+ Add to Library
+ Add to Library

C5

"Wanda, bumaba kana, kakain na tayo!"

Rinig kong sigaw ni Mama mula sa kusina.

Kasalukuyan ako ngayong naglilinis ng mga galos na natamo ko kanina nang matumba kami ni Dion sa rooftop. Pagkatapos naming magpunta sa klinika upang ipagamot ang mga sugat namin ay pinayuhan kami ng nurse na umuwi na lang kahit para sa akin ay hindi naman nakakasagabal ang mga ito dahil konting galos lang naman at hindi malala, ngunit dahil pag-uutos iyon ng nurse kaya sumunod nalang kami at umuwi na lang.

"Pababa na ako, Ma," sagot ko rito.

Napapikit ako sa sobrang hapdi nang dumambi ang cotton na may alcohol sa siko ko. Pagkatapos linisan ay kumuha ako ng malinis na bendahe at itinali ito ng marahan sa galos na kakatapos ko lang linisan.

Ibinalik ko ang first aid kit sa kabinet ng kwarto ko at pagkatapos ay inayos ang sarili at lumabas para maghapunan. Pababa pa lang ako ng hagdanan ay nahagip agad ng mata ko si Jury na nakaupo sa hapagkainan habang nakataas kilay na nakatingin sa akin. Nakahawak ito sa kaniyang cellphone. Siguro ay nagtataka siya kung bakit may bendahe ako sa siko.

Hindi ko ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagbaba hanggang sa makarating ako sa mesa at kaagad ay umupo na rin.

"Anong nangyari diyan sa braso mo?"

Napatingin ako kay Mama nang magtanong ito, pati na rin kay Lola at sa nakataas kilay kong kapatid na siguradong naghihintay na magkamali ako.

"Ah eto? Aksidente kasi akong nadapa sa rooftop." Nag-aalangan kong sabi sabay yuko.

Narinig kong huminga si Mama ng malalim habang si Lola naman ay kaagad akong hinawakan sa kamay upang pakalmahin.

"Ano pa bang aasahan namin sa isang tanga," biglang pagsingit ni Jury.

Nakangisi ito habang nakatingin sa kanyang cellphone ngunit paminsan-minsang ibinabaling ang tingin sa akin. Para bang iniinis ako.

"Jury," pagsasaway ni Lola rito kaya inilapag niya ang kanyang cellphone at nag-umpisa nang kumain.

Nginitian ako ni Lola at senenyasang magpatuloy na sa pagkain kaya sinunod ko nalang ito.

Ilang minuto kaming tahimik, tanging tunog lamang ng kutsara at pinggan ang naririnig namin. Lahat ay tahimik habang kumakain.

Hindi yata kinaya ni Jury ang katahimikan kaya nagpatugtog ito gamit ang kanyang cellphone. Sinasabayan niya ang kanta habang siya'y ngumunguya. Sana lang hindi siya mabulunan.

"Walang respeto," bulong ko sa sarili. Mahigpit si Lola pagdating sa harap ng kainan. Ayaw niyang sinasabayan ng paglaro ang pagkain at naiinis din siya kapag hindi kami nagseryoso sa harap ng hapagkainan kaya sa ginagawa ni Jury ngayon, siguradong makakatikim siya.

"Jury, patayin mo 'yan," pag-utos ni Lola. Hindi ito sumagot sa halip ay nagpakunwari itong hindi narinig ang sinabi ni Lola at nagpatuloy lang sa mahinang pagkanta sabay subo ng pagkain.

"Ikaw bata ka! Sinabi kong itigil mo 'yang pagkanta mo!" Sigaw ni Lola rito sabay hampas ng kanyang palad sa ibabaw ng mesa.

Nagulat si Jury sa biglang pagsigaw ni Lola pati kami ni Mama ay napalundag sa aming mga upuan. Lahat kami ay napatigil sa pagkain at sabay na napatingin sa galit na matanda.

