You Are Home Now/C4 He is Real
+ Add to Library
You Are Home Now/C4 He is Real
+ Add to Library

C4 He is Real

HINDI MAWALA sa isip ko ang nangyari kagabi. Lantang-lanta ako, parang walang enerhiyang natira kahit na ibang-iba naman ang sinasabi ng hubog ng katawan ko. Hindi pa ako lumilingon pero alam kong nasa akin ang mga mata ni Dana.

Maya-maya ay umere ang tunog ng telepono, senyales na may bagong customer ulit kaming aasikasuhin. Sinagot ko ang tumatawag, "Good afternoon. This is Hotel Pulang Bato, reception. How may I assist you?"

"I would like to book a room for August 4, and I'll be staying for three nights. Do you still have vacancies?" bungad ng lalaki sa kabilang linya. Purong Filipino noont mahalata ko sa accent niya.

Mayaman ito kaya ganito makapagsalita, akala mo hindi nanggaling sa hirap kung makapag-English. Inalis ko sa isip ko ang mga bagay-bagay bago ko pa masira ang mood niya sa kabagalan ng pagsagot ko.

"Please, excuse me first, sir. I will check if there are still available rooms," maamo kong hingi ng permiso sa kaniya.

"Okay, let me know it on time."

Bukod sa pagtipa ko ng keyboard ay may mga boses pang nakikipagsabayan sa akin, kaya gumilid ako nang kaunti. Tinakpan ko bunganga ng telepono para hindi masyadong maingay sa kausap ko. Segundo kong nilingon si Dana.

May kausap na naman siyang bago after noong babaeng nag-check out. Tiningnan ko kung may bakante pa at napangiti naman ako nang malawak dahil may apat pang bakante ayon sa petsang sinabi niya kung kailan.

Ibinalik ko sa tainga ko ang telepono at saka nagsalita, "Hello, sir, thank you for waiting. Yes, there is still a vacant room from that day. May I have your name, please?"

"Jomelar Mejia," propesyonal ang boses nitong sagot.

Malalim ang boses niya at kaya pala kahit Filipino, e, galing sa mayamang pamilya. It makes sense, anyway.

"How do you spell your first name, sir?"

"It's J-o-m-e-l-a-r."

Tumango-tango akong itinipa sa computer ang first name niya. "Alright, sir. May I have your contact number and address?" dagdag kong tanong sa napakaamo, ngunit may sigla para hindi antukin ang kausap ko at magandahan sila sa serbisyo namin.

"My contact number is 09215819***, and my address is San Pedro Street, Malate, Manila."

Muli akong tumango. "Alright, sir. I repeat your contact number is 09215819*** and your address is San Pedro Street, Malate, Manila," pag-uulit ko sa inilagay kong detalye niya.

"You got it right."

"What kind of room would you like to stay in, Sir Mejia?"

Umaasa akong alam na niya kung anong klase ng room and services ang mayroon sa hotel namin. Wala ako masyado sa mood para i-explain nang masinsinan hanggang sa makapili siya. Paubos na ang pekeng siglang ibinibigay ko. Uwing-uwi na ako. Gusto ko nang matulog, pero kahit ano'ng gawin ko, hindi ako makakatulog nang matiwasay.

"Standard room," simpleng sagot nito na ikinangiti ko sa kabilang linya. Salamat naman at hindi naging masaklap ang araw sa akin ngayon.

Halos lahat ng nakausap ko ay hindi na ako pinagsalita pa ng mahaba. Pinindot ko ang standard room. Mayaman siya dapat exclusive, iyong magara sana ang ini-reserve niya. Ang cheap naman nitong mayaman na ito.

"Your preferred room is noted. How many people is the reservation for?"

"Two person."

"Okay, sir. May I know the exact time of your arrival?"

Baka magha-honeymoon sila ng kabit niya kaya sa standard room lang. Nangabit na nga, sa cheap pang kuwarto ang nais. Marahan akong umiling. Mali naiisip ko.

"After lunch, one o'clock."

Nagtuloy-tuloy lang ako sa pagtatanong hanggang sa makuha ko ang lahat ng impormasyon na kailangan.

"Alright, sir. I will repeat all the information I got from you. You are Jomelar Mejia. Your contact number is 09215819*** and your address is San Pedro Street, Malate, Manila. You are arriving here on August 4 at exactly one in the afternoon. You will be staying in a standard room which costs P1,000 per night with free breakfast and dinner, and you will pay through cash," pagkukumpirma ko sa lahat ng nakuha kong impormasyon.

"Yes, you said it correctly."

"You have a special request, sir?" nakangiti kong tanong.

