+ Add to Library
+ Add to Library
The following content is only suitable for user over 18 years old. Please make sure your age meets the requirement.

C1 Chapter 1

HABOL ko ang aking hininga habang tumatakbo sa kung saan man. Ano'ng lugar ba kasi 'to? Paano ako napunta rito? Sa pagkakaalam ko, naglilinis lang ako ng bahay kanina tapos nandito na ako sa gubat.

Nakakapagod tumakbo, punyeta. Pakiramdam ko rin, lalabas na ang puso ko mula sa katawan ko. Hindi naman ako makatigil! Para kasing may hahablot sa akin kapag huminto ako sa paggalaw.

May nararamdaman akong humahabol sa akin pero wala naman akong makita. Nababaliw na ba ako?

"Tulong!" sigaw ko. 'Di bale nang magmukhang baliw!

Ilang beses akong sumigaw pero tanging malakas at malamig na simoy ng hangin lang ang sumagot sa akin. Tanging ang buwan lang din na bahagyang tinatakpan ng ulap ang nagbibigay-liwanag sa puwesto ko ngayon.

Ang ganda sana ng tanawin sa totoo lang. Tahimik din, hindi kagaya roon sa bahay kung saan puro bulyaw ng madrasta at mga kapatid ko ang palagi kong naririnig. Hay, sana rito na lang ako.

Mapayapa. Wala ring nanonood sa kilos ko. 'Yon nga lang, wala ring tutulong kapag nakagawa ako ng katangahan.

"Aray!"

At ito na nga ang sinasabi ko. Napadaing na lang ako nang matalisod sa isang maliit na bato. Napatingin ako sa tuhod ko at napangiwi nang makita ang gasgas at mumunting dugo roon.

"Lintik!" Mabilis akong tumayo at tumakbo nang marinig ko ang mumunting hakbang papunta sa direksiyon ko.

Hindi ako makasigurado kung multo ba ang humahabol sa akin o laman loob. Ayokong lumingon. Karamihan kasi ng gumagawa no'n sa mga napapanood ko, namamatay. Ayaw ko pang mamatay!

Kaya lang, mukhang doon na talaga ang destinasyon ko ngayon. Napairit ako nang makitang nasa harap na pala ako ng bangin.

Akala ko ay 'yon na ang pinakanakakagulat na pangyayari ngayong araw, pero bigla na lang nagkaroon ng pader sa magkabilang gilid ko!

Wala naman 'to kanina, ah! Nauntog kaya ang ulo ko nang hindi sinasadya?

"Tangina," napamura ako at napahawak sa aking dibdib, pilit itong pinapakalma.

Kapag pinasukan ako ng nerbyos, mas lalo akong mahihirapang makaisip ng paraan kung paano ako makakaalis dito.

"Mahal na prinsesa."

Hindi naman ako prinsesa, kaya hindi ko alam kung bakit ako lumingon. Nang gawin ko 'yon ay isang matangkad na lalaki na nakasuot ng mamahaling damit ang sumalubong sa akin.

Ang una kong napansin ay kung gaano siya kaguwapo, kakisig, at kung gaano rin kaganda ang kulay asul niyang mga mata. Ang lalim din ng boses na 'to, mukhang mas malalim pa sa bangin dito sa likod ko.

Pero kaagad na nawala sa kan'ya ang atensiyon ko nang itutok niya ang hawak nitong espada sa leeg ko. May bakas pa ng dugo roon. Mabilis tuloy akong napatalon sa takot pero wala naman akong matakbuhan.

"T-Tama na!" bigla ko na lang nabulalas. Hindi ko rin alam kung bakit ko 'yon nasabi, at mas lalong hindi ko maintindihan 'tong takot na nararamdaman ko.

Na para bang pagod na ako sa mga pangyayaring 'to. Nangyari na ba 'to sa akin dati?

"Bakit ka umiiyak?" tanong niya sa mapanghusgang tono. Ang kaliwang kamay niya ay dumako sa pisngi ko, at napasinghap ako nang makitang basa na pala iyon ng luha ko. "Wala pa akong ginagawa sa 'yo, pero natatakot ka na?"

Lalo akong nakaramdam ng takot sa mga salitang 'yon.

Sa isang iglap lang ay nakasandal na ako sa pader. Matalim ang titig niya sa akin nang iangat niya ang kan'yang espada, ambang isasaksak ito sa akin.

"Huwag!" pagmamakaawa ko pero hindi siya tumigil.

Napapikit na lang ako at hinintay ang sakit, pero bakit ganoon? Sa dibdib ko nakatutok ang espada niya, pero bakit ang likod ko yata ang sumakit?

"Cinderella! Punyeta naman, oh!"

Ano ba 'yan. Kaya naman pala masakit ang likod ko. May tumulak ba naman sa akin sa sahig.

Napangiwi ako at dumilat. Hindi na ako nagtataka na si Anastasia, isa sa mga kapatid ko, ang bumungad sa harap ko. Siya lang naman kasi ang mahilig sumigaw dito.

Tiningnan ko ang mukha niya. Mukhang mauubos na ang pasensiya nito, base na rin sa pagkakakunot ng noo niya. Gusto kong matawa dahil mukha siyang tigre kapag nagagalit, pero pinigilan ko iyon.

"Bakit?" tanong ko. Bakit kaya siya nasa kuwarto ko ngayon?

"Ano'ng bakit? Sobrang sarap ba ng tulog mo at hindi mo alam kung anong oras na?" Itinuro nito ang wall clock, at napatingin ako roon. "Alas-sais na, tanga! Wala ka pang naluluto, at hindi ka ba naglilinis! Hindi ka prinsesa para umasta nang gan'yan!"

"Mahal na prinsesa."

