+ Add to Library
+ Add to Library

C5 REVEAL

“Never build your emotional life on the weaknesses of others.”

“Ba-bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito? Bakit hindi ko alam na ganoon na pala kalala ang kalagayan ng da-daddy ko?” hilam sa luhang nakatingin lang si Khrystal sa kanya. Nakita niyang punong-puno ng hinanakit ang mga mata nito nang makita nito ang kalagayan ng kanyang ama na nakahiga sa kama.

Umpisa pa lang bago sila pumasok sa mansion ng mga Fuentebella ay alam na niya kung ano ang magiging reaksiyon ng kanyang asawa sa itsura ngayon ng kanyang daddy.

Mababakas kasi sa mapanglaw nitong mata ang pangungulila at pagkasabik na makita ang kanyang anak habang kita ang panghihina ng kanyang katawan dahil sa medyo humpak nitong pangangatawan.

Ngunit hindi niya inaaasahang yayayain siya agad ni Khrystal na umalis, siguro dahil sa bugso ng damdami na hindi niya mapigilan ay nagpasya na lang siyang umalis kami.

“Hu-huwag ka ng magsinungaling dahil kitang-kita ko sa mga mata at kilos mo na may alam ka sa nangyayari! Kaya kung anuman ang nalalaman mo pakiusap sabihin mo na para naman hindi ako magmukhang tanga kakaisip sa nangyayari sa paligid ko,” nagmamakaawang nakatingin lang siya sa akin.

Kasalukuyan silang nasa sasakyan pauwi sa kanilang bahay pero nagpasya siyang ihinto muna ito sa tabi ng kalsada para mag-usap muna sila nang masinsinan. Alam niya kasing hindi niya rin siya nito titigilan sa katatanong. Bumuga muna siya ng hangin bago nagpasyang magsalita.

“Noong nagkita kami ng papa mo sa London ay nakiusap siya sa akin na pakasalan kita. Noong una, akala ko nagbibiro siya kaya tumatawa-tawa pa ako sa mga sinasabi niya habang nakaupo kami sa lamesa’t upuan na naka-reserved para sa meeting namin. Pero noong nakita ko na may luhang tumutulo na sa kanyang mga mata ay nakita kong seryoso siya na ipakasal ka sa akin,” sinulyapan niya muna ang mukha ni Khrystal bago ulit niya ipinagpatuloy ang pagkukuwento.

Nakita niya ang lungkot, at awa na rumehistro sa mukha ng asawa para siguro sa kanyang ama habang nakatingin sa kawalan.

“Ipinakita pa niya sa akin ang larawan mo at sinabi niyang ikaw ang kanyang nag-iisang anak. Masaya siya habang kinukuwento ka niya at sinabi niyang handa siyang gawin ang lahat para sa ‘yo. Nang malaman niyang may liver cancer siya ay unang kinatakutan niya ay hindi ang sakit na mayroon siya kung hindi ang maiwan ka niyang nag-iisa, Khrystal. Simula kasi noong namatay ang mommy mo sa sakit na breast cancer ay palihim siyang umiinom ng alak sa kanyang kuwarto upang maibsan ang pangungulila niya sa mommy mo. At dahil ayaw niyang makita mo kung gaano siya kamiserable ay pinipilit niyang maging isang mabuti at magpagmahal na ama kapag nakaharap siya sa ‘yo.”

“Sa dalawang linggong pag-inom niya ng alak ay unti-unti siyang nakakaramdam ng pananakit sa kanang bahagi ng kanyang tiyan at kawalan ng gana sa pagkain. Dahil sa malimit na niyang nararamdaman ito ay nagdesisyon siyang kumonsulta sa doktor ng pamilya niyo na si Gavin Dela Rosa. He has a stage 4 cancer, his cancer has spread to other locations in his body, such as the lungs and bones, as well as blood vessels,” dagdag na paliwanag niya sa asawa.

“Ang sama mo! Ang sama-sama mo! Ba-bakit hindi mo sinabi sa akin na may sa-sakit pala ang daddy ko? Ilang buwan tayong magkasama sa bahay. Halos sabihan mo na ako ng kung anong masasakit na salita na hindi ko alam kung anong dahilan mo kung bakit ginagawa mo sa akin ‘yon. Tapos ngayon malalaman kong mamamatay na pala ang daddy ko tapos hindi mo man lang inalalang sabihin sa akin,” galit na galit na pinagsusuntok niya ang braso ni John habang panay ang pagpalahaw nito ng iyak.

Ramdam niya ang sakit na pinagdadaanan nito ngayon. Kahit sino naming anak ang paglihiman ng magulang tungkol sa sakit nito ay magdaramdam din. Pero parang kahit umiiyak siya na parang bata ay nakakaramdam pa rin siya ng pagkamangha sa taglay nitong ganda. Ipinilig niya na lang ang kanyang ulo para iwaksi ang nararamdamang paghanga sa asawa.

Hinuli niya ang braso nito pagkatapos ay hinawakan nang mabuti pagkatapos ay seryoso siyang tinitigan. Pagkatapos ay kinabig ni John ang kanyang maliit na baywang palapit sa kanya para mayakap niya ito. Iyon na lang ang tanging magagawa niya para mapagaang ang nararamdaman nito. Pero patuloy pa rin si Khrystal sa pag-iyak at pagpipilit na pagkawala sa kanyang yakap.

