C6
Ilang metro pa lamang ang layo namin mula sa bahay ngunit tanaw ko na ang napakaraming taong nakapaligid dito. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman.
Sakay kami ngayon ng kotse ni Dion. Kasalukuyan kasi siyang nagmamaneho kanina pauwi sa kanilang bahay nang makita niya akong tumatakbo kaya sinundan niya ako at ipinarada ang kotse sa dulo ng simentong daan at tumakbo na lamang para sundan ako dahil masyado ng masukal ang daan papasok sa paa ng gubat.
"Ipara mo diyan." Pag-utos ko kay Dion sabay turo sa aming bahay.
Kaagad niya naman akong sinunod at nang huminto ang kotse ay mabilis akong bumaba at tumakbo papasok sa loob ng bahay.
"Ma?"
Inilibot ko ang aking tingin sa aming sala para hanapin si Mama. Napansin ko kaseng wala na ang katawan ni Jury sa labas ng bahay ng pumasok ako.
"Apo,"
Napalingon ako sa sofa sa bandang sulok ng bahay nang may magsalita.
"Lola?"
Parang mas lalong kinurot 'yung puso ko nang makita si Lola na nakaupo sa sofa habang nanginginig na nakahawak sa kanyang tungkod. Takot na takot ito habang umiiyak.
Patakbo ko siyang nilapitan at niyakap.
"Lola, patawad po. Si Jury, ako ang may kasalanan kung bakit namatay siya. Lola, si Jury. Wala na si Jury, Lola."
Humagulgol ako ng iyak ganun rin si Lola.
Namatay si Jury ng hindi man lang ako nakahingi ng tawad. Sana pala pinahalagahan ko nalang 'yung mga araw na nandiyan pa siya. Sana pala hindi ko nalang siya iniwasan kahit pa iniinis niya ako.
Ngayon wala na siya. Kasalanan ko 'tong lahat! Kung hindi dahil sa akin buhay pa sana si Jury ngayon. Lumaki sana siyang mabait at puno ng pagmamahal. Hindi sana siya nakaramdam ng sama ng loob.
Humiwalay si Lola sa pagkakayakap sa akin kaya humiwalay na rin ako. Pinunasan niya ang mga luha niya habang ako naman ay yumuko at pinipigilan ang paghikbi.
Iyak lang kami ng iyak sa loob ng ilang minuto ni Lola. Walang gustong magsalita, kahit ako ay hindi magawang magsalita. Para bang bigla na lamang huminto ang utak ko sa paggana dahil sa sobrang sakit.
Nabanggit ni Lola kanina na dinala ng mga pulis ang bangkay ni Jury sa punerarya at sinamahan ito ni Mama kaya wala siya rito nang dumating ako.
"Wanda,"
Malungkot akong napatingin sa pinto nang marinig ang boses ni Dion.
Akala ko ba umalis na siya?
"Pasensya na kong naabala kita. Pwede ka ng umuwi. Salamat sa paghatid," saysay ko gamit ang paos kong boses.
"Wanda, kung ano man ang nangyari, lagi mong iisipin na lahat ng nangyayari ay may rason. Hindi mo iyon kasalanan. Magiging okay rin ang lahat," seryoso niyang wika.
Hindi ako sumagot sa halip ay yumuko lang ako at mas lalo pang linakasan ang pag-iyak.
Kasalanan ko iyon Dion. Kasalanan ko kung bakit ito nangyayari.
Naramdaman ko ang pagsara ng pinto. Siguro ay umalis na siya.
Nagpatuloy ang katahimikan sa aming bahay habang patuloy ang paglalim ng gabi at pagdaan ng oras.
Kapag nawalan ka ng isang mahal sa buhay, ang lahat ng nasa paligid mo ay mawawalan ng saysay. Hindi mo mamamalayan ang pagdaan ng oras dahil ang tanging maiisip mo lang ay ang katotohanang nawalan ka, nawalan ka ng mahal sa buhay.
