+ Add to Library
+ Add to Library

C3 Chapter 3

NANG makarating ako sa palasyo ay mabilis akong nagpunta sa may tarangkahan, pero palakad pa lang ako ay may humarang na kaagad sa daraanan ko. Tatlong guwardiya iyon sa palasyo.

"Hindi ka puwede rito," saad ng isa sa kanila.

"M-May hinahanap lang po ako," mabilis ko namang sagot sa kanila. "Ako po si Ella Cinderia, anak ni Trevor at Naomi Fortelle. Matagal na silang nagtatrabaho rito sa palasyo. P-Puwede ko ba silang mabisita kahit saglit?"

"Hindi ka puwedeng pumasok kung walang pahintulot mula sa pamilya ng Corohelia," walang pag-aalinlangan niyang sagot. "Umalis ka na. Huwag mong hintayin na kaladkarin ka pa namin palayo."

Tila tumatambol ang puso ko dahil sa lakas ng tibok nito. Muntik na akong hindi makapag-isip nang maayos. Mabuti na lang at may naalala ako.

"Teka, ito po." Nilabas ko ang medalyon mula sa bulsa ko. "May nagbigay sa akin nito kanina sa daan. Ang sabi niya sa akin, kapag ipinakita ko 'to, papapasukin n'yo ako."

Tila ay binuhusan sila ng malamig na tubig nang ipakita ko sa kanila ang binigay kanina ng lalaking 'yon. Kinuha iyon ng isa sa kanila at matamang tinitigan iyon.

"Ito nga 'yon. . ." saad niya pa. Halos mamutla ang mga mukha nila habang nakatingin sa akin, na labis kong ipinagtaka.

"Pasensiya na sa trato namin, mahal na prinsesa." Yumuko ang may hawak ng medalyon, at sumunod naman ang dalawang guwardiya. "Maaari na kayong pumasok sa loob."

Prinsesa? Bakit nila ako tinatawag na prinsesa?

Napakunot ang noo ko. Ganito ba sila gumalang sa mga tao rito?

Nagtataka man pero sumunod na lang ako sa guwardiya nang igiya niya ako papasok ng palasyo. Imbes na mamangha ay mas lumala lang ang pagkakilabot ko. Habang tumatagal ay nararamdaman ko ang kakaibang enerhiya rito sa loob.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa iyo, mahal na prinsesa?"

Napatigil ako nang may kumausap sa akin na matandang lalaki. Nakasuot din ito ng magarbong itim na damit. Sa tingin ko ay isa siya sa mga tagapagsilbi rito sa palasyo, pero nagtataka ako dahil ginagalang niya ako, eh mukhang parehas lang naman kaming tagasilbi.

Hinayaan ko na lang 'yon. Sige na nga, magiging prinsesa muna ako ngayon. Kahit ngayon lang.

"Trevor Fortelle at Naomi Fortelle. Trabahador sila rito sa palasyo," panimula ko habang nasa likod ko ang magkabilang kamay ko. Kailangan kong itago ang kabang nararamdaman ko. "Maaari n'yo ba akong dalhin sa kanila?"

"Masusunod," mabilis niyang tugon. "Sumunod ka sa akin."

Sumunod ako sa kan'ya. Tila lalabas na ang puso ko mula sa aking katawan pero kinontrol ko ang kaba ko. Hindi ko alam kung bakit iba ang pakiramdam ko.

Habang naglalakad ay naghahanda ako ng sasabihin sa magulang ko— kung paano ko sila babatiin o kukumustahin. Ito ang unang beses na makikita ko sila ulit sa loob ng matagal na taon, ni hindi ako sigurado kung natatandaan pa ba nila ako.

Pero lahat ng iniisip ko ay biglang naglaho na parang bula. Ang pagkagalak na naramdaman ko kanina ay napalitan ng pagtataka.

"Bakit tayo. . . nandito?" tanong ko nang makita kung nasaan kami ngayon.

