C7
"Naka ilang liko na ba tayo?"
"Hindi ako sigurado, pero sa tingin ko pang limang liko na natin 'to," sagot ko kay Dion.
Hindi ko alam kung gaano ka haba ang kuwebang ito para abutan kami ng ilang oras sa loob. Hindi ko rin malaman kung dere-deretso ba ang paglalakad namin o bumabalik lang kami sa kung saan kami nagsimula kanina dahil sa sobrang dilim at sa daming pasikot-sikot.
Tahimik lang ako pero itong si Dion hindi na natahimik kakasigaw at kakareklamo. Ang dami raw kasing maliliit na insekto at kulang na lang mangisay siya sa katatalon at kasisigaw. Natanong ko tuloy sa sarili ko kung lalaki ba talaga siya.
"Pagod ka na ba?" tanong niya ulit.
"Bakit ikaw?"
"Ayos lang naman ako pero kasi ikaw 'yung inaalala ko, babae ka tapos payat pa." Halos hindi niya matapos ang sasabihin niya dahil sa sunod-sunod na paghinga.
"Talaga lang ah? Ako pa ngayon ang pagod e ikaw nga itong halos hindi na makahinga," pamimilosopo ko rito.
Inirapan ko ito kahit alam kung hindi niya ito makikita dahil sa sobrang dilim. Narinig ko ang mahinang pagtawa niya na tila ba nahihiya.
"Oo na, magpahinga muna tayo." Wika ko sabay upo at sandal sa gilid.
Kaagad rin itong umupo matapos marinig ang sinabi ko at hindi ko mapigilang matawa nang mapansin ang malalim niyang paghinga.
"Bakit ka pa kasi sumama? Halata namang hindi ka sanay sa mga ganito."
"Buong buhay ko nasa bahay lang ako. Nakakalabas lang ako kapag nagbabakasyon kami ng buo kong pamilya at kapag niyayaya ako ng mga kaibigan kong mag bar," may halong lungkot sa tono ng kanyang boses.
"Bakit hindi ka lumalabas?" Tanong ko rito.
Kadalasan kasi sa mga mayayaman halos hindi na umuuwi ng bahay dahil laging namamasyal kasama ang mga kaibigan.
"Abogado kasi si Papa at kilalang negosyante naman si Mama. Si Papa laging nakakatanggap ng banta galing sa mga taong nakalaban at natalo niya sa korte habang si Mama naman marami ring galit sa kanya, kadalasan sa kanila mga kakompetensya niya sa negosyo," malungkot niyang saysay.
"Ibig sabihin hindi ka makakalabas ng ikaw lang dahil sa mga banta sa mga magulang mo?" hindi makapaniwala kong tanong sa kanya.
Ngayon ko lang nalaman na hindi naman pala masaya ang maging mayaman. Hindi lahat ng mayaman nagagawa ang gusto.
"Iyon na nga."
Tumayo siya at naglakad ng ilang hakbang papunta sa unahan habang ako ay nananatili paring nakaupo.
Naisip kong maswerte parin ako kahit mahirap lang kami dahil nagagawa naming matulog ng mahimbing sa gabi at hindi kami kinakabahan kapag nasa labas kami dahil wala namang galit sa amin. Aanhin mo 'yung maraming pera kung hindi ka naman makakalabas ng bahay na ikaw lang, at aanhin mo 'yung kayamanan kung sa bawat paglakad mo ay lumilingon ka sa likod mo para siguraduhing walang nakasunod sa iyong kalaban.
Napangiti ako sa gitna ng pag-iisip.
Sa tingin ko hindi naman pala masyadong malas 'yung buhay ko. Naghihirap man kami ngayon pero nagpapasalamat parin ako dahil nabigyan ako ng pagkakataong iligtas ang pamilya ko
"Wanda, halika rito. Tingnan mo 'to." Napatingin ako sa kinaroroonan ni Dion nang tawagin niya ako.