Bigla ko tuloy naalala ang kakaibang panaginip ko kanina. Kung hindi ako ginising ni Anastasia, malamang ay patay na ako.

"Ay, nag-daydream pa si tanga. Hoy, kilos na!"

Nabalik ako sa reyalidad nang may bumato sa akin ng sapatos.

Si Dasha iyon. Kakambal nito ni Anastasia, pero magkaiba ang ugali nila. Madaldal si Anastasia, mapanakit naman si Dasha.

Magkakapatid kami, mas matanda lang ako sa kanila ng tatlong taon, pero kung itrato nila ako ay higit pa sa isang katulong. Kahit anong pagpapakabait ang ipakita ko sa kanila, galit pa rin sila sa akin. Hindi ko alam kung bakit.

Napangiwi ako sa sakit ng sapatos, habang nagtawanan naman ang dalawa. Sa araw araw ay palaging tila mauubos ang pasensiya ko, pero palagi ko rin namang kinakaya. Si papa ang palagi kong iniisip. Balang araw ay kukunin niya ako rito at ilalayo.

"Magluluto na—"

"Dapat lang! Punyeta, sumasagot pa, eh!" angil ni Anastasia. "Halika na nga, Dasha! Nag-iinit lalo ang ulo ko!"

Itinikom ko na ang labi ko pagkatapos no'n. Mainit yata ang ulo niya dahil sa gutom. Ako lang naman kasi ang marunong magluto rito sa bahay.

"Ito na! Bakit ba kasi kailangan pa nating bumaba rito— Ahhh!" Hindi na natapos ni Dasha ang pagrereklamo niya nang bigla itong umirit. Itinuro niya ang luma kong cabinet, ang lugar kung nasaan ang mga dagang inaalagaan ko.

"Daga! Daga! Ahhh!" irit ni Dasha na sinabayan naman ni Anastasia. Mabilis silang lumabas ng kuwarto, dahilan para matawa ako.

"Malamang, basement 'to. Buti nga at hindi ipis ang nakita nila," bulong ko bago lumapit sa cabinet.

Baliw man sa paningin ng iba, pero inaalagaan ko ang mga dagang 'to. Pakiramdam ko kasi ay mas mahal pa nila ako kaysa sarili kong pamilya.

"Salamat, three musketeers," nakangiti kong saad nang magpakita sila sa akin.

Hinimas ko pa ang isa sa kanila, dahilan para lumikha sila ng ingay na para bang nakikipag-usap sila sa akin pabalik. Minsan, nakakabaliw din na mga daga lang ang kinakausap ko.

Papa, kailan ka ba babalik?

HABANG nagluluto ay naglalakbay ang utak ko. Naaalala ko pa rin ang panaginip ko kanina. Hindi 'yon ang unang beses na nanaginip ako nang ganoon. Ilang beses na rin nangyayari 'yon sa akin.

Naisip ko tuloy na baka babala iyon.

"Hindi. Baka praning lang ako."

Iwinaksi ko ang mga agam-agam, at itinuon ang aking atensiyon sa paglilinis at paghahanda ng mga damit na ititinda ko mamaya. Isa kasi ito sa utos sa akin ni tita Elizabeth, ang nanay-nanayan ko.

Nang matapos ako magluto ay inihain ko na ang ulam sa lamesa. Kaagad na kumulo ang tiyan ko nang makaramdam ng pagkatakam sa menudong niluto ko.

Kailan nga ba ako nakatikim ng matinong pagkain sa pamamahay na 'to? Hindi ko na rin matandaan.

"Tikim lang, okay?" pagkumbinsi ko sa sarili ko. "Tikim lang—"

"Anong tikim ang pinagsasasabi mo?"

Nanlamig ang buong katawan ko nang marinig ang isang pamilyar na boses sa likuran ko. Nang lumingon ako ay hindi ako nagkamali. Si tita Elizabeth nga iyon.

"Nagugutom na ako, tita—"

"Nakalimutan mo bang hindi 'yan ang pagkain ng mga asong katulad mo?" nakataas-kilay na sagot niya.

Bigla akong nakaramdam ng panghihina. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pa nga pala ako kumakain, ni hindi pa ako nakakainom ng tubig.

Naka-lock kasi ang ref, at ang inilalabas lang nila ay 'yong mga sangkap sa ulam na kailangan kong lutuin.

Ayoko na ng mga panis na pagkain. Kahit ngayon lang sana ay maawa siya sa'kin.

"Pagkatapos nitong ginawa mo, magmamakaawa ka nang gan'yan?" Hinampas niya ang ulo ko gamit ang hawak niyang diyaryo. "Parusa mo 'to dahil hindi ka nakapagluto kaagad! Tumabi ka nga!"

Kasabay ng pagtulak ni tita sa akin ay ang pagtulo ng luha ko. Si Anastasia naman at Dasha at naghagikhikan pa, wala man lang ginawa upang tulungan ako.

Nanahimik na lang ako. Sa panibagong araw ay nadurog na naman ang puso ko.

Habang kumakain sila ng masarap na pagkain ay ito ako, nasa basement, pinagtitiyagaan ang mga sirang gulay na hindi ko alam kung kaya pa bang kainin ng mga dagang alaga ko.

Nagtatalo ang utak at tiyan ko. Gutom na kasi talaga ako, pero hindi ko alam kung kaya ko bang kainin ang mga pagkaing 'to. Gusto kong magwala at sabihin sa kanilang lahat na hindi naman magiging ganito kadali ang buhay nila kung hindi ko sila inaasikaso.

Kailangan kong kayanin, para kay papa. Pero napapagod na ako.

Palagi na lang. Paulit-ulit na lang.

Wala na bang katapusan 'to?

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height