+ Add to Library
+ Add to Library

C2 Chapter 2

NAMIMILIPIT man ang sikmura ay nakaya ko pa ring pumunta sa palengke. Dala-dala ko ang mga damit na ititinda ko. Masakit ang tiyan ko dahil sa gutom. Hindi ko na kayang kumain ng panis kaya ang gutom na lang ang tiniis ko.

Sinampal-sampal ko na lang ang sarili ko para magising. Mamaya, sisiguraduhin kong makakapuslit ako ng makakakain. Kapag nagpatuloy 'to paniguradong manghihina ako nang husto.

"Cinderella!"

Napalingon ako nang may tumawag sa akin. Si Mang Isko pala 'yon, isa sa mga kaibigan kong tindero rito sa lugar ng Corohelia.

"Magandang umaga po," nanghihinang pagbati ko pabalik.

Siya rin ang madalas na nagbibigay ng pagkain at gamot sa akin. Katulad na lang ngayon.

"Kumain ka," aniya bago ibinigay ang dala niyang kanin at manok.

Hindi na ako nag-atubiling kunin 'yon. Halos mapaluha ako nang maginhawaan ang sikmura ko dahil sa pagkaing ibinigay niya. Pasalamat na lang talaga ako na may mababait na gaya ni Isko sa mundong 'to.

Nang matapos ako kumain ay yumuko ako. "Maraming salamat po."

"Walang anuman," tugon niya. Akala ko ay aalis na siya, pero muli niya akong kinausap. "Pinagmalupitan ka na naman ba nila?"

Tumango ako. Alam ko naman kung sino ang tinutukoy niya, at alam nila ang mga paghihirap na dinaranas ko sa kamay ng pamilya Fortelle.

Kailangan palagi akong maglinis ng bahay. Hindi ako puwedeng kumain nang walang pahintulot nila. Pili lang din ang oras kung kailan ako puwedeng lumabas.

Daig ko pa ang isang preso, pero alam din nilang lahat kung bakit ako nagtitiis nang ganito kahit mahirap.

"Wala pa rin bang paramdam ang papa mo?"

Umiling ako. Anim na taon na ang nakararaan nang huminto sila sa pagpapadala sa 'kin ng sulat, at hindi ko alam kung bakit.

"Ilang taon na mula nang magtrabaho sila sa palasyo, ah." Tumingin siya sa akin. "Bakit hindi mo sila subukang bisitahin? Baka ay may nangyari na."

Napabuntong hininga na lang ako. Kung puwede lang talaga, kaso ayaw ko nang makaladkad ulit ni tita Elizabeth. Noong minsan kasing lumagpas ako sa oras ipinahiya ako ni tita sa labas at sinabunutan.

Hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin ang sakit ng anit ko roon, pucha.

Pero. . . sa tingin ko ay tama si mang Isko. Paano nga kung may masama talagang nangyari sa kanila? Bakit ngayon ko lang 'yon naisip?

Tumayo ako at inayos ang aking sarili. "May pupuntahan lang po ako. Puwede n'yo po bang bantayan muna ang tindahan ko?"

"Ako ang bahala sa 'yo." Tumango siya.

Hindi na ako nagsayang ng oras at mabilis kong tinahak ang daan papunta sa palasyo, pero hindi ko inaasahan kung ano ang sasalubong sa akin.

MAKULIMLIM ang paligid. Malamig ang simoy ng hangin at nagkalat din ang mga patay na puno. Kulay itim na palasyo na mukhang abandonado ang bumungad sa aking harapan. Ibang-iba sa inaasahan ko na magarbong tanawin at mamahaling mga disenyo.

"Tama nga ba 'tong napuntahan ko?" Napakunot ang noo ko. Hindi ko maiwasang magduda. "O baka naman naliligaw ako— Aray!"

Hindi ko na natapos ang litanya ko nang bigla akong matalisod sa isang kahoy, dahilan upang mawala ako sa balanse. Napatili ako at pumikit habang inaabangan ang paglagapak ko sa sahig.

Pero hindi iyon natuloy. Naramdaman ko na lang na may kamay na pumulupot sa aking beywang. Hinila ako nito pataas upang makatayo ulit ako nang maayos.

Naramdaman ko pa ang tigas ng kan'yang dibdib nang mapasandal ako roon, kaya naman ay nailang ako. Mabilis akong lumayo at humarap sa kan'ya para magpasalamat, pero napatigil ako sa pagsasalita nang makita ko kung sino ang taong iyon.

Siya ang lalaking nasa panaginip ko. Naramdaman ko ang paghuhurmentado ng puso ko.

"S-Salamat." Mabuti at nagawa ko pa ring bigkasin ang mga katagang iyon.

Kakaibang takot ang naramdaman ko nang mapatingin ako sa mga mata niya. Malamig iyon at walang bakas ng kahit anong emosyon.

Maputi siya, matangos ang ilong, malaki ang pangangatawan, at nakasuot ng itim na damit na mukhang magarbo kagaya niya. Mga damit ang pinagkakakitaan ko kaya marunong akong kumilatis ng tela sa isang tingin lang.

Ganito rin 'yong suot niya sa panaginip ko. Nakakabit din sa beywang niya ang espadang hawak niya noong mga oras na 'yon. Mas lalong pumasok ang takot sa sistema ko.

"Papatayin mo ba ako?" naibulalas ko nang hindi sinasadya.