"Ma?" tanong ni Mama kay Lola.

"Alam mo ba na ang pagkanta sa hapagkainan habang kumakain ay pagtawag sa mga masasamang espirito?!" pasinghal ang pagkakasabi nito kay Jury.

"Anong pinagsasasabi niyo?" nakakunot noo namang sagot ni Jury. Bakas sa mukha nito ang pagkairita.

Palipat-lipat lamang ang tingin ko kay Lola at kay Jury. Nakikiramdam kung ano ang susunod na mangyayari.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na sumunod kayo sa mga pamahiin!" singhal ulit ni Lola. Galit na galit ito at parang maiiyak pa.

"Pamahiin iyon, Lola?" gulat at nababahala kong tanong rito.

"Oo," maikli niya lamang sagot sa akin. Huminga siya ng malalim para pakalmahin ang sarili.

Tiningnan ko si Jury at nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa amin ni Lola. Para bang naiinis siya sa amin.

"Tsk!" Pabagsak na inilapag ni Jury ang hawak niyang kutsara at agad na dinampot ang kanyang cellphone, "Nawalan na ako ng ganang kumain! Kayo nalang ang kumain at kainin niyo na rin pati 'yang mga walang kwentang pinapaniwalaan ninyo! Pare-parehas kayo!" Matigas niyang wika saka padabog na tumayo at naglakad papunta sa kanyang kwarto.

Hindi ako makapaniwala sa inasal ni Jury. Ano bang nangyayari sa kanya at bakit pati si Lola ay hindi rin niya nirerespeto?

"Jury! Bumalik ka nga rito! Jury!" Sigaw ni Mama sa kanya ngunit hindi man lang ito lumingon.

Sinabi ni Lola kay Mama na hayaan na lang si Jury kaya nagpatuloy na lamang kami sa pagkain.

Habang kumakain ay hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Lola kanina.

Pamahiin? Ang pagkanta sa harap ng pagkain sa ilalim ng gabi ay isang pamahiin at nilabag iyon ni Jury?

Napatayo ako sa upuan ko matapos may mapagtanto. Nagulat sina Mama at Lola kaya agad ang mga itong nagtanong.

"Anong nangyari sayo?" tanong ni Mama.

"Ayos ka lang ba apo?" dugtong naman ni Lola.

"Kailangan ko lang kausapin si Jury." Maikli kong sagot saka mabilis na naglakad papunta sa kwarto ni Jury.

Hindi maaari! Kailangan ko siyang iligtas.

Nang makarating sa harap ng kanyang kwarto ay dahan-dahan ko itong kinatok at agad rin akong nakarinig ng tila ba pabagsak na mga yabag papalapit sa pinto.

Ilang segundo pa ay bumukas na ito.

"Ano?!" Pasinghal niyang wika sabay taas ng kanyang kilay.

Bigla tuloy akong nag-alangan. Bakit ba kasi may ganito akong kapatid? Pwede namang wala nalang kung ganito rin lang naman, diba?

"Ano kasi, gusto lang kitang makausap," batid sa boses ko ang kaba.

Marahan itong tumawa, "Kakausapin mo ako? Para saan naman?"

Ngumisi ito at tumalikod pagkatapos ay naglakad papalapit sa kanyang kama.

Sasabihin ko talagang ang galing niyang mang-inis. Ang marahang ngiting iyon na tila ba nang-iinsulto ang kanyang bala at aaminin kong epektibo 'yun dahil sa tuwing ginagamit niya iyon kontra sa akin ay talagang naiinis ako at naiisip kong sana'y hindi ko nalang siya naging kapatid.

Dahan-dahan akong pumasok sa kanyang kwarto at pagkatapos ay isinara ang pinto. Nakaupo siya sa kanyang kama at nakatingin sa akin habang ako ay nakatayo malapit sa pinto.

