+ Add to Library
+ Add to Library

C4 Chapter 4

NAGING mabilis ang pagkilos ko. Inilagay ko na ang mga damit ko sa maleta, at nagpaalam na ako sa mga daga ko bago muling pumunta sa sala.

"Aba, maglalayas ka talagang tanga ka?" nakataas-kilay na tanong ni Anastasia nang dumako ang tingin nito sa mga gamit ko.

Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy sa paglalakad. 'Di bale nang mamatay ako sa kalsada, kaysa naman patuloy akong magpagamit sa mga mapang-alipin na pamilyang 'to.

Narinig ko ang pag-ismid ni Anastasia. "Good luck. Tingnan natin kung makatagal ka ng isang araw diyan sa daan."

Hindi ko na siya sinagot. Imbes ay lumabas na ako at naglakad-lakad.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung makakatagal ako. Pero bahala na. Siguradong sa gagawin kong 'to ay gagaan ang pakiramdam ko.

Walang sisita sa akin. Magagawa ko kung ano'ng gusto ko. Masasabi ko nang bukal sa loob ang nasa puso ko.

Wala nga lang akong bahay.

"Kahit maliit na espasyo lang sana. Ayos na ako roon," bulong ko bago nagpatuloy sa paglalakad na walang destinasyon.

Kung saan man ako dadalhin ng mga paa ko ay ayos lang, pero hindi ko inaasahan na dito ako dadalhin ng paglalakbay ko.

ISANG mahinang tawa ang pinakawalan ko nang makita kung saan ako napadpad. Nandito na pala ulit ako sa gubat papunta sa palasyo. Mukhang gusto ulit akong makita ng mga magulang ko kaya nila ako dinala rito.

"Parang kanina lang, sabi ko ay babalik ako, ah." Napangiti na lang ako nang mapagtanto 'yon.

Tumingin ako sa aking likuran, at doon ko rin napagtanto na sa tagal ng pagmumuni-muni ko ay malayo na rin ang narating ko. Kaunting lakad pa ay makakarating na ako sa palasyo.

Dito na ako titigil. Mahirap na, wala na ang medalyon sa kamay ko kaya siguradong hindi ako papapasukin doon.

Pero saan naman ako makakakita ng bahay sa ganitong klaseng lugar? Baka naman bahay ng kapre ang makita ko rito! Bumalik na lang kaya ako?

"Masyadong malayo." Umiling ako. Tumingin ako sa langit at nagdasal sa magulang ko, kung nakikinig man sila sa akin. "Sana, tulungan n'yo akong makahanap ng matutuluyan ngayong gabi. Kahit maliit lang, ayos na 'yon," taimtim kong panalangin.

Muli akong naglakad habang lumilinga-linga sa paligid. Tinitingnan ko kung narinig ba nila mama ang panalangin ko, pero wala, eh! Wala pa rin akong makitang bahay, at malapit na ring bumuhos ang ulan.

Maya maya pa nga at lumakas pa ito. Nalintikan na! Kahit hindi na pala bahay, kahit silungan na lang pala!

Lakad-takbo ang ginawa ko habang naghahanap ng masisilungan. Masukal ang paligid, at puro puno lang naman ang mayroon dito. Bakit kasi rito ako napunta? Hindi ko tuloy maiwasang sisihin ang sarili ko!

"Aray ko, punyeta," pagrereklamo ko nang madapa sa nakakalat na kahoy.

Mabigat ang dala ko, ganoon din ang paghinga ko pero hindi ako puwedeng tumigil. Kapag namatay ako dahil sa lamig, para ko na ring pinatunayan kila tita Elizabeth na tama ang sinasabi nila. Hindi ako papayag!

Nahihirapan man dumilat dahil sa marahas na patak ng ulan ay pinilit ko pa ring maghanap ng kahit maliit na masisilungan, at nagtagumpay naman ako. Halos mapatili ako nang makakita ng isang maliit na bahay rito sa gubat.

