C21 Chapter 21
DINALA ni Dylan si Abby pabalik sa silid ni Dykeil. Wala silang puwedeng gawin kung hindi ang manalangin at maghintay ng magandang balita. Gusto lang nila ay maging maayos ang mag-ina.
Nang tuluyan nang kumalma si Abby ay nagpaalam si Dylan na lalabas. Gusto niya munang mapag-isa at ilabas ang bigat na nararamdaman niya. Naglakad ang binata hanggang sa matagpuan niya ang sarili na nasa roof top ng hospital. Nang makaapak pa lang sa sahig ay agad siyang sumigaw ng napakalakas.
Alam niyang walang makaririnig sa kaniya kaya ibinuhos niya na lahat. He wanted to hurt himself, pero kahit ilang beses niyang suntukin ang sarili ay para bang manhid na ang kaniyang katawan. Wala ng iba pang paraan para pawalain ang sakit sa kaniyang dibdib.
"Zoe, please, don't leave me," pagsusumamo niya habang nakatingin sa kalangitan. Inisip niya ang mga masasayang araw na kasama ang dalaga noon at ayaw niya pang matapos 'yon sa ganoon lang.
Pumikit siya at huminga nang malalim. Nang tuluyan niyang maikalma ang sarili ay naglakad ito papunta sa may unahan, pero napahinto rin siya nang agad niyang makita sa kabilang way si Alfred habang naninigarilyo. Alam niyang kanina pa ito dahil nakita niya ang ilang mga sigarilyong nagamit na sa sahig. At paniguradong narinig ni Alfred ang lahat ng mga kadramahan niya simula noong pagdating niya rito.
Hindi mapigilan ni Dylan na mapangisi lalo na nang maisip na walang pakialam si Alfred sa mag-ina. Nagawa niyang iwan ang bata habang ang ginang ay hinahanap ang anak. Sa halip na nandoon sa kuwarto para tulungan si Abby na pakalmahin ay nagawa pa nitong humithit ng sigarilyo rito.
Napakuyom ang dalawang palad ni Dylan sa galit at patakbong sinugod si Alfred.
"Dy--" Hindi na natapos si Alfred sa pagtawag nang maramdaman ang malakas na suntok sa kaniya ni Dylan. Napatumba ito sa sahig at natapon nito ang hawak na sigarilyo.
"What's wrong with you, dude?!" reklamo ni Alfred. Hinawakan nito ang gilid ng labi niya na may dugo. Mabilis na tumayo ang binata at tinulak si Dylan. "Ano bang problema mo? Kanina ka pa, ah."
"Ano ang problema ko?" natatawang tanong ni Dylan habang tinuturo ang sarili. Muli niyang sinugot si Alfred at sinapak, pero nakailag ang binata. "Ikaw ang problema ko!"
"Ano?!" naguguluhang tanong ni Alfred. "Ano na namang atraso ko sa iyo?"
"Atraso sa akin? Wala. Pero atraso sa mag-ina mo ay marami!" sigaw ni Dylan. "Paano mo nagagawang mag-enjoy sa sigarilyo habang sina Zoe ay nag-aagaw buhay?"
Hindi na nagulat si Alfred sa sinabi ni Dylan at tinawanan lang ito.
"Ano namang ginawa sa iyo ng sigarilyo at napaka-big deal naman sa iyo?" balik na tanong ni Alfred sa kaniya. Sinambunutan ni Dylan ang sarili dahil sa inis na nararamdaman. Ilang beses na bumuntong hininga ito para kumalma bago nagpaliwanag.
"Nasaksihan ko 'yong nangyari kay Zoe kanina. Ang daming dugo na nawala sa kaniya," pagsisimula ni Dylan. Tinitigan niya si Alfred sa mga mata habang nagpipigil ng galit. "Hindi mangyayari kay Zoe 'yon kung nasa tabi ka niya."
"Ano ang tingin mo sa akin, Dylan? Bato na walang pakiramdam?!" may diing sagot ni Alfred. "Hindi mo alam ang nararamdaman ko noong makita ko rin ang kalagayan niya kanina. Gusto kong hilingin na sana ako na lang, pero hindi, eh. Nandoon na. Tapos na."