"Nabanggit kasi ni Lola kanina 'yung tungkol sa pamahiin," panimula ko.

Kung kanina ay nakangisi pa lamang ito ngayon ay tumawa na siya. Isang malakas na tawa ang kanyang pinakawalan.

"Nagpunta ka rito para lang kausapin ako tungkol sa mga walang kwentang pamahiin? hahaha!" Tumawa ito ng malakas habang nakahawak ang mga kamay sa tiyan.

"Jury kasi, may nilabag kang pamahiin."

Huminto ito sa pagtawa at tiningnan ako ng masama. Sobrang nakakatakot ang tingin niya na kahit ako ay napayuko sa takot.

Naramdaman kong dahan-dahan siyang tumayo at nagsimulang humakbang papalapit sa akin. Ipinagtagpo ko ang dalawang palad ko sa takot.

"Ano naman ngayon kung may nilabag ako? Ipapakulong mo ako? Sa tingin mo huhulihin ako ng pulis dahil lang sa paglabag ng mga pamahiin?!"

Pagkatapos niyang magsalita ay bigla na lamang niya akong itinulak kaya nagulat ako at napasalampak sa sahig.

"Jury hindi ganun 'yun. Ang mga pamahiin ay hindi gawa ng ordinaryong tao gawa ito ng isang witch kaya hindi pagkakakulong ang magiging kapalit kundi kamatayan," paliwanang ko sa kanya.

Bakas sa boses ko ang panginginig ngunit pinilit kong ipaintindi sa kanya ang mga nangyayari, na hindi simpleng batas ang kanyang nilabag.

Sa ikalawang pagkakataon ay tumawang muli ito.

"Nasisiraan ka na ba ng bait? Una, mga pamahiin tapos ngayon witch? Gusto mo akong maniwala sa witch na pinaniniwalaan mo? Seryoso ka ba, Wanda?!"

Tumawa ito habang bahagyang dinuduro ng daliri ang balikat ko.

"Jury, totoo ang mga sinabi ko! Gusto lang naman kitang iligtas, bakit ba ang sama ng ugali mo? Bakit ba galit ka sa akin?!" naiiyak kong wika.

Mukhang nagulat pa ito dahil sa mga sinabi ko ngunit agad rin niyang ibinalik ang masamang tingin sa akin.

"Nagtatanong ka kung bakit galit ako sayo?! Galit ako sa'yo dahil mahina ka! Galit ako sa'yo dahil weirdo ka! Alam mo ba 'yun, ha!"

Kinuwelyuhan niya ako at hinila palabas ng terrace pagkatapos ay isinandal niya ako sa bakal na harang.

"Jury, anong gagawin mo? Jury, maawa ka huwag mong gawin sa akin 'to!." Pagmamakawa ko habang umiiyak at tinitingnan ang mataas na agwat ng lupa mula sa terrace na kinaroroonan namin.

"Galit ako sa'yo dahil nasa sa'yo lahat ng atensiyon nila! Si Mama, si Lola, pati na noong buhay pa si Papa! Lahat sila ikaw ang gusto, ikaw ang inaalagaan! Bakit ba, ha? Isa ka lang namang hamak na weirdo kaya dapat ka ng mamatay!" mariin niyang saysay.

Nanlilisik at namumula ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. Pinilit kong magpumiglas para makaalis sa kanya ngunit masyado siyang malakas. Mas diniinan niya pa ang pagsandal sa akin kaya napaliyad ako. Alam kong konting tulak na lang ay mahuhulog na ako.

Mas lalo akong naiyak habang nakahawak sa kanyang kamay.

"Jury, maawa ka, huwag mong gawin sa akin 'to. Pasensiya na kung nasaktan ka dahil sa akin, hindi ko alam na ganun pala ang nararamdaman mo. Please!"

At doon ay humagulgol ako ng iyak. Sobrang kinakabahan ako at nasasaktan.