May tao bang magtatangka na tumira sa ganitong klaseng lugar? Nakakapagtaka, ah. Pero ganoon pa man, iwinaksi ko na lang ang isip ko. Mamamatay na ako sa lamig, ngayon pa ba ako mag-iinarte?

Maliit lang ito at mayroong isang ilaw na nakabukas. Mukha man itong abandonado, pero sa tingin ko ay puwede na rin ito para masilungan ko. Kahit ngayong gabi lang.

Hindi na ako nag-inarte pa. Mabilis akong tumakbo roon at kumatok sa pinto. "Tao po? May tao po ba rito?"

Walang sumasagot. Itinulak ko ang pinto at nakitang hindi iyon nakakandado. Lumalakas na ang ulan, at tila tinutukso ako ng Maykapal na maging masamang tao at pumasok na lang bigla.

Hindi. Mabait ako.

"Tao po?" pagtawag ko ulit, pero katulad kanina ay wala pa ring sumasagot.

Iyon na ang naging senyales ko para pumasok sa loob. Pagtapak ng mga paa ko roon ay kaagad akong napangiwi. Mabilis kasing rumehistro ang masangsang na amoy sa ilong ko.

Amoy. . . patay.

"Daga lang 'yon, kumalma ka nga," pagkumbinsi ko sa sarili ko. Pilit akong tumawa habang sinasampal ang magkabilang pisngi ko. "Tiisin ko na nga lang kahit masangsang."

Sumalampak ako sa sofa. Halos maubo ako nang magsiliparan ang alikabok doon. Gusto ko na sanang umalis, pero mas lumakas ang buhos ng ulan.

Bigla tuloy akong napaisip sa mga desisyon ko sa buhay. Tama nga bang tumakbo ako rito? Isa pa, mukhang hindi ko na kayang tiisin ang amoy na 'yon. Linisin ko na lang kaya?

Tumayo ako at naglakad para hanapin kung saan nanggagaling ang kasula-sulasok na amoy na 'yon. Sa bawat hakbang ay ramdam ko rin ang bilis ng tibok ng puso ko.

"Kaya ko 'to. Kaya ko 'to," paulit-ulit kong wika na para bang nagriritwal.

Matapang ako. Iyan ang palagi kong sinasabi sa sarili ko magmula nang iwan ako nila papa kay tita Elizabeth. Dahil mag-isa lang ako sa buhay, kailangang palaging nakahanda ang sarili ko.

Nagmumuni-muni ako hanggang sa matalisod ako sa isang bagay. . . o hindi.

"Ahhh!" Napasigaw ako nang malakas bago napaupo sa sahig. Sino ba namang hindi kung may bubungad sa iyo na isang paa na may bakas pa ng dugo?

Sa sobrang takot ko ay kaagad akong napaatras. Bumangga ang likod ko sa lamesa, dahilan upang malaglag ang isang picture frame roon na ngayon ko lang din napansin. Hindi ko kaagad tiningnan 'yon. Paano kung si sadako pala ang nandoon?

"P-Pasensiya na po! Makikisilong lang naman ako!" mangiyak-ngiyak na saad ko.

Sigurado na ako. Minumulto ako ng kung kanino mang kaluluwa ang narito! Kasalanan ko naman kasi basta na lang ako napasok sa bahay ng may bahay, pero anong gagawin ko? Wala namang ibang puwedeng silungan dito!

"A-Aalis ako kaagad kapag tumila na ang ulan, pangako!"

Mabilis kong pinulot 'yong picture frame para sana ibalik 'yon sa lamesa, nagbabakasakaling patatawarin ako ng multo kapag ginawa ko 'yon, pero hindi ko inaasahan kung kaninong litrato ang nandoon.

"Mama?" Napakunot ang noo ko dahil sa pagtataka.

Ito 'yong litratong kinuha ni papa dati kay mama bago sila pumunta sa palasyo. Tandang-tanda ko 'to kasi matagal ko na ring hinahanap ang litrato ni mama. Ang ganda niya kasi rito. Simple lang at mukhang inosente.

Pero bakit ito nandito?

"Ay kabayo!"

