C19 Chapter 19
NAGMAMADALING pumunta si Dylan sa hospital na sinabi ni Nanay Meding nang malaman nitong isinugod si Dykeil. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman lalo na sa tuwing maiisip niya ang reaksyon ni Zoe kapag nalaman nito ang nangyari sa kaniyang anak. Alam niya sa sarili kung gaano kahalaga ni Dykeil sa dalaga kaya naman labis-labis din ang kaniyang pagkabahala sa madadatnang eksena.
Nagtungo kaagad si Dylan sa front desk ng hospital nang makarating at agad na tinanong kung nasaan ang kuwarto ni Dykeil. Nagdadalawang isip pa ang nurse kung ibibigay ang impormasyon tungkol kay Dykeil, lalo na at walang maibigay na sagot si Dylan nang tanungin siya nito kung ano ang koneksiyon niya sa bata.
"Please, nurse, nagmamakaawa ako. Kailangan ako ng kaibigan ko," pagtukoy niya kay Zoe. Nakikita sa mukha ni Dylan ang pagsumamo niyang malaman. Alam niyang hindi sila maayos ni Zoe noong huling kita nila. Ngunit nang malaman ang nangyari sa anak ni Zoe ay para bang wala siyang ibang maisip kung hindi ang maging maayos ang mag-ina kahit na alam niyang may kapalit lahat ng pagpunta niya rito.
"Nasa room 301, sir."
Labis ang pasasalamat ni Dylan nang ibigay ang room ni Dykeil sa kaniya. Hinanap naman kaagad ni Dylan ang room at nang makita ay napatigil siya sa may tapat ng pinto. Wala siyang narinig na ingay mula sa loob. Dumaloy ang kaba sa kaniyang dibdib nang mapagtanto na baka hindi siya tanggapin nina Zoe lalo na sa nangyari sa kanila.
Huminga ito ng malalim at tatlong beses na kumatok sa may pinto. Limang segundo pa siyang naghintay bago niya tuluyang buksan ang pinto at pumasok. Naabutan niyang nakatalikod at nakaharap kay Dykeil si Abby--- ang mommy ni Zoe. May hawak itong cellphone at kitang-kita ang panginginig sa buong katawan ng ginang.
Inilibot ni Dylan ang kaniyang paningin at wala siyang nadatnan na kaibigan. Kahit si Alfred ay wala rin sa kuwarto na 'yon gayung madalas magsama ang dalawa. Hindi niya maipagkaakila sa sarili na parang may mali at hindi niya matukoy kung ano iyon.
"Tita Abby," pagtawag ni Dylan. Dahan-dahang humarap sa kaniya si Abby. Unang napansin kaagad ni Dylan ang pamamaga ng mga mata ng ginang nang tuluyang makaharap ito sa kaniya.
"D-Dylan," nauutal na tawag ni Abby sa pangalan ng binata sa kaniyang harapan. Nilingon ni Dylan si Dykeil sa kama na para bang mahimbing lang na natutulog. May dextrose at oxygen na nakakabit sa bata. Mula sa kinatatayuan niya ay hindi niya mapigilang maawa sa bata.
Kung ano man ang dahilan kung bakit sinugod si Dylan sa hospital ay alam niyang dinaramdam ito ng buong pamilya nina Zoe. Lalo na at alam niyang si Dykeil ang dahilan kung bakit nagkaroon ng kulay muli ang kanilang bahay.
Binalik ni Dylan ang tingin kay Abby at napansin niyang pabalik-balik ang tingin nito sa kaniyang cellphone.
"Nalaman ko po kay Nanay Meding na sinugod si Dykeil dito. Ano po bang nangyari?" tanong ni Dylan. Hindi naman sumagot si Abby at nanatiling tahimik. Hindi niya alam kung ano ang iaakto sa harap ng binata dahil pati ang isip niya ay gulong-gulo na.
Samantalang inisip naman ni Dylan na baka ayaw ipaalam ni Abby sa kaniya ang tungkol kay Dykeil nang hindi siya sagutin nito. Mas pinili niya na lang na huwag na pilitin ang ginang. Gustuhin niya mang malaman kung ano ang nangyari, pero ginagalang niya ang desisyon ng ginang. Alam niya sa sarili na may ginawa siyang kasalanan sa pamilya nito at baka pinoproteksyunan lamang ni Abby ang kaniyang pamilya mula sa kaniya.
Kahit papaano ay hindi mapigilang masaktan ni Dylan kapag naiisip 'yon. Gusto niya mang balikan ang nakaraan at ayusin ang pangyayari, pero alam niyang napakalaking imposible no'n. Wala siyang ibang puwedeng gawin kung hindi ang sundin na lang ang gusto ng pamilya. Naiintindihan niya naman ito.
Nanahimik si Dylan at hindi umalis sa kaniyang puwesto. Kahit na malayo siya mula kay Dykeil ay hindi naging hadlang 'yon para tignan nang maigi ang kalagayan ng bata. Napaiwas ito ng tingin nang maramdaman niya ang pag-iinit ng kaniyang mga mata. Hindi niya mapigilang maawa lalo na at para bang may nararamdaman siyang ibang connection mula kay Dykeil.
Hindi niya mapigilan ang kirot sa dibdib niya. Lalo na kapag napapatitig siya nang matagal sa bata ay napapansin niya ang pagkakahawig ng mukha nito sa kaniya. Gusto niyang ipanalangin n asana siya na lamang ang ama nito, pero may parte sa kaniya na ayaw niyang tanggapin 'yon dahil alam niyang magiging masama lang siyang ama para sa bata.
