LUSCIOUS VENGEANCE/C2 KABANATA 1 - DEBT
+ Add to Library
LUSCIOUS VENGEANCE/C2 KABANATA 1 - DEBT
+ Add to Library

C2 KABANATA 1 - DEBT

Limang taon pa lang ako nang mamatay si Mama. Si Papa naman ay hindi ko nakita kailanman dahil hindi naman siya nakipagkita sa akin o ano. Sa pagkakaalam ko ay ilang beses na naghatid ng mensahe si Lola Pasing sa kompanya ni Papa pero wala kaming tugon na natanggap hanggang ngayon.

Isang malamig na hangin ang yumayakap sa akin habang tinatahak ko ang daan papuntang labas. Dala-dala ko pa rin ang balde na may lamang frozen product. Pasibol pa lang ang araw nang makarating ako sa palengke.

May iilan na bumibili sa paninda ko kaya bago pa man mag-alas syete ay paubos na ang paninda ko para ngayong umaga.

“Nag-agahan ka na, Amelia?” tanong iyon ni Kristine.

Umiling ako at sinalubong ang kargador na nagdi-deliver ng mga isda.

“Ano? Sabay na lang tayo?”

Umiling ako at binigyan na ng suhol ang lalaki.

“Mauna ka na. Mamaya na lang siguro ako. O ‘di kaya’y puwede ba na bilhan mo na rin ako? Dito na lang ako kakain-“

Sinulyapan ko ang kaibigan ko na ngayon ay nakatunganga na tumitingin sa harap. Napakunot-noo akong napatingin sa kung ano man ang tinitingnan niya. Agad akong pinanlakihan ng mata nang muli kong makita ang mga lalaki kahapon.

“Shit! Bakit nandito na naman ang mga ‘yan!” giit ko kay Kristine. Mabilis niyang tinampal ang kamay ko.

“Umalis ka! Bilis-”

“Huh? Bakit naman ako aalis? Wala akong atraso sa mga iyan—”

“Amelia! Amelia!”

Naputol ang sasabihin ko nang nakita kong tumatakbo si Celis at sinisigaw ang pangalan ko. Napatingin pa ang mga tao sa kaniya. Halatang nahahapo siya kaya agad ko itong nilapitan at hinawakan sa balikta.

“Amelia...” halos naiiyak niyang sabi at nanginginig ang kamay habang hinahawakan ang kamay ko.

“Teka nga! Kumalma ka, Celis! Anong nangyari?”

Halos mapaluhod siya habang hinahawakan ang kamay ko. “Si Lola...”

“Huh? Anong nangyari kay Lola?”

Humikbi siya at hinigpitan ang kamay ko. “S-Si Lola Pasing... isinugod sa ospital... Amelia...”

Halos mawalan ako ng balanse nang marinig ko iyon. “Anong sabi mo! Anong nangyari, Celis!”

“Inatake si Lola. Nakahandusay na siya sa sahig ng banyo niyo nang makita nina Mama-”

Hindi ko na ipinagpatuloy pang makinig sa kaniya. Mabilis pa sa alas-kwatro akong umalis doon at pumunta sa hospital. Halos lumipad na ako sa bilis ng lakad ko upang makarating lang doon. Hindi ko namalayan ang luha na naglalandas pababa sa pisngi ko. Naninikip ang dibdib ko kaya mabilis kong pinunasan ang luha ko.

Kagat ko ang labi nang makarating ako sa information desk ng hospital at itinanong ang kuwarto na kinaroroonan ni Lola Pasing.

“Room 303 po, ma’am.”

Mabigat ang mga hakbang ko habang naglalakad ako papunta sa tinutukoy no’ng nurse. Pagkakita ko sa kuwarto ay nakita ko mula sa salamin si Lola. Nakahiga ito at may nakakabit na dextrose at oxygen sa kaniya. May bendahe din na nakalagay sa gilid ng kaniyang noo. Tumulo lalo ang luha ko habang pinagmasdan ang matanda.

May lumabas na doktor mula sa kuwarto na iyon kaya mabilis ko iyon sinalubong.

“Kumusta na po si lola, dok?” iyak kong tanong.

“Kaano-ano ka ba ng pasyente, hija?”

“Apo niya po ako! Gagaling naman po si Lola, ‘di ba? Hindi naman po malala ang pagkakabagsak niya, ‘di ba?”

Nakita kong bumuntong-hininga ang doktor sa harap ko. Agad akong napangiliran ng luha.

“Gagaling pa po si Lola, ‘di ba?” mahina kong tanong. Lumalandas na naman sa pisngi ko ang maiinit na mga luha.

“I’ll be honest with you, hija. Kailangan pa naman magsagawa ng iilang tests dahil matagal bago nadala sa hospital ang lola mo. Nabagok din ang ulo niya sa semento ng banyo ninyo, probably noong inatake siya.”

Tumango ako at suminghot. Nakagat ko ang ibabang labi at pinapakalma ang sarili. Dahan-dahan din akong lumuhod sa harap ng doktor. Kahit anong gawing pagpapakalma ko ay hindi iyon sapat.

