C10 Chapter 10
LUMIPAS ang anim na taon.
"Mommy, I'm so excited to go to Mama Lola in Philippines!" masayang sabi ni Dykeil habang inaayos ni Zoe ang mga gamit nila. Nagtatalon naman ang bata sa tuwa habang hawak ang kaniyang laruan na sasakyan.
"Huwag makulit kay Mama Lola, okay?" payo ni Zoe kay Dykeil. Sobrang hyper nito at para bang hindi napapagod ang batang ito. Kahit papaano ay naturuan na ni Zoe si Dykeil na magsalita at makaintindi ng Tagalog.
"Yes, mommy. I will be a good boy to Mama Lola," may ngiting sabi ni Dykeil. Hindi mapigilan ni Zoe na mapangiti nang makita ang mukha ng kaniyang anak. Nasaktan man siya noon sa isang lalaki ay nagkaroon naman ng magandang resulta ang gabing 'yon.
When she gave birth to Dykeil, she's not prepared to be a Mom. Alam niyang napakarami niyang pagkukulang at alam niyang masasagasaan ni Zoe ang future ng anak niya. Naalala niya five years ago noong ibigay sa kaniya ng doctor si Dykeil ay nagbago lahat ng pag-iisip niya. He is her life.
"Miss Madrigal, it's a boy!" sabi ng doctor sa kaniya. Sa takot noong malaman niyang buntis siya ay hinayaan niya lang ito. Wala siyang ginawa at kahit pagtingin sa gender ng kaniyang anak ay pinagliban niya.
"My baby," mahinang sambit ni Zoe habang habol ang kaniyang paghinga. Tuluyan nang naglandas ang mga luha niya sa kaniyang pisngi. He is so little. His hands, his cute fingers and everything is so cute.
He's her precious one. She could feel his heart beats at pakiramdam ni Zoe ay sa bata na umiikot ang mundo niya. Hindi man siya handa noong una na maging ina, pero noong nakita niya ang bata sa bisig niya ay parang handa siyang gawin ang lahat. She wants to give her undonditional love to her child.
His eyes, lips, and his face. Hindi niya mapagkakaakila na nagmana ito sa kaniyang tatay. He's everything to her. Her Dykeil Ian Madrigal.
Matapos makapaghanda ni Zoe ng mga gamit nila ay isinantabi niya muna ito para maasikaso ang anak. Mamaya na ang flight nila ng umaga kaya naman inihanda niya na ang lahat.
Sa kabilang banda ay hindi alam ni Dylan kung ano ang gagawin. Noong malaman niyang dadating na si Zoe ay nag-volunteer itong magsusundo lalo na at nalaman niyang may emergency meeting ang mga matatanda ng maaga.
Noong dumating ang araw ng pagdating ng kaibigan ay nag-ayos ito ng sarili. Pinaghandaan niya ang pagbabalik ng kaibigan kahit na alam niyang hindi naging maganda ang huling pagkikita nila. Simula noong umalis si Zoe papunta sa ibang bansa ay hindi na sila nakapag-usap pa. Alam niyang wala na siyang mukhang maihaharap sa kaibigan matapos ng nangyari sa kanila, pero kailangan niyang lakasan ang loob. Ayaw niya namang sisihin lang ito lahat kay Zoe dahil alam niyang ginusto niya rin ito.
Habang naghihintay si Dylan kay Zoe sa arrival area ay hindi ito mapakali. Nilalaro niya na ang kahit anong bagay na mahawakan ng kamay niya hanggang sa mapatigil siya nang marinig ang announcement.
"Good morning, ladies and Gentlemen. The plane from Canada will arrive in ten minutes. Please clear the area, thank you!" Dalawang beses inulit ang announcement na 'yon bago tumigil. Parang yelo naman na biglang nanlamig ang mga kamay ni Dylan dahil sa kaba. Sa sampung minuto ay darating na rin ang babaeng pinakahihintay niya.