Habang pilit na kumakawala mula kay Jury ay bigla na lang umihip ang isang malamig na hangin. Sumulyap ako sa bandang norte at doon ay nakita ko na naman ang itim na usok. Alam kong papunta ito sa amin at sigurado akong si Jury ang punterya niya.

"Jury please, wala nang oras! Bitiwan mo ako para mahanapan ko ng paraan kung paano ka iligtas. Jury maniwala ka please, papatayin ka nila!" Malakas kong saysay ngunit hindi parin nagbago ang ekspresiyon ng kaniyang mukha.

Palapit na ng palapit ang usok kaya mas pinagsikapan kong makawala kay Jury ngunit konti na lang ang lakas ko.

Biglang bumukas ang pinto ng kwarto ni Jury at nakita kong pumasok si Mama at kasunod niya si Lola. Gulat na gulat ang dalawa nang makita ang sitwasyon namin ni Jury kaya dahan-dahan silang lumapit hanggang sa pinto ng terrace para subukang pakalmahin ang galit na galit kong kapatid.

"Jury anak, kapatid mo si Wanda, please itigil mo na 'to. Kumalma ka," mahinang saysay ni Mama ngunit may halong panginginig sa kanyang boses.

"Ako, mamamatay?" Tumawa siya ng nakakaloko, "Ikaw ang mamamatay ngayon at hindi ako! Mamatay kana!" Sigaw niya sabay tulak ng malakas sa akin.

Dahil sa sobrang pagkabigla ay aksidente kong nahawakan ang damit ni Jury kaya nahila ko ito. Kasabay ng aksidenteng paghila ko sa kanya ay sya naman ang pagsunggab ng usok sa kanya kaya nawalan ito ng balanse at nahulog rin.

Sobrang bilis ng pangyayaring iyon kaya nang maramdaman ko ang malakas na pagtulak ni Jury ay kaagad akong napapikit. Para bang sa oras na nakaalis ang paa ko sa sahig ay siya rin ang biglang pakawala ng sinag ng aking pag-asa.

Tila ba bumagal ang pagtakbo ng oras. Naging slowmo ang lahat. Rinig na rinig ko ang pagsigaw ni Lola at Mama. Sinisigaw nilang dalawa ang pangalan ni Jury, ang pangalan ng kuya ko.

Sa oras na iyon habang nakapikit ay bahagya akong natawa.

Sinungaling ka kuya, sabi mo lahat ng atensiyon nila nasa sa akin ngunit bakit pangalan mo ang sinisigaw nila?

Bulong ko sa sarili. Kasabay ng pagbagsak ng luha mula sa aking mga mata ay siya rin ang paglabas ng salitang patawad mula sa aking mga labi.

Kuya, patawad.

___________

Mabilis kong minulat ang aking mga mata matapos kong maramdaman ang kamay na biglang humawak sa akin.

"Ma?!"

"Wanda kumapit ka! Kumapit ka anak!" Saysay niya habang humahagulgol ng iyak.

Nakabitin ako sa labas ng terrace namin habang hawak-hawak ni Mama ang isang kamay ko.

Dahan-dahan niya akong hinila pataas at nakita kong tumulong na rin si Lola sa paghila hanggang sa tuluyan na akong makaakyat.

Iniligtas ako ni Mama pero, pero si Jury?!

Mabilis akong dumungaw sa ilalim ng terrace at tumambad sa akin ang katawan ni Jury na nakahandusay sa ibaba habang napapalibutan ng dugo.

"Hindi! Hindi maaari! Jury! Juryyyyyy!" Sumigaw ako ng malakas, nagbabakasalaking marinig ni Jury at gumalaw siya ngunit halatang patay na ito.

Nag-umpisa na ring humagulgol sina Mama at Lola.

"Ma, Si Jury! Si Jury, Ma! Juryyyy! Kuyaaa!" Sigaw ako ng sigaw habang dumudungaw sa terrace.