Dumating ang umaga at sumikat ang isang napakasinag na araw ngunit ano nga bang saysay nun kung nilalamon kami ng kalungkutan. Kalungkutan na maikukumpara sa isang dilim na sinasakop ang natitirang liwanag sa amin.
Lumapit si Lola sa akin nang may namamagang talukap ng mata katulad ko. Hinawakan niya ng maghigpit ang mga kamay ko at tinitigan ako sa mata.
"Wanda, alam kong masakit. Masakit dahil hindi natin nagawang iligtas si Jury. Hindi natin napigilan ang kanyang tadhana. Pero apo, kung hindi mo napigilan ang kanyang tadhana, pwede mong pigilan ang kanyang paghihirap," saysay ni Lola.
Kumunot ang noo ko. Hindi ko mawari kung ano ang ipinapahiwatig ni Lola sa kanyang sinabi.
"Ano pong ibig ninyong sabihin?"
"Apo, iligtas mo ang kaluluwa ng iyong kapatid. Huwag mong hayaang habang buhay itong ikulong ng itim na mangkukulam sa kanyang palasyo. Apo, para sa kapatid mo, gawin mo ang iyong misyon at ipanalo ito," buong tapang na wika ni Lola.
Tama si Lola. Wala ng rason pa para magpakaduwag ako. Hindi ko na kakayanin pa kapag may nawala pang isang mahal ko sa buhay. Ito ang aking tadhana at dapat ko itong sundin, ililigtas ko ang lahat ng kaluluwang pinahirapan ng masamang bruhang iyon at doon sa kanyang palasyo ipaparamdam ko sa kanya ang sakit na naramdaman ng mga taong nawalan.
_________
Naglalakad ako sa pasilyo ng paaralan nang salubungin ako ni Mica. Malungkot ang mukha nito, siguro ay nabalitaan na niya ang nangyari.
"Wanda, ayos ka lang?" Pag-aalala niyang tanong sabay hawak sa isa kong kamay.
Umiling-iling ako at nagpatuloy na sa paglalakad.
"Hay! Kawawa ka naman," dugtong niya habang nakasunod sa akin.
Pumasok ako ngayon hindi dahil mag-aral kundi dahil magpaalam kay Mica. Kailangan kong ipaalam sa kanya ang plano kong hindi pagpasok sa loob ng ilang araw para matakpan niya ako kung sakaling magtanong ang aming mga guro.
Dinala ko si Mica sa kantina at doon sa loob sa bandang sulok ay sinimulan ko ang pagpapaliwanag sa kanya.
"Ano? Hindi ka papasok?" tanong niya.
"Mica, makinig ka. Liliban ako sa klase ng ilang araw o baka abutin ng ilang linggo. Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik o baka'y hindi na talaga." Kinuyom ko ang mga kamay ko.
"Ano?! Anong hindi babalik? Saan ka ba kasi pupunta?" Halatang naguguluhan ito sa mga pinagsasasabi ko ngunit hindi ko pwedeng sabihin sa kanya ang buong detalye.
"Basta may pupuntahan akong importante at kapag nagtanong 'yung mga guro natin tungkol sa akin ikaw na ang bahalang magpaliwanag basta huwag mong sasabihin ang totoo. Maghanap ka ng rason, kahit ano," saysay ko.
"Kinakabahan ako sayo e, babalik ka ba?"
"Babalik ako. Pipilitin ko, para sa inyo."
Huminga ito ng malalim ngunit kalaunan ay tumango rin. Ngumiti ako at hinawakan siya sa kamay.
"Sinong aalis?"
Sabay kaming napalingon ni Mica nang biglang sumulpot si Dion sa likuran namin. Nakangiti ito sabay upo sa isang bakanteng upuan sa harap naming dalawa.
Magsisinungaling pa sana ako ngunit naisip ko na hindi iyon paniniwalaan ni Dion sapagka't nakita ng dalawang mata niya ang kuwebang iyon at sigurado akong alam niyang doon ako pupunta.