Hindi na ito mapakali sa kaniyang puwesto dahil after six years na hindi pagkikita at pag-uusap ay hindi niya mapigilang maisip kung ano na ang itsura ng dalaga? Mas lalo pa kaya itong gumanda o kagaya pa rin ito ng dati na may pagka-boyish?
Samantalang mahigpit na hinawakan ni Zoe ang kamay ng kaniyang anak nang makalapag ang sinasakyan na eroplano. Limang taon na si Dykeil kaya ganoon ang pagkakulit nito. Hindi niya naman puwedeng hayaan ang bata na tumakbo lalo na at baka mawala ito sa dami ng tao sa airport.
"Mommy, we're here! We're here in the Philippines!" Napatawa na lang si Zoe nang makita ang itsura ng kaniyang anak na sobrang excited. "Daddy Fred, Mama Lola lives here!"
Napansin ng dalaga ang paghawak ni Dykeil sa kaliwang kamay ni Alfred at nagtatalon sa tuwa.
Alfred Martin is her friend in Canada. His father is a Canadian, while his mom is a Filipino. Anak siya ng besfriend ng Daddy ni Zoe kaya naman naging magka-close rin sila. Ang binata na ang tumulong sa kaniya para maka-move on at kung bakit nakaya ni Zoe ang lahat sa ibang bansa.
Naging kasangga niya ang binata sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Alam ni Zoe na may gusto ang lalaki sa kaniya at hindi siya manhid para hindi 'yon maramdaman. Takot si Zoe na pumasok sa relasyon dahil sa nangyari at pinaliwanag niya 'yon ng maayos kay Alfred. Masaya ang dalaga dahil naiintindihan lahat 'yon ni Alfred.
Pinasama niya ang binata sa Pilipinas dahil 'yon ang bilin ng kaniyang tatay at pumayag naman ang pamilya ng lalaki na pasamahin siya rito. Hindi rin naman ganoon ka-busy si Alfred dahil natapos nang i-launch ang bagong product nila. Ito naman ang panahon para mag-relax at mag-enjoy ang binata.
Nang makapasok sina Zoe sa arrival area para kunin ang mga bagahe ay napahinto ang dalaga nang magtama ang mga mata nina Dylan. Kahit malayo ito sa kaniya ay nakilala niya ito. Hindi na ganoon kasakit ang nararamdaman niya nang makita ito. Sa isip ng dalaga ay mas lalo itong nag-matured at gumanda rin ang pangangatawan nito. Hindi katulad dati na mukhang patpatin.
Hindi niya inaasahan na makita ang binata dahil alam niyang ang mommy nito ang magsusundo sa kanila, pero ibang tao pala ang nadatnan niya.
"Dylan," mahinang sambit ni Zoe sa pangalan ng binata, pero alam nitong narinig 'yon ni Alfred na ikinalingon din nito kung saan nakatingin ang dalaga. Agad namang naglakad si Dylan papunta sa kinaroroonan nila. Nakangiti ito habang papalapit sa kanila.
"Hi," bati ni Dylan nang makalapit sa kanila. Hindi napansin ng binata ang dalawang kasama ng babae dahil nakatutok lang ang mga mata nito kay Zoe.
"Hello," balik na bati ni Zoe sa kaniya. Tumahimik naman si Alfred sa gilid. Samantalang hindi naman nakapagpigil si Dykeil na tanungin ang lalaking nasa harapan nila ngayon.
"Mommy, who's that?" tanong ni Dykeil sa kaniyang nanay. Lahat naman sila ay napatingin sa batang hawak-hawak ni Zoe. Napakunot ang noo ni Dylan nang makita ito at para bang pamilyar ang mukha nito sa kaniya.
"Ahh." Napakagat labi si Zoe at malalim na huminga. Hindi niya alam kung paano ipapakilala si Dykeil kay Dylan, pero bahala na nga. "Baby, he is your Tito Dylan."