Hanggang sa mapaupo ako nang maramdaman ko ang pwersang lumabas mula sa aking katawan, kasabay nito ang pagkahulog ng isang hibla ng buhok ko.

Nahagip ng mata ko ang itim na usok na umiihip papalayo, pabalik sa norte dala ang kaluluwa ni Jury kaya dali-dali kong pinunasan ang aking mga luha at pagkatapos ay mabilis na tumakbo palabas ng bahay para habulin ang usok.

Hindi ko alam kung bakit hinahabol ko ang usok. Siguro ay para pakawalan ang kaluluwa ng aking kapatid at hindi tuluyang makulong sa palasyo ng itim na mangkukulam.

Tumakbo ako nang tumakbo. Napansin ko na ang sakit at pagkalungkot na naramdaman ko kanina ay napalitan ng galit. Batid kong bakas sa aking mga mata ang nagliliyab na apoy.

Malapit na akong makarating sa kagubatan sa Norte. At sa sobrang layo ng pagtakbong iyon kahit konting pagod ay wala akong naramdaman.

Madilim ngunit maliwanag ang buwan kaya ito ang nagsilbi kong ilaw. Manaka-nakang bahay na lamang ang aking nadadaanan at iyon ang senyales na malapit na akong makarating sa paa ng nakakatakot na gubat.

Huminto ako sa pagtakbo nang makarating sa paa ng gubat. Nakikita ko ilang metro mula sa aking kinatatayuan ang mga naglalakihang mga kahoy at rinig na rinig ko rin mula sa loob ng gubat ang sari-sari at nakakatakot na tunog na likha ng mababangis na mga hayop.

Talagang nakakatakot at napakasama ng gubat na ito.

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa mga malalaking punong kahoy at doon ay may napansin akong isang malaking butas. Natatakpan ito ng mga halaman ngunit kong titingnan mo ito sa malapitan ay makikita mong isa itong bilog na butas.

Hinawi ko ang mga nakatakip na mga halaman at doon ko napagtantong isa iyong kuweba.

Kuweba? Ito kaya ang daan para makapasok sa gubat?

Bulong ko sa aking sarili.

Maglalakad na sana ako papasok sa loob ng kweba nang may biglang kumaluskos sa likuran ko kaya mabilis ko itong nilingon.

"Sino 'yan?"

"Wanda, ako 'to! Si Dion."

"Dion?" nagtataka kong tanong.

Humihingal ito at halatang galing sa mahabang pagtakbo.

"Anong ginagawa mo rito? Bakit nalaman mong nandito ako?" lubos na pagtataka kong tanong.

Naglakad ako palabas ng kweba at bahagyang lumapit sa kanya.

"Nakita kasi kitang tumatakbo kanina habang pauwi ako sa bahay kaya sinundan kita. Anong ginagawa mo rito?" bakas sa kanyang mukha ang pagtataka.

Tinitigan ko siya saka sandaling nag-isip.

Hindi ako pwedeng pumasok ngayon sa kweba dahil sigurado akong sasama si Dion at baka'y mapapahamak siya sa gagawin ko.

"Teka, kuweba ba 'iyan?" Tanong niya saka naglakad papalapit sa bunganga ng kuweba.

"Huwag kang papasok!" Sigaw ko na ikinagulat ni Dion, "Masyadong mapanganib" dugtong ko.

Nagkibit-balikat na lamang ito pagkatapos ay ibinaling muli ang atensyon sa akin.

"Ayos ka lang ba?"

Bigla kong naalala si Jury.

Kailangan kong bumalik sa bahay.

"Umuwi na tayo." Saysay ko saka nagmadaling naglakad pabalik.

Sumunod naman si Dion.

Report
Share
Comments
|
Setting
Background
Font
18
Nunito
Merriweather
Libre Baskerville
Gentium Book Basic
Roboto
Rubik
Nunito
Page with
1000
Line-Height