Sabi nila kapag nakangiti ka, mararamdaman ng kausap mong masaya ka at kailangan masigla-hospitable ang mga kagaya ko dahil kami ang pinaka-image ng hotel.

Masisira ang hotel kapag hindi namin inayos ang aming trabaho bilang hotel receptionist. Pangarap ko talagang maging hotel receptionist sa isang napakayamang hotel, kaso, matapobre iyong nasa human resource sa Amelia Yapa Hotel. Five-star hotel daw pero one-star lang dapat.

Ang taas ng standards sa mga employees. Hindi ako nakapasok sa standard nila kahit nakapasa naman ako sa interview nila. Gusto kasi nila ng kalansay kaya inayawan ang kaseksihan ko.

"That would be all. Thank you for your assistance."

"You're welcome, sir. We look forward to your visit and thank you for choosing Hotel Pulang Bato. Have a nice day!" masigla kong pagtapos ng pag-uusap namin.

Malakas akong bumuga ng hangin pagkababa ko ng telepono. "Ano'ng mayroon sa 'yo?" intriga ni Dana pagkaalis ng kausap niya.

"Wala 'to, Danabebs. Kulang lang ako sa tulog," sagot kong napaayos ng tayo.

Iminulat ko ang mga mata nang ilang ulit para pawiin ang antok na sumasanib sa katawan ko. Hindi ako puwedeng makatulog o makaramdam ng antok.

"Lalo bang lumalala ang insomnia mo?" may pag-aalala sa boses niyang tanong.

Umiling ako. "Hindi naman. Sadyang hindi lang ako nakatulog nang maayos kagabi. Bakit, may ipapakilala ka na naman sa akin?" Ngumisi ako.

Kapag ganitong usapan na ang bungad niya, alam ko na talaga kung saan matatapos. Natatawa siyang umiling, hindi siya makatingin nang maayos sa akin.

"Wala. Gusto mo maghanap ako para naman sumigla-sigla ka diyan?"

Mahina akong tumawa nang magawa pa niyang itago sa akin. Pasalamat na lang ako sa nangyari kagabi dahil kung hindi, malamang may bago na naman siyang ipinakilala sa akin. Ewan ko ba kung saan siya naghahanap ng mga lalaking ipapakilala.

"May ikukuwento ako sa 'yo—" Hindi niya ako hinayaang tapusin ang sinasabi noong itaas niya ang kanang kamay sa biglang pagtunog ng telepono sa tabi niya.

"Good afternoon. This is Hotel Pulang Bato, reception. How may I assist you?"

Inalis ko ang tingin sa kaniya at ngumiti nang napakalapad, na para bang walang bumabagabag sa akin. Sinundan ko ng tingin ang lalaki at babaeng palapit sa reception area para magpa-assist.

Nasa isip ko pa rin ang buong pangyayari kagabi. Kahit nakailang pikit na ako at ginawa ko na ang lahat ng magagawa ko gaya ng manood ng teleserye ay ayaw pa ring matanggal sa isip ko.

Ayaw kong paniwalaan ang narinig ko kagabi dahil alam kong guni-guni ko lang ang lahat. Kulang ako sa tulog kaya paniguradong hallucination ko lang ang lahat.

Isinandal ko ang ulo ko at pinitik-pitik ang noo habang nakatingala sa kisameng napaka-plain ng kulay. Kulang na lang maging ospital ang apartment ko dahil sa boring ng kulay.

Gustuhin ko mang pinturahan ng iba, hindi ako ang may-ari. Ilang beses ko nang sinabi sa may-ari na baguhin ang kulay ng buong apartment niya kung gusto niyang magkaroon ng maraming magre-rent sa kaniya.

"Wala ako diyan. Nandito ako sa harap mo," sabi ng lalaking nakausap ko kanina. Pareho sila ng boses.

Dahan-dahan kong ipinilig ang ulo sa harap kung saan nanggaling nang mas malinaw ang boses niya. Unti-unti kong nararamdaman ang pagtaas ng balahibo ko na ngayon ko lang naranasan simula noong lumipat ako rito. Five years na ako rito at hindi ko kailanman naramdaman ang taasan ng ganito kalala.

"Ha-harap?"

Pinandilatan ko nang mabuti ang nasa harap ko kahit walang tao-wala akong makitang kahit ano. Pakiramdam ko pati ang bulbol ko ay tumaas. Minumulto niya ako?

Siya kaya iyong sinasabi nilang namatay rito? Imposible! Napakatagal ko na rito at ngayon lang magpaparamdam?

"Hawak-hawak mo ako," natatawang sambit nito dahilan para mas mamulagat ang mata ko, na para bang anomang oras ay hihiwalay na ang eyeballs ko sa eye socket.