Tumayo ako at nagmadaling lumapit sa kanya. Halata sa kanyang mukha ang pagkagulat dahil sa nakita.
"Ano ang mga halaman na 'yan?" nagtataka kong tanong matapos makita ang naglalakihang halaman sa unahan namin.
Nasa limang halaman silang lahat, kulay berde at sa tingin ko ang laki nila ay katumbas ng tatlong taong pinagsama. Pabilog ang porma at may malaking parang bunganga ngunit nakatikom ito.
Sa taas ng kuweba ay mayroong isang katamtamang laking butas na nagsisilbing daanan ng sinag ng araw na tumatama sa mga halaman. Kaya maliwanag ang parteng iyon.
"Nakapagtataka naman, nagkataon lang ba na nagkabutas diyan o talagang may nagsadyang butasan 'yan para mabuhay ang mga halamang ito?" pagtatanong ko kay Dion.
"Hindi ko alam. Sa tingin ko nagkataon lang na may butas diyan," kalmadong sagot naman nito.
Inilibot ko ang tingin ko sa paligid at wala akong ibang nakitang butas na pwedeng daanan maliban doon sa butas na nasa unahan ng mga halaman.
"Iyon 'yung daan oh," Sabay turo ko sa butas. "Tara! Hindi naman siguro nang-aano 'yan."
Tumango si Dion kaya nagpatuloy na kami sa paglalakad. Binilisan ko ang paghakbang kaya nauna ako kay Dion habang siya ay dahan-dahan lang dahil pinagmamasdan pa nito ang ibabaw ng butas.
Linagpasan ko ang dalawang puno ng halaman at napahinto ako sa pangatlo matapos makita ang isang grupo ng kulay itim na kabute.
Kakaiba ang kabuteng ito! Ngayon pa lamang ako nakakita ng ganito katingkad na kulay itim na kabute. Napakaganda!
Sabi ko sa isip ko sabay bunot ng isa. Nakangiti ko itong tinitigan ngunit napahinto ako nang may marinig akong malalakas na paggalaw.
"Wanda?" mahina na may halong pagpapaalala na sambit ni Dion mula sa aking likuran.
Kinabahan ako kaya dahan-dahan akong lumingon habang hawak parin ang isang kabute.
Nakita ko ang mukha ni Dion na takot na takot habang nakatingin sa itaas.
"Wanda, huwag kang gagalaw," saysay niya. Sinubukan niyang abutin ang kamay ko para pigilan ako.
Tumingala ako at napaupo ako sa gulat nang makita ang berdeng halaman na nakabuka sa ibabaw ko at parang lalamunin ako ng buo.
"Dion!" Malakas kong sigaw habang nangangapa sa lupa para makalayo.
Nakita kong nag-umpisa na ring gumalaw ang apat pang natitirang halaman. Dahan-dahan ang mga itong bumuka na para bang handang lumamon ng tao.
"Ahhhhhhhh! Dion, tulongggg!" Sigaw ko nang sakmalin ako ng halaman.
Nakagat nito ng buo ang bag ko kaya napasama ako ng itaas niya ito. Hindi ako makaalis dahil mahigpit na nakalock ang bag ko sa katawan ko. Kahit anong paggalaw ang gagawin ko ay hindi parin ito matanggal.
"Wanda! Tanggalin mo ang bag mo!" Sigaw niya sa akin habang takot na nakatayo sa gilid.
Agad kong kinapkap ang mga lock ng bag ko ngunit hindi ito natatanggal.
"Ayaw matanggal! Dion tulong!" Mangiyak-ngiyak kong sigaw.
Sinubukan niyang humakbang papalapit ngunit agad rin siyang napaatras nang sakmalin ulit siya ng isa pang halaman. Mabuti na lamang at hindi siya inabutan nito.
"Wanda, huwag kang mag-alala ililigtas kita."
