+ Add to Library
+ Add to Library
The following content is only suitable for user over 18 years old. Please make sure your age meets the requirement.

C1

Maraming taon na ang nakalipas, sa lupain ng North, lagpas sa limang ilog at tatlong bundok, matatagpuan ang isang lumang siyudad. Ang tawag ng mga sinaunang tao sa siyudad na ito ay Elyselvania, pero dahil sa tagal ng panahon at pagbabago ng mga salita napalitan ito ng mas maaliwalas na pangalang Elysian, na ang ibig sabihin ay maganda at perpekto.

Isa lamang ang kinakatakutan ng mga tao sa siyudad na ito, ito ang malas na dala ng paglabag sa mga pamahiin. Malas na humahantong sa kamatayan, kaya naman ingat na ingat ang mga tao sa lahat ng kanilang ginagawa.

Hanggang sa ipinanganak si Awanda Magtanggol. Ang babaeng kakaiba. Siya lamang ang tanging nakakakita sa itim na usok na pinaniwalaan niyang nagdadala ng malas na nanggaling kung saan at naghahanap sa mga taong lumalabag sa mga pamahiin.

Napansin niyang sa tuwing nakakakita siya ng maitim na usok ay may namamatay at nabubunotan siya ng isang hibla ng buhok.

Kaya naman sa kagustuhang sagipin ang kanyang sarili at ang ibang tao at para alamin ang mga misteryong nagaganap sa kanilang siyudad ay sinimulan ni Awanda ang kanyang misyon. Misyon na magdadala sa kanya sa kapahamakan.

___________

Nagsimula ang lahat nang magdiwang ako ng ika-labing anim kong kaarawan. Ako si Awanda Magtanggol, nasa ika-labing isang baitang na ako at kumukuha ng Accountancy, Business and Management strand. May maitim at hanggang balikat na buhok at may biloging mga mata. Nasa bahay kami noon kasama ang aking pamilya at mga kaibigan, nagsasaya ang lahat, lahat ay abala, nagkukwentuhan, nagtatawanan, hanggang sa bigla ko na lang naramdaman ang mahinang pwersang lumabas mula sa aking katawan.

Hindi ko ma-wari kung ano iyon dahil iyon pa lamang ang unang beses na nakaramdam ako ng gano'n. Bigla akong nanghina kaya napaupo ako sa sahig sa gitna ng maraming tao ngunit walang kahit isang nakapansin sa akin.

Habang nakaupo at pilit pinapakalma ang sarili ay bigla na lang may nalaglag na isang hibla ng buhok mula sa aking ulo, nagliliwanag ito ng kulay asul at habang dahan-dahang bumabagsak sa sahig ay dahan-dahan ring nawawala ang liwanang nito hanggang tuluyan ng nawala. Bigla akong napatingin sa bintana. Isang usok! Isang maitim na usok ang aking nakita na tila ba may sariling utak dahil sa kakaibang paggalaw nito.

Ano 'yan?

Bulong ko sa sarili. Dahan-dahan akong tumayo at naglakad papunta sa bintana upang tingnan ng maayos ang usok na nasa labas lamang ng aming bahay at para bang naghahanap ng mabibiktima. Habang nakatitig sa maitim na usok ay hindi maiwasang manindig ng aking mga balahibo. Kasabay kasi ng paggalaw nito ay ang isang tunog na para ba'ng tunog ng isang malakas at umiihip na hangin. Nakakatakot!

"Wanda? Ayos ka lang ba?" Napalingon ako sa tabi ko nang may biglang magsalita.

"Ma? Nakikita mo ba 'yun?" Sabay turo ko sa maitim na usok na umiikot sa labas.

Tumingin naman si Mama sa dereksiyon na itinuro ko.

"Ang alin? Wala naman akong nakikita maliban sa bahay ng kapitbahay nating si Linda. Alam mo gutom lang 'yan, halika! Kumain tayo," pangyayaya ni Mama.

Nagtataka kong tiningnan si Mama. Hindi niya ba nakikita ang nakakatakot na usok na iyon?

"Ma? Tingnan mo, may maitim na usok malapit sa bahay ni Aling Linda." Itinuro ko ulit ang usok upang makita ni Mama ngunit ngumiti lamang ito.

"Ano ka ba, wala naman akong nakikitang usok. Hay! Halika na nga!" Umiiling-iling pa ito habang naglalakad palayo.

Bakit hindi niya nakikita?

Kinusot-kusot ko ang mga mata ko upang makasiguradong hindi ako namamalikmata lang.

Baka nga siguro namamalikmata lang ako dahil sa gutom.

Bulong ko ulit sa aking sarili habang kumukusot-kusot sa mata. Dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata at nang tingnan ko ulit ang usok ay parang bigla akong nanigas sa aking nakita. Mabilis itong umihip papunta sa akin.

"Ahhh!!" malakas kong sigaw. Napayuko ako sabay takip sa aking mga tenga dahil sa sobrang takot.

"Wanda, anong nangyari?" Naramdaman ko ang mga kamay ni Mama na nakahawak sa likod ko kaya kaagad kong inangat ang ulo ko. Nanginginig ang buo kong katawan, pakiramdam ko ay hindi na kami ligtas.

"Ma, 'yung usok!" Natataranta kong wika. Nagtataka akong tiningnan ni Mama.

Mabilis akong tumayo at dumungaw ulit sa bintana upang tingnan ang usok ngunit nakita kong nasa malayo na ito, papunta sa dereksiyon ng kabundukan.

"Wanda, ano ba talaga ang nangyayari sa'yo?" rinig kong tanong ni Lola Ebyang. Lumapit na rin pala siya sa amin.

