+ Add to Library
+ Add to Library

C3 Chapter Two

MABILIS LUMIPAS ANG ISANG linggo kay Zari. Pero aaminin niya, hanggang ngayon ay nag-a-adjust pa rin siya. Hindi madali para sa kanya ang manirahan sa Manila ganoong laki siya sa simpleng pamumuhay sa Iloilo.

May mga araw na talagang namimiss niya ang buhay-probinsya, lalo na ang kanyang Lolo at Lola. Kaya halos araw-araw ay tinatawagan niya ang mga ito para kamustahin.

"Jhay, ano'ng tingin mo sa suot ko?" Nakangiting tanong niya sa pinsan niyang si Jhay-jhay, isang araw habang nagbabasa naman ito ng english nitong libro sa likod-bahay.

Napatingin naman ito sa kanya, at saka naman siya nagpaikot-ikot sa harapan nito na parang ginaya pa niya ang 'Lava Walk' ng nanalong Miss Universe 2018 na si Catriona Gray.

"Saan mo naman nakuha 'yang damit na'yan? Sa baul ni Lola?" tanong nito.

"Ang sama mo naman," napasimangot siya saka napayuko.

Nakasuot siya ng bestidang binili sa kanya ng Lola Lupe niya bago siya lumuwas ng Manila. Limang pares na bestida ang binili nito sa kanya kaya naman excited siyang sinuot ang mga ito. Pero hindi niya maiwasan ang madismaya dahil sa naging komento ng pinsan niya tungkol sa mga damit niya. Alam naman niyang wala na uso ang mga ito, pero dito siya kumportable, eh.

"Saan ka pupunta?" tanong niya nang biglang tumayo ito at tinalikuran siya.

"Doon!" tugon nito saka tinuro ang punong mangga na nakatayo sa bakuran ng kanyang tiyahin.

Nagawa niyang sundan si Jhay-jhay patungo sa puno, at napatingala na rin siya nang tumingala ito roon. Halos mamilog ang kanyang mga mata nang makita niya ang kumpol-kumpol na mga bunga nito.

"Wow! Mukhang hinog na sila! Ang sarap pitasin!" sabi niya saka siya napatingin sa kasama, "Gusto mo ba?"

"Kaya mo bang pitasin ang mga iyon?" may halong paghahamon na tanong nito.

"Aba, oo naman!" pagmamayabang niya, "Kung hindi mo tinatanong kapag galing kami ng mga kaklase ko noon sa eskwelahan, dumidiretso kami kina Manang Openg. Ang dami niyang puno ng mangga at santol sa bakuran nila. Pinapayagan niya kaming mamitas roon basta sariling sikap."

Napatingin naman sa kanya si Jhay-jhay na parang naglo-loading pa sa utak nito ang mga sinasabi niya.

"Teka nga," sabi niya saka hinubad niya ang kanyang suot na tsinelas, "Ikaw ang magcheer sa akin ah!"

"Are you sure about this?" pa-english nitong tanong sa kanya.

"Oo naman!" tumango siya saka niya palambing na ginulo ang buhok nito, "Sabi nga ni Manny Pacquiao, Para sa'yo ang laban na 'to!"

"Okay," ngumiti ito.

Gumanti muna siya ng ngiti sa kanyang pinsan bago siya sumampa sa puno. Hindi na naging mahirap sa kanya ang pag-akyat dahil hindi naman ito ganoon kataas hindi katulad sa mga puno ng manggang naakyat na niya noon sa probinsya nila.

Naghanda na kaagad ng sako si Jhay-jhay na siyang nagpupulot ng mga manggang dahan-dahan niyang hinahagis.

"Ate, doon pa! Doon pa!" turo nito.

Sinunod naman niya ang sinabi nito. Pero bigla siyang natigilan nang mapansin niya ang magandang tanawin sa labas ng bakod ng bahay ng tiyahin niya. Hindi niya akalain na ganoon pala kaganda ang lugar na iyon. Kahit maraming bubong siyang nakikita, 'yung lawak ng kalangitan ay tanaw na tanaw niya. Umeksato pang palubog ang araw kaya kulay orange ang buong kalangitan. At ang sarap ng hangin, malayung-malayo sa amoy ng aircon.

"Ang ganda!" buong pagkahanga niya, "Jhay, tignan..." tawag niya sa kanyang pinsan at tumingin siya sa ibaba. Pero bigla siya natigilan nang makita niya ang lalaking kasama ni Jhay-jhay, at nakatingala rin ito sa kanya.

Si Gerald.

Bahagya siyang ngumiti dahil sa kilig na naramdaman niya pero bigla rin siyang natigilan nang may naalala siya.