Ilang metro ang layo ko mula sa lupa. Nang sakmalin kasi ng halaman ang bag ko ay kaagad pumaitaas ang kanyang parang bunganga.
Inilapag ni Dion ang kanyang dalang bag at mabilis na hinalungkat ang laman nito. Inilabas niya mula sa kanyang bag ang ilang dilatang pagkain.
"Anong gagawin mo?"
"Tumitikom sila kapag may pumapasok na bagay sa bibig nila," saysay niya.
Tama, kailangan lamang pasukan ng bagay ang mga bibig nila para tumikom sila pero paano niya iyon gagawin?
"Mag-iingat ka." Pagpapa-alala ko sa kanya habang patuloy pa rin sa paggalaw, hindi dahil nag-aalala ako kundi dahil kapag nakain siya malamang katapusan ko na rin.
Inihagis niya ang unang lata ng pagkain sa unang halaman ngunit hindi ito pumasok.
"Alam mo Wanda, hindi talaga ako magaling sa ganito," seryoso ngunit may halong pagkahiya sa kanyang boses.
Halata naman e! Ang laki ng bunganga ng halaman tapos hindi pumasok?
Bulong ko.
"Ipagpatuloy mo lang."
Inihagis niya ang ikalawang lata at sa wakas ay pumasok ito. Kaagad tumikom ang isang halaman pagkatapos ay tumayo ito kagaya ng nangyari sa halamang lumamon sa bag ko.
Dinampot ni Dion ang isa pang lata ng pagkain at gumawa ng ilang hakbang papalapit sa ikalawang halaman.
Nakatikom na ang unang halaman kaya pwede na siyang lumapit dito.
Inihagis niya ang bitbit na lata at napangiti ako sa tuwa nang makitang pumasok ito. Sa ikalawang pagkakataon ay tumikom na naman ulit ang isa pang halaman.
"Dalawa na lang ang natitira," Masaya kong wika.
Inulit ni Dion ang paraang kanyang ginawa kanina at makalipas ang ilang minuto ay nagtagumpay rin ito. Tuluyan ng tumikom ang dalawang natitirang halaman. Napasigaw si Dion sa tuwa habang ako naman ay napangiti dahil sa saya.
"Ihahagis ko sayo ang kutsilyo at kailangan mo itong saluhin para putulin ang lock ng bag mo," masigla niyang saysay.
Nakangiti akong tumango. Iyon lang ang tanging paraan para makaalis ako dito.
Binalikan ni Dion ang kanyang bag upang maghanap ng kutsilyo at nang makahanap ay binalot niya ang matulis na bahagi nito ng panyo para hindi ako masugatan kapag sasaluhin ko na ito.
Habang binabalot niya ang kutsilyo ay bigla na lang gumalaw ang halamang kinaroroonan ko at tumingala ito. Pinaharap ng halaman ang kanyang bunganga sa itaas dahilan upang mapaitaas rin ako.
"Dion bilisan mo! Kapag bubuka ulit ang halamang ito tuluyan na akong mahuhulog sa loob!" takot na takot kong sigaw.
Tumakbo si Dion papalapit sa halaman na kinaroroonan ko at nagsimulang maghanda upang ihagis ang kutsilyo.
"Ihahagis ko na," senyas niya. Inihanda ko ang aking sarili upang sumalo ngunit nang ihagis niya ito ay hindi ito umabot sa akin.
Pinulot niyang muli ang kutsilyo at inihagis muli ngunit sa ikalawang pagkakataon ay hindi ulit ito umabot.
Inihagis niya ito sa pangatlong beses at kasabay ng paghagis niya ay sya rin ang paggalaw ng halaman kaya hindi ko ito nasalo. Dumiretso ang kutsilyo sa likurang bahagi ng halaman at sumabit sa mga ugat ng puno na nakabitim.
