+ Add to Library
+ Add to Library

C3 Kabanata 3

Umaga pa lang ay pinagbihis na ako ni Mama pagkatapos ay umalis na kami. Mahabang daan ang inalakbay namin, isang matuwid na daan na walang ibang bahay na makikita kundi mga puno lamang. Ang sabi ni Mama, dadalhin niya ako sa South kung saan nakatira si Marta, ang matandang albularyo, ang bahay na iyon ay nasa kadulo-dulohan sa lupain ng south.

Pinahinto ni Mama ang sasakyan sa harap ng isang maliit na kubo.

Ang kubo ay pinalilibutan ng mga puno at halos lamunin na ito ng mga malalaking ugat. Maraming puno na naging dahilan upang magdilim ang paligid dahil sa mga dahong pumipigil sa paglusot ng sinag ng araw.

"Ma, uwi na tayo, wala naman yatang tao," wika ko kay Mama.

Ang totoo ay natatakot lang ako.

"Hindi pwede!" pabagsak na sagot ni Mama. Naglakad ito papalapit sa kubo na pinalilibutan ng malalaking ugat at halos hindi ko mawari kung saan banda ang pintuan nito.

"Ma, balik nalang tayo bukas," pangungumbinsi kong muli ngunit hindi na niya ako sinagot. Nagpatuloy ito sa paglalakad nang hindi man lang ako nililingon.

"Marta?" Pagtawag ni Mama.

Dahan-dahan akong lumapit kay Mama at huminto sa kanyang tabi.

"Marta, alam kong nandiyan ka, Marta?" dugtong ni Mama. Mas lalo pa akong kinabahan.

"Ma, halika na." Hinawakan ko si Mama sa kamay ngunit tinanggal niya ang kamay kong nakahawak sa kanya.

"Mar-"

Napatigil si Mama sa pagsasalita nang bigla na lang gumalaw ang mga ugat na nakatakip sa harapan ng kubo. Para bang tumatabi ang mga ito. Ilang segundo ang lumipas ay tumigil na sa paggalaw ang mga ugat at tumambad sa amin ang isang butas. Isang malaking butas na nagsilbing pintuan ng kubo.

"Wanda, may naririnig ka ba?" Tanong ni Mama sa akin sabay hawak ng mahigpit sa kamay ko.

Tinitigan ko ang butas at itinuon ko ang buong atensiyon ko rito.

May kung anong tunog na nanggagaling sa loob.

Tunog na parang lumilipad na patalim- "Ma, yuko!" Sigaw ko sabay hila kay Mama paupo.

Bigla na lang lumabas mula sa loob ng kubo ang isang umiikot na patalim papunta sa amin ngunit naiwasan namin ito nang hilain ko si Mama para makaupo. Tumama ang patalim sa isang puno na nasa likuran namin.

"Anong?!" Naiinis kong wika. Manggagamot ba siya o mamamatay tao?

"Anong kailangan ninyo rito sa pamamahay ko?!" Tanong na may halong pagkainis. Mula sa butas ay lumabas ang isang matandang babae. Umuugod-ugod na ito at kulubot na rin ang balat dahil sa sobrang katandaan.

May mahabang buhok at gusot-gusot na damit. May hawak itong tungkod na may kurting ulo ng ahas sa dulo.

"Marta? Magpapagamot lang kami." Nanginginig na wika ni Mama.

Dahan-dahan kaming tumayo.

Siya si Marta?

"Oo, ako nga," biglang sagot ng matanda habang nakatingin sa akin.

Sandali, sa isip ko lang 'yun sinabi ah?

Nababasa niya ba ang isip ko?

"Magpapagamot? Sige, pasok kayo."

Tumalikod siya at dahan-dahang naglakad papunta sa loob ng kubo.

Sumunod naman kami ni Mama, habang naglalakad ay hindi namin mapigilang kabahan at baka'y mayroon na namang kung anong biglang lumabas kung saan at papatayin kami.

Sa loob ng kubo ay mayroong napakaraming bote na may laman na kung ano. Siguro ay iyon ang kanyang ginagamit sa panggagamot.

May ilang sulo sa gilid ng kubo na nagsisilbing liwanag nito at sa kaloob-looban ng kubo ay mayroong mahabang mesa na napapalibutan ng maliliit na kandila.

