C1 Prologue
ISANG HALIK...
Sabi sa alamat, halik ng isang dalaga ang tanging makakapaggising sa misteryosong prinsipe na mahabang panahon nang natutulog sa isang mahiwagang kastilo. Marami nang kababaihan ang nagtangkang hanapin ito. Pero tanging si Prinsesa Zari lamang ang matapang na humarap sa malupit na mangkukulam na siyang nagbigay ng sumpang bumabalot sa buong kaharian.
Gamit ang espadang minana niya mula sa kanyang Amang Hari ay nagawa niyang saksakin sa mismong puso ang naturang mangkukulam.
Humandusay ito sa maalikabok na sahig.
Duguan.
At nangingisay-ngisay pa habang unti-unti nang nalalagutan ng hininga.
Nang masiguro na niyang wala na itong buhay, saka niya naisipang hanapin ang kinaroroonan ng prinsipe. Hinalughog niya ang bawat sulok ng kastilo. Halos lahat ng silid roon ay kanyang pinagbubuksan. Wala siyang pakealam kung puno man iyon ng mga agiw at alikabok, makita lamang niya ang prinsipeng matagal nang naghihintay sa kanya.
Nakarating na siya sa pinakaitaas ng kastilo kung saan may nakita siya roong isang silid. At hindi na siyang nagdalawang-isip pa na buksan iyon. Nang sumilip siya sa loob ay nakita niya ang prinsipeng mapayapang nakahiga sa kamang pinalilibutan ng mga tuyong sanga ng rosas.
Humakbang siya papasok ng silid.
Nilapitan niya ang prinsipe.
Pinagmasdan niya ito.
At hindi niya maiwasan ang mamangha rito dahil para lang itong isang anghel na natutulog na walang kamalay-malay sa mga nangyayari.
Napakaamo ang mukha nito.
Matangos ang ilong.
Mahaba ang mga pilik-mata.
At mamula-mula pa ang mga labi.
Sinubukan niyang hawakan ang kamay ng prinsipe upang suriin kung may buhay pa ito. At saka siya nagpakawala ng matamis na ngiti nang makaramdam siya ng init na nagmumula sa palad nito.
"Ang lambot at ang bango, amoy rosas!" buong pagkahanga niya.
Parang wala na nga siyang balak na bitawan ang kamay ng prinsipe hanggang sa isang pamilyar na tinig ang kanyang narinig.
"Mahal na Prinsesa..."sabi ng boses ng isang lalaki, "...Ang halik mo, Mahal na Prinsesa. Ang halik mo lamang ang tanging paraan upang magising ang Mahal naming Prinsipe."
"B-big Brother?" tanong niya habang panay ang paglinga-linga sa paligid. Iyon ang natawag niya sa misteryosong tinig dahil kaboses nito 'yung boses sa isang sikat na reality show.
Hindi rin naman lingid sa kanyang kaalaman ang tungkol sa sumpang bumabalot sa Mahal na Prinsipe at sa buong kaharian nito. Pero siya nga ba talaga ang itinakdang babaeng makakatanggal ng sumpa? Maswerte ba siya o malas? Maswerte, dahil magkakaroon na siya ng kasintahan? O malas, dahil wala na siyang ibang pagpipilian kungdi ang isuko ang unang halik niya sa isang lalaking hindi naman talaga niya kilala.
"Hindi 'yan magigising kung tititigan mo lang!" parang galit pang pagsita ng misteryosong tinig.
"Opo-opo!" pagsuko niya sabay taas pa ng dalawang kamay.
Muli na niyang tinignan ang prinsipe, at isang malalim na hininga muna ang kanyang pinakawalan bago niya unti-unting inilapit ang kanyang mukha sa mukha nito.
Hayan na...
Malapit na...
Ilang inches na lang...
Ilang centimeter na lang...
----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------
"MISS! HOY, MISS!"
Napakislot si Zari sa kanyang kinauupunan nang maramdaman niyang may yumuyugyog sa kanya. At nang unti-unti na niyang dinilat ang kanyang mga mata ay naaninagan niya ang isang malaking bulto ng lalaki.
"Kapre! Kapre!" bigla siyang napatayo at nagpanic.
"Hoy!" bulyaw sa kanya nito.
Natigilan siya saka siya natauhan na staff pala ng barkong sinasakyan niya ngayon ang lalaking ito.
"Ano'ng kapre ang pinagsasabi mo?" napakamot ito ng ulo.
"Manong!" pagkadismaya niya, "Alam mo bang nasa climax na ako ng panaginip ko? Hayun na eh! Malapit na 'yung tukaan eh! Konting-konti na lang!"
"Aba, pasalamat ka't ginising pa kita!" napamewang ito, "Kung hindi baka paggising mo bumalik ka na naman ng Iloilo!"
"Ga'nun po ba?" napakamot siya ng ulo.
"Hala siya! Bumababa ka na!" pagtataboy nito sa kanya.
"Ay, salamat po Manong! Pasensya na!" nahihiyang sabi niya saka na niya binuhat ang kanyang bagahe.
Bumaba na siya ng barko. At hindi niya napigilan ang magulat nang makita niya ang mga abalang tao sa paligid niya.
Ibang-iba ang atmosphere kaya sure na sure siyang wala siya ngayon sa Iloilo.
"Finally, nasa Manila na ko!" wala sa loob na sigaw niya at nakataas pa ang kanyang mga kamay.
Gulat na napatingin sa kanya ang mga tao. Pero wala siyang pakealam, ibang kasiyahan ang nararamdaman niya ngayong nakatungtong ang mga paa niya sa mismong lupa ng Manila!
----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------