Sinenyasan ko si Mica na umalis na at nakuha naman nito agad ang ibig kong ipahiwatig. Dinampot niya ang kanyang bag at tumayo saka gumawa ng ilang hakbang palayo sa amin.
"Sandali," pagpigil ko sa kanya. "Kung sakaling, kung sakaling hindi ako makabalik, ipangako mong aalagaan mo si Mama at Lola," dugtong ko.
Ngumiti ito.
"Pinapangako ko." Saad niya saka tuluyan ng naglakad palayo.
"Saan ka ba kasi pupunta?" tanong ni Dion habang nakakunot ang noo.
"Pupunta ako sa puso ng gubat, sa Norte," panimula ko.
"Sa gubat sa Norte? Sobrang mapanganib ang gubat na iyon, bakit ka pupunta roon?" nagtataka niyang tanong.
"Kailangan kong talunin ang itim na bruha para mailigtas ang sarili ko at ang iba. Kailangan ko rin sagipin ang lahat ng kaluluwang nandoon," saysay ko.
Kumunot ang noo nito at halatang naguguluhan.
"Itim na bruha? Kaluluwa? Anong ibig mong sabihin?"
"Wala na akong oras para ipaliwanag pa sa'yo, Dion." Dinampot ko ang bag ko para sana umalis na ngunit bigla akong pinigilan ni Dion.
"Kung ganun sasama ako!" buong tapang niyang wika.
"Sasama? Hindi ka pwedeng sumama."
"Hindi ko hahayaang pupunta ka doon mag-isa. Sasama ako, sasamahan kita sa ayaw at sa gusto mo," tumayo na rin siya.
Sa tono ng pananalita niya alam kong kahit hindi ako papayag ay sasama parin siya at siguradong susundan niya ako kapag tatakasan ko siya kaya wala akong magagawa kundi ang isama siya.
"Sige, pumunta ka bukas ng umaga sa bahay at siguraduhin mong handa ka sa paglalakbay na ito," saysay ko sa kanya.
Tumayo ako at agad na dinampot ang aking bag pagkatapos ay mabilis na naglakad palayo.
Kasalukuyan pang ibinuburol si Jury ngayon kaya kailangan ako ni Mama sa bahay at kailangan ko na ring ihanda ang sarili ko para sa isang walang kasiguraduhang paglalakbay bukas.
_________
"Apo mag-iingat ka," wika ni Lola. Nakaupo siya sa kama ko habang ako naman ay abala sa pag eempake ng mga gamit, pagkain at mga bagay na posibleng makakatulong sa paglalakbay namin ni Dion.
"Huwag po kayong mag-alala, Lola." Sagot ko sabay pasok ng isang mahabang lubid sa bag.
"Kayo po ni Mama 'yung dapat mag-iingat Lola." Dugtong ko. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. "Lola, huwag na huwag kayong lalabag sa mga pamahiin at kung sakaling, kung sakaling hindi ako makakabalik pumunta kayo ni Mama sa bahay ng albolaryong si Marta at baka'y magpapakita siya sa inyo at tutulungan niya kayo."
Tumango si Lola at ngumiti kaya napanatag ako.
Tiningnan ko ang orasan sa kwarto ko at nakita kong ilang minuto na lang ay mag aalas syete na ng umaga at ilang segundo simula ngayon ay darating na si Dion, kung talagang sasama siya sa akin.
Inihanda ko na ang lahat pagkatapos ay nagsuot ako ng t-shirt at sinapawan ng black leather jacket, pants at bota.
"Apo, nandiyan na yata ang kasama mo," saysay ni Lola habang nakatanaw sa labas ng bintana. Dali-dali kong dinampot ang mga dadalhin ko pagkatapos ay lumapit kay Lola at hinalikan ito.
"Mag-iingat ka. Kahit anong mangyari huwag na huwag mong walain ang kuwintas na ibinigay ko sa'yo," pagpapaalala ni Lola sa akin.
Bigla kong naalala ang kuwintas na ibinigay ni Lola. Suot-suot ko ito ngayon. Nalito ako sa sinabi ni Lola pero wala na akong panahon pa para magtanong sa kanya tungkol sa kuwintas.