Napaluhod si Dion matapos makita ang nangyari samantala'ng ako naman ay napaiyak na lang. Bigla akong nawalan ng pag-asa. Sigurado akong isa lang ang dala niyang kutsilyo.
Naramdaman ko mahinang pagbuka ng halaman at kasabay ng pagbuka nito ay dahan-dahan ring pumapasok ang kabuuan ng bag ko. Para akong hinihila papasok.
"Dion! Dion, lalamunin na niya ako!" Wika ko habang humahagulgol ng iyak.
"Huwag kang mag-alala tutulungan kita!" Tumayo siyang muli.
Tumingin-tingin siya sa paligid upang maghanap ng pwedeng makatulong habang ako ay dahan-dahan ng nilalamon nang buo ng halaman.
Pumasok na sa loob ng halaman ang dalawang paa ko at ramdam na ramdam na ng mga paa ko ang mamasa-masa at malagkit na loob nito.
"Dion!"
Tanging huli kong nasabi bago tuluyang lamunin ng halaman.
Hindi ako makahinga.
Napapalibutan ako ng malagkit na kung ano.
________
"Mainit. Ang sarap sa pakiramdam."
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nagkata ako nang makita ang makikintab na mga bato sa gilid.
"Nasa kuweba pa ako?" nagtataka kong bulong.
Dali-dali akong bumangon at pinagmasdan ang paligid.
May mahinang apoy na lumiliyab hindi kalayuan mula sa kinahihigaan ko at ito ang nagsisilbing liwanag sa parte ng kuwebang ito.
Nasa kuweba pa ako pero paano ako nakaligtas sa halaman na iyon? Teka! Si Dion!
Inilibot ko ang tingin sa paligid at nakahinga ako ng maluwag nang makita si Dion na nakahiga at natutulog sa kaliwang bahagi ko.
"Dion," pagtawag ko rito.
Gumalaw siya at kaagad ring minulat ang mga mata.
"Gising kana pala. Kamusta ka?" tanong niya sa akin.
Nginitian ko ito.
"Ikaw ba ang nagligtas sa akin? Salamat," seryoso kong wika.
Tumayo ito at may dinampot na kung ano sa kanyang bulsa.
"Gutom ka na? Eto, chocolate," sabay abot niya ng isang pirasong chocolate sa akin. "Pinasok ko ito sa bulsa ko kanina nang nasa sasakyan pa tayo. 'Yung pagkain kasi natin hindi ko nagawang dalhin kanina matapos kitang iligtas dahil nagsimula na ulit bumuka 'yung mga halaman," saysay niya.
"Pano ka?"
"Syempre, dalawa to." Nakangiti niyang sagot sabay kuha sa bulsa niya.
Tinaggap ko ang iniabot niyang chocolate at binuksan ito at kinain. Ganun rin ang ginawa niya.
"Paano mo ako iniligtas?"
"Naghanap ako ng kahoy para sungkitin 'yung nasabit na kutsilyo pagkatapos nun pinutol ko 'yung puno ng halaman. Inabutan rin ako ng ilang minuto bago ko tuluyang naputol 'yun," natatawa niyang saysay.
"Salamat. Kung hindi dahil sayo malamang patay na ako ngayon."
Hindi ito sumagot sa halip ay ngumiti lang at pagkatapos ay isinubo ang chocolate na hawak niya.
"Alam kong kakaibang halaman 'yun kanina pero hindi ko aakalaing kumakain 'yun ng tao," mangha niyang sabi.
"Ganun nga rin ako."
"Sa tingin ko hindi lang tao 'yung hindi makakapagkatiwalaan sa panahon ngayon. Kahit halaman nakakatakot na," pagbibiro niya.
Tumingin ako sa relo ko at nakita kong mag-aalas sais na ng gabi.
"Bukas na tayo magpapatuloy sa paglalakad. Matutulog na muna tayo ngayon."
Tumango siya pagkatapos ay sabay na kaming bumalik sa pagkakahiga.