“G-Gawin niyo po ang lahat. Gumaling lang po ang lola ko. P-Pakiusap po...” pagsusumamo ko.

Tinulungan niya ako na tumayo. Patuloy pa rin ang pagsambit ko ng “pakiusap”.

“Gagawin ko ang lahat, hija. Magpakatatag ka.” Tinapik niya ang balikat ko at agad na umalis sa aking harap.

Tulala ako habang tinitingnan si Lola. Nangingilid pa rin ang luha ko pero hindi na ito pumapatak gaya kanina. Hindi pa rin gumigising si Lola at ilang nurses na ang nagmo-monitor sa kaniya.

Mag-a-alas sais na nang bumukas ang pintuan. Nag-angat ako ng tingin at nakita kong nandoon sina Celis at Kristine. Malungkot silang tumingin sa akin kaya tipid akong ngumiti at hinintay na makalapit sila. Nagpunta sila muna kay Lola bago sila dumeretso sa akin.

“Ayos ka lang ba? Kumain ka muna. Nagdala kami ng pagkain.”

Napatingin ako sa kamay kong nakasalikop. “Kailangan ko ng malaking halaga. Hindi ko rin alam kung saan ako kukuha... Hindi sapat ang ipon ko,” mahina kong tugon.

Hinaplos ni Kristine ang likod ko. “Hayaan mo, tutulungan ka namin. May ipon ako, Amelia. Puwede na iyon na lang muna-”

“Hindi puwede, Tine. Tuition fee mo iyon, e. At baka magalit si Tiya kung iyon ang gagamitin ko.”

Napabuntong-hininga si Celis at umupo sa harap ko. “May naipon din ako. Gamitin mo rin iyon, Amelia.”

“Nakakahiya naman sa inyo-”

“Ano ba? Tayo tayo lang naman ang magtutulungan dito. Tutulong kami sa paghahanap ng pera.”

Mabilis ko silang niyakap at napaiyak na lang muli.

Nag-volunteer si Kristine na siya muna ang magbabantay kay Lola sa linggo na ito at ang nakababata niyang kapatid muna ang magbabantay sa puwesto niya. Mas mabuti nga iyon dahil kailangan ko rin talagang magtinda dahil hindi naman puwede na aasa ako sa mga magpapautang sa akin. Baka walang magpapautang kaya mas mabuti ng magsikap din ako. Pagkatapos ng pagtitinda ko ng isda sa palengke ay nagtitinda rin ako sa plaza ng mga pancit canton, chicharon, at balut pandagdag kita.

Wala akong pahinga masyado sa linggo na ito at totoong gusto ko na lang umiyak. Pero tuwing iniisip ko si Lola sa hospital ay iyon ang nagpapalakas ng loob ko.

Linggo ngayon kaya inaasahan ko na marami ang tao sa palengke. Pumunta ako ng Church of St. Paschal Baylon dito sa San Pascual para magtirik ng kandila bago ako nagpunta rito.

Inaayos ko ang mga paninda nang may natanaw ako sa malayo. Muling umahon ang kaba sa dibdib ko dahil muli ko na naman nakita ang mga lalaki na naka-coat and tie.

Noong nakaraang linggo nang huli ko silang nakita kaya ngayon na nandito silang muli ay halos mapapikit na lang ako.

“Magandang araw, Miss Greta Amelia-”

“Kung nandito po kayo upang maningil sa kung ano mang utang ng walang kuwenta kong tatay, pakiusap po, tigilan niyo na ako. Wala kayong mahihita sa akin,” matapang kong saad.

Nakita kong may papeles na inilabas ang isang tauhan. Inilahad niya iyon sa akin. Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Celis sa akin.

Kinuha ko iyon at binasa. Nanlamig ako nang makita agad ang pangalan ko na nakalagay roon.

I, Mario Carlotta , hereby confirm and acknowledge that I am indebted in the amount of 5,000,000,000 pesos as of December 2005.

Tinakpan ko ang bibig ko sa nabasa. Galit ako sa tatay ko. Pero hindi ko alam na mas may ikagagalit na pala ako. Ang lupit ng taong iyon! Nakakasuklam na may ama akong katulad niya!

Nanginginig ang kamay ko habang binabasa ang sunod na pangungusap.

I hereby appointed Greta Amelia Carlotta as payment for all my debts.

Hindi ko na kaya pang basahin ang kung ano man ang nakasulat doon. Pinunit ko iyon agad at tinapon sa kanila.

“Umalis na kayo,” malamig kong saad.

“Kailangan mong makipagsundo sa amin, Miss Greta-”

“Umalis kayo at hindi ako sasama sa inyo kahit kailan!” sigaw ko sa kanila. “Hukayin niyo ang puntod ng Tatay ko at siya mismo ang pagbayarin nitong pesteng utang niya!”

Galit ko silang tiningnan isa-isa. May isang lalaki roon sa likod ang titig na titig sa akin. May kung anong guwang akong nararamdaman sa tiyan.

“Greta...” tawag nito sa akin.

Nagpang-abot ang galit at takot ko. Kaya kinuha ko ang mga isda sa harap ko at mabilis na tinapon sa kaniyang mukha.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height