+ Add to Library
+ Add to Library

C2

Sa lumipas na dalawang buwan magmula noong ika-labing anim kong kaarawan ay nasabi kong siguro totoong nagutoman lang ako sa araw na iyon, dahil sa dumaan na mga buwan ay hindi na ulit ako nakakita ng itim na usok at hindi na rin ako nabunutan ng hibla ng buhok, kaya siguro tama ang mga sinabi nila.

Nasa loob ako ng kwarto ko ngayon, nakaupo sa kama sa gitna ng nag-aagaw na liwanag at dilim. Katatapos lang naming maghapunan at nandito ako ngayon nakaupo habang nag-iisip at pinagmamasdan ang kurtinang mahinang lumilipad-lipad sanhi ng malamig at katamtamang lakas ng hangin.

"Wanda, pwede ba kitang makausap?" napatingin ako sa pinto ng kwarto. Si Lola na naman. Sa bahay na ito si Lola lang iyong tanging kumakausap sa akin na halos hindi na ako tantanan. Pinupunan ni Lola 'yung mga panahon na nakakaramdam ako ng pag-iisa.

"Pasok po kayo," saysay ko. Kaagad ko ring narinig ang pagbukas ng pinto at iniluwa nito si Lola na paika-ika na kung maglakad dahil sa katandaan.

Umupo siya sa tabi ko saka tumingin din sa binatana ng kwarto.

"Ano pong pag-uusapan natin, Lola?" tanong ko sa kanya.

"Naku! Mangangamusta lang ako, balita ko kasi pasukan mo na bukas, ano handa ka na ba?" nakangiti niyang tanong.

"Wala naman po akong pagpipilian, Lola. Kahit aayaw ako, kailangan ko parin mag-aral."

"Ay, sabi ko nga!" Saad niya saka humagikhik ng tawa. Si Lola talaga. Napangiti na lang din ako. Kahit papaano napasaya ako ni Lola.

"Basta apo lagi mong tatandaan, ang pagsubok nandiyan palagi 'yan, kahit saan, kahit sino nakakaranas niyan pero 'yung makapagtapos at maging matagumpay sa buhay, aba'y hindi lahat nakukuha 'yan, kaya ikaw huwag kang susuko," saysay ni Lola.

Napangiti ako. Tama si Lola, hindi lahat nagtatagumpay. Ang mundo ay parang battlefield, lahat ay sundalo at nakikipaglaban pero hindi lahat nananalo. Ang paaralan naman ay mahahalintulad sa isang training ground. Ang mga nag-aaral sa elementarya ay parang taong nagsisimula pa lang mag-ensayo. Tinuturuan kung paano humawak ng baril o espada, pagdating naman sa sekundarya, doon itinuturo kung ano ang eksaktong mangyayari sa battlefield, makikipaglaban ka sa mga kaibigan mo at kasama. Ang totoong laban ay magsisimula pagtuntong ng kolehiyo, makikipaglaban ka hanggang sa manalo dahil kung hindi magiging isa kang talunan habang buhay.

Ngayon na nasa kolehiyo na ako, kailangan kong lumaban para manalo at maging matagumpay sa buhay.

Sandaling naging tahimik ang kwarto ko. Tanging ihip lang ng malamig na hangin ang naririnig.

Sa tingin ko matagal akong makakatulog ngayon.

"Lola, pwede niyo po ba akong kwentuhan?" nakangiti kong tanong kay Lola.

"Aba'y oo naman," ngumiti rin ito sa akin.

Humarap ako sa kanya habang siya ay nanatili paring nakatingin sa bintana ng kwarto ko.

"Noong unang panahon," pagsisimula ni Lola. Para siyang guro na nag kukwento sa kanyang mga estudyante. Mahina, mababa, at nakakasindak na boses.