DINALA ako ng matanda sa sementeryo. Tahimik dito ngunit maliwanag. Katulad ng dinaanan ko sa labas kanina, nagkalat din ang mga puno rito. Mukhang tagtuyot ang panahon dahil malapit nang maubos ang mga dahon nila.

Ganoon pa man, mas na-pokus ang atensiyon ko sa mga nitsong parang pinagmamasdan ang kilos at galaw ko. Alam ko na kung bakit dito niya ako dinala, at alam ko na rin kung bakit hindi na sila nagpaparamdam sa akin.

Hindi ko kayang tanggapin. Gusto kong tumakbo palayo pero hindi ko magalaw ang mga paa ko. Nagpumilit akong pumunta rito, pero ngayong nasa harap ko na ang kasagutan, gusto ko namang tumakas. Nababaliw na yata ako.

"Sumunod ka sa akin," aniya.

Nagpatuloy ito sa paglalakad, at sumunod ako sa kan'ya. Pilit kong inihahakbang ang mga paa ko kahit sobrang hirap. Tila napigil ko ang hininga ko hanggang sa makarating kami sa bandang dulo ng sementeryo.

"Sila," sambit niya bago itinuro ang dalawang nitso sa harapan ko. "Sila ang hinahanap mo."

Tuluyan akong tinakasan ng lakad. Naramdaman ko na lang ang paglagapak ng mga tuhod ko sa sahig, kasabay ng pag-agos ng luha ko. Nahihirapan man ay pilit ko pa ring binasa ang mga pangalan na nakalagay sa lapidang nasa harapan ko.

Trevor Fortelle, Disyembre 25, 2016

Naomi Fortelle, Disyembre 31, 2016

"Anim na taon. . ." sambit ko.

Anim na taon na silang patay, at anim na araw din ang pagitan ng pagkamatay nila. Patuloy sa pag-agos ang luha ko habang hindi ko magawang iiwas ang tingin sa mga lapida nila.

Sobrang sakit! Wala man lang akong kaalam-alam sa mga nangyari!

"Mama! Papa!" Hindi ko na napigilan ang paghagulgol.

Sigurado akong malakas iyon at nakaririndi, pero hindi ko na kayang kimkimin pa ang lahat ng 'to. Sobrang sakit na para bang may kutsilyong paulit-ulit na sumasaksak sa aking kalamnan.

Sobrang sakit. . . na para bang unti-unti akong nilulunod ng mga lapidang ito papunta sa kadiliman.

Pakiramdam ko, nasayang lang ang lahat ng hirap at pagtitiis ko. Sayang ang mga taong hinintay ko, tapos ay ito lang din pala ang maaabutan ko. Pero kailangan kong kumalma. Kailangan kong malaman kung ano ang nangyari at namatay sila.

Tumayo ako. Huminga ako nang malalim bago pinahid ang luha sa mga mata ko. "Ano po ang nangyari?"

"Napagdiskitahan si Trevor sa daan noong inutusan siyang mamili ng mga gamit para sa palasyo," malungkot niyang saad. "Hindi kinaya ni Naomi ang pagkamatay niya. Nagulat na lang kami nang makitang naglaslas ito."

Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko pagkatapos no'n. Ayokong magpakita ng kahinaan sa lugar na 'to. Kailangan kong maging matatag, pero hindi ko pa rin kayang pigilan ang luha ko.

Para na akong mababaliw sa sakit. Iyon pa lang ang naririnig ko pero parang hindi ko na kakayanin.

"Anim na taon. Bakit walang nagbalita sa akin tungkol dito?" May pait sa tono ng boses ko.

"Matagal ka naming hinanap," kaagad niyang sagot sa akin. "Hinahanap ka namin dahil ikaw ang nag-iisa nilang anak, pero si Elizabeth lang ang natagpuan namin. Sabi niya ay siya na raw ang magsasabi sa 'yo, kaya ngayon ay nagtataka ako. Bakit hindi mo alam ang nangyari sa mga magulang mo?"

