng tulong.

“Sumama ka na lang sa amin, hija. Para wala ng gulo!”

Sisigaw na lang kaya ako? Panigurado may tutulong sa akin dito! Pero base sa suot nila...

Umismid ako at muling nagtawag ng mga customer. “Oh, tilapia, bangus, kayo riyan! Mura na lang mga suki.”

Uso ‘yon ngayon! Uso na ngayon ang nakapusturang mga tulisan o ‘di kaya’y snatcher kaya bakit ako maniniwala?

Sinulyapan ko ang mga lalaki. Tinatago ang takot na lumulukob sa akin. Hindi pa rin sila gumagalaw at nanatiling nandoon sa harap ko.

“Alam niyo po? Kung nang-ii-scam lang kayo, huwag ako ang target-in ninyo. Iyong iba rito na lang, oh? Mas mayaman iyon! Wala kayong mapapala sa akin!”

“Sumama ka na lang sa amin, Greta Amelia Carlotta, bago pa magkagulo rito.”

Gulo? Gulo! Bakit magkakagulo? Bakit? Pipilitin ba nila akong sumama? Bakit? Ipapatay ba ako at ibebenta ang mga organs ko?

Nanlaki ang mga mata ko sa naisip.

Isa kaya silang mafia?

Halos mapahalakhak ako sa isip ko. Mafia? May mafia pa ba sa panahon na ito? Dios mio! Wala ng ganoon! Sa palabas na lang makikita ang mga iyon kun’di sa mga libro. Walang ganoon sa totoong buhay!

Sinuri ko ulit ang kanilang mga suot. Nakita kong nagtiim-bagang ang isang lalaki roon sa likod. Halatang naiinis na sa akin.

“Nako, mga sir! Gusto ko rin ng gulo. Hindi ako pumapatol sa mga scammer at...” Sinuri ko ulit ang kanilang mga suot. “Ibahin ninyo ang style niyo. Medyo bulok na. Hmm?”

Nagkatinginan silang lima. Napapairap na lang ulit ako at ini-entertain na lang ang customer na nandito ngayon sa harap ko.

At hindi talaga sila umalis kahit natapos na ako! Nakita ko silang umalis sa puwesto ko pero namamataan ko sila sa `di kalayuan at nagmamanman.

Dios mio! Ano tingin nila sa akin? Bulag? Ang hina naman ng mga tauhan ng kung “sino man ang boss nila”.

Kinulbit ko ang mga tindera na nandito sa tabi ko. Agad ko siyang sinabihan sa kung ano man ang plano ko.

“May utang ka ba, Amelia? Kanina pa ang mga 'yan, ah?” tanong iyon ni Celis. Kaibigan kong tindera rin dito.

“Wala, `no! Ewan ko nga sa mga iyan!”

Nagtakip silang dalawa ng bibig.

“Baka scammers na nambubudol?” ani Kristine.

“Hindi ko alam! Oh siya!” Mabilis akong yumuko at hinubad ang apron ko. “Aalis na ako, Celis! Kapag lalapit ang mga iyan dito, sabihan mo nagpunta ng pluto.”

Agad humalakhak ang kaibigan ko.

“Bilisan mo, Amelia! Kapag ang mga iyan tumingin ulit sa banda rito.”

Napangisi ako at mabilis na umalis. Alam ko naman ang pasikot-sikot rito sa palengke kaya alam ko kung saan ako puwede lalabas na hindi makikita nila.

Sinalubong ako ni Lola Pasing. Alas-sais na at medyo dumidilim na rin ang paligid. Sa kaniyang kanan na kamay ay may hawak siyang barbecue. Nginitian ko siya at ibinaba na ang isang balde na dala ko galing pa sa palengke. Hinubad ko rin ang apron ko at nagmano na kay Lola.

“Bumili na ako ng ulam para sa hapunan. Akala ko kasi mahina ang bentahan sa palengke dahil matagal kang nakauwi.”

Umiling ako at kinuha na ang binili niya. Nauna na rin akong nagpunta sa kusina upang kumuha ng mga kubyertos at maghain. Pinaupo ko na rin si Lola sa upuan niya at umupo sa kaniyang harap.

“Hindi naman mahina ang benta, La. Sinimot ko na lahat ng frozen product para bago ang ipapaninda ko bukas.”

Inabot ang plato. Ngumiti siya sa akin at tinanggap iyon..

“Greta...”

Bagsak ang balikat kong tumingin sa kaniya. Base sa boses niya, parang alam ko na kung ano ang kaniyang sasabihin.

“La… Ayos lang po kasi. Marami pa namang nakatayong eskuwelahan diyan at hindi pa naman end of the world para maging atat ako.”

Bumuntong-hininga siya at hinawakan ang kamay ko.

“Napag-iwanan ka na kasi ng mga kaibigan mo. Malapit na magsimula ang pasukan at may libreng unibersidad naman-”

Hinigpitan ko ang pagkahawak ko sa kaniyang kamay.

“Hayaan mo, Lola. Kapag makapangasawa ako ng afam, aahon na tayo sa hirap,” biro ko.

Masama ang tingin niya sa akin at tinampal ang daliri ko.

Agad akong napahalakhak at tumayo. Pinuntahan ko ang puwesto niya at niyakap siya sa likod.

“Magsisikap po ako, Lola. Mag-iipon din ako para sa kolehiyo ko kaya...”

Hinaplos ko ang kaniyang balikat at hinalikan siya sa pisngi.

“Huwag na po kayong mamroblema at gagawa ako ng paraan. Ako pa ba?” mayabang kong dagdag.

Humigpit ang hawak niya sa kamay ko. Tipid akong ngumiti at lalong niyakap si Lola.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height