"May oras pa pala siya para bumili ng kandila," natatawa kong sabi sa isip ko.

"Huwag mo akong hamakin bata, ang kandilang 'yan ay hindi natutunaw at mamamatay lamang iyan kapag namatay na rin ako." Sagot ng matanda habang nakatalikod sa sulok at may hinahalungkat na kung ano.

Tiningnan ko si Mama at nakita kong kumunot ang noo nito. Para bang nagtataka katulad ko.

"Teka tanda, nababasa mo ba ang isip ko?"

"Huwag mo akong tawaging tanda, batang walang galang!" Sigaw niya kaya halos mapaupo ako dahil sa sobrang gulat at pagkatakot. Napahawak naman ng mahigpit si Mama sa akin.

"Tumahimik ka nalang, Wanda!" pag-uutos ni Mama.

Sumenyas ang matanda na umupo raw kami sa gilid ng mahabang mesa kung saan mayroong nakalagay na upuan. Umupo kami ng magkatabi ni Mama at tahimik na pinagmasdan ang matanda habang abala sa paghahalungkat sa kanyang mga gamit.

"Nasaan na ba 'yon? Teka, nandito kaya o baka nandito?" bulong ng matanda.

"Ano po bang hinahanap ninyo?" Tanong ni Mama. Napatigil ang matanda sa kanyang ginagawa at tumingin kay Mama.

"Libro, hinahanap ko ang aking libro," sagot nito.

Nilibot ko ang tingin ko sa paligid hanggang sa napatigil ako nang may mapansin ako sa isang sulok.

"Iyon po ba ang hinahanap ninyo?" Sabay turo ko sa isang lumang libro na nakapatong sa isang maliit na altar.

Agad naman itong tumingin sa itinuro ko.

"Aba'y iyan nga!" Nakangiti niyang wika saka naglakad papalapit sa altar at kinuha ang libro.

"Mag-umpisa na tayo. Ano bang problema? Sino ba ang magpapagamot sa inyong dalawa?" Tanong ng matanda sabay upo at lapag ng libro sa mesa.

Nakaupo siya sa harap namin.

"Ito pong anak ko, nakakakita kasi siya ng kung anong usok." Panimula ni Mama.

Yumuko ako nang titigan ako ng matanda.

"Itim na usok na may nakakatakot na tunog at pumapatay ng tao, iyon ba ang nakikita mo, bata?"

Bigla akong napatingin sa matanda nang banggitin niya ang mga bagay na iyon. Mga bagay na tumugma sa lahat ng kakaiba kong nakikita.

Bakit niya nalaman? Nakikita niya rin ba ang usok?

"Ano pong ibig ninyong sabihin?" nagtatakang tanong ni Mama.

"Walang sakit ang anak ninyo, iyan ang sinisigurado ko," usal niya.

"Pero..."

"Pwede mo ba kaming iwan ng anak mo? Mag-uusap lang kami sandali," dugtong pa ng matanda.

Nag-aalala akong tiningnan ni Mama ngunit nginitian ko lang ito bilang pagpapakita ng pagpayag na iwan niya muna ako sa loob.

Tumango si Mama at tumayo pagkatapos ay dahan-dahan na itong naglakad palabas ng kubo.

Sandaling naging tahimik ang loob ng kubo. Nakayuko ako habang ang matanda naman ay hindi maalis ang tingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit ganun na lamang siya kung makatitig.

"Matagal na kitang hinihintay," saad ng matanda.

Nakakunot noo ko siyang tiningnan.

"Ako po? Hinihintay niyo po ako?" tanong ko sabay turo sa sarili ko.

Tiningnan niya ang libro at hinawakan ito.

"Nakasulat sa librong ito na isang araw ay ipapanganak ang isang kakaibang babae na siyang magliligtas sa buong Elysian. Ang batang ito ay magmumula sa lahi ni Arkhan, ang lalaking naunang tinahasan ng tadhana na maging isang tagapagtanggol ngunit nabigo dahil sa pag-ibig," saysay ng matanda.

Wala akong kahit kaonting naintindihan sa kanyang mga sinabi. Hindi ko alam kung bakit sinasabi niya ito sa akin. At 'yung Arkhan, unang beses ko pa lamang narinig ang pangalang iyon.

