C4 Chapter Three
"MAY GUSTO KA BA KAY TITO GERALD?"
Parang sirang pirated CD na umuulit-ulit sa pandinig ni Zari ang tanong na iyon sa kanya ni Jhay-jhay tungkol kay Gerald.
Nagsisimula na rin siyang maguluhan sa nararamdaman niya dahil doon. Hindi naman siya ganito dati sa mga lalaki, pero bakit parang may nararamdaman siyang kakaiba kapag nakikita o nadidinig man lang niya ang pangalan ni Gerald? Minsan kahit may iba siyang ginagawa, bigla-bigla na lang itong pumapasok sa isip niya na hindi niya alam kung bakit.
Minsan naman ay hindi niya mapigilan ang kanyang sarili. Katulad ngayon, nakita lang niya itong bumababa ng hagdanan na bagong ligo, natulala na naman siya ng bonggang-bongga!
"Kagwapo gid ya sa iya ah," wala sa loob niyang bulong na ang ibig sabihin 'Ang guwapo talaga niya!'
"Sin-o?" biglang tanong ni Tita Edna niya na ibig sabihin naman ay 'sino?'
"A-ara bala ang sa TV,” katwiran na lang niya sa tiyahin na ang ibig sabihin, 'Yung sa TV lang po!'
Nagtatakang nagpatangu-tango na lang ang Tita Edna niya pero nakatingin pa rin ito sa kanya, siguro nawiwirduhan sa kanya dahil hindi naman siya sa TV nakatingin kungdi sa papalapit nitong bayaw.
"Ate, amina 'yung ipanggo-grocery namin ni Zari," sabi ni Gerald nang tuluyan na itong makalapit sa kanila.
"Ay, oo pala!" pagkaalala nito saka may dinukot na pera sa bag nito na nasa pagitan nilang mag-tita.
"Maggo-grocery?" nagtatakang napatingin naman siya sa kanyang Tita Edna.
"Oo. Sasamahan ka ni Gerald para kung sakaling may iutos ako sa'yo next time alam mo na kung saan," paliwanag ni Tita Edna
Napatingin siya kay Gerald. Hindi niya alam pero nakadama siya ng tuwa dahil aalis sila ng binata na silang dalawa lang.
"Magcommute na lang kayong dalawa. Yung sasakyan ginamit ni Kuya Felix mo," dagdag ni Tita Edna saka inabot kay Gerald ang pera.
"Kaya pala," bulong ng binata.
"Kaya pala ano?" ulit ni Tita Edna.
"Nothing," sagot lang ni Gerald.
"Hala, lumarga na kayong dalawa," pagtataboy ni Tita Edna sa kanila.
Sumunod naman sila.
Magkasabay sila ni Gerald na lumabas ng bahay. Bahagya lang niya pinauna sa paglalakad ang binata dahil para maitago ang kilig na nararamdaman niya.
Magkasama silang dalawa ngayon.
Inuulit niya, silang dalawa lang!
Ramdam na ramdam pa nga niya ang malakas ng pagkabog ng dibdib niya. Para sa kanya, ang lakas ng dating sa kanya ni Gerald kahit saang anggolo, kahit pa nakatalikod pa ito sa kanya.
"Wala yatang jeep?" nagtatakang tanong ni Gerald sa kanya nang makarating sila sa kanto kung saan naabutan nilang marami-rami ang nag-aabang na masasakyan roon.
"May hulian," sabat ng isang lalaki, "Marami kasing kolorum na jeep dito. Iyong iba sumasakay na lang taxi, iyong iba naman ay nag-aabang ng Bus."
"Minamalas ka nga naman," may pagkainis na napakamot ng ulo si Gerald.
Hindi na siya kumibo.
Halos ilang minuto rin silang naghintay ni Gerald ng masasakyan hanggang sa dumating ang isang bus.
"Tara! Tara!" hinawakan ni Gerald ang kamay niya na siyang labis niyang kinagulat, "Aabutin tayo ng siyam-siyam kakahintay ng jeep!"
Wala na siyang nagawa pa nang hilahin siya ni Gerald. Kitang-kitang niya na sanay na sanay itong makisabayan sa mga nag-uunahang pasahero.
Sumusunod lang siya sa lahat ng sinasabi ni Gerald kaya naman nagawa na rin nilang makasakay kahit na siksikan.
Hindi pa rin mawala ang kilig na nararamdaman niya dahil hanggang makasakay sila ni Gerald ay inaalalayan siya nito.
Napaka-gentleman.
"Ohh... usog lang ng konti, oh! Usog lang!" sigaw ng konduktor.
Sinunod naman nila ito.
Lihim naman niyang kinapa ang kanyang dibdib dahil ramdam na ramdam niya ang malakas na pagkabog niyon. Halos magkadikit na rin ang katawan nila ni Gerald na lalong kinawawala ng puso niya.
"May lagnat ka ba?" bigla niyang tanong rito.
"Wala, bakit?" ganti nito.
"Para kasing ang init mo," sagot niya.
Natawa naman ito, "Pick up line ba 'yan?"
"H-ha? H-hindi noh?" siya naman pagpula ng pisngi niya dahil sa hiya, lalo na hindi lang si Gerald ang nakarinig sa sinabi niya kungdi pati ang ilang taong nasa paligid nila. Gusto niyang matunaw sa kinatatayuan niya nang makita niyang lihim siyang pinagtatawanan ng mga ito.