"Je. . . Jeyo?" nag-aalinlangan kong tawag pagkatingin ko sa hawak-hawak kong hamster sa palad ko.

Titig na titig sa akin ang alaga ko, na para bang sinasabi nitong siya ang nagsasalita.

"Ako nga, nagulat ba kita?"

Umawang ang bibig ko, kasya na ang isang buong mangkok sa laki ng pagkakalaglag ng panga ko. "Nag. . .nag. . . Nagsasalita ka?"

Kumunot ang noo kong tinitigan nang husto ang alaga kong si Jeyo. No way!

"Yes, Yuna. I am your one and only Jeyo."

Umahon ako sa pagkakaupo at patakbo akong lumapit sa kulungan niya. Ibinalik ko siya nang walang kaingat-ingat dahil naihagis ko siya.

"Hindi ka totoo!" sigaw ko para akong batang nakakita ng multo sa pagtakbo.

Malakas kong naisara ang pinto at inihagis ang mabigat kong katawan sa kama. Hindi ko na inisip kung nabali ko ang kama mula sa ginawa ko. Niyakap ko ang unan at ginawa kong pantakip sa mukha ko.

Hindi ko inalisan ng mata ang pagtitig niya. Ilang minuto na akong nakatayo sa harap ng kulungan niya. Inuna kong lapitan ito, hindi pa ako nakapagbihis ng pambahay dahil sa matinding kuryusidad at determinasyon kong malaman kung totoo bang nagsalita siya.

Malakas akong umungol bilang pagsuko at pumikit. Ginulo-gulo ko ang nakaipit kong buhok sa matinding pagkamot. Ang hirap makipagtitigan sa tulad niya. Parang hinushugaan niya ako nang hindi ko alam dahil hindi na siya nagsasalita.

Namutawi ang tunog ng high heels ko sa buong paligid ng apartment ko. Parang lumubog ang kutson ng sofa sa ginawa kong pag-upo.

"Tao ka? Imposible!" asik ko sa nang-aaway na paraan.

Humaba ang labi kong pinindot-pindot ang sentido ko. Taas-kilay kong nagbato ulit ng tingin sa kulungan niya. Nakaharap ito sa akin at nai-imagine kong nakangiti siya.

"Hindi ako naniniwala. Ni hindi ka nga magkatawang-tao ngayon. Paano ako maniniwala? Hindi nagsasalita ang hayop. Guni-guni ko lang talaga iyong nangyari kagabi." Sinamaan ko ng tingin ang alaga kong alam kong inosente pa magmula noong binili ko siya sa pet shop.

Hindi talaga paawat ang sistema kong kalimutan ang nangyari. Para kasing totoo.

Tumayo ako. Nakahalukipkip kong nilapitan ang bintana kung nasaan siyang nagkakamot ng leeg.

"Magkatawang-tao ka nga. Patunayan mo, huwag mo akong takutin," panghahamon ko, na para namang susundin ako at totoong magkakatawang-tao siya.

Tinitigan ko lang ang bawat kilos niya noong hindi niya ako pansinin. Naniniwala na akong guni-guni ko lang talaga. Hindi ko na sana kukulitin pa at hayaan na siyang magpahinga, saka balak ko na ring bumalik sa kuwarto ko para makapagbihis pero napatakip ako ng magkabila kong tainga.

Malakas. Parang tunog ng microphone na may problema sa lakas. Napapayuko ako dahil hindi makayanan ng pandinig ko.

Tumigil ang ingay kaya inabot ako ng minuto bago ko maibalik ang tingin kay Jeyo at tumuwid ng tayo. Hindi pa tumatama ang mata ko sa kulungan ng alaga ko nang maisangga ko ang braso sa nakabubulag sa matinding liwanag.

Umawang ang bibig ko nang sobra. May anghel na bumagsak sa langit at nag-evolve bigla. Minuto ang itinagal ko bago ko ma-i-adjust ang paningin ko sa pinanggalingan ng ilaw sa tabi ng kulungan.

Humampas sa mukha ko ang kurtinang nakalugay nang humangin bigla. Pagkahawi ko sa kurtina ay nakahalik na yata ang bibig ko sa sahig sa pagkaawang ng bibig ko. May. . . may tao.

Tao siya. Tama ba nakikita ko? Tao? Siya? Paano? Ano ang nangyayari?

"I'm here."

Bago pa ako makapagbitiw ng salita ay naramdaman ko ang panlalambot ng tuhod ko at ang pag-ikot ng paningin ko na sinabayan nang panlalabo. Naramdaman ko ang sariling bumagsak sa sahig habang nakatitig ako sa mga paa nitong anyong tao nga. Tama pa ba nakikita ko?

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height