"Bakit sinasabi niyo sa akin iyan? Wala po akong maintindihan," pagrereklamo ko.

"Bata, nakatadhana ang ating pagkikita ngayon. Kunin at dalhin mo ang libro na ito at sinisigurado kung ito ang sasagot sa lahat ng mga katanungan mo." Dagdag pa niya sabay abot ng libro sa akin.

Ang daming kakaibang bagay ang nangyari sa akin kaya kung bibigyan ako ng pagkakataong masagot ang lahat ng mga katanungan ko ay hindi ko kailanman ito tatanggihan.

Tinanggap ko ang librong iniabot niya sa akin.

"Dahil tinanggap mo ang librong iyan ay para naring tinanggap mo ang iyong tadhana. Wanda, pagbutihin mo at huwag ka sanang magpapadala sa mga bagay na makakahadlang sa'yo dahil saiyo nakasalalay ang kaligtasan ng lahat. Lakasan mo ang loob mo, bata," wika ni Marta.

Totoo ngang hinihintay niya ako dahil alam niya ang pangalan ko.

"Ngayon, tapos na ang misyon ko." Tumalikod ang matanda at nagsimulang humakbang.

"Ano pong sinasabi ninyo," Tanong ko ulit. Anong ibig niyang sabihin sa sinabi niyang tapos na ang kanyang misyon?

"Bata, alalahanin mo, magsimula ka sa misyon mo na may lakas ng loob. Dahil lakas ng loob ang tanging magdadala sayo sa inaasam mong tagumpay."

Pagkatapos niyang banggitin ang lahat ng iyon ay bigla na lang lumiwanag sa loob ng kubo na para bang liwanag ng isang kidlat kaya napapikit ako. Pagmulat ko ay wala na ang matanda sa harap ko, kahit anong hanap ang gawin ko ay hindi ko na siya nakita.

"Wanda? Anak?" Rinig kong pagtawag ni Mama sa akin mula sa labas ng kubo kaya hinawakan ko ng mahigpit ang libro at naglakad palabas, nakailang hakbang pa lamang ako ngunit nagsimula ng mamatay ang mga kandila.

Tama ang sinabi ng matanda, mamamatay lamang ang kandila kapag namatay na rin siya.

Pagkalabas ko, nakita ko si Mama na bakas sa mukha ang pag-aalala habang nakatayo malapit sa sasakyan namin. Linapitan ko ito at niyakap. Yumakap rin ito pabalik.

"Okay ka lang ba?" Tanong ni Mama. Tumango ako kaya hinalikan niya ako sa ulo.

Sumakay kami sa sasakyan namin at nagsimulang baybayin ang daan pabalik ng bahay. Habang nasa byahe ay tahimik lang kami. Puno ng katanungan ang aking isip, katanungan na kinasasabikan ko nang masagot.

Ilang minuto ang dumaan at dumating na kami sa bahay. Pagkababa ng sasakyan ay kaagad akong tumakbo papunta sa aking silid bitbit ang libro.

Narinig ko pang tinawag ako ni Lola ng mapadaan ako sa kusina ngunit hindi ko ito pinansin.

Nagpatuloy ako sa pagtakbo hanggang makapasok ako sa aking kwarto. Doon ay inilapag ko ang dala kong libro sa mesa at taimtim itong pinagmasdan.

Halatang luma na ang libro dahil may konting punit na ito sa gilid habang puno naman ng alikabok ang harapan nito.

Hays! Ilang taon niya ba itong hindi nilinis?

Bulong ko sa sarili ko sabay tayo para kumuha ng tuwalyang pwedeng ipamunas.

Pagkatapos linisin ang libro ay binuksan ko na ito upang basahin. Sinimulan ko sa unang pahina kung saan may nakasulat na nakadagdag sa kuryusidad ko.

The curse

Tiningnan ko ang sunod na pahina at nalaman kong ang nakasulat dito ay tungkol sa isang puting mangkukulam na kinainggitan ng ibang babae dahil sa kanyang angking kagandahan. Dahil dito kaya pinagplanohan siya ng ilang babae na paalisin sa kanilang bayan at magagawa lamang nila ito kapag may nagawang kasalanan ang puting mangkukulam kaya ipinakalat nilang nagnakaw ang puting mangkukulam ng karne sa palengke at kalaunan ay pinapunta siya sa gubat bilang parusa.