"Malapit na tayo," bulong nito sa kanya.
Napatango naman siya.
"Kuya, para po! Para! Paraaaa!" sigaw ni Gerald.
"Kuya para daw!" segunda ng ilang pasahero dahil hindi nito naririnig ang sigaw ng binata.
Prineno ng driver ang bus, at dahil sa pagkabigla hindi kaagad siya napakapit sa dapat niyang kinakapitan. Napaliyad siya, at muntik nang matumba. Mabuti na lang, mabilis siyang kinabig ni Gerald. Naramdaman niya ang pagpalupot ng mga bisig nito sa kanyang beywang at likod. Daig pa nila ang nasa final step ng tango sa posisyon nila sa mga sandaling iyon.
Nagtama ang paningin nila.
Saka naman parang biglang huminto ang takbo ng oras sa pagitan nila.
Naisip niya, napakaswerte ng babaeng magiging girlfriend nito. Alerto sa paligid at naagapan ang mga nangyayari. Pakiramdam niya ligtas siya sa mga bisig nito sa mga sandaling iyon. At sana sa padating ng araw, kaya rin siya nitong saluhin dahil pakiramdam niya ay unti-unti na siyang nahuhulog dito.
"Oh my God!" bulaslas ng mga kabataang istudyante sa tabi nila, "Kiss! Kiss! Kiss! Kiss!"
"Uyyyyy..." tukso ng mga tao roon.
Bigla naman silang natauhan ni Gerald at mabilis na lumayo sa isa't isa.
"Hoy, love birds bumababa na kayo!" sabi ng kundoktor at makahulugang ngiti ang bumahid sa mga labi nito.
Nakayukong naglakad siya na unahan ng bus dahil sa sobrang pagkahiya. Kasunod lang niya sa kanyang likuran si Gerald na parang bigla ring nahiya sa nangyari.
"Uyyyy..." tukso pa ng ilan na dumungaw pa sa bintana ng bus.
"Hayaan mo na sila," sabi ni Gerald saka siya nilalayan palayo sa naturang bus.
"Diyos ko, nakakahiya!" bulaslas niyang bigla saka niya hinawakan ang magkabila niyang pisngi dahil ramdam na ramdam niya ang pag-iinit ng mga iyon.
Tumawa naman ang binata.
"Sige, tawa pa!" naiinis niyang sita rito.
"Ang cute mo kasi kanina! Para kang kamatis, sobrang pula ng pisngi mo!" natatawang kwento nito.
"Waaaaa... ito ang unang pagkakataong napahiya ako sa loob ng bus!" mangiyak-ngiyak niyang sabi saka siya naglakad ng mabilis. Pero bigla rin siyang natigilan nang maalala ang huling sinabi nito.
Sinabihan siya nitong cute?
Talaga bang cute siya?
"Hoy, galaw-galaw baka mastroke!" sita sa kanya nito.
Hindi na siya kumibo pa.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Malapit na sila sa main entrance ng naturang supermarket nang mapansin ni Gerald ang papasalubong na isang lalaki sa kanila. Nakasuot ito ng maluwag na white tshirt, na may nakasabit na sunglasses. At kulay itim na skinny-jeans na may tastas sa bandang tuhod. Kulay itim ang buhok nito at 'yung hairstyle parang nakikita siya sa mga Korean Actor na napapanuod niya sa TV. Maputi rin ito, at mukhang artistahin ang dating.
"Bro!" masayang batian ng dalawa at nagtapikan pa ito.
Pinasalin-salin lang niya ang kanyang tingin sa dalawang binata.
"May rehersal tayo sa friday ah! Sa house nila Kei!" saglit itong napahinto sa pagsasalita nang mapansin siya, "Girlfriend mo?"
"Ha?" gulat ni Gerald.
"Hindi po..." todo-iling siya pero lihim siyang kinilig "...Hindi po!"
Natawa naman ito.
"Oo nga pala..." parang bigla siyang naalala ni Gerald, "....Ryu, si Zari, pamangkin ni ate Edna. Zari, si Ryu Martinez. Ka-bandmate at kaibigan ko."
"Ahhh..." nagpatangu-tango siya.
"Nice meeting you, Miss Zari!" nakangiting sabi nito saka naglahad ng kamay sa harapan niya.
Tinanggap naman niya iyon, at naramdaman niya ang malambot nitong kamay.
"I heard so much about you!" habol nito.
Nagulat siya.
"Ahhh, Zari!" pasimple awat ni Gerald, "Mauna ka na muna sa loob. May pag-uusapan lang kami."
"Okey," tumango na lang siya.
"Ito..." inabot na ni Gerald sa kanya ang pirasong papel kung saan nakasulat roon ang mga pinapabili sa kanila ni Tita Edna.
Kinuha naman niya iyon saka muli siyang napatingin kay Ryu, "Mauna na po ako!"
"Nice meeting you, Zari!" ulit nito.
"Nice meeting you too, Mr. Martinez!" nakangiting ganti niya.
"Ryu na lang!" habol nito.
Nakangiting tumango na lang siya saka niya tinalikuran ang mga ito.
ITUTULOY...