C1 First Aid at First Inis
3rd Person pov.
Nanginginig ang mga tuhod ng bagong P.A. habang nakatayo sa harap ng malaking mesa sa loob ng opisina.
"Bakit puro mali-mali na naman ang ginawa mo? Hindi ka ba tinuruang mag-isip ng maayos?!" galit na sigaw ni Ian habang mariing nakahawak sa sarili niyang sintido. Kitang-kita ang panginginig ng mga daliri niya sa tindi ng tensiyon at inis.
"B-boss, sorry po. Aayusin ko na lang po ulit—" nanginginig ding sagot ng P.A., halos pabulong na dahil sa takot.
"Huwag na. You're fired. Huwag na huwag ka na ring magpapakita sa akin simula ngayon!" putol ni Ian, sabay bagsak ng mga kamay sa mesa.
Nagmamadaling lumabas ang nag-iiyakang P.A. Pagbukas pa lang ng pinto, sinalubong na agad siya ng mga matang-lawin na empleyadong kanina pa nakikinig at nag-aabang sa labas.
Dahan-dahan ding binuksan ni Atty. Ben ang pinto at pumasok sa loob ng opisina kung saan sumalubong sa kanya ang kalat—mga nagliparang papel at natapong tasa ng kape sa sahig, habang patuloy pa ring humihinga nang malalim ang nagngangalit na si Ian.
"Ian, huminahon ka," pakiusap ni Atty. Ben.
"Paano ako hihinahon kung lahat na lang ng hina-hire na P.A. ay bobo?! Pwede ba, ikaw na lang maghanap ng P.A.? Huwag muna idaan sa HR, kasi parang hindi nila alam kung paano mag-hire ng tamang P.A. para sa akin!" sagot ni Ian habang may inis pa rin sa boses.
"Sige, ako na ang bahala maghanap. Kaya huminahon ka na muna, okay?" sagot ni Atty. Ben, habang mapait na napabuntong-hininga dahil hindi na rin niya alam kung saan pa ba hahanap ng panibagong P.A. para sa kaibigan.
"Gusto ko munang pumunta sa park, magpahangin lang muna," biglang sabi ni Ian, dahilan para manlaki ang mga mata ni Atty. Ben.
"Sigurado ka, Ian? Naku, magandang ideya 'yan, magandang therapy para mahimasmasan ka," masayang sabi ni Atty. Ben.
Huminga ng malalim si Ian na seryoso ang mukha, agad tumalikod at lumabas ng opisina, at mabilis namang sumunod si Atty. Ben. Pagdating nila sa park ay lumanghap ng sariwang hangin si Ian at pinakalma ang kanyang sarili.
Samantala, si Maya Cruz ay naglakad-lakad lang sa park bitbit ang kanyang mga folder na naglalaman ng resume. Napabuntong-hininga siya dahil sa lahat ng pinasahan niya ng resume, lagi lang sinasabi na tawagan na lang siya. Kaya naman umupo muna siya sa isang upuan. Ramdam na ramdam pa rin niya ang pangunglila sa kanyang kapatid na namatay, at dahil nagkaubusan ng ipon at nagkautang-utang pa sila ng malaki, kailangan na niya na makahanap ng trabaho para hindi mawala ang kanilang bahay.
Habang nakaupo si Maya, biglang nagkagulo sa hindi kalayuan. Nakita niya ang isang napakagwapong lalaki na hinahabol ng isang aso at takot na takot na tumatakbo. May isa pang lalaking sumunod na humahabol habang pilit na pinapaalis ang aso.
"Tigilan mo 'yan! Shoo! Layas!" sigaw ng sumunod na lalaki habang winawasiwas ang hawak na supot para itaboy ang aso palayo. "Huwag kang lumapit dito, layas!"
Nang mawala ang aso, napalingon si Maya sa gilid at doon niya nakita ang lalaking kanina pa pala nanginginig. Nakasandal ito sa puno, mahigpit na nakatakip ang mga kamay sa tainga, at nakapikit habang humihinga nang mabilis dahil sa matinding takot at sensory overload.
Kaya naman, agad lumapit si Maya. Kinuha niya ang kanyang phone at headset, nagpatugtog ng music, at mabilis na ipinasok ang earphones sa tainga ng lalaki. Dahil dito, unti-unti itong nakakalma. Habang nakikinig ng music ang lalaki, hinimas-himas ni Maya ang likod nito para mas lalong mahimasmasan.
Nakita naman ito ng kaibigan na sumunod. Pinagmasdan niya ang babae at kung paano nito pinakalma ang kanyang kaibigan, kaya labis siyang natuwa sa kanyang nakita. Samantala, si Ian ay tuluyang nahimasmasan at dahan-dahang napatingin sa babae, dahilan para magtagpo ang kanilang mga mata habang nagkakatitigan. Si Maya naman ay namula at natulala dahil sa sobrang gwapo ng lalaking nasa harap niya.
Ilang sandali pa, biglang lumayo si Ian nang bumalik siya sa sarili.
"Yuck, ang dumi! Bakit mo nilagay ang madumi mong earphone sa tenga ko?!" sigaw ni Ian, dahilan para magising si Maya sa pagkatulala at agad na mairita sa asal ng lalaki.
"Hoy! Hindi 'yan madumi, bago 'yan! Ikaw pa lang ang gumamit niyan, kung makasabi kang madumi ka, parang dumi ng tao ang inilagay ko sa tainga mo ah!" inis na sagot ni Maya sa lalaki.
Naningkit ang mga mata ni Ian at tinitigan si Maya mula ulo hanggang paa habang pinapagpag ang sarili na parang may nakitang nakakadiri.
"Tsk. Kahit pa bago 'yan, hindi mo dapat ginagawa 'yun nang walang pahintulot ko. Sino ka ba para bigla na lang isaksak ng kung anong gadget sa tainga ko? Pwede kitang kasuhan sa ginawa mo," inis na sagot ni Ian habang masamang nakatingin.
Mas lalong namilog ang mga mata ni Maya sa narinig. "Kasuhan?! Sinalba ko na nga lang ang buhay mo mula sa pag-collapse dyan sa damo, tapos kasuhan ang isasagot mo sa akin? Ang kapal din ng mukha mo, e 'no!"
Habang nagbabangayan pa rin ang dalawa, agad namang lumapit si Atty. Ben para awatin sila. Si Ian ay mabilis na kinuha ang maliit na alcohol mula sa bulsa, nagpahid sa mga kamay, at hinawakan ang sariling tainga.
"Kadiri talaga ang ginawa mo, babae ka," nanggigigil na sabi ni Ian, punong-puno ng inis ang mukha.
Namumula naman si Maya sa tindi ng galit sa kasungitan ng lalaki.
"Kung alam ko lang na ganyan pala kasama ang ugali mo, sana hinayaan na lang kita na atakihin!" bulyaw ni Maya habang masamang tinitigan ang lalaki, bago padabog na tumalikod at itinapon ang folder sa malapit na basurahan.
Umalis si Maya na may bahid ng hiya dahil sa mga sinabi ni Ian sa kanya. Teka, bakit ba ako mahihiya sa masungit na 'yun? Dapat siya ang mahiya dahil siya na nga ang tinulungan, siya pa ang galit! bulong ni Maya sa sarili.
Samantala, nang makalapit na si Atty. Ben kay Ian, agad na nagpasya si Ian na umalis na dahil mas lumala pa ang inis at galit niya. Agad namang tumango si Atty. Ben. Nang makaalis ang binata, palihim na lumapit ang abogado sa basurahan at kinuha ang itinapong folder—at doon ay nakita niya ang resume ni Maya.