"Hoy!" bulyaw niya rito saka niya inipit ang palda niya sa pamamagitan ng kanyang mga hita.

Nagulat ang binata.

"Bastos ka! Sinisilipan mo ko!"

"H-hindi ah!" tanggi nito saka yumuko.

Napatingin naman si Jhay-jhay sa binata.

"H-hindi kita sinisilipan!" depensa ni Gerald saka napatingala ulit.

Napasigaw siya ng malakas, "Sinisilipan mo ako!" diin niya saka siya pumitas ng ilang mangga at pinagbabato niya ito. Hindi niya alam kung anong klaseng tao ito at nagagawa nitong makailag sa mga manggang pinagbabato niya.

"Please, stop it!" paki-usap nito.

"Isa pang tingala mo, dudukutin ko 'yang mata mo!" pagbabantang sigaw niya.

"Sinabi nang hindi kita sinisilipan!" diin nito saka napatingala ulit sa kanya.

"Aba't... humanda ka sa akin, lalaki ka!" hamon niya saka umakto na siyang bababa sa puno.

"Jhay, alis na ko!" pagpapaalam naman nito sa bata, at dali-dali na itong tumakbo.

Hindi naman siya nagpatalo. Pagkasayad na pagkayad ng mga paa niya sa lupa, dali-dali naman niyang dinampot ang tsinelas niya. Nagtatakbo niyang hinabol si Gerald papalabas ng gate. Hindi niya ito titigilan kahit saan pa sila makarating.

Nasa labas na sila nang maisipan niyang ibato ang tsinelas niya. At natalo pa niya ang gun shooter dahil natamaan niya ito sa likod. Dinig na dinig pa niya ang pagdaing nito sa pagkabigla, at napahinto ito.

Iyon naman ang pagkakataon niya para malapitan ito. Pero sa paglapit niya ay bigla na lang siya nitong kinabig at isinandal sa gate. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang pagkagulat. Napatitig na lang siya sa guwapong mukha nito. Halos hindi siya makagalaw dahil nakaharang sa magkabilang daraanan niya ang mga kamay nito.

"Ano ba'ng problema mo?" pagtatapang-tapangan niya para takpan ang kabang nararamdaman niya.

"Problema ko? Ikaw kaya!" sabi nito, "Ilang beses ko nang sinabi sa'yo na hindi kita sinisilipan!"

"Ano'ng hindi? Huling-huli ka na kaya pero todo-deny ka pa rin!" sagot naman niya.

Mariin siyang tinitigan nito.

Napalunok naman siya.

One...

Two...

Three...

Halos umabot din ng sampung segundo ang pagkakatitigan nila hanggang sa ito na rin mismo ang unang sumako.

"Hay, ewan ko sa'yo!" napakamot na lang ito ng ulo, "Bahala ka na d'yan. Mahuhuli na ako sa trabaho kung makikipagtalo pa ako sa'yo!"

Siya naman ang natigilan nang talikuran na siya nito. Halos hatid-tanaw na lamang niya ito hanggang sa sumakay na ito ng tricycle.

"Ba-bye!" pagpapaalam nito at kumaway-kaway pa nang mapadaan sa harapan niya ang tricyle ni sinasakyan nito.

"Bleh!" parang batang dinilaan niya ito.

Nabanggit na minsan sa kanya ni Jhay-jhay na may sariling banda si Gerald na nag-gi-gig sa isang bar. Kaya hindi na rin siya nagtataka kung bakit lagi niyang nakikita niya ito paminsan-minsan na may hawak na drum stick, at parang baliw na nagheheadbang pa.

Malapit si Jhay-jhay sa tito nitong si Gerald dahil parehong lalaki at magkasundo sa mga kalokohan.

"May gusto ka ba sa Tito Gerald ko?"

Gulat siyang napatingin sa tabi niya nang marinig niya buhat roon ang boses ni Jhay-jhay.

"May gusto ka noh?" ulit nito.

"W-wala noh!" tanggi niya, "Saan mo naman nakuha 'yang tsismis na 'yan?"

"Napansin ko lang!" sagot nito saka tinalikuran na siya, "Pulang-pula ka kasi kanina 'nung sinandal ka niya sa gate."

"Hindi noh!" diin niya saka sinundan ito, "Oo nga pala, gusto mo bang ipagluto kita ng bagoong? Masarap ang mangga kapag sinawsaw sa bagoong!"

"Bahala ka," sabi lang nito sa kanya.

Tinupad naman niya ang sinabi niya rito. Pagpasok nila sa bahay ay kaagad niya itong pinagluto ng bagoong, at masaya nilang pinagsaluhan ang mga napitas nilang mangga.

Itutuloy...

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height