My Autistic Boss/C4 Pakyu, Boss! (Ay, Sorry Po!)
+ Add to Library
My Autistic Boss/C4 Pakyu, Boss! (Ay, Sorry Po!)
+ Add to Library

C4 Pakyu, Boss! (Ay, Sorry Po!)

Maya's POV

Kinabukasan, maaga akong nagising—mga alas-kuwatro pa lang ng umaga. Hindi na ako nakatulog ulit kaya ang ginawa ko na lang ay naligo at nagluto.

"T-teka, anak, ako na diyan. Ano ba ang oras ng pasok mo?" tanong sa akin ni Mama.

"Alas-otso po, yan po kasi ang mensahe sa akin kagabi ni Atty. Ben," sagot ko.

"H-ha? Eh, anak, alas-kuwatro y medya pa lang ha!" gulat na sambit ni Mama.

"Oo nga po, Ma. Kaya lang, hindi na ako makatulog ulit kaya naligo na lang ako at nagluto rito," sagot ko habang abala sa ginagawa.

"Baka mamaya antukin ka sa trabaho niyan," alalang sambit ni Mama.

"Ayos lang po, Ma. Iinom na lang ako ng kape," sabi ko sabay timpla ng gatas para sa kanya at kape naman para saakin.

Habang nag-uusap pa kami ni Mama, lumipas ang mga oras kaya naghanda na ako at bumiyahe. Alas-siyete y medya pa lang ay nakarating na ako sa 15th floor ng gusali nang may halong kaba at excitement.

Sakto namang pagdating ko ay dumating din si Atty. Ben sa lobby.

"Oh, ang aga mo ah," bungad sa akin ni Atty. Ben.

"Opo, sir. Nakakahiya naman po kung sa unang araw ko pa lang ay malate na ako," sagot ko naman sa kanya nang may ngiti.

"Sige, hala. Samahan na kita sa desk mo," sabi niya sa akin.

Sumunod ako sa kanya habang nilalampasan namin ang mga glass door ng executive suite, hanggang sa huminto kami sa tapat ng isang malinis at modernong working station.

"Ito na ang magiging desk mo, Ms. Maya," sabi ni Atty. Ben habang itinuturo ang isang malinis at modernong mesa na malapit sa isang malaking glass window. May nakahanda na ring laptop, ilang folders, at isang tasa sa ibabaw nito.

"Maraming salamat po, sir," sagot ko habang manghang-mangha sa paligid. Ang tahimik at ang pormal ng buong palapag.

"Diyan sa desk mo nakatutok ang tablet na 'yan. Nandiyan ang schedule ng CEO at lahat ng mga kailangan niyang ipagawa o i-record mo araw-araw," pagpapatuloy ni Atty. Ben habang seryosong nakatingin sa akin. "Mag-ingat ka pagdating niya rito," babala niya. Minsan ayaw niya ng maingay, minsan naman ay bigla siyang natataranta kapag hindi nasunod ang eksaktong oras ng schedule niya."

Tumango ako nang sunod-sunod, seryosong pinapasok sa isip ko ang bawat sinabi niya. "Opo, sir. Naiintindihan ko po."

"Mabuti naman. Subukan mo munang basahin ang mga dokumentong 'yan para pamilyar ka sa mga proyekto ng kumpanya. Babalikan na lang kita mamaya," paalam ni Atty. Ben.

Nang maiwan ako mag-isa sa tapat ng desk ko, huminga ako nang malalim at naupo sa swivel chair. Malambot at komportable ito—malayong-malayo sa sirang upuan namin sa bahay. Binuksan ko ang laptop at sinimulang basahin ang mga nasa file.

Kaya mo 'to, Maya. Para kay Mama, para sa bahay ninyo. Huwag kang papayag na mapatalsik dito, pagpapalakas ko sa loob ko.

Wala pang sampung minuto ang nakakalipas nang biglang makaramdam ako ng kakaibang lamig sa paligid. Natahimik ang ilang empleyado sa malapit nang may marinig kaming mabibigat at sunod-sunod na yabag na palapit sa hallway.

Paglingon ko sa pinto ng pribadong elevator, nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Siya na naman!