"Alam ni tita Elizabeth. . . ang tungkol dito?" Napakuyom ang magkabilang kamay ko.

"Oo." Tumango siya. "Asawa siya ni Trevor kaya binalitaan din namin siya."

Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo papunta sa aking ulo. Naalala ko ang pangmamaliit, pang-aalipusta, at ang pagtrato nila sa akin higit pa sa isang katulong.

Kaya pala naaalala ko noon, nang binanggit ko na isusumbong ko sila kay papa dahil sa ginagawa nila, tinawanan lang ako ni tita Elizabeth. Iyon pala ay dahil alam niyang patay na ang susumbungan ko.

Dumilim ang paningin ko bago ikinuyom ang kamao. "Salamat po. Aalis na ako."

Tumango ang matanda, pero halatang tinatantiya niya ang reaksyon ko. Hindi na ito nagsalita pa nang makita ang pagdilim ng ekspresiyon ko. Katulad kanina, iginiya niya ulit ako pasunod sa kan'ya.

Pero bago ako sumunod, muli akong sumulyap sa lapida ni mama at papa. "Babalik ako. Pangako."

HINDI na ako dumiretso pa sa palengke. Sa bahay na ako pumunta upang komprontahin si tita, pero hindi ko inaasahan na nakaabang pala silang mag-iina sa akin. Base sa mga itsura nila, mukhang alam na nila ang ginawa kong pagtakas.

"Bruha ka talagang babae ka!" Hinila ni tita ang buhok ko at marahas akong kinaladkad papasok sa bahay.

Nasasaktan ako, pero hindi ako nagsalita. Ni hindi ako lumaban. Wala nang mas sasakit sa natuklasan ko kanina.

"Akala mo hindi ko malalaman na tumakas ka sa palengke?! Tanga! Papunta ka pa lang, pabalik na ako!" Binitawan ako ni tita at itinulak ako, dahilan upang sumubsob ako sa sahig.

"Deserve," komento ni Anastasia.

"Buti nga sa 'yo," sang-ayon naman ni Dasha. "Bilis ng karma, ano?"

"Saan ka nagpunta, ha? Saang lupalop ka nagpunta?!" pagalit na tanong ni tita. Hinawakan niya nang mahigpit ang baba ko. "Ano, nagbabalak kang tumakas sa amin?!"

Hindi na ako nakatiis. Iwinaksi ko ang mga kamay niya dahil sa galit. "Oo! Nagbabalak na akong maglayas sa walang kuwentang pamamahay na 'to!"

Nalaglag ang panga nilang tatlo, hindi inaasahan ang pagkaubos ng pasensiya ko.

"Tita, bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol kay papa?" Bakas ang sakit sa boses ko. "Bakit hindi mo sinabi sa akin na patay na pala si mama at papa, anim na taon na ang nakararaan?!"

Nanlaki ang mga mata niya, pero kaagad din niyang iwinaksi 'yon. "May magbabago ba kung sinabi ko? Wala! Mananatili ka pa rin dito kasi wala ka namang mapupuntahan!"

Mariin ang kaswal lang ang pananalita niya. . . na para bang wala lang sa kan'ya kung ngayon ko lang nalaman na wala na pala ang mga taong hinihintay ko. Na para bang wala siyang pakialam kung pakiramdam ko ngayon ay kinuha sa akin ang pangarap ko.

"Gamitin mo 'yang utak mo, ha? Hindi ka mabubuhay dito kung hindi dahil sa 'kin, tandaan mo 'yan!" aniya bago itinulak ang ulo ko gamit ang hintuturo niya.

Ano raw? Hindi mabubuhay? Napaismid na lang ako. Ako ang nagsilbi sa kanila mula ulo hanggang paa, kaya dapat ay ako ang nagsasabi no'n.

Tingnan ko na lang talaga ang magiging buhay nila kapag lumayas na ako sa pamamahay na 'to.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height