Tumaas ang kilay niya, tila hindi makapaniwala sa biglaan kong tanong. Napailing na lang ako.

Hindi. Tinulungan niya ako. Bakit niya ako papatayin?

Dahil kung saan-saan na nagpupunta ang isip ko, nagpasya akong lumayo na lang sa kan'ya. "M-Mauuna na ako."

Tumalikod na ako at naglakad paalis, pero bigla niyang hinawakan ang palapulsuhan ko. Napatigil ako sa paglalakad dahil sa ginawa niyang 'yon. Ramdam ko ang kakaibang init mula sa mga kamay niya, pero mabilis akong umiling. Ano ba 'tong pinag-iisip ko?

"Bakit?" Humarap ako sa kan'ya habang nakakunot ang noo. Hindi ako puwedeng magpaapekto sa taong 'to.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya bago ako hinila, dahilan para bumangga ako sa dibdib niya. "At hindi ka ba tinuruan ng magulang mo kung paano gumalang, binibini?"

Napangiwi ako dahil sa pagkakauntog, pero tumaas din ang kilay ko pagkatapos no'n. Gumalang? Pinagsasasabi nito? Nagpasalamat na ako, ah!

Hindi ko na lang pinansin ang huling tanong niya. Hindi ako umimik, dahilan para mapangisi siya. Halata ang pagtataka sa mga mata nito, pero kita ko rin ang galak sa mga mata niya. Hindi ko alam kung saan siya natutuwa, pero katulad ng tanong niya ay hindi ko na lang din iyon pinansin.

Lumayo muna ako sa kan'ya bago sumagot. Itinuro ko ang palasyo medyo malapit sa amin. "Pupunta ako roon. Tama bang ito ang palasyo ng Corohelia?"

"Ano'ng pangalan mo?"

Imbes na sagutin niya ang tanong ko, binato niya ako ng panibagong tanong. Awtomatiko tuloy na napataas ang kilay ko.

"Hindi ako nagsasabi ng pangalan ko sa hindi ko kilala," walang pag-aalinlangan kong sagot. "Tama ba? Ito ba ang palasyo ng Corohelia?" pag-uulit ko sa tanong ko kanina.

Pero hindi niya ako sinagot. Pinasadahan niya ako ng tingin mula sa aking mukha pababa sa aking paa. Huminga ako nang malalim dahil baka may magawa akong hindi namin magustuhan.

"Wala kang kuwentang kausap," saad ko, tuluyan nang nawalan ng pakialam kung tinulungan niya ako kanina o hindi. Hindi naman siya sinasagot ang tanong ko.

"Hindi ako makapaniwala sa sinabi mo. Hindi mo ako kilala?" tanong niya. Bahagya pa itong tumawa.

"Dahil ba guwapo ka ay kailangang makilala kita?" Napasinghal ako. Guwapo siya, totoo 'yon, pero ang yabang naman yata niya.

"Mabuti naman at aminado kang guwapo ako." Kumindat ito habang nakangisi.

Napairap ako. Hindi lang pala mayabang. Ang kapal din ng mukha niya.

Ninguso ko na lang ang aking mga labi dahil ayokong sayangin ang boses ko sa mga taong kagaya niya. Nakita ko kung paano ito tumitig sa labi ko, at kung paano dumilim ang kan'yang paningin sa bawat segundong lumilipas.

Nagtaka ako nang bigla siyang lumunok. Napakunot ang noo ko, pero kaagad ding nawala 'yon nang magsalita niya.

"May kakilala ako sa loob ng palasyo," aniya. Seryoso ito, hindi katulad kanina. "Kailangan mong sabihin sa akin ang pangalan mo para masabi ko sa loob na papasukin ka."

Napalunok ako at naalala ang kakaibang panaginip ko. Paulit-ulit niya akong tinatawag na prinsesa, eh isa lang naman akong katulong! Hindi kaya ay napagkamalan niya akong ibang tao?

Tama! Dapat sabihin ko ang pangalan ko para malaman niyang hindi ako ang taong kailangan niyang patayin! Mahirap na, ano. Baka bigla na lang niyang ilabas ang espada niya at kitilan ako ng buhay dito!

"Ella Cinderia Fortelle," mahina kong saad, pero sapat na ang lakas para marinig niya. "Isang katulong. . ."

Hindi naman niya tinatanong, pero sinabi ko na lang din. Siyempre, kailangan ko makasiguradong hindi niya ako papatayin!

"Fortelle. . ." Napatulala ito saglit sa akin na para bang may naalala, pero maya maya lang ay umiling ito, tila bumalik na sa reyalidad. "Kapag diniretso mo iyan ay makakarating ka sa palasyo. Ipakita mo lang 'to at siguradong papansinin ka nila."

Inabutan niya ako ng isang gintong medalyon. Mukhang mamahalin 'to kaya kinuha ko. Wala akong ideya kung totoo man ang pinagsasasabi niya, pero kung sakali mang niloloko niya lang ako, hindi na niya makukuha pabalik 'tong medalyon dahil isasangla ko na 'to kaagad.

"Salamat," saad ko na lang.

"Magpakatatag ka sa daan." Bahagya niyang tinapik ang ulo ko bago umalis.

Imbes na gumaan ang loob ko ay naramdaman ko ang pag-angat ng mga balahibo ko. Ako lang ba o parang may kakaibang kahulugan iyon?

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height