Nawala ang pagmumuni-muni ko nang maramdamang may dumaan sa likod ko. Mabilis pa sa alas kuwatro akong lumingon doon, pero tumaas ang mga balahibo ko sa batok nang makitang wala namang tao roon.

Napatalon ako sa gulat nang maramdaman kong may biglang dumaan sa likod ko. Mabilis pa sa alas-kuwatro akong napalingon, kasabay ng pagtaas ng balahibo sa batok ko nang makita kong walang tao roon.

Hindi ko na kaya! Aalis na ako rito kaysa naman sa takot ako mamatay!

Maglalakad na sana ako para kunin ang maleta ko nang mapadako ulit ang tingin ko roon sa gilid ng sofa. Nawala na 'yong paa pero nandito pa rin 'yong sapatos. May bakas pa rin ng dugo roon.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" Biglang may nagsalita sa likod ko, dahilan para mapapitlag ako sa gulat.

"Pucha!" mura ko bago sinamaan ng tingin ang tao sa likod ko, pero kaagad na nawala 'yon nang mamukhaan ko ang lalaki. "Ikaw na naman? Sinusundan mo ba ako?"

Siya 'yong nagbigay sa akin ng medalyon kanina. Sa kan'ya kaya 'tong bahay na 'to?

Ipinitik niya ang kamay sa harapan ko, dahilan para manumbalik ako sa reyalidad. "Binibini, libre lang mangarap pero huwag sa akin. Hindi ikaw ang tipo kong babae."

Sinabi niya 'yon sa napakalamig at seryosong tono, dahilan para mapairap ako. Buwisit 'to, ah.

"Sa 'yo ba 'tong bahay na 'to? Bakit mo ako pinapaalis?" Tumaas ang kilay ko.

Baka mamaya ay parehas lang naman kaming naligaw, tapos kung makaasta siya ay parang kan'ya 'to. Sino ba siya sa akala niya?

"Oo, bakit?" walang pag-aalinlangan niyang sagot. "May angal ka?"

Kan'ya 'to? Bakit nandito ang litrato ni mama kung ganoon? Alam niya kaya ang tunay na nangyari sa mga magulang ko?

Pero teka, punyeta, habang tumatagal ay mas nanunuot sa ilong ko 'yong mahabong amoy na 'yon.

"Hindi mo naaamoy 'yong mabaho?" tanong ko. May pagtataka na sa tono ng boses ko.

Tumagilid ang ulo niya at tiningnan ako na para bang isang kabaliwan ang sinabi ko. Hindi niya ba naaamoy 'yong amoy patay? O baka naman ako lang talaga ang minumulto ng kaluluwa rito?

"Sigurado ka bang mabaho?" aniya bago sumingot. Unti-unting sumilay ang ngisi sa labi nito. "Hindi kaya sarili mo lang ang naaamoy mo?"

Ano raw?

"Para sa kaalaman mo, araw-araw akong naliligo!" Napasinghal ako at inilapit ang mukha ko sa kan'ya. Nagtiim-bagang ako at nakipagsukatan ng titig sa kan'ya, pero ngayon pa lang ay gusto ko nang iiwas ang tingin ko.

Ang guwapo ba naman kasi! Mas guwapo siya sa personal kaysa panaginip ko!

Nakaramdam ako ng pagkailang kaya naman hahakbang sana ako palayo, pero hindi niya 'yon hinayaang mangyari. Gamit ang isang kamay nito ay hinapit niya ang beywang ko. Hindi ko maintindihan kung bakit naghurnamentado ang puso ko dahil doon.

"Oo nga, araw-araw ka ngang naliligo," tila nang-aasar na sabi niya bago marahan na sininghot ang leeg ko.

Sa puwesto naming ito ay rinig ko ang malakas na tibok ng puso niya. Sa kan'ya nga ba iyon o sa akin?

"Mahal na prinsipe."

Mabilis kong natulak ang lalaki sa harapan ko nang may pumasok sa guwardiya. Mahirap na kasi baka kung ano ang isipin niya, lalo na at ang mahal na prinsipe pala ang nasa harap ko— Ano raw?!

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height