Napatingin ako sa paligid ko at nakita kong napatigil ang lahat sa kanilang ginagawa at lahat ay nakatitig sa akin. Siguro ay nakita rin nila 'yung usok kaya sila natutulala.

"Nakita niyo 'yun diba? 'Yung usok na itim at nakakatakot?" pagtatanong ko ngunit walang kahit isang sumagot. Lahat ay tahimik.

"Ano? 'Yung usok! Nandun siya oh, sa taas ng bahay ni Aling Linda tapos bigla na lang siyang umihip papunta rito, akala ko nga papasok siya rito pero hindi pala. Nang silipin ko ulit nasa malayo na siya," Saysay ko sabay turo sa kinaroroonan ng usok kanina.

Ipinaliwanag ko ng maayos ang aking nakita para mapaniwala sila ngunit isang hindi makapaniwalang tingin lang ang kanilang isinagot sa akin. Nagtitinginan sila na para bang tinatanong nila kung ayos lang ba ako.

"HAHAHAHA!" Sabay-sabay nilang tawa. Lahat sila ay tawang-tawa habang nakatingin sa akin. Nakita ko rin ang pagpipigil ni Mama ng tawa.

"Wanda, wala namang usok, diba? May nakita ba kayong usok?" tanong ni Mama. Nakikita ko sa kaniyang mukha na parang gusto niyang tumawa ng malakas.

"Wala naman, hay! alam mo, Wanda kumain ka nalang kasi ikaw naman 'yung may kaarawan. Ang sama naman kapag ikaw na 'yung may kaarawan, ikaw pa 'yung nagutoman." Wika ni Jury sabay ngisi.

Si Jury ang panganay kong kapatid na lalaki. Galit siya sa akin, hindi ko alam kung bakit, basta galit siya sa akin. Naging libangan na niya ang inisin ako.

"Pero totoo ang sinasabi..."

"Okay guys! Magpatuloy na tayo," pagputol ni Jury sa akin.

Bumalik na ang lahat sa kani-kanilang ginagawa habang si Mama ay niyakap lang ako at bumalik na rin upang kausapin ang ibang bisita.

Huminga ako ng malalim at naglakad papunta sa kwarto ko. Sa tingin ko nababaliw na ako.

Pagpasok ko ay agad akong humiga sa kama at tinitigan ang kisame. Bigla akong napaisip. Ang daming kakaibang nangyari kanina, mahinang pwersa, hibla ng buhok, itim na usok. Lahat ng iyon ay hindi ordenaryo at ngayon lamang nangyari sa akin. Talaga kayang nababaliw na ako?

"Wanda?" Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang boses ni Lola.

"Bakit?" matamlay kong sagot.

Hindi na ito sumagot sa halip ay narinig ko na lamang ang pagbukas ng pinto ng kwarto ko.

"Wanda, kamusta ka?" Sambit ni Lola sabay upo sa gilid ng kama.

"Hindi ko alam. Nababaliw na yata ako," sagot ko. Ngumiti lang si Lola.

"Wanda, kaarawan mo ngayon kaya dapat masaya ka," Hinawakan niya ang isang kamay ko at pinisil pagkatapos ay may kinuha siya sa kanyang bulsa.

"Eto, tanggapin mo ang munti kong regalo sa'yo." Sabay abot ni Lola sa akin ng isang maliit na box.

Bamangon ako at tinanggap ito. Mukhang luma na ang kahon ngunit maganda paring tingnan. Isa lang itong maliit na kahon na may ukit sa ibabaw na nagsilbing disenyo nito.

"Ano po ito, Lola?" tanong ko.

"Buksan mo," nakangiti niyang sagot.

Hinipan ko muna ang labas ng kahon bago ko binuksan upang matanggal ang mga alikabok. Halatang matagal na itong nakatago dahil sa kapal ng alikabok.

Pagkatapos tanggalan ng alikabok ay saka ko binuksan ng dahan-dahan at hindi ko mapigilang mapangiti nang makita ang laman nito.

"Wow! Ang ganda naman po ng kuwintas na ito Lola!" Masigla kong wika habang nakatingin sa kumikinang na kuwintas na may hugis bilog na harang at may kumikinang na kulay asul na dyamante sa gitna.

"Ingatan mo ang kuwintas na 'yan dahil ibinigay pa 'yan ng isang taong mahalaga sa akin," saysay ni Lola.

Hinawakan niya ang isang kamay ko at pinisil saka nginitian ako, habang nakatingin sa mga mata ni Lola ay bigla na lamang akong nakaramdam ng kakaiba. Nakangiti si Lola ngunit iba ang pinapahiwatig ng kaniyang mga mata. May nakikita akong lungkot sa kaniyang mga mata na kahit ngumiti siya ay kitang-kita pa rin.

"Sino naman po?" Tanong ko habang itinataas ang kuwintas para makita ko ng maayos.

"Basta, ingatan mo 'yan."

"Makakaasa po kayo, Lola."

Matapos ibigay ni Lola ang kanyang regalo para sa akin ay niyakap niya ako saka siya lumabas ng kwarto. Pagkalabas niya ay humiga naman ako at habang nakahiga ay hindi ko maiwasang mapahawak sa kuwintas na suot ko at mapangiti.

May parte sa isip ko na nagtatanong kung sinong nagbigay ng kuwintas na ito kay Lola at kung ano ang kuwintas na ito. Isa nga lang ba talaga itong normal na kuwintas? Bakit ibinigay ito ni Lola sa akin? Sa kabila ng mga tanong ay mas pinili kong baliwalain na lang ito.

Sa tingin ko hindi naman masyado naging masama ang araw ko.

Bulong ko saka pumikit.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height