"Ilang siglo na ang nakalipas, sa kagubatan ng North, kung saan may mga napakaraming puno at masasamang hayop, kung saan laganap ang kabulukan at kasamaan ay pinapaniwalaan ng mga tao na may kakaibang halaman ang tumutubo sa gitna ng gubat na iyon kaya naman pinapunta ng mga tao ang isang babae bilang kanyang parusa sa pagnanakaw ng karne sa palengke. Isa siyang magandang babae, kaakit-akit ang kanyang kagandahan ngunit kahit ganun paman ay hindi parin siya nakaligtas sa pangungutya ng mga tao dahil sa kanyang ginawa. Sinabi nilang kapag hindi siya pumunta sa gitna ng kagubatan ay papatayin siya ng mga ito kaya napilitan siya," saysay ni Lola.

"Talaga bang nagnakaw siya ng karne Lola?" tanong ko.

"Hindi. Naparatangan lamang ang babaeng iyon."

Bigla akong nakaramdam ng awa sa babae kahit pa man hindi ko alam kung gawa-gawa lang ba ni Lola ang kwento o totoo. Kung talagang hindi siya nagnakaw ay hindi dapat siya pinapunta roon.

"Ano pong nangyari sa kanya? Nakabalik po ba siya? Ano naman po 'yung kakaibang halaman, Lola?" sunod-sunod kong tanong.

Umiling-iling si Lola, "Hindi. Nang umalis ang babae papunta sa gubat na iyon, naghintay ang mga tao sa kaniyang pagbalik ngunit nagdaan na ang ilang araw ay hindi parin siya bumabalik. Kaya itinuring na siyang patay ng mga tao. Tungkol naman sa halaman, hindi totoong may tumutubo roon." sagot ni Lola.

Unang beses na nagpakwento ako kay Lola at talaga namang napakagaling niyang mag kwento. Nagmumukhang totoo ang kwentong sinasabi niya. Ngumiti si Lola at ipinagpatuloy na ang pagkukwento.

"Ngunit isang araw, sa kalagitnaan ng gabi habang himbing na himbing na natutulog ang mga tao ay bigla nalang umihip ang makakatakot at nakakagimbal na hangin, kasabay nito ang nakakapanindig balahibo na tunog na para bang babaeng umiiyak, isang malamig na hangin ang umihip ngunit walang kahit isang nagising sa tunog na iyon. Sabay na natanggal ang pangkasa ng lahat ng pinto at dahan-dahan itong bumukas, doon lamang nagising ang mga tao. At pagmulat ng kanilang mga mata ay iisa lamang ang kanilang nakita, isang babaeng duguan habang nakasuot ng puting damit at buhaghag ang buhok, umiiyak ito habang nakatayo sa gilid ng kani-kanilang kama at nakatingin sa kanila.

"Napasigaw ang iba dahil sa sobrang takot, mayroon namang ibang nahimatay. Bigla na lang lumakas ang hangin na may kasamang usok at isa-isa silang dinaanan ng hangin. Ang sino mang madadanan ng hangin na iyon ay maalisan ng espiritu at mamamatay."

Napahinto si Lola sa pagsasalita at napatingin sa akin, "Anong ginagawa mo?" natatawa niyang tanong.

"Nakakatakot po ako. Namatay po ba silang lahat, Lola?" Pagtatanong ko habang nakatalukbong ng kumot. Sobrang natatakot kasi ako, ikaw ba naman ang magising na may nakatayong duguang babae sa harap mo. Sa tingin ko ilang linggo akong babangungutin kapag naranasan ko iyon.

"Marami ang namatay, pero walang may alam kung mayroong nakaligtas."

Sumilip ako sa kumot, "Iyong babae po ba at 'yung white lady ay iisa, Lola?" dugtong ko.

"Walang may alam," sagot ni Lola, "Matulog ka na." Dugtong pa niya.

"Lola, mas lalong hindi ako makakatulog nito! Bakit kasi nakakatakot 'yung ikunwento niyo, Lola?" Mangiyak-ngiyak kong badya.

Ngumiti naman ito saka hinimas ang ulo ko.

"Oh siya! Dito na lang ako matutulog para may katabi ka."

Nang marinig ko ang sinabi ni Lola ay kaagad akong umusog sa gilid upang mabigyan siya ng pwesto. Baka kasi mag-iba pa ang isip niya.