"Alis na ako Lola."
Pagkatapos magpaalam ay agad akong bumaba ng hagdanan at naabutan ko si Mama sa sala habang nakaupo at nakatulala. Nakaharap siya sa burol ni Jury. May ilan-ilan ring mga taong nandoon upang makiramay.
"Ma?" pagtawag ko sa atensyon niya.
"Saan ka pupunta?"
"Ipapaliwanag ni Lola sa iyo ang lahat, Ma, sa ngayon hayaan po ninyo akong umalis at ipangako mong mag-iingat kayo ni Lola rito."
Nalilito man ngunit tumango na rin ito. Niyakap niya ako kaya niyakap ko rin siya pabalik.
"Mag-iingat ka," bulong ni Mama. Tumango lang ako.
Pagkatapos magpaalam kay Mama ay lumapit naman ako kay Jury.
Ang bait ng mukha mo ngayon kuya. Aalis ako ngayon, pero huwag kang mag-alala gagawin ko ito para sa'yo at sa lahat. Sana magtagumpay ako para matahimik na tayong lahat. Kuya namimiss na kita. Mahal kita, paalam.
Konti na lang ay maiiyak na ako kaya kaagad akong tumalikod at nagmadaling lumabas ng bahay. Pagkalabas ko nakita ko si Dion na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan. Nakangiti ito habang nakatingin sa akin.
"Handa ka ng mamatay?" Pagbibiro ko rito habang papasok sa kanyang kotse.
Ngumisi lang ito.
Iba ang nagmamaneho ngayon dahil balak naming magpahatid lang hanggang sa dulo ng simentong daan at maglalakad nalang papasok sa paa ng gubat.
Ilang minuto ang iginugol namin bago kami nakarating sa dulo ng simentong daan. Pagkababa namin ay agad nagpaalam si Dion sa kanyang driver pagkatapos ay nagsimula na kaming maglakad hanggang makarating sa bunganga ng kuweba.
"Handa ka na ba?"
Nakatayo kami ngayon sa kuwebang tinatawag nilang Ulaz Mortem Hollow. Hindi ko alam kung bakit iyon ang ipinangalan sa kwebang ito at kung ano man ang kahulugan ng pangalang iyon ay wala na kaming pakialam.
Inilabas ni Dion ang kanyang dalang flashlight at ganun rin ako pagkatapos ay nagsimula na kaming maglakad papasok.
Nakailang hakbang pa lamang kami ngunit kaagad na kaming sinalubong ng napakaraming paniki dahilan upang mapaupo kami ni Dion.
"Ayos ka lang ba, Wanda?" tanong niya sa akin.
Ako pa talaga ang tinanong niya e paglalakbay ko 'to!
Bulong ko. Tumayo ako sabay pagpag sa suot kong damit.
"Ayos lang ako, ikaw?"
"Hindi naman ako nasugatan, pero nataihan, Oo. Hays!" pagrereklamo niya habang diring-diri sa sarili.
Mga mayayaman nga naman. Ang aarte!
Hindi ko nalang siya pinansin at nagpatuloy na lang ako sa paglalakad sa loob hanggang tumitingin-tingin sa paligid.
Ang daming matutulis na bato sa gilid, isang pagkakamali lang ay siguradong babawian ka ng buhay. Maririnig rin ang paminsan-minsang pagpatak ng butil ng tubig mula sa itaas.
"Bakit mo ako sinamahan?" Tanong ko kay Dion habang hinihimas ang mga kumikintab na bato sa gilid na nagsilbing bubong ng kuweba.
"Ikaw, bakit mo ako pinayagang sumama?"
Namimilosopo ba siya o talagang wala lang siyang respeto? Ako 'yung naunang magtanong ah!
"Wala akong naaalalang sinabi ko sa iyong oo."
"Sinabi mong pupunta ako sa bahay mo kaya parang oo na rin iyon," kalmado niyang sagot.
Ewan ko sayo! Bahala ka!