C6 Chapter 6: Kakampi sa Unang Araw
Maya's POV
Pagkatapos kong umiyak, agad akong lumabas sa cubicle at humarap sa salamin. Nakita ko ang pamumugto ng mga mata ko. Ang malas talaga! Paano ako haharap kay boss nito nang ganito? Iniwan ko pa ang bag ko sa loob ng opisina niya, bulong ko sa sarili ko habang nakayuko at pinupunasan ang mukha ko.
Ilang sandali pa, biglang may nag-abot sa akin ng isang puting panyo.
Bumungad sa akin ang isang cute na babae na nakangiti nang matamis. "Okay lang 'yan, ganiyan talaga ang buhay dito," sabi niya agad sa akin.
Agad ko namang tinanggap ang panyo. "Teka, ikaw ba 'yung bagong P.A. ni boss?" tanong niya, at tumango naman ako bilang tugon. Huminga siya nang malalim bago muling nag-salita. "Nga pala, ako si Olah," pakilala niya habang nakipagkamay sa akin.
"M-Maya ang pangalan ko," utal kong sagot.
"Maya, punasan mo muna 'yang luha mo. May makeup ako rito, mag-retouch ka kasi para kang galing sa namatayan sa itsura mo," biro niya sa akin habang inilalabas ang makeup pouch mula sa bag niya.
Bigla akong napatigil nang iniharap niya ako sa salamin at pinunasan ang mukha ko gamit ang panyo. "T-teka, ako na lang..." nahihiya kong sambit.
"Naku, Maya, ako na! Ako na ang bahala mag-makeup sa 'yo," nakangiting wika niya habang sinisimulang ayusin ang mukha ko. "'Yung tipong light lang, pero parang galing ka sa fresh at blooming na paggising, hindi 'yung parang nakipag-wrestling ka sa unan dahil sa iyak!"
Dahil sa sinabi niya, hindi ko na napigilan ang sarili ko—kusang gumuhit ang isang mahinang ngiti sa mga labi ko habang pinapanood siyang seryosong inaayos ang mukha ko. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko dahil may nakilala akong mabait sa gitna ng bangungot ng unang araw ko rito.
"Ayan! You're so pretty naman pala," sambit niya sa akin nang matapos akong ayusan.
Tumingin ako sa salamin at kahit ako ay namangha. "Wow, ang ganda! Thank you," sambit ko.
"Walang anuman! Basta fight, fight lang tayo dito," sabi niya sa akin. "Nga pala, anong FB mo?" tanong niya sabay kuha ng phone niya.
"Maya Cruz," sambit ko, at agad niya akong ini-add sa Facebook. "Yeah, finally! Sama ka, Maya, sa amin kumain ng lunch," aya niya sa akin.
"Sige ba!" sagot ko ulit sa kanya.
Kaya naman, agad na kaming lumabas sa rest room na may mga ngiti sa aming labi. Si Olah ay bumalik na sa kanyang pwesto, habang ako naman ay nagsimula nang maglakad pabalik sa opisina para magsimula ng mag trabaho.
Pagdating ko sa opisina, tahimik ang paligid. Seryoso sa pagtatrabaho si Boss Ian, habang si Atty. Ben naman ay abala rin. Agad akong lumapit sa kanya at sinimulan na niya akong i-train.
Bawat turo niya ay kuhang-kuha ko agad, kaya naman namangha sa akin si Atty. Ben. "Ang bilis mo naman pala matuto," sabi niya sa akin.
"Salamat po," sagot ko.
Pero habang seryoso ako sa aking trabaho, hindi ko maiwasang mapatingin sa direksyon ng boss ko.
"Pasensya ka na sa asal niya, sana maintindihan mo siya," malungkot na sabi ni Atty. Ben sa akin nang sandaling yumuko siya.
"O-ok lang po, Atty. Subukan ko pa taasan ang pasensya ko," sagot ko sa kanya.
Pagkatapos ay bumalik na kami sa trabaho hanggang sa sumapit ang lunch. Umalis si Boss Ian nang walang sabi-sabi.