_________

"Wanda, buti naabutan kita." Humahangos na saysay ni Mica.

Si Mica ang kaisa-isa kong kaibigan dito sa paaralan. Magkaklase kami simula elementarya pa lang at malapit lang rin sa bahay namin ang kanilang bahay kaya palagi kaming nagkikita at naging malapit sa isa't-isa.

"Akala ko ba hindi kana papasok? Dati kasi reklamo ka ng reklamong pagod na pagod ka nang mag-aral tapos nandito ka ngayon, nakaporma pa?" nakasuot kasi siya ng skirt at longsleeve habang ako ay nakasuot ng jeans at t-shirt.

Para sa isang conservative na babaeng katulad ko, ang skirt ay sobrang iksi para isuot pero ang totoo ay hindi naman. Siguro hindi lang ako sanay.

Ngumiti siya sabay himas sa kaniyang damit, "Grabe ka naman. Gusto mo na ba talagang huminto ako?" Nagpuot pa ito pagkatapos magsalita.

"Hindi naman."

Ngumiti ako at ngumiti rin si Mica.

Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa unang klase namin. At dahil unang araw nga ng pasukan, wala kaming ibang ginawa kundi ang magpakilala.

"Wanda, meryenda tayo?" Tanong ni Mica habang bitbit ang kanyang bag. Kalalabas lang ng panghuling guro namin kaya itong si Mica ay kaagad nag-yayayang kumain.

Tumango lang ako at nagsimula na kaming maglakad papunta sa canteen. Isa itong kainan na katamtaman lamang ang laki at mas mura ang mga paninda kung ikukumpara sa cafeteria.

Pagdating namin, ang daming tao sa loob. Ayaw ko sa maraming tao kaya ibinigay ko nalang ang pera ko kay Mica at siya na ang pinag-order ko ng pagkain. Dumiretso na lang ako sa bakanteng mesang nasa gilid at doon umupo.

Hindi ako komportable kapag maraming tao sa paligid ko. Ang mapapalibutan ng mga tao ay parang isang nakakahawang sakit na gustong-gusto kong iwasan.

Habang nag-hihintay kay Mica ay bigla na lang umihip ang isang malamig na hangin. Biglang nanindig ang mga balahibo ko at bumilis rin ang pagtibok ng puso ko. Itong-ito ang naramdaman ko noong kaarawan ko kung saan ko unang nakita ang itim na usok.

Binaliwala lang ito ng lahat dahil inakala nilang isa lang itong normal na hangin ngunit iba ang aking naramdaman, para bang may kung anong masamang mangyayari.

Lumingon-lingon ako sa paligid hanggang sa napanganga ako nang makita muli ang itim na usok. Sa ikalawang pagkakataon ay nakita ko na naman ulit ito. Napatayo ako habang nakatingin sa usok na dahan-dahang pumapasok sa loob ng canteen at parang pinagmamasdan ang mga nagtatawanan at nagkukwentuhang mga estudyante.

"Pre, ano ba? Tumingin ka naman dito. Minsan na nga lang tayo nagpapalitrato e!" rinig kong sabi ng isang lalaki sa kanyang kasama.

Nakaupo sila sa ikatlong mesa mula sa kinatatayuan ko. Tatlo silang lalaki at ang nagsalita kanina ang nasa gitna.

Ibinaling kong muli ang aking tingin sa itim na usok at nakita kong parang pinagmamasdan nito ang mga lalaki. Isa lang itong maitim na usok, walang mukha o katawan subali't naiintindihan ko ang mga kilos nito. At iyon ang ipinagtataka ko.

"Kayo na lang. Ang sabi kasi ng Lola ko malas daw kapag nagpalitrato 'yung tatlong tao. Ang sabi pa niya mamamatay raw ang nasa gitna ng litrato kapag ginawa iyon." Sagot naman ng lalaking nakaupo sa kanan at kasalukuyang hinihila ng lalaking nasa gitna.

Narinig ko ang pamahiin na iyan kay Lola pero hindi ko alam kung totoo ba ito o hindi.