Sandali, ito 'yung ikinuwento ni Lola.

Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa hanggang sa nakarating ako sa gitna.

Nang pumunta ang puting mangkukulam sa gubat upang subukang hanapin ang kakaibang halaman na sinasabi ng mga tao na tumutubo rito ay wala siyang nahanap, sa halip ay inatake siya ng kung ano-anong mababangis na hayop. Naghirap siya kaya isinumpa niya ang lahat ng tao sa kanyang bayan. Nangako siyang paghihigantihan niya ang mga ito at iyon nga ang nangyari.

Ang puti at mabait na mangkukulam ay nagbagong anyo at naging isang itim at nakakatakot na mangkukulam. Pinaghigantihan niya ang lahat ng taong nasa kanilang bayan at pinatay ang mga ito.

Pagkatapos ay kinuha ang lahat ng kanilang kaluluwa at isa-isang isinilid sa garapon at dinala sa kanyang palasyo na matatagpuan sa puso ng gubat, sa Norte. Ngunit bago tuluyang umalis sa bayan ay isinumpa niya ulit ito, na kung sakaling may taong maninirahan ulit sa bayan na iyon ay mabubuhay na may takot at mabubuhay na naaayon sa batas niya at kung sino man ang lalabag ay mamamatay.

Tumigil ako sa pagbabasa at sandaling nag-isip.

Mabubuhay ng may takot at mabubuhay na naaayon sa gusto niya?

Sandali, noong unang araw na nakakita ako ng usok at nabunutan ako ng hibla ng buhok ay iyon rin ang araw na namatay ang kabitbahay namin habang nagwawalis sa kanilang bakuran ng alas sais ng gabi. At 'yung namatay na lalaki sa skwelahan matapos magpalitrato,

Hindi kaya ang sumpa na ibinilin ng mangkukulam ay ang mga pamahiin?

Iyon ay hindi lamang basta isang pamahiin na iniwan ng mga ninuno kundi batas? Batas na ginawa ng itim na mangkukulam?

Tama! Isa iyong batas!

Binuklat ko ang sunod na pahina ng libro saka ipinagpatuloy ang pagbabasa.

Nasusulat sa librong ito na ipapanganak ang unang tagapagtanggol at kung sakaling hindi ito magtatagumpay ay magmumula parin sa kanyang lahi ang susunod na tagapagligtas.

Malalaman kung siya ang tagapagligtas kung siya ay kakaiba at nakakakita ng mga bagay na hindi kadalasang nakikita ng mga normal na tao. Katulad na lamang ng maitim na usok at maliban dito ay mabubunutan siya ng isang hibla ng buhok sa tuwing may namamatay, at titigil lamang ang sumpa sa kanya kung mapapatay niya ang mismong gumawa ng sumpa.

Ito ay upang ipaalala sa kanya na hindi siya ordinaryo at may tadhana siyang dapat sundin. Bilang kapalit ng paglihis niya ng kanyang tadhana ay dahan-dahan siyang manghihina hanggang sa mamamatay.

Upang matalo ang itim na mangkukulam at mailigtas ang bayan ay kailangang maglakbay ng tagapagligtas sa kagubatan at hanapin ang palasyo ng itim na mangkukulam at labanan ito ng buong tapang nang sa ganun ay mailigtas niya ang mga buhay at mapakawalan ang mga kaluluwang ikinulong ng mangkukulam sa loob ng mahabang panahon.

Alam ko na ang sagot tungkol sa itim na usok at sa mga pagpatay na naganap, ngunit may isa pa akong tanong na hanggang ngayon ay hindi parin nasasagot.

Bakit ako?

Ako ba talaga ang tagapagligtas?

Sino si Arkhan? At bakit ako?

"Si Arkhan ang iyong ama, Wanda."

Napalingon ako sa pinto ng kwarto ko nang biglang magsalita si Lola.

"Si Arkan, ay ano?"

"Si Arkhan ay ama mo, apo. Ang ama mo ang unang tagapagligtas ngunit nabigo siya nang makilala niya ang nanay mo," aniya ni Lola.

Ama ko si Arkhan? Kaya pala, kaya pala buong buhay ko ay hindi ko siya nakita?

Naiiyak kong bulong.

Ngayon naiintindihan ko na.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height