"Nga pala, Maya, may malapit na kainan diyan sa labas, sa tapat lang ng building," sabi sa akin ni Atty. Ben.
"Opo, Atty., ako na po ang bahala," sagot ko.
Agad akong lumabas ng opisina, at hindi ko akalain na hinihintay pala ako ni Olah na may kasamang gwapong lalaki na nagtatrabaho rin dito sa kumpanya.
"Hi, gurl!" bati ng lalaki sa akin.
Ayy, bakla pala 'to, sabi ko sa isip ko. Sayang naman.
"Ako pala si Ariela," pakilala ng lalaki.
"Naku, huwag kang maniwala diyan, Ariel ang pangalan talaga niyan!" pambara agad ni Olah sabay tawa.
"Ariel man o Ariela, basta ang importante, maganda ako!" pagmamalaki ni Ariel habang nagpapagpag pa ng buhok at ibinubalandra ang ID lace niyang mukhang model sa cat-walk. "At ikaw, gurl? Grabe, bagong salta ka lang dito pero tignan mo nga naman ang glow-up mo! Sabi ko na nga ba’t may potential ka eh, kahit galing ka pa sa giyera sa loob ng opisina ng demonyo nating boss!" dagdag pa niya sabay irap sa hangin nang mabanggit si Ian.
Natawa na lang ako nang mahina sabay hawak sa pisngi ko. "Si Olah kasi, pinagandahan pa ako sa CR."
"Aba, siyempre! No choice tayo kailangang lumaban sa araw-araw na panggigipit ng lalaking 'yon!" sabat naman ni Olah habang habang nakasabit ang braso sa akin . "O, tara na nga, gutom na ako!"
Sabay-sabay kaming naglakad pababa ng building. Habang nasa elevator kami, panay ang kwento ni Ariel tungkol sa mga naging P.A. noon ni Ian na nag-resign o kaya ay umiiyak ding lumabas sa executive suite.
"Girl, kaya bilib na ako sa tibay ng sikmura mo eh. Yung mga naunang P.A. niyan, wala pang kalahating araw, nagtatakbo na palabas ng building habang sumisigaw sa sobrang trauma," kwento ni Ariel habang nakapameywang. "Pero ikaw? Aba, nakayanan mo ang umaga! May pa-retouch factor pa kay Olah"
"Wala akong choice, eh. Kailangan ko talaga ang trabahong 'to," mahinang sagot ko habang nakayuko, naaalala ang tatlong milyon kong utang at ang mga gamot ni Mama.
Napansin naman ni Olah ang pagbabago ng mood ko kaya agad niya akong tinapik sa balikat.
"Huwag kang mag-alala, Maya! Nandito na kami. Kapag binully ka na naman ng boss mong mukhang yelo, sabihin mo lang sa amin, kami na ang bahalang magsaboy ng holy water sa kanya!"
Doon na ako natawa nang malakas. Paglabas namin ng gusali, agad kaming tumawid sa tapat kung nasaan ang isang maaliwalas na karinderya. Habang pumipili kami ng mga ulam, kahit papaano ay nakalimutan ko ang panginginig at takot na naramdaman ko kaninang umaga sa harap ng table ni Ian.
Humanap kami ng bakanteng lamesa sa loob ng karinderya nang makuha na namin ang mga inorder naming ulam. Masaya kaming umupo habang amoy na amoy ang mainit na sinigang baboy at pritong isda sa aming harapan.
"O, Maya, kain nang marami. Kailangan mo ng lakas para sa hapon. Malakas kumain ng enerhiya ang pakikipag-face-to-face sa nag-iisang yelo na CEO," biro ni Ariel habang sinusubo ang kanin niya.
Natawa na lang ako habang isinisubo ang pagkain ko. "Salamat talaga sa inyo, ha." Salamat, Lord, kahit mukhang malas ako sa amo ko, binigyan mo naman ako ng mga kaibigan. Kahit papaano, may stress reliever na ako dahil sa dalawang 'to.