Napatigil ako sa paghinga. Ang lalaking nakaaway ko sa park kahapon dahil tinulungan ko siya tapos siya pa ang galit at ni hindi man lang marunong magpasalamat. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking 'yon!.

At dahil sa inis, hindi na ako nakapagpigil. Bigla akong tumayo at lumapit sa kanya.

"Hoy, ikaw! Pati ba naman dito sinusundan mo ako?!" sigaw ko sa kanya.

Dahilan iyon para magulat ang mga empleyado sa paligid. Lahat sila ay napalingon at nagsimulang magbulungan. Ilang segundo lang ang lumipas ay natahimik ang buong palapag—isang katahimikang mas nakakabingi kaysa sa ingay ng sigaw ko.

Malamig akong tinitigan ng Lalaki mula ulo hanggang paa. Walang bakas ng gulat sa mukha niya, tanging paghamak lamang. Dahan-dahan siyang lumingon kay Atty. Ben na kakarating lang din pala mula sa gilid, saka nagsalita nang may tonong napakalamig at pormal.

"Atty. Ben," tawag niya habang nakapamulsa. "Sino ang babaeng ito? Bago ba siyang janitor o pasaway na bisita rito sa Executive Suite?"

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Janitor?!

Agad na lumapit si Atty. Ben na mukhang namumutla na sa kaba. " Ian, siya po si Maya... ang bago ninyong Personal Assistant na in-hire ko po para sa inyo."

Isang sarkastikong ngisi ang sumilip sa labi ni Ian. Binalik niya ang tingin sa akin na parang isa akong dumi sa sahig.

"Personal Assistant?" tanong niya na umalingawngaw sa buong katahimikan ng palapag. "An assistant who yells at her boss on her very first day, and has the audacity to accuse me of following her? Fire her immediately. I don't hire loud, incompetent, and delusional people."

Parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Naramdaman ko ang pamumula ng mukha ko hanggang sa tainga habang ang mga empleyado sa paligid ay nakatingin sa akin ng may halong awa at panunukso.

Patay. Lagot ako siya pala ang boss ko.!

Wala sa sariling nanlaki ang mga mata ko habang paulit-ulit sa isip ko ang narinig ko. Siya? Siya ang CEO na sinabi ni Atty. Ben na kailangan kong intindihin?!

Akala ko kung sino lang siyang supladong estranghero sa park, amo ko pala ang sinigawan ko sa mismong unang araw ng trabaho ko!

Nakakahiya ka, Maya! tanging sambit ko sa sarili ko.

Ilang sandali, bigla kaming tinalikuran ng lalaki na boss ko pala, diretso ang tingin sa unahan, at walang lingon-lingon naglakad papasok sa sarili niyang pribadong opisina. Kasunod nito ang malakas at nakakakabang pagbukas at pagsara ng pinto na nagsilbing hudyat ng tuluyang pagguho ng pangarap kong suweldo.

Naiwan akong nakatayo sa tabi ng desk ko, nanginginig ang mga kamay at blangko ang isip ko.

Hala... Paano na ang tatlong milyong utang namin? Paano na si Mama? Mawawalan na ba agad ako ng trabaho bago magtanghali?

Ilang sandali, naramdaman ko ang paghaplos ng kamay sa likod ko. "Okay lang 'yan, subukan mong humingi ng tawad, sasabayan kita," sabi ng pamilyar na boses. Pagtingin ko, si Atty. Ben—hindi ko alam kung bakit gusto niya akong manatili rito.

Tumango naman ako at pinunasan ng mga kamay ko ang gilid ng mga mata ko. May narinig akong bulungan sa paligid.

"Ayan kasi, ang epal." Sabi ng isang empleyado, dahilan para manghina lalo ang loob ko.

Pero inalala ko si Mama. Ayaw kong mawala ang opportunity na ito. Gagawin ko ang lahat para kay Mama na umiinom ng maintenance at halos paubos na ang mga gamit namin sa pagbebenta para lang makabili ng gamot niya. Hindi pwede. Kahit labag sa kalooban ko, kailangan kong humingi ng tawad.

"Ano, kaya pa ba?" tanong sa akin ni Atty. Ben.

Tumingin ako sa kanya at tumango.

"Good," sabi niya at naglakad patungo sa opisina ng boss ko. Agad naman akong sumunod.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height