Natigilan si Dylan saglit, pero hindi pa rin siya nakukuntento sa mga sinasabi ng binata.
"Pero pinabayaan mo pa rin siya, Alfred. Kasalanan mo ang nangyari kay Zoe!"
Muli na namang sumugod si Dylan at sinuntok ng tatlong beses sa mukha si Alfred, pero hindi ito umilag at sinalo lang iyon lahat. Hindi niya ginantihan ang binata hanggang sa tuluyan siyang layuan nito. Nagulat si Dylan nang tawanan lang siya ni Alfred at parang hindi man lang nasaktan sa ginawa nito.
"Kasalanan?" natatawang tanong ni Alfred habang tinuturo ang sarili. Kitang kita na sa mukha niya ang sugat at galos na natamo dahil sa suntok ni Dylan. "Iniisip mo na kasalanan ko lahat ng 'yon? Bakit ba lagi mo akong pinag-iisipan ng masama?"
Hindi nakasagot si Dylan sa huling tanong ng binata. Dahan-dahan na lumapit si Alfred sa kaniya at hindi naman umatras ang binata.
"Alam mo kung sino ang may kasalanan?" Napatigil si Alfred sa pagsasalita at tinuro si Dylan. "Ikaw, Dylan. Ikaw ang may kasalanan. Kasalanan mo ang lahat ng ito."
Hindi na napigilan ni Alfred ang kaniyang nararamdaman.
"Kasalanan mo kung bakit pumunta si Zoe ng ibang bansa. Kasalanan mo kung bakit siya nahihirapan ngayon. At kung may dapat sisihan ay ikaw 'yon. Anong balak mo sa kaniya? Guguluhin mo na naman kung kailan buo na siya?"
Hindi nakapagsalita si Dylan at natahimik.
"You want to know the truth?" tanong ni Alfred. Hindi na siya nagdalawang isip pa at sinabi na kay Dylan. "Noong gabi na pumunta ka sa bahay ay halos nasaksihan ni Dykeil ang pag-iyak ni Zoe. Walang ibang nagawa ang bata kung hindi sabayan ang iyak ng kaniyang ina."
Kitang-kita ni Alfred ang gulat sa mga mata ni Dylan, pero hindi siya nagpaawat pa. Gusto niya sabihan ang lahat dahil alam niyang kahit anong protekta pa ang gawin niya sa dalaga ay hindi pa rin siya makakawala sa kaibigan nito.
"Kanina ay nakipagkita si Zoe sa girlfriend mo at alam mo ang nangyari? Nagpakalasing lang naman siya. Ewan ko ba at ano ang sinabi ng magaling mong kasintahan. Kaya noong maaman ni Zoe na sinugod sa hospital si Dykeil ay mabilis siyang nag-drive kahit na alam niyang lasing siya para lang puntahan ang anak niya. Still, want more?"
"Stop!" pagpigil ni Dylan. Hindi niya na alam kung paano pa ite-take ang mga nalaman. Nasasaktan siya ng sobra para sa mag-ina.
"Hindi 'yon mangyayari lahat kung noong una pa lang ay nilayuan mo na siya, Dylan. Binalaan na kita noon pa lang at ayaw mong makinig. Nagmamagaling ka? P'wes, gawin mo ngayon!" may diing sagot ni Alfred. "Tandaan mo, Dylan. Hindi magiging miserable ang buhay niya kung una pa lang ay hindi mo siya ginulo. Kaya huwag mong ipapasa ang kasalanan mo sa iba. Dahil alam mo sa sarili mo kung sino talaga ang may totoong kasalanan at ikaw 'yon!"
Pagkatapos sabihin ni Alfred ang lahat ng 'yon ay hinayaan niya si Dylan na manatiling nakatayo roon habang iniisip nito ang sinabi sa kaniya. Halos lahat ng sinabi ni Alfred ay tumagos sa kaniya. Naalala niya ang lahat ng pinagsamahan nila ni Zoe at alam niyang naging mahirap ito para sa dalaga. Tama si Alfred. Kasalanan niya nga itong lahat.