Palipat-lipat lang ang tingin ko sa usok at sa grupo ng mga kalalakihan. Naghihintay kung ano ang sunod na mangyayari.

"Ano? Hahaha! Naniniwala ka 'dun? Ano ka ba! Walang kwentang pamahiin lang 'yun ng mga matatanda. Tsk! Halika na kasi." Natatawang wika ng lalaking nakaupo sa gitna sabay hila sa kaibigan kaya walang nagawa ang lalaking nakaupo sa kanan kundi ang sumunod na lang.

Nagpalitrato silang tatlo pagkatapos ay nagtawanan at nagpatuloy na sa pagkain.

Takot na takot kong tiningnan ang usok at ang mga lalaki. Palipa't-lipat lamang ang tingin ko, hindi ko alam ang gagawin.

Ilang sandali pa ang lumipas, habang nakatingin sa usok ay bigla na lamang tumayo ang lalaking nakaupo sa gitna na kanina'y kumuha ng litrato kasama ang kanyang mga kaibigan. Nakahawak ito sa kanyang dibdib at para bang hindi makahinga kaya biglang nag-alala ang dalawang kasama.

"Pre, nabubulunan yata siya!" Natatarantang wika ng isa niyang kaibigan.

Napahakbang ako ngunit agad ring napatigil. Parang nanigas ang buong katawan ko dahil sa sobrang takot.

"Hindi ito maganda," bulong ko sa sarili ko. Tiningnan ko ang usok at nakita kong umikot-ikot ito, mahina lang sa simula hanggang sa dahan-dahang lumakas. Napahawak ako ng mahigpit sa mesa dahil sa panginginig.

Umikot lang ito ng umikot hanggang sa bigla na lang umiba ng dereksiyon. Mabilis itong umihip papunta sa lalaking hindi makahinga.

"'Waggggg!" Malakas kong sigaw kaya mapatingin ang ilan sa akin.

Sandali akong natulala, sobrang bilis ng mga pangyayaring aakalain mo'y isang kisap-mata lang.

Dinaanan ng usok ang lalaking hindi makahinga at agad-agad ay natumba ito. Kasabay ng pagbagsak ng lalaki ay siya rin ang pagbagsak ko.

Bigla akong nanghina. May kung ano na namang pwersa ang lumabas mula sa akin at habang nakasalampak sa sahig ay nahulog ang nagkukulay asul na hibla mula sa aking ulo.

Biglang nagkagulo ang paligid. Lumakas ang ingay habang ang usok ay kaagad pumaitaas matapos daanan ang lalaki. Umihip ito palabas ng bintana kaya kahit nanghihina ay pinilit kong tumayo at sinundan ito ngunit pagsilip ko ay nakita kong nasa malayo na ito. Papunta sa dereksiyon ng North.

Bumalik ako at linapitan ang nakahandusay na lalaki.

"Patay na siya!" rinig kong saysay ng isa niyang kaibigan matapos siyang pulsuhan.

"Pinatay siya ng usok na iyon!" saad ko habang hindi deretsyang makatayo dahil sa panghihina.

Napatigil ang ilan sa pagsasalita at seryosong napatingin sa akin. Mayroong ibang nakakunot ang noo, mayroon namang nakatingin sa akin na tila ba kinikilatis ang buo kong pagkatao.

"Anong sinasabi mo?" tanong ng lalaking isa sa kaibigan ng namatay.

"Pinatay siya ng usok. Nakita ko 'yun," walang pag-aalinlangan kong sabi.

"Anong usok? Namatay siya dahil nabulunan siya! Hindi mo ba nakita kanina? Hirap siyang huminga at nakahawak pa siya sa dibdib niya kaya malamang nabulunan siya," sagot ng babaeng nakatayo sa tabi ko.

"Hindi siya nabulunan! Pinatay siya! Maniwala kayo! Nakita ko iyon," saad ko.

Biglang umingay ang paligid. Nagbubulungan ang iba at ang iba naman ay tumatawa habang nakatingin sa akin.

"Baliw siya!"

"Anong usok? Wala naman akong nakitang usok."