Napansin ni Dylan na ilang minuto na siyang nandoon, pero hindi dumating sina Zoe. Nagtataka siya kung nasaan ang ina ng bata at kung bakit wala ito sa tabi ni Dykeil. Hindi niya na napigilan ang sarili na tanungin si Abby tungkol doon.
"Tita Abby, si Zoe po? Kanina ko pa po napansin na wala sila rito. Hind---" Natigilan si Dylan sa pagsasalita nang mapatingin siya sa kamay ni Abby nang humigpit ang pagkahawak nito sa cellphone. Ang kaninang reaksyon ni Abby na para bang pinapakalma ang sarili ay para bang nagbago.
"Si Z-Zoe." Nanginginig ang boses ni Abby nang banggitin ang pangalan ng anak. "Si Zoe... Si Z-Zoe."
Patuloy ang pagsambit ni Abby sa pangalan ni Zoe at para bang hindi na mapakali sa kaniyang kinatatayuan. Doon na napansin ni Dylan na parang may mali. Mas lalo niyang naramdaman ang kaba at takot sa maaaring malaman.
Agad niyang nilapitan si Abby at inalalayan itong makaupo sa upuan na malapit sa kanila. Hindi pa rin huminto si Abby sa pagtawag sa kaniyang anak. Kitang-kita ni Dylan ang biglang pagtulo ng luha ni Abby. Kahit anong pagpapakalma ang gawin ni Dylan ay hindi niya maikalma ang ginang.
Kahit na kinakabahan si Dylan sa posibleng marinig ay gusto niya pa ring malaman ang totoo.
"Tita Abby, calm down po," pagpapakalma ni Dylan. Ilang minuto siyang nagpakalma sa ginang at kahit na hindi niya alam ang gagawin ay nag-stay lang ito sa tabi ng mommy ni Zoe. Nang tuluyang humupa ang bigat na nararamdaman ni Abby ay doon na nagkaroon ng lakas loob si Dylan na tanungin ang tungkol kay Zoe.
"Tita Abby, ano pong nangyari kay Zoe?"
Hinawakan ni Dylan si Abby sa magkabilang braso at tinitigan ang mga mata ng ginang. Ilang beses na iniwas ni Abby ang tingin sa binata, pero alam niyang wala na siyang kawala pa kung hindi ang sabihin ang totoo.
Alam ni Abby ang nangyayari sa pagitan ng anak niya at kay Dylan nitong mga nakaraang araw. Alam niya kung ano ang pinagdaanang hirap ng anak sa binata na kasama niya ngayon.
Ngunit ano ba ang karapatan niyang itago ang katotohanan tungkol kay Zoe? Alam ni Abby na karapatan ni Dylan na malaman ang kalagayan ni Zoe lalo na at naging kaibigan din ito ng anak niya.
"Tita?" pagtawag muli ni Dylan sa kaniya. Tuluyan nang napaharap si Abby sa kaniya. Kitang-kita ni Dylan ang panginginig ng labi ng ginang at sa tuwing ibubuka nito ang bibig para magsalita ay napapatigil din ito.
Napansin ni Dylan ang cellphone na hawak-hawak ni Abby mula pa kanina. Napansin niya sa screen ang pangalan ni Zoe at nang makita niya ang mensahe na nakalagay roon ay halos matumba siya mula sa kaniyang kinatatayuan.
"H-Hindi," napapailing na sabi ng binata. Napatingin siya sa mukha ni Abby na ngayon ay parehas na sila ng nararamdaman. Bumuhos ang mga luha ng ginang at ang kaninang nangungulit na si Dylan para malaman ang totoo ay bigla na lamang natahimik.
"Tita, sabihin niyo pong mali ako ng nabasa," pagpupumilit ni Dylan. Gusto na lamang pumikit ni Dylan at isipin na masamang panaginip lamang ang lahat ng ito. Gusto niya nang magising sa bangungot na kinalalagyan niya ngayon. Ang kinakatakutan niyang mangyari ay mukhang nangyayari na.
"Tita, please," pagsumamo ni Dylan. "Hindi naman totoo 'yan, 'di ba? Okay si Zoe, 'di ba? Pupunta sila ngayon kasi nandito si Dykeil. Hindi niya pababayaan ang anak niya."
Naglakas loob si Abby na magsalita. Ayaw niyang patagalin pa ang nangyayari dahil alam niyang pare-pareho lang din silang nasasaktan. Binasa niya muli ang huling message na tinext sa kaniya gamit ang cellphone ni Zoe. Nang matapos ay binigay niya ito kay Dylan. Nanginginig naman ang mga kamay ni Dylan nang kunin niya ito.
"Totoo ang nabasa mo, Dylan. Naaksidente si Zoe at sinugod siya sa hospital," sambit ni Abby habang ang mga mata ng binata ay nakatingin sa cellphone na inabot sa kaniya.
"T-Tita, h-how?" tanong ni Dylan. Dahan-dahan niyang inangat ang tingin sa ginang at kasabay nito ay tuluyan nang pagtulo ng mga luha niya. "H-Hindi puwede, Tita. Hindi puwedeng mangyari 'to kay Zoe."
"We can't control everything, Dylan. We can't control what will happen to us."