“Alam ko na nasasaktan ka dahil sa inilihim sa ‘yo ng daddy mo ang tungkol sa sakit niya pero sana maintindihan mo na ginawa niya ‘yon para sa ikabubuti mo. At sana sa mga nalalabing araw o oras na natitira sa kanya ay ipakita o iparamdam mo na lang sa kanya na mahal mo siya. Patawad dahil hindi ko sinabi sa ‘yo dahil sa pakiusap na rin ng daddy mo,” nagpapaunawang sabi niya sa asawa habang hinahagod niya ang likuran nito.

“Pero bakit hindi niya sinabi agad na maysakit siya? Maiintindihan ko naman ‘yon kung sinabi niya sa akin. Kaya pala kapag umuuwi ako noon sa bahay galing sa school ay palaging sinasabi sa akin ng mga katulong na tulog o nagtatrabaho siya sa study room niya at ayaw niyang magpaabala kapag hinahanap ko siya. Iyon pala umiinom lang siya dun at itinatago ang totoong nararamdaman niya,” nagtatampong sabi niya habang pinupunasan ang luha sa kanyang mukha. “Hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangan pang ipakasal niya ako sa ‘yo e hindi ka pa naman ata niya kilala ng lubos,” naguguluhang tanong nito sa akin pagkatapos ay humiwalay na mula sa aking pagkakayakap.

Mukhang kahit papaano ay naliliwanagan na siya. Wala na ring luha na namumuo sa kanyang mga mata habang mataman siyang nakatingin at naghihintay ng isasagot niya.

“Kaya hindi niya sinabi agad sa ‘yo ang tungkol sa sakit niya ay dahil inakala niyang may pag-asa pang gumaling ang liver cancer niya. Idinahilan lang niya sa ‘yo na may business meeting siya para hindi ka mag-alala. Pumunta siya kay Dr. Gilbert Ashton, isang mahusay na doktor sa London na ini-refer ni Dr. Dela Rosa para sana pagalingin siya. Ngunit pinayuhan na siya nitong wala na itong magagawa pa para pagalingin siya dahil matindi na ang pinsala sa kanyang atay at limang buwan na lang ang kanyang itatagal. Ipinakasal ka niya sa akin para ako muna ang mamamahala ng negosyo niyo habang nag-aaral ka pa. Ipinagkatiwala niya ang negosyo niyo pati ikaw sa akin dahil matalik na magkaibigan si Tito Drix at ang daddy ko at alam niyang wala na siyang ibang puwedeng pag-iwanan sa ‘yon kung hindi sa akin lang,” seryosong sagot niya kay Khrystal.

Kung hindi lang talaga kailangang ipaliwanag niya ang lahat ay hindi siya mapagsasalita ng ganito kahaba. Napapailing na sabi niya sa kanyang isip habang nakatingin sa asawa.

“May tanong lang ako sa ‘yo. Bakit ka nga pala pumayag na magpakasal sa akin? Di ba sabi mo na nagsisi ka dahil pinakasalan mo ako, ibig bang sabihin nun ay may mahal kang iba? O siguro nagandahan ka sa akin nung nakita mo ang picture ko noong ipinakita sa ‘yon ni daddy,” nakataas kilay na tanong ni Khrystal sa kanya.

“Bipolar ata ‘tong babaeng ito. Kanina lang umiiyak ngayon naman naging host na sa isang talk show. Kung iwan ko kaya siya sa gitna ng Edsa?” titig na titig lang siya kay Khrystal habang kinakausap niya ang sarili.

Maganda si Khrystal dahil sa matangos nitong ilong, mapulang mga labi, may mahahaba’t makakapal na pilik mata, porselanang balat idagdag pa na pang-modelo ang katawan at tindig nito. Kaso may kulang ata na turnilyo sa utak para kasing may pagkaloka-loka. Ang bilis kasing magbago ng ugali.

“Pumayag lang ako na pakasalan ka para makatulong kay Tito Drix at para di na siya mag-alala pa kung kanino niya iiwan ang kompanyang pinaghirapan niya. Saka huwag mong isipin na nagandahan ako sa ‘yo. Noong ipinakita ni tito ang larawan mo ang masasabi ko lang ay mas maganda pa sa iyo ang taong mahal ko,” walang kangiti-ngiting sagot niya. “Tama na ang daldalan. Umuwi na tayo sa bahay para kumain ng pananghalian.”

Nakita niyang inirapan lang siya nito pagkatapos ay padabog na umayos ng upo. Ipinagkibit-balikat na lang niya ‘yon at pagkatapos ay binuhay na ang makina ng kanyang sasakyan.

“Khrystal, bukas na bukas doon ka muna kay tito titira. Alam kong gusto rin niya na makasama ka bago man lang siya mawala rito sa mundo,” dagdag pang sabi niya bago niya tuluyang pinaandar ang kotse. Naisip niya na roon muna si Khrystal sa bahay nila tumuloy para makasama naman nito ang ama hanggang sa nalalabing oras nito sa mundo.

Nakita niyang may rumehistrong ngiti sa labi ni Khrystal at nagningning ang kanyang mga mata pagkatapos niyang sabihin iyon. Alam niya na kahit papaano ay makakabawi rin siya sa mga araw na hindi nito nakasama ang ama.

Hindi niya naman talaga gustong pasakitan ang kalooban ng kanyang asawa pero sa tuwing nakikita niya ang lungkot sa magandang mukha nito simula noong ikasal siya ay nagagalit na siya sa sarili niya dahil pumayag siya sa kalokohan ng ama nito kaya naibubuhos niya ang galit dito. Pero bukod doon ay may isa pa siyang ikinagagalit sa sarili, hindi na siya magtataka kung sa mga sumunod na araw ay iwan siya nito kapag nalaman nito ang lihim niya.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height