"Nababaliw na yata siya! Nakita naman natin kaninang nabulunan itong lalaki."

Iilan lamang sa mga narinig ko. Hindi ako makasagot, noong kaarawan ko, sinabi ko rin kung ano ang nakita ko pero walang kahit sinong naniwala. Ngayon, naulit muli ang pangyayaring iyon.

"Hoy, babaeng baliw! Umalis ka na nga! Baka mahawa pa kami sayo!" Sigaw ng isang lalaki.

Tumawa naman ang lahat ng mga nakarinig. Tila pamilyar ang boses ng lalaking sumigaw kaya tiningnan ko ito at tama nga ako. Si Jury na naman. Kailan niya pa ba ako titigilan?

Tahimik akong tumalikod at dahan-dahang naglakad palayo habang rinig parin ang pagtatawanan at bulong-bulongan ng mga tao.

Bumalik ako sa mesang inupuan ko kanina upang kunin ang aking bag. Halos hilingin kong lamunin na lang ng lupa dahil sa sobrang hiya.

"Wanda? Kanina pa kita hinahanap. Talaga bang namatay 'yung lalaki matapos mabulunan?" salubong na tanong sa akin ni Mica.

Tiningnan ko siya sa mga mata ngunit pagkalipas ng ilang segundo ay agad din akong umiwas. Natatakot akong baka husgahan din ako ni Mica. Linampasan ko siya para kunin ang bag ko na nakapatong sa mesa pagkatapos ay agad akong naglakad palabas para umuwi.

________

Nilakad ko mula paaralan pauwi. Hindi ako sumakay para hindi kaagad makarating sa bahay. Matapos ang nangyari pakiramdam ko ay kailangan kong lumayo sa mga tao dahil baka mapahamak sila, hindi ko maiwasang mapaisip na baka ako ang dahilan ng mga kamalasang nangyayari.

"Oh! Wanda, dumating ka na pala, bakit parang matamlay ka?" Salubong sa akin ni Lola nang makapasok ako sa loob ng bahay.

"Wala po, Lola. May pag..."

"Anong wala?"

Napahinto ako sa pagsasalita nang biglang sumingit si Jury. Pababa ito ng hagdanan at parang nang-aasar ang mukha habang nakatingin sa akin.

Dumating na rin pala siya. Nakayuko na lang ako.

Malakas ang pagkakasabi niya kaya pati si Mama ay lumapit na rin sa amin. Napa buntong-hininga na lamang ako.

"Bakit ano bang nangyari?" tanong ni Mama.

"Ma, alam mo ba kanina may namatay sa eskwelahan namin dahil nabulunan tapos itong baliw kong kapatid aba'y lakas loob niyang sinabing namatay raw ang lalaki dahil sa usok at nakita niya raw iyon." Salaysay ni Jury sabay tawa, "Nababaliw na siya, Ma. Wala naman akong nakitang usok kanina e!" dugtong pa niya.

"Totoo ba, Wanda?" mahinang tanong ni Mama. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkainis.

"Pero totoo naman..."

Inilagay niya ang kaniyang dalawang kamay sa baywang niya, "Wanda! Ano bang nangyayari sayo?" Tumaas na ang tono ng boses nito kaya bigla akong natakot. Minsan lamang nagagalit si Mama kaya natatakot ako, "Ihanda mo ang sarili mo, pupunta tayo sa albularyo bukas." Dugtong pa ni Mama saka naglakad papunta sa kusina.

Gusto kong magwala dahil sa galit ngunit hindi ko magawa kaya umiyak na lamang ako. Patakbo akong naglakad papunta sa hagdanan ngunit bago pa ako makaakyat ay hinarang muli ako ni Jury.

"Baliw!" Mariin niyang saysay saka tumawa at naglakad papunta sa sala.

Mas lalong sumakit ang dibdib ko. Pumasok ako sa kwarto at malakas na isinara ang pinto saka umupo sa sulok ng kwarto at doon humagulgol ng iyak. Pakiramdam ko ay tinalikuran ako ng lahat, walang naniniwala sa akin at lahat sila ay